RUBIA SERVIOS... Representasyon Ng Babae Sa Puting Tabing

Rubia Servios
Isa ang Rubia Servios (Sampaguita Pictures, Inc.) sa mga pelikulang humihingi ng pag-unawa sapagkat kahit ang tunay na buhay o katawang pinaghugutan ng iskrip nito ay isang tuwirang pagtalakay sa representasyon ng babae sa puting tabing. Ang pagsasalarawan ng seksuwalidad ng babae at ang pagtutok sa sinapit ng kanyang katawan ay nasasangkot din sa paghabi ng naratibong nagsisiwalat sa marawal na kalagayan ng bayan. Ano pa nga't imahe ng babae, si Rubia (Vilma Santos) ang unang bubungad sa pagsisimula ng pelikula. Naroon din si Norman (Mat Ranillo III), ang katipang kasamang nag-aaral ng medicina. Masugid na manliligaw ni Rubia ang anak-mayamang si Willy (Phillip Salvador). Dala ng labis na kapusukan, dinukot ni Willy si Rubia, dinala sa isang beach resort sa Cavite at dinaan sa puwersa. Inalok niya ng kasal ang dalaga, sa halip ay pinagbantaan siyang idedemanda ito sa salang panggagahasa. Sa tulong ni Norman, nagsampa ng kaso si Rubia laban kay Willy hanggang sa mahatulan ito ng pagkabilianggo. Subalit hindi maalis sa isip ni Rubia ang mga nangyari lalo pa't dinadala niya ang bunga ng karahasan ni Willy. Sa kabila ng kanyang pinagdaanan, pinakasalan pa rin ito ni Norman. Lumipas ang anim na taon, nagbalik si Willy upang bulabugin ang tahimik na buhay-pamilya ni Rubia. Melodramatiko ang dulo ng pelikula noong sakay ng bangka sina Rubia at Willy. Nanumbalik ang mga reyalistikong tagpo ng panggagahasa at pambubugbog. Naihayag ang kuwadro ng tauhang babae, si Rubia, ang paghihiganti at pagpatay sa lalaking nagwasak ng kanyang pagkatao at pagkababae.

Mula sa isang real life legal story ang Rubia Servios, namumuhunan ito sa ideya na ang masasaksihan ng mga manonood sa iskrin ay hindi likhang-isip lamang kundi talagang nangyari sa tunay na buhay. Hinimok ni Lino Brocka sa kanyang pelikula na pagmasdan ang babae sa konteksto ng ating lipunan. Bakit ganito ang nangyayari sa kababaihan? Dahil tinatanggap nating maging ganoon ang kanilang kundisyon sa lipunan. Kung pagkakasala ang pabayaang maghari ang mayayamang may kapangyarihan, nararapat lamang na ituwid ang pagkakasalang ito. Sa mga nakakaalam ng mga pelikula ni Brocka, pamilyar ang paggamit sa estratehiya ng melodrama. Sa ganitong paraan, ang focus ay ang paghihirap na pinagdaraanan ng pangunahing tauhang babae at ito ang nakababagbag sa damdamin ng manonood. Ngunit sa pagpuntirya ng emosyon, hindi matamaan ang paglinaw sa tunay na isyu. Si Vilma Santos bilang Rubia Servios ay hindi lamang mahusay na gumanap sa buhay ni Rubia kundi naging isa ring makapangyarihang talinghaga na nakapagpalusog sa teksto ng pelikula. Sa kabuuan, inaangkin ng pelikulang Rubia Servios ang kapangyarihan nitong lumikha ng katotohanan mula sa masalimuot na materyal ng reyalidad. Sa ganitong proseso, nailalantad ang isang piraso ng reyalidad upang mapanood, masuri at mabigyang-kahulugan. Sa kabilang banda, hindi rin makakatakas ang pelikula sa mga diskursong kumakanlong sa mismong puinupuna at tinutuligsa nito.

Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Mario O'Hara
Hango Sa Unforgettable Legal Stories Ni : Aida Sevilla Mendoza
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: Freddie Aguilar
Editing: Jose Tarnate
Disenyo: Mel Chionglo
Produksiyon: Sampaguita Pictures, Inc.
Release Date: December 25, 1978

CARNIVAL QUEEN... Reyna Sa Dayuhang Espasyo

Carnival Queen
Ang pagdadala ng diskurso ng pelikulang Pilipino sa dayuhang lunan ang isa sa mga naging uso sa biswal na kultura ng mga Pilipino. Huling hati pa lamang ng 1960's at unang bahagi ng 1970's nagkaroon na ng ganitong takbo sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino. Natigil man ang ganitong kalakaran sa panahon ng batas militar dahilan sa paghihigpit sa pagbibiyahe sa labas ng bansa, nanumbalik muli ito noong unang hati ng dekada '80. Sa ganitong proyekto, hindi matatawaran ang kontribusyon ng mga pelikula ni Gil Portes. Magmula pa sa kanyang pelikulang Miss X (1980) hanggang sa 'Merika (1984), ganito ang nagiging proyekto ng kanyang mga pelikula. Naging mahalaga kung ganon ang filmograpiya ni Portes sa usapin ng representasyon ng dayuhang espasyo sa pelikulang Pilipino. Mapapansin ang pagsasalarawan ng espasyo ng migranteng Pilipino sa Carnival Queen (Amore Films, Inc.). Magulo, hindi maayos at  maraming tao sa Rio de Janeiro ngunit kinakailangan lalung-lalo na kung isyu ng pagpirmi sa dayuhang espasyo ang pinag-uusapan. Nandiyan din ang banggaan ng mga kultura sa mga migranteng Pilipino na hindi panturista ang dayuhang espasyo tulad ng naging payo ni Marcia (Martha Sevilla) kay Carlota (Alma Moreno) habang hinahanap ang naglayas nitong kapatid na si Billy (William Martinez). Upang mapahalagahan ang pagbabaklas ni Portes ng pagmamasid panturista na nabuo sa kamalayan ng mga manonood dala ng proyekto ng pagpapalago ng turismo sa lokal na ekonomiya, kailangang pansinin ang ginamit na sinematograpiya at mise-en-scene sa pelikula. Kinukunan ng kanyang kamera ang mga tanawin sa Rio na parang mga postcard. Panoramiko ang saklaw ng kamera, pinapaganda ang tanawin ng ilaw mula sa paapasikat o papalubog na araw. Ngunit hindi kahinaan para kay Portes ang pagkopya ng ganitong teknik. Kinasangkapan niya ito upang tuligsain ang pagmamasid panturista sa dayuhang espasyo. Gamitin man ang ganitong sinematograpiya sa pelikula, ang posisyon namang kinatatagpuan ng kanyang mga tauhan ay malayo sa magagandang tanawin sa kanilang likod.

Nakakalikha si Portes ng malalim na ironya kung saan nandoon ang mga tauhan ngunit hindi naman sila mga turista. Ganito rin ang kaso sa mga eksena ng paghahanap ni Carlota kay Billy. Namamasyal man na parang turista, may nakaambang suliranin pa rin ang kanyang mga tauhan. Kung kaya masasabing mapanlinlang ang pagiging melodramatiko ng lente ng pelikula ni Portes. Kung sasabihin na pang-masa ang anyo ng melodrama higit itong nagiging epektibo dahil hindi nito inaampat ang pagnanasa sa kamalayan ng masa. Sa halip na makisakay sa uso ng turismo sa produksiyon ng mga espasyo sa biswal na kultura, tinutuligsa niya ito. Kung kaya siguro pinalitan na rin ni Portes ang ganitong konklusyon sa pagtatapos ng kanyang pelikula. Walang balak umuwi si Billy sapagkat buhay  na rin daw siya sa Rio ayon sa nga sa eksenang mala-dokumentaryo sa pelikula. Hahanapin niya ang sarili niyang buhay doon. Kung kaya inalis na ni Portes ang dating pribilehiyong ibinigay niya sa dayuhang espasyo bilang sityo tungo sa panlipunang pagbabago. Binubuwag na din niya ang dikotomiya sa pisikal na lokal at dayuhang espasyo sa pamamagitan ng paglulugar nito sa loob ng tao. Pagpapasya ba ang nagiging ugat ng ugnayan ng tao sa dayuhang espasyo? Paunang inkursiyon lamang marahil ito ni Portes sa panibagong espasyong kanyang nilusong sa pagkakagawa ng Carnival Queen. Ang mahalaga'y nabubuwag niya ang pagmamasid panturista sa dayuhang espasyo nang ibinabalik din ang pagpapahalaga sa lokal na espasyo. Hindi na mahalaga kung saang pisikal na espasyo naroon ang mga tauhan dahil inilulugar na itoi sa inbidwal na tao.

Direksiyon: Gil M. Portes
Dulang Pampelikula: Ricky Lee
Sinematograpiya: Ely Cruz
Musika: Max Jocson
Editing: Edgardo "Boy" Vinarao
Produksiyon: Amore Films, Inc.
Release Date: July 9, 1981

NOW SHOWING... Ang Sining Ng Sineng Pilipino

Now Showing
Kung sisipatin at sasaliksikin ang mahahalagang yugto sa kasaysayan ng Pilipinas, mapag-aalaman na hindi hiwalay ang pakikisangkot ng sining ng pelikula sa pagbuo ng pagbabago. Sa kasalukuyan, mapapansing nakaukit sa pang-araw-araw na gawain ang panonood ng sine. Hindi maikakaila na sa estruktura ng pang-araw-araw na reyalidad, mahalagang aspeto ang sine. Sa Now Showing (Cinematografica Independiente En Filipinas / The Hubert Bals Fund), iginiit ni Raya Martin na ang kultura ng sine at ang kaakibat na praktika ng panonood ay nangungusap at nakikipagtalastasan hindi lamang sa mga piling sektor ng lipunan, kundi sa isang komunidad o isang kolektibo ng mga manonood ng sine. Ngunit hindi humahantong ang panonood ng sine sa pagtanggap lamang ng imahe at tunog sa pakikitungo natin sa pelikula, nakakabuo tayo ng mga kahulugang pinapanday ng interpretasyon. Bukod sa kakayahan nitong bumuo ng reyalidad at kumatha ng katotohanang pansining, ang Now Showing ay isang uri ng signipaksyong kung paano nagkaroon ng kapangyarihan ang pelikula na humabi ng mga pahiwatig at makabuluhang mensahe at kung paano tinatanggap ito ng mga manonood sa iba't-ibang larangan ng lipunan, kultura, kasaysayan at pulitika ng paglimi sa saysay ng sine. Ang mundo ni Rita ay hinahabi ng mga pangyayaring kinabibilangan ng ilaw, lambong, galaw at tunog sa kuwadrong nagsisilbing espasyo ng kaganapan at pagsasaanyo ng mga imahe sa konteksto ng kanyang kabataan hanggang pagdadalaga. Ang mundong ito ay binibigyang buhay ng mga pangyayari o salaysay ayon sa pagganap ng mga puwersa ng pelikula. Ang konsepto ng imahe ay hindi lamang ikinukulong sa proseso ng pagpapasigasig sa sentido ng mata. Ang imahe sa pelikula ay kinasasangkutan ng pagtingin at pagmalas sa iba't-ibang materyal na humuhubog sa pangitaing tinatanaw at hindi tinitingnan lamang. Ang imahe ay tumitinag sa damdamin sa dalawang aspeto ng epekto at apekto. Bilang epekto inaalintana natin na ito ay produksiyong teknolohoya ng sine at bilang apekto, malay at di-malay nating sinusuri kung paano nating tinatanggap ang epekto ng naturang teknolohiya. Sa ganitong lapat ng pagtasa sa imahe, natatanto nating ang pagdanas sa imahe ay umiinog sa diyalektika ng una, estruktura ng makina at ikalawa, haraya ng kumakatawan sa isang aktibong ahenteng nakikiramdam.

Ang pag-inog ng daigdig ng pelikula ay batay sa mekanismo ng paglinang sa salaysay at pagtatagni-tagni ng mga imahe para makabuo ng isang sistema ng makabuluhang reyalidad. Hindi kinakailangang umayon ang paggalaw ng sine sa paggalaw ng mundo sa labas. Ang galaw ng pelikula ay ginagabayan ng sariling lohika na bagaman sumasaliw sa sa pang-araw-araw na buhay ay tumatahak ng sariling landasin. Tinutukoy ng pagganap sa pagsasabuhay ng karakter o papel na nagsasangkot ng emosyon, damdamin at karanasan sa mga panlipunang kondisyon ng personal at pampublikong galaw. Hindi natin maihihiwalay ang pagganap sa katauhang ginagampanan, sa taong binibigyang buhay, sa karakter na kinakatawan at isinasasakatawan at pulitika ng kanyang pagpapasiya bilang tao sa kasaysayan at lipunan. Pasan nina Ness Roque at Adriana Agcaoili ang kolektibong krus ng isang kasaysayang nagupo ng huwad na pag-asa. Sensitibo at masining nilang inangkin ang buong sistema ng pagkilos at pakikipagsapalaran para gampanan ang katauhan hindi lamang ng isang tao kundi ng isang kasaysayan sa isang pelikulang lihis sa kanyang nakagisnang tradisyon. Dapat unawain na ang sining ng pelikula ay nakikibahagi sa potensiya ng ibang sining tulad ng sayaw, video at musika at iba pang makabago at tradisyonal ngunit mga kontemporaneong anyo. Mayabong at mayaman ang pelikula dahil naangkin nito ang samot-saring metodo at pilosopiya ng mga naturang sining. Ang ugnayan ng totoo at hindi totoo, totoong buhay at palabas lamang, tunay na damdamin at pakitang tao, ang ideya ng "kuhang-kuha",  natural na reyalidad at utos ng direktor, normal na daloy ng pangyayari at drama. Dapat suriin ang papel na ginagampanan ng gunita at alaala sa paglikha ng kahulugan ng mga imahe. Ang proseso ng paggamit ni Martin ng piling tagpo sa Tunay Na Ina (1939) ni Octavio Silos sa pagtahi-tahi ng mga pangyayari at paglapat ng saysay dito ay nagkakabisa bilang katotohanang sinematiko dahil may kakayahan ang karakter na gunitain at alalahanin ang nakaraan o mga pangyayaring naganap na gayundin ang paglabas at pagpasok ng mga tauhan. Naaalala rin ang dating mga pelikula, mga iba't-ibang imaheng umiikot sa lipunan, ang mga buhay ng artista, mga kuwento na nagpasalin-salin at laging isinasalin sa kasaysayan ng panonood ng sine. Ang alaala o gunita ay isang uri ng pagsipi sa naratibo at pag-organisa sa samut-saring teksto sa malawak at kolektibong diskurso ng pelikula.

Dulang Pampelikula At Direksiyon: Raya Martin
Sinematograpiya: Albert Banzon
Musika: Spazzkid
Editing: Lawrence S. Ang
Disenyo: Digo Ricio
Produksiyon: Cinematografica Independiente En Filipinas At The Hubert Bals Fund
Release Date: May 22, 2008

TILL WE MEET AGAIN... Hanggang Sa Muling Pagkikita

Till We Meet Again

Sa Till We Meet Again (Regal Films), isang dalagang mahirap  si Teresa (Nora Aunor) ang umibig kay Cholo (Tirso Cruz III), isang mayamang binata. Alam mo na agad sa simula pa lamang na doomed na ang kanilang romansa dahil anak ito ng mayaman at mataporeng si Señora Charito (Armida  Siguion-Reyna). To make matters worse, katulong lamang si Teresa sa hacienda nina Cholo kasama ang inang si Saling (Perla Bautista). Sa pagbabalik ni Cholo galing sa Amerika ay muling nanariwa ang kanilang pagtitinginang nagsimula noong sila'y magkababata pa hanggang sa ipagkaloob ng dalaga ang sarili sa binata. Gustong ipakasal ng ina ang kanyang anak kay Marilou (Dina Bonnevie) ngunit hindi naging maganda ang pagsasama ng mag-asawa. Dahil sa labis na kahirapan, nagkasakit ng tuberculosis si Teresa at napasok ito sa pagamutan kung saan niya nakilala si Lola Nena (Mary Walter), isang bugnuting matandang agad niyang nakapapalagayang-loob dahil mabait ito sa kanya. Dumating mula sa Amerika ang apo ni Lola Nena na si Paquito (Edu Manzano) at ipinasok niya si Teresa sa isang flower shop na lingid sa kanya'y siya mismo ang may-ari. Inalok niya itong pakasalan at pumayag siya ngunit sa gabing ipinahayag ang kanilang engagement ay hiniya ito ni Marilou na naging dahilan upang tuluyang talikuran ni Teresa si Paquito kahit may pagtingin pa sa kanya ang binata. Nagkitang muli sina Cholo at Teresa at matapos ang kanilang sumbatan ay natalos ng dalawang mahal pa rin nila ang isa't-isa.

Sa kabila ng katotohanang hindi na bago ang kanilang materyal, nagtagumpay pa rin sina Elwood Perez at ang kanyang mga writers in coming up with a fairly literate andconvincing fan movie. All stops are pulled with no stone left unturned to ensure the film will thrill and titillate added to the fact that the entire cast performed with such earnestness and winning charm which would forgive most of the film's rough edges. Kung minsan, masyadong mina-manipulate ang ating emotions pero pinagbibigyan na rin dahil wala namang pretensiyon ang pelikulang magpakaseryoso to begin with. Nora Aunor's charisma and personal magnetism is working full blast here. Ang bawat galaw ng kanyang mga mata at kibot ng kanyang mukha ay talagang engineered to win you over. Samantalang hindi ko magunita si Tirso Cruz III bilang mahusay na aktor pero dito ay nagpamalas siya ng katunayang may kakayahan din pala siya sa pagganap. Doon sa kanilang confrontation scene bago matapos ang pelikula ay lumaban ito ng sabayan kay Aunor. Napakahusay ni Nora sa tagpong ito na hindi niya malaman kung ano ang ire-react sa harap ni Tirso pero hindi talaga ito nagpaiwan sa kanya. Dina Bonnevie matches Nora's fire and power as an actress. At least, hindi siya nilamon ng buo ni Nora. As the mean and scheming Señora Charito, Armida Siguion-Reyna is really the devil incarnate in Teresa's life lalo roon sa eksenang sinabunutan niya ito at halos ipagduldulan ang mukha sa kubeta. Mahusay rin ang suportang ipinamalas nina Perla Bautista bilang Saling at Edu Manzano bilang Paquito, ang bagong talisuyo ni Teresa at ni Mary Walter sa papel na Lola Nena. Masyado lang mahaba ang pelikula na puwede pa sanang ire-edit nang higit na bumilis ang pacing lalo na towards the end na medyo nag-drag na.

Direksiyon: Elwood Perez
Dulang Pampelikula: Jose Javier Reyes At Rolando Tinio
Sinematograpiya: Ricardo Jacinto
Musika: Willy Cruz
Editing: George Jarlego
Disenyo: Raymond Bajarias
Produksiyon: Regal Films
Release Date: August 29, 1985
Till We Meet Again theme song performed by Nora Aunor and Tirso Cruz III