HOT PROPERTY... Nag-Aalab, Nag-Liliyab, Nag-Iinit

Hot Property
Sa maniwala kayo't hindi ay may pelikulang matatawag na de-kalibre ang industriya sa taunang pista ng pelikulang Pilipino. Ang tinutukoy ko ay ang Hot Property (Golden Dragon Films). Ang iskrip ng pelikula ay sinulat ng isa sa matitinong manunulat sa industriya si Jose Carreon. Sa pagbubukas pa lamang ng pelikula ay establisado nang lahat ang mga bagay-bagay tungkol sa ating tauhang si Chona (Carmi Martin), isang mananayaw sa klab at nagdedeliber ng mga kontrabando para sa isang pangkat ng sindikatong pinamumunuan ni Mr. Montes (Vic Diaz) at ng kanang kamay nitong si Quiel (Dennis Roldan). Pangingikil naman ang ikinabubuhay ni Paolo (Phillip Salvador), anak ng pulis na si Tatang (Tony Santos, Sr.). Madalas ipagpilitan ng anak na iwan ng ama ang pulisya upang libre niyang ipagpatuloy ang samu't-saring raket sa kanilang teritoryo. Maliban kay Quiel interesado rin kay Chona, si Paolo. Sa katunayan, sa isang tagpo, nang malasing at makatulog si Paolo sa apartment ni Chona nagising siya sa ingay ng pakikipaglampungan nito kay Quiel sa kama. Sandaling pinakinggan ang dalawa dahil alam niyang hindi siya makakahirit kay Chona. Lingid kay Quiel, nahulog ang loob ni Chona kay Paolo. Higit na nag-igting ang pagnanasa nilang makawala sa sindikato. Melodramatiko ang dulo, noong magkita sina Quiel at Paolo. Napawi ang mga reyalistikong damdamin ng galit, paghihiganti at pagpatay. Sa tagpong ito mismo bumagsak at nabaril si Chona.

Mahusay ang estruktura ng pelikula mula sa pagpapakilala ng mga tauhan hanggang sa paggamit ng diyalogong angkop at malaman. Marami ring imahe ang nagpapayaman sa materyal tulad ng mga eksena sa klab at ang paglilibot ng mga tauhan sa madilim at masukal na paligid ng kalakhang Maynila.  Nagpapahiwatig ito ng walang katiyakang buhay. Subalit may ilang mga puna akong kakalkalin. Una na rito ay kung paano nababalanse ni Chona ang kanyang puso't lukbutan nang halos walang komplikasyon. At siyempre kung paano rin nito madaling napagpapalit-palit ang kanyang pagkatao, mabait na kapatid kay Elvira (Rosanna Jover), bilang puta at palaban sa kama. Maaring madaling pagtugma-tugmain ang mga ito alinsunod sa iskrip pero kailangan may mas malalim na paliwanag sa pagkayod ni Chona para lamang makaipon at mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang pamilya. Kapuri-puri ang estilo ng direksiyon ni Lino Brocka na walang halong pagkukunwari at pabalat-bunga sa anggulo o pag-iilaw o kung anu-ano pa. Sa tulong ng kamera ni Conrado Baltazar, nakalikha ang direktor ng reyalistikong pamamaraan ng pagkukuwento. Maraming mga tagpong tinutuhog ang kuha sa halip ng pagpuputol at tuluy-tuloy ang eksena nang hindi rin napuputol ang usapan kahit nagpalipat-lipat na nag lugar. Sa maniwala rin kayo't hindi, mahusay din ang cast, magmula kay Salvador hanggang kay Roldan. Si Martin ay may ibubuga rin pero medyo naninibago pa ito sa pagtugon sa hinihingi ng kanyang papel. Hindi rin matatawaran si Santos at bagamat totoong nagsikap si Jover, hindi pa rin maitago ang angking kabataan ng aktres. Sa Hot Property ay nababakas ang pag-unlad ng nilalaman ng mga pelikulang Pilipino, sana nga'y tuluy-tuloy na ito.

Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Jose N. Carreon
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: Willie Yusi
Editing: Efren Jarlego
Disenyo: Joey Luna
Produksiyon: Golden Dragon Films
Release Date: December 25, 1983
Nag-Aapoy theme song from Hot Property performed by Lourna Pal

EXPLOITATION... Babaeng Biktima Ng Karahasan

Exploitation
Pasukdol ang pagsasalarawan ng pelikulang Exploitation (Regal Films, Inc.) sa karahasang dinaranas ng babae. Inilarawan dito ang malupit na karanasan ng isang dalagitang ginahasa. Nagsimula ang impiyerno sa buhay ni Estrella (Kristine Garcia) nang makita ito ni Joven (Albert Martinez) sa club ni Madam Lotus (Rosemarie Gil) at tulungang tumakas kasama ng pinsang si Angel (Dennis Roldan). Lulong sa ipinagbabawal na gamot, napatay ang inang si Carla (Charito Solis) bago siya ginahasa at iwang walang malay. Bagaman nakaririmarim, kung minsan pa nga'y nakasisindak, ang karahasang dinanas ng babae ay kasindahas din ang pagpataw ng mga panlipunang ekspektasyon at pagkakahon ng mga babae, paggamit sa babae bilang pampalubag ng pagnanasang sekswal. Labas na sa larangan ng pamilya, isinasangkot ang pagpapahalaga at institusyon sa pagtistis sa karahasang pangkasariang umiiral sa lipunan. Iniuugnay sa karahasang ito ang gawain ng humahawak ng kapangyarihan tulad halimbawa ng maimpluwensiyang si Regina (Gloria Romero) ang ina ni Joven. Gayon pa man, mapapansin sa daloy ng naratibo ang pagsasanib ng mga nasang pisikal, sekswal at pangkaisipan upang muling buuin ang pagkatao ng tao. Malik-balik si Estrella sa nayon at lungsod sa paghanap ng katarungan sa karahasang sinapit. Sa kanyang paglalakbay, ginagahasa hindi lamang ang kanyang pisikal na pagkababae kundi maging ang kanyang humanidad.

Pinapatingkad ng Exploitation ang temang ito sa pamamagitan ng isang sadya at magaspang na plastisidad, isang estratehiyang hindi lamang tumatanggi sa kintab at kinang kundi matagumpay ding nakalikha ng isang kapaligirang umaapaw sa iba't-ibang uri ng pagkalugmok at pagkakait, mula pagkalulong sa droga at alkoholismo hanggang karahasang domestiko at prostitusyon. Natatangi ang pelikula dahil sa matagumpay nitong pagtatangkang ilahad ang proseso tungo sa pagpapalaya ng babae. Tumitimo sa isip ng manonood ang kultura ng karahasan dahil sa masining na paglalangkap ng mga teknikal na elemento ng pelikula. Samantala, ginagagad ng disenyong biswal at sinematograpiya ang higit na malawak na espasyong iniinugan ng kultura ng karahasan. Pinanatili ng kamera sa mata ang fourth-wall at pinagtitibay ang punto-de-bistang nagbubuhat sa pananaw ng isang matang dumanas ng  karumal-dumal na krimen. Mapangumbinsi rin ang pagganap ni Kristine Garcia sa malungkot na pagsasalarawan, hindi lamang ng pisikal na panggagahasa, kundi maging sa pagsasamantalang dulot ng relasyong piyudal, ng makiling na sistema ng batas at ng kahirapan. Nagkaroon pa ng lalim ang kuwentong ito dahil sa masalimuot, mapangahas at makatotohanang pagtatampok sa sikolohiya ng biktima.

Direksiyon: Joey Gosiengfiao
Dulang Pampelikula: Toto Belano
Sinematorapiya: Ricardo Jacinto
Musika: Ernani Cuenco
Editing: Rogelio Salvador
Disenyo: Dez Bautista
Produksiyon: Regal Films, Inc.
Release Date: January 23, 1983