Mga Pag-Ibig Ni ANNA KARENINA: Babaing Hiwalay Sa Asawa

Anna Karenina: Babaing Hiwalay Sa Asawa
Higit pa marahil sa panitikan, ang pelikula ay imahe, talinghaga, metonomiya o salaysaying biswal na maituturing na lunsaran ng mga alaalang nagmumula sa kasaysayan, karanasan, matatandang kuwento o kahit pa nga panaginip na itinutulak sa liwanag ng pagkakilala sa isang kawalan o kakulangang nais punan o ng isang uri ng dominasyon o manipulasyon na pinagsisikapang harapin. Sa pelikula ng kababaihan, may isa pang bukal na pinagmumulan ang malikhain  at mapuwersang pagbuhay sa imahinasyon at iyan ay ang pagnanais na masilayan ang isa o ilang alternatibong larawan at salaysay ng buhay ng babae. Tinutugunan ng Anna Karenina: Babaing Hiwalay Sa Asawa (AM Productions) ang pangangailangang iyan ng kababaihan, na mismong pangangailangan din ng pelikula sapagkat lagi nitong dapat na hangaring lampasan ang nakagawian, lalo na sa pagbubuo ng isang pananaw ng babae o sa pagkakatong ito, ng isang paraan ng pagtingin sa tradisyonal na lipunang kumikilala sa umiiral na mga puwang at guwang na uusbungan ng bagong paglikha. Nagsisimula ang Anna Karenina sa istasyon ng tren. Sa tagpuang ito mabubuo ang mga eksenang kakatawan sa pag-iibigan sa pagitan nina Anna (Amalia Fuentes) at Val (Vic Vargas). Hindi huwaran si Anna ng isang pangkaraniwang babae na ipinapalagay na normal ng lipunan, tapat sa asawang si Alex (Eddie Garcia), nagsisilbi sa anak na si Serge (Ariel Muhlach), at hindi nagpaparaya sa tawag ng seksuwalidad. Binabasag ni Anna ang salaming ito, hinahawan niya ang landas at tinuturol ang usapin ng iba't-ibang papel na ginagampanan ng babae sa isang  pagbuo na mararamdamang nagwawasak sa kanyang karakter na may asawa at anak na naghahangad sa pagtingin ng isa pa.

Sa Anna Karenina, lunan ng tunggalian ang mga usaping pangkababaihan kung saan sabayang lumulugar ang pagnanasa sa istabilidad at seguridad ng  pagpapalit sa kompigurasyong di-matatag ngunit may potensyal na magbigay-kapangyarihan.  Matatagpuan ang mga makabuluhang paghimay ng rekompigurasyong ito kung saan nakikibaka rin ang babae upang muling ayusin ang sarili nito at makatugon sa kontemporaryong kahingian. Sa halip na isang unidimensiyonal na larawan ng babae, binigyan ng maramihang posibilidad ng sinematikong pagsasadula ni Ishmael Bernal at dramatikong salaysay ni Wilfredo Nolledo ang istereotipong ito sa paglalakbay ng kababaihan tungo sa sariling pagkilala at katuparan. Sa sensitibong paglikha ni Amalia Fuentes, isang kontemporaryong representasyon si Anna Karenina ng isang karaniwang paggiit sa awtonomiya ng babae. Umaasam na katawan ang kanyang katawan ngunit hindi ito teritoryong gagawan ng mapa at sasakupin. Habang kinikilala siya bilang sabjek na sinex, hindi siya isang seks objek dahil aktibong naghahanap ang kanyang katawan ng sariling katuparan sa pamamagitan ng isang proseso kung saan maaring makibahagi ang mga lalaki. Hinamon din niya ang tradisyonal na ideya ng pagiging ina. Ginagawan niya ang sarili at iba pang babaeng tulad niya ng isang sariling silid, kung saan makakahanap sila ng solitaryo at kolektibong kanlungan kung saan iniuugnay ang mga pribadong hapdi sa malawak na ispektrum ng relasyon niya kay Val habang patuloy na nakikipag-ugnayan sa kanyang mag-ama. Gumagalaw ang pelikula bilang isang argumento na sadyang maraming detalyeng isinasagkot at maraming pasaring na hinihinga bilang sama ng loob na nakaugat sa imahe ng paglisan, pangungulila at lumbay ng pagkawalay at paghihiwalay.

Direksiyon: Ishmael Bernal
Dulang Pampelikula: Wilfredo D. Nolledo
Sinematograpiya: Arnold Alvaro At Higino Fallorina
Musika: Totoy Nuke
Editing: Gervacio Santos
Produksiyon: AM Productions
Release Date: November 12, 1976