I CAN'T STOP LOVING YOU... Awit Ng Buhay At Pag-Ibig

I Can't Stop Loving You
Magbubukas ang pelikulang I Can't Stop Loving You (Regal Films) sa eksenang kumakanta sina Amy at Renan (Nora Aunor at Tirso Cruz III) sa isang timpalak awitan kung saan sila ang itinanghal na mga kampeon. Kukumbinsihin sila ng talent manager na si Chris Villena (Rowell Santiago) na makipagsapalaran sa siyudad. Labag sa loob ni Renan ang kagustuhan ni Amy na magtungo sa siyudad ngunit sa pagpupursigi ng inang si Diding (Liza Lorena), nagtungo pa-Maynila si Amy at pansamantalang  nanirahan sa kanilang kamag-anak. Sa bahay ng kanyang Tiya Carling (Marissa Delgado) mahihiwatigan ang tensiyon dahil sa nais rin nitong maging isang sikat na mang-aawit sa telebisyon ang anak na si Cynthia (Jackie Lou Blanco). Labis na maapektuhan si Amy sa panlalait ng kanyang tiyahin subalit magpupursigi pa rin itong maisakatuparan ang malaong pinapangarap. Nang minsang hindi sumipot si Vina Salcedo (Lani Mercado) sa palatuntunang pantelebisyon kung saan siya ang panauhing mang-aawit, dumating ang pagkakataong inaasam ni Amy. Pinanood at hinangaan ang kanyang angking husay sa pag-awit. Sa tulong ni Chris, naging isang ganap na  bituin sa telebisyon si Amy Mercado ngunit kaalinsabay ng kanyang  pagbulusok ay siya namang panghihina ng loob si Renan. Habang inilalapit ni Amy ang sarili kay Renan, pilit naman silang pinaglalayo ng mga taong nakapaligid sa kanila. Dinamdam ito ng husto ni Amy hanggang sa mapabayaan niya ang kanyang pag-awit. Maapektuhan si Amy sa paglaganap ng balitang wala na ang dating kinang ng kanyang bituin.  Isang gabi ay makakadaupang-palad niya si  Jeff Carbonell (Miguel Rodriguez) at aalukin siya nitong  gumawa ng pelikula. Magkakasunud-sunod ang dagok sa buhay ni Amy ngunit sa kanyang pagbagsak ay muli itong babangon. Iaanunsiyo ang pagbabalik ni Amy Mercado sa pamamagitan ng isang malaking concert. Matatapos ang pelikula sa imahe nina Amy at Renan na kumakanta.

Isang halimbawa ng mahusay na melodrama ang I Can't Stop Loving You, namumuhunan ito sa ideya na ang masasaksihan ng mga manonood ay ang lakas ng  tambalan nina Nora Aunor at Tirso Cruz III. Ngunit ang sentro ng aksiyon ay umiinog kay Amy. Si Nora Aunor bilang Amy Mercado ay hindi lamang mahusay na gumanap sa buhay ni Amy kundi naging isa ring makapangyarihang talinghaga na nakapagpalusog sa teksto ng pelikula. Nangingibabaw ang pagganap ni Nora dahil matalino niyang naisadula ang malungkot na larawan ng babaeng nilunod ng sariling pangarap. Ngunit higit pa marahil dito, sumisigla pang lalo ang kanyang pagganap kapag binasa ang buhay ni Amy kaalinsabay ng buhay ni Nora. Ang karanasan ng artistang si Nora ay bukas sa maraming Pilipino kaya nakapagpapahiwatig ito ng interteskstuwal na kaban ng kahulugan na lalong nagpapaigting sa karanasan ni Amy sa pelikula. Si Nora ay si Amy na biktima rin ng industriya at ng buhay. Ngunit si Amy ay si Nora rin, sa pagkalugmok ay bumabangon upang muling itanghal na idolo ng kanyang sining. Hindi lamang ang kumbensiyon ng melodrama na ginamit sa pelikula ang kinasangkapan upang isalarawan ang buhay ni Amy na inorganisa ng sining at teknolohiya ng pelikula. Tututok ang kamera sa mga mata ni Amy habang madamdaming inaawit ang Kahit Na. Paglalaruan din ang ilaw upang itampok ang pag-akyat ni Amy sa rurok ng tagumpay. Sa kabuuan, inaangkin ng I Can't Stop Loving You ang kapangyarihan nitong lumikha ng sariling bersiyon ng mala-komiks na materyal mula sa masalimuot na materyal ng reyalidad. Sa ganitong proseso, nailalantad ang isang piraso ng reyalidad upang mapanood, masuri at mabigyang-kahulugan.

Direksiyon: Elwood Perez
Dulang Pampelikula: Jose Javier Reyes At Francisco Leo Lopez
Sinematograpiya: Ricardo Jacinto
Musika: Willy Cruz
Editing: George Jarlego
Disenyo: Raymond Bajarias
Produksiyon: Regal Films
Release Date: December 25, 1985

Inilathala sa maikling aklat na Si Elwood, Pelikula, Atbp.

MALIKOT... Mapaglarong Haliparot

Malikot
Isinasalaysay ng Malikot (Cinex Films, Inc) ang karanasan ni Evelyn Villaestrella (Alma Moreno), isang interior decorator na dumanas ng malaking iskandalo sa mismong araw ng kanyang kasal. Dala ng labis na kahihiyan, ginusto ni Evelyn na makipaglaro na lamang sa bawat lalaking mahuhumaling sa angkin niyang kagandahan. Makikilala niya si Raffy Almonte (Vic Silayan), isang mayamang negosyanteng kumuha ng kanyang serbisyo upang ayusin ang tinutuluyang condominium unit. Ngunit hindi dito nagwawakas ang pagsasalarawan ng kanyang pakikipaglaro. Kasangkot din ang kanyang nobyong potograpong si Zen Jamir (Christopher de Leon) at Benjo (Jay Ilagan), ang kaisa-isang anak ni Raffy. Sa mas malawak na pagtingin, biktima ni Evelyn ang mga lalaking kanyang pinaglalaruan. Sa simula, tila hindi siya makakabangon sa kahihiyang dulot ng pagkakaudlot ng kanyang kasal, ngunit kailangang harapin niya ang kanyang suliranin habang pinipilit baguhin ang mababang pagtingin ng lipunan sa kanya. Simple ang daloy ng pelikula subalit tahas at malinaw nitong natatalakay ang mga problema sa pamamagitan ng malikhaing paggamit ng mga kumbersasyon at sitwasyon sa pang-araw-araw na buhay ng mga tauhan. Subalit natatangi ang pelikula dahil sa matagumpay nitong pagtatangkang ilahad ang proseso tungo sa paglaya ng babae. Mula sa paglimi sa kanyang sinapit, tandisang ginamit ng babae ang kanyang mga mangingibig sa yugto pa namang nagkaroon ang mga ito ng paninilay-nilay.

Maituturing na paghulagpos ang Malikot sa pinairal na patakaran hinggil sa pagpapakita ng katawan ng babae. Sinematiko ang rendisyon ng pelikula sa mga tauhan. Ibig sabihin, mababanaag lamang ang hubog at maseselang bahagi ng katawan bukod pa sa mahusay na pagtiyap ng iba pang elemento ng pelikula, istoryang may kabuluhan at may pag-unawa sa mga karakter na binubuhay. Kailangang tandaang malinaw na sumakay ang Malikot sa mga kahingian ng panahon, isang pelikulang pansamantalang umaliw sa mga manonood na nagtatampok sa katawan ng babae bilang sentral na panghatak ng pelikula. Alalahanin ring panahon ito ng umiigting na pagpatay ng diktaduryang Marcos sa katawan at isip ng mga mamamayang humuhulagpos sa paniniil sa mga karapatang pantao. Nagbago ang antas ng ipinapalagay na boldness ng Malikot depende sa pagpapakita ng katawan ng tao relatibo sa anggulo ng kamera at sa umiiral na pamantayang moral ng lipunan. Ang anyo ng sineng erotiko ay bunga hindi ng makitid na klasipikasyon ng sine kundi higit ng negosasyong kultural hinggil  sa mga sistema ng mga pagpapahalaga at pagpapakahulugan sa lipunan. Dumadaloy ang negosasyong ito sa iba't-ibang institusyong panlipunan na nagbibigay ng hatol sa kung ano ang mga dapat tanggapin o pairaling pamantayan ng buhay-Pilipino. Nakadikit din sa pelikula ang isyu ng erotisismo sa larangan ng pag-iimahe sa babae bilang talipandas, haliparot o mang-aagaw ng kasintahang mahusay na inilulugar ang karakter sa busisi o lente ng panlipunang kontekstuwalisasyon  bilang sex objek.

Direksiyon: Eddie Rodriguez
Dulang Pampelikula: Iskho Lopez At Eddie Rodriguez
Sinematograpiya: Ricardo Remias
Musika: I.S. Verdin
Editing: Joe Mendoza
Disenyo: Iskho Lopez
Produksiyon: Cinex Films, Inc.
Release Date: July 9, 1982

Ang Sumpa Kay VALENTINA... Reyna Ng Mga Ahas

Valentina
Sa sineng Pilipino, pangkaraniwang pinaghahalawan ng sineng pantasya ang mga kuwentong komiks tulad ng serye ng pelikulang Valentina (LEA Productions, Inc.). Hindi maipagkakailang malaki na ang inunlad ng sineng pantasya kung ang pag-uusapan ay ang special effects na ginagamit sa mga pelikula. Bubungad ang panimulang eksena sa pag-iisang dibdib nina Dolfo (Luis Gonzales) at Siony (Marita Zobel). Sa puntong ito, ipakikilala ang karakter ni Perla (Dexter Doria) na humihingi ng tulong kay Apo Dalem (Odette Khan) dala ng pagkagupo ng kanyang pag-ibig  kay Dolfo. Makaraan ang sampung buwan, naisakatuparan ang kanyang paghihiganti nang isilang ni Siony ang isang sanggol na babaeng may ahas sa ulo. Upang mailayo ang kanilang anak sa pag-uusyoso ng mga taga-baryo, napilitan ang mag-asawang manirahan sa gubat. Nang maging ganap na dalaga si Valentina (Melissa Perez Rubio), mailap ito sa mga taong kanyang nakakasalamuha, tanging ang alagang ahas ang madalas niyang kausap at kasama. Nagsumidhi lamang ang pagnanasa ng dalagang ipaghiganti ang malagim na pagpaslang ng kanyang ama sa kamay ng mapanghusgang taumbayan. Sa tuwing makakaranas ng lupit at karahasan si Valentina, nagpupuyos ang galit sa dibdib nito hanggang magmistulang bato ang anyo ng sinumang masilayan ng kanyang makapangyarihang mga mata. Di naglaon, nagtagpo ang kanilang landas ng manunulat na si Ariel (Rey PJ Abellana), anak ni Perla na pansamantalang nagbabakasyon sa lalawigan. Labis ang pangamba ni Siony sa maaring kahinatnan ng pag-iibigan ng dalawa kaya't nanikluhod ito kay Perla upang tulungang mawala ang sumpang ipinataw sa kanyang anak. Ngunit tanging kamatayan lamang ni Valentina ang maaring magpawalang-bisa sa sumpa.

Kapansin-pansin pa rin na manipis at wala halos pag-unlad sa naratibo ang ganitong anyo ng sineng Pilipino. May reserbasyon ako sa paghahati ng anyong pantasya batay sa materyal na pinagmulan nito. Hindi sapat na parametro ang materyal upang makapagbigay-katangian sa anyo ng pantasya. Totoong malaki ang impluwensiya ng pinaghalawang materyal sa kalalabasang anyo ng pelikula subalit tulad ng tinuran, maging ang Valentina ay kumbinasyon ng iba't-ibang anyo. Anuman ang pinaghalawang materyal, drama ang pangunahing langkap ng pelikula. Namumukod-tangi pa rin na ang pangunahing laman at intensiyon ay ang pagbibigay-tuon sa imahinatibong pagkakatha sa tauhan ni Valentina. Sa paglalapat ng feministang pananaw, nagbago ang pananaw sa representasyon ng babae dahil sa intensiyon ng manlilikha. Kung tutuusin, maaring basahin si Valentina bilang konstruksiyon ng nasa't pagkabagabag ni Ariel. Kung gayon ang representasyon ng babae sa pelikula ay mas tungkol pa rin sa konstruksiyon ng babae sa pananaw ng lalaki at ang pananaw na ito ay mas laman ang pangamba ng lalaki kaysa pagnanasa ng babae. Ang pangunahing puntong nais kong sabihin ay hindi sapat ang pormalistikong katangian ng sine upang maikahon ang anyo ng sine. Kung ginagamit man ang anyo upang tumukoy sa pormalistikong katangian nito, ito ay upang pansamantalang ikahon sa mga buhaghag na kategorya ang sinusuring sine. Hindi dapat kaligtaan ang usapin ng kapangyarihan sa pagbuo ng genre o anyo. Ang pagkaligta sa ugnayan ng genre at usaping pangkapangyarihan ay pagkaligta rin sa iba pag posibilidad ng pag-unawa sa lipunan. Isang magandang katanungang maaring harapin sa panunuri ay kung ano ang relasyon ng tao sa kapuwa tao at sa relasyon ng tao sa iba pang nilalang. Mahalagang maunawaan ang relasyong ito dahil sa ganitong ugnayan hinuhubog ang operasyon ng pantasya. Kabilang sa relasyong ito ay tendensiya ng sineng  paigtingin ang hati ng lungsod at nayon, ng kabataan at katandaan. Sa Valentina, kapansin-pansin ang pagbibigay tuon sa lalaking nagbabakasyon sa probinsiya upang sinasadya o di-sinasadyang makadaupang-palad ang mahiwagang babae. Sa pelikulang ito ang kababalaghan ay idinidikit sa liblib na lugar at ang lugar na ito ay lunan ng pantasya.

Direksiyon: Santiago Garcia
Dulang Pampelikula: Zoila
Hango Sa Nobela Ni Zoila Mula Sa Espesyal Komiks
Sinematograpiya: Charlie Peralta
Musika: Boy Alcaide
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Dante Mendoza
Produksiyon: LEA Productions, Inc.
Release Date: April 12, 1989