 |
| The Learning |
Ang
The Learning (CineDiaz, Inc.) ni Ramona Diaz ay isang dokumentaryo tungkol sa buhay nina Angel, Rhea, Grace at Dorotea, apat na gurong napiling magturo sa isang pampublikong paaralan
sa
Baltimore, Maryland. Sa pelikula, makikita natin ang kaibuturan ng buhay ng mga babaeng ito. Halata ang kanilang tiwala kay Diaz, kitang-kita ito sa napakalapit at napakalalim na pagpasok ni Diaz halimbawa, sa buhay ni Dorotea at ng kanyang pamilya sa
Bogo City. Sinuklian naman ito ng respeto ni Diaz, hinayaan niyang magkuwento at magsalita si Dorotea at ang kanyang pamilya nang walang bahid na paghuhusga mula sa kamera at sa direktor. Hindi din hinayaan ni Diaz na magmistulang spektakulo ang kani-kanilang mga eksena sa loob ng silid-aralan. Makikita natin sa
The Learning ang mapanuri ngunit sensitibong paggamit ni Diaz ng sining ng sine upang ipakita ang buhay ng mga babaeng guro habang isinisiwalat ang iba't-ibang isyu at problemang kaakibat ng pamumuhay sa ibang bansa. Bumabalot ang tema ng pagbabago sa pelikulang
The Learning. Malaking pagbabago na tila rebolusyon, sa personal na lebel ay makikita sa buhay ni Angel. Sa pagpapalit ng eksena mula sa buhay ni Angel sa Maynila hanggang sa pagtuturo nito sa
Baltimore, epektibong ipinakita ni Diaz ang kapangyarihan ng pagbabagong buhay. Araw-araw, makikita ang paggawa ni Angel ng
lesson plan upang mapaghandaan ng husto ang bagong hamong kakaharapin. Balot sa kahirapan ang pamilya ni Angel na pilit niyang binubuhay sa pagtatrabaho bilang guro. Si Angel ay mistulang
anghel sa kanyang mga kaanak.
Mamamalas ang pinatalas na teknikal na kakayahan ni Diaz sa pagiging pulido ng
The Learning sa aspeto ng sinematograpiya at disenyong biswal. Malinaw na naglatag ang pelikula ng may ilan ring antas ng pagbibigay-kahulugan, kaya't naangkop na ihain ang
The Learning bilang tekstong makakasangkapan sa pagsasanay sa pagbabasa mula sa iba't-ibang kaparaanan ng pagbibigay hugis sa kaalaman at pagtatagni-tagni ng konteksto. Masasabi namang naiiba ang tabas ng obrang ito sa naunang likha ni Diaz, ang
Imelda (2003)
. Isa sa malaking ambag ng pagkakalikha ng
The Learning ang epektibong paggamit nito ng partikular na kakaniyahan at angking ekonomiya ng dokumentaryo bilang natatanging porma ng sining. Napatanyag sa pelikula ang kaangkupan ng pormang ito sa pagdadalumat sa posibilidad ng masinop na pagkukuwento sa maimis na pagkakatahi ng salita at imahe. Idinidikta ng porma na maihatid ang punto ng manlilikha sa pinakamasinop at makasining na paraan.
Panulat At Direksiyon: Ramona S. Diaz
Sinematograpiya: Gretchen Hildebran, Gabriel Goodenough At Miguel V. Fabie III
Musika: Graham Reynolds
Editing: Leah Marino
Produksiyon: CineDiaz, Inc.
Release Date: September 20, 2011
Mapapanood ang The Learning sa pbs.org hanggang ika-20 ng Oktubre
7:59 AM
Hi Jojo,
Looks interesting and I really like her Imelda. Tried to watch it on PBS but it seems like it's only available in the US.
Regards,
RSE
10:41 AM
The Learning is a very interesting documentary indeed, Ron. Unfortunately it's only available for streaming here in the US...