Pakikibakang Alinsunod Sa Pananaw Ni GABRIELA

Gabriela
Pinaksa ng Gabriela (Duran Films / Rare Breed Ltd.) ang pinakamasalimuot na yugto sa buhay ng mag-asawang Ador (Mario O'Hara) at Gabriela (Carmi Martin). Sa pagtatangka pa lamang na halughugin ang lalim at lawak ng kanilang pakikibaka, isang mabigat na atas na agad ang ipinatong ng pelikula sa sarili at sa manonood nito. Sa pamamayani ni Mayor Bien Malvar (Charlie Davao) at asawang si Donya Enrica (Marissa Delgado), sa isla ng Bangkalaan, maraming reyalidad ang siniil, itinatwa at binaligtad upang panatilihin ang kaayusan. Itinuturing na mala-kolektibo ang paglikha ng pelikula sapagkat kawangis ng proseso ang kolektibong pagdedesisyon ng isang grupo ng mga indibidwal na nakatuon sa isang produkto. Ngunit hindi ito lubusang kolektibo dahil may de-kahong papel ang mga taong sangkot sa proseso. Halimbawa, hindi maaring pakialaman ng sinematograper ang editor kaya wala ring nagaganap na palitan at negosasyon ng mga ideya. Sa halip, nagiging dominanteng puwersa ang prodyuser na may pangunahing interes hindi sa sining ng pelikula kundi sa maaring kitain nito sa takilya. Kung sa gayon, dalawang pangunahing balakid ang agad matatagpuan sa landas ng paglikha sa pelikulang Gabriela. Una, ang pagsalin nito sa anyong pampelikula at ikalawa, ang pagtugon sa kahingian ng industriya nang hindi ikinokompromiso ang sining. Sa isang pormalistang suri, bagsak talaga ang Gabriela. Buhaghag ang naratibo. Hindi nakatulong ang ibang eksena upang patindihin ang kasukdulan. Palipat-lipat ang punto de bista sa loob at labas ng kamalayan at lipunan ni Gabriela.

Sinubukan din ng pelikulang humulagpos sa sarili nitong genre. Suma total ang isang pelikulang bakubako, humahampas tulad ng mga alon sa batuhan, humuhugong tulad ng hagin tuwing may sigwa. Humululagpos ang pelikula sa anyo at nilalaman, tulad ng paghulagpos ni Gabriela sa paniniil ni Enrica katuwang ang kanang kamay nitong si Berto (Ronald Corveau). Gayunpaman, hindi nagbulag-bulagan ang mga lumikha ng pelikula sa kahingian ng industriya. Nangingibabaw ang pagganap ni Carmi Martin at binigyan din ng sapat na espasyo ang kasamang kapwa artista sa pelikulang kalakip ang masisidhing personal na tunggalian upang magpagunita at magpamulat kung kailangan. Sinubukan din ng pelikulang gamitin ang mga elementong ito upang makapagbukas ng bintana sa kamalayan ng manonood. Mahalaga ring bigyang pansin na isinagawa ang balik-tanaw sa kamalayan ni Gabriela. Sa madaling salita, muling sinipat ang pananaw ng babae. Ngunit sa halip na baligtarin ang katotohanan upang mangibabaw ang kababaihan tulad ng madalas gawin ng radikal na feminismo, itinuring ni Gabriela si Ador bilang kahati, karugtong ng buhay, kaisang dibdib. Sa sektoral na pakikibaka, kapit kamay ang lalaki at babae upang isakatuparan ang rekumpigurasyon ng pagiging Pilipino. Ito ang resolusyon ng kontradiksyon. Ito rin ang siyang tutunguhin ng bansa sa mga darating na panahon.

Direksiyon: Tata Esteban
Dulang Pampelikula: Rei Nicandro, Paul Roquia, Dante Mendoza, Lando Jacob At Tata Esteban
Sinematograpiya: Ver Dauz
Musika: Rey Ramos
Editing: Pat Ramos At Ever Ramos
Disenyo: Dante Mendoza
Produksiyon: Duran Films At Rare Breed, Ltd.
Release Date: February 15, 1989