ARAW-ARAW GABI-GABI ... Sa Pagkatupad Ng Pag-Asa At Kaligayahan

Araw-Araw Gabi-Gabi-Gabi
Nagbubukas ang pelikulang Araw-Araw Gabi-Gabi (Lyra Ventures) sa paggalugad ni Selya (Charito Solis) sa nakikipag-away nitong kapatid na si Martin (Marlon Ramirez) sa makitid at maruming eskinita sa isang slum sa Maynila isang hapon. Tanggap niya itong routine sa buhay, alagaan ang inang si Angela (Anita Linda) at mga kapatid habang nasa pier ang amang si Roman (Tony Santos, Sr.) kasama ni Roberto (Dindo Fernando), ang kanyang kasintahan. Sa totoong buhay, kasumpa-sumpa ang sistematikong pagtalikod ng mga kapitalista sa kanilang responsibilidad sa lakas-paggawa. Sa isang banda, walang patutsada at walang direktang komentaryo ang pelikula sa opresyong ito. Hindi itinatanghal sa pelikula ang pangit na mukha ng sistema. Pero mabibigyang kahulugan pa rin itong pelikula bilang malumanay kundi man mahinahong pagbatikos sa pangkalahatang kondisyong panlipunan. Hindi mahirap na maisisi ang mga ikinubli at hindi inaaming internal na ligalig ng mga tauhan, kabilang ang pag-ibig na nakababansot sa kapaligirang ito. Sumasabog ang kabit-kabit na sintomas ng mga  trawmatikong emosyon at naitatanghal na dramatikong eksena. Tiim-bagang hinaharap ni Selya ang mga suliraning pampamilya kundi pati na rin ang usapin ng puso, kahit nililigalig siya ni Paula (Rosanna Ortiz), dating nobya ni Roberto. Minsan, ayos lang ito sa kanya. Pero may oras na nauubos din ang kanyang pasensiya. Nang malamang nais magpaiwan ni Belen (Marianne de la Riva) sa Maynila dahil sa batugan niyang nobyong si Edgar (Ernie Garcia), nagkandaiyak at napamura si Selya dahil sa kawalan nito ng respetong sundin ang desisyon ng pamilyang magbalik at mamuhay na lamang sa probinsiya. Nang mapilitang magkahiwalay ang magkakapatid, ipinaliwanag ni Selya kay Corazon (Gina Alajar) ang pansamantalang situwasyon na sila'y muling magkakasama-sama sa sandaling maisaayos ang lahat.

Nasa batayang ekonomiya ang pagkatupad ng pag-asa at kaligayahan. Bagamat histerikal ang rendisyon ng mga dramatikong eksenang puno ng mga komprontasyong may sigawan at sampalan, may ilang tensiyong sadyang pinipigil, na sa akto ng pagpigil ay lalong nagiging madamdamin ang tono ng eksena. Nagtagumpay man ang kontroladong damdamin, puno ng mabulaklak na salita ang lebel ng konstruksiyon ng diyalogo. Magaspang at walang tekstura ang diksiyong ibinigay ng manunulat sa mga binuong karakter. Labis ang pagkakasulat sa mga eksenang kailangang magbuhos ng emosyon ang mga tauhang hindi sumasang-ayon sa kabuuang kalidad ng sinematograpiya, musika at maging pag-arte. Sayang na sayang at hindi napangatawanan ng pelikula ang tema at diskurso ng naratibo. Mapapansin na pagkatapos maipundar ang milyu, hindi na alam ng direktor kung paano paandarin ang istorya. Humahantong ang resolusyon ng pelikula sa antas ng pantasya nang mapilitang magkasundo ang mga magkakatunggali lalo na nang matuklasan ni Paula ang sinapit ni Selya. Gayunpaman, ang konsesyong ito sa melodrama ay nagpapatampok sa potensiyal na kapangyarihan ng pagkakaisa ng kababaihan.

Direksiyon: Danilo Cabreira
Dulang Pampelikula: Orlando Nadres
Sinematograpiya: Loreto Isleta
Musika: Willy Cruz At Orly Ilacad
Editing: Rogelio Salvador
Produksiyon: Lyra Ventures
Release Date: September 21, 1975
Araw-Araw Gabi-Gabi theme song performed by Didith Reyes

Video 48: The First Metropolitan Film Festival

RISA JONES: SHOWGIRL! Artista Sa Lungsod Ng Pangarap

Risa Jones: Showgirl!
Mga babaeng nasa gitna ng nakasusulasok na ragasa ng buhay. Mga babae ng lipunang nagtitinda ng serbisyo. Ganito ang abuhing tapestri ng buhay lungsod ng mag-inang Bonita at Risa sa pelikulang Risa Jones: Showgirl! (Melros Productions). Binubuhay ni Bonita (Mona Liza) ang anak na si Risa (Rio Locsin) sa paglalabada. Tulad ng iba pang taga-looban, baon din sa pagkakautang ang mag-ina. Malaong pangarap ni Bonita na maging isang sikat na mang-aawit si Risa. Ngunit pag-aartista ang nais pasukin ng anak. Nang langawin sa takilya ang huling pelikula ni Vina Vergel (Veronica Jones), dumating ang pagkakataong pinakahihintay ni Risa, ang maging bida sa pelikula at itinaghal na pinakabago at pinakamainit sex symbol. Samantala, nalulong sa bisyo at nahumaling kay Lobo (Tonio Gutierrez) si Bonita. Tulad ng kanyang ina, nahaharap din si Risa sa mga pangako ng magandang bukas mula sa dalawang lalaki, si Elmo (Al Tantay), ang kasintahan sa looban at Rigor (Phillip Salvador) isang artista sa pelikula. Kay Elmo niya unang naibigay ang kanyang sarili ngunit kay Rigor siya sumama nang lumayas sa poder ng kanyang ina. Klasikal na buhay ng mga isang kahig, isang tuka ang inilalarawan ng pelikula. Anumang pagsisikap ng mga taong mabuhay ng marangal ay sinisiil ng mapanglimitang lipunan. Narito rin ang pagsasalarawan ng mga babaeng nakatali ang pangarap at kinabukasan sa lalaking kinakasama. Matamis na dila at pangako ng mahusay na buhay ang bitag ni Rigor kay Risa at wagas na pag-ibig naman ang alay ni Elmo.

Ang pagsasalarawan ng pangangailangang sekswal nina Bonita at Risa ay nakapagbago sa karaniwang pagsasalarawan sa mga babaeng bida bilang mga donselya na hindi dinadapuan ng libog sa katawan. Dito'y hindi na sentral na usapin ang pagiging birhen sa relasyon ng lalaki't babae kundi ang usapin ng pagpapaubaya dahil sa pag-ibig o pagnanasa. Isinalarawan din sa pelikula ang pagsisikap ng babae na maninidigan at mabuhay sa sariling lakas.  Ipinakita kung paaanong mabubuhay nang sarili ang mga babae nang hindi umaasa sa kalaguyo o kasintahan, nagsisikap magtrabaho o magpalano ng sariling buhay ayon sa sariling pangarap. Sa pelikula, ang pag-aartista ay isang hanapbuhay na maaring pasukin at lisanin, may kabutihan at kasamaan, tulad ng iba pang uri ng hanapbuhay. Ang pag-aartista ay isang desisyong pinasok ni Risa nang kusang loob nang hindi na nito matiis ang kanilang kahirapan, kusang loob ding nilisan nang alukin siyang magsama sila ni Elmo at kusang loob na binalikan upang maipagamot ang ina. Nahuli ng pelikula ang tulak at kabig ng pagsisikap ng mga taga-lungsod. Mabilis ang daloy ng pelikula. Mabilis ang editing ng mga eksena, mabilis ang mga diyalogo , mabilis ang mga pangyayari tulad ng karaniwang buhay lungsod. Minsa'y may mabagal na eksena kapag nagsasanib ang pangarap at katotohanan, tulad ng sa unang pagtatalik nina Risa at Elmo. May mga anggulong nagpapatingkad sa lawak ng lungsod at liit ng mga tauhang nagsisikap nagsisikap mabuhay sa loob nito. Mahusay ang timpla sa pagganap ng mga batikang artista sa pelikula. Walang nagingibabaw, walang sumasapaw, lahat ay nagbibigay upang tumingkad ang dapat sabihin sa eksena. Nag-iwan ng klasikal ng larawan ng mga babae sa lungsod ang Risa Jones Showgirl!, mga babaeng pinasariwa ng mga payak at malapot na pangarap.

Direksiyon: Cloyd Robinson
Dulang Pampelikula: Cloyd Robinson At Ruben Arthur Nicdao
Sinematograpiya: Rudy Dino
Musika: James Villafuerte
Editing: Rogelio Salvador
Disenyo: Ruben Arthur Nicdao
Produksiyon: Melros Productions
Release Date: August 3, 1979