FLOR DE LIZA... Hating Kapatid

Flor de Liza
Pinapatingkad ng Flor de Liza (Seven Star Productions) ang muling pagsasaayos ng melodrama tungo sa pagiging alegorya ng kundisyong pampamilya na sumisiksik sa maliliit na siwang ng buhay-pamilya at magkakamag-anak. Winasak din ng pelikula sa walang pasubali at mapait na lakas ang nostalhikong pananaw pamilya bilang kapaki-pakinabang at pangunahing kabuuan. Nagungumbinsi ang Flor de Liza na mas mainam pang walang kasamang lalaki ang mag-inang Sonia (Daria Ramirez) at Liza (Julie Vega) sa kanilang buhay. Ang ama ng batang si Ramon (Eddie Rodriguez) ay iniwan ang ina matapos itong magpakasal kay Regina (Baby Delgado). Nais ni Ramon na makilala ni Liza ang kapatid nitong si Flor (Janice de Belen). Pagkaraan ng labing tatlong taon, sindya ni Ramon ang mag-ina upang muling ialok ang tulong na tinanggihan ni Sonia. Inilalantad ng pelikula ang ang kontradiksyon ng pagnanais na buuin ang orden sa pamilya, sa isang dako, at ang ugnayan ng kapangyarihan na nagtutulak sa ordeng ito na maging mapanira sa pagkatao ng mga miyembro nito, sa isa pang bahagi. Samakatuwid, nagkaroon ng katangian ng pabulang pampamilya ang pelikulang ito tungkol sa mga taong naghahangad ng pagmamahal sa maling lugar at matatagpuan lamang lamang ito sa kasagsagan ng pamumuhay.

Matatagpuan ang makabuluhang rekompigurasyong ito sa sinematikong pagsasadula ni Nick Lizaso at dramatikong salaysay ni Jose Carreon. Nang magpasiya sina Flor at Liza na bumuo ng isang pamilya sa piling ng isa't-isa, isang desisyong dumaan din sa proseso ng negosasyon, halos umatras din ang naratibo sa ideya ng pag-aalaga bilang pangunahing responsibilidad ng nakatatandang kapatid. Umaasa ang katinuan ng tao sa makataong pagtrato mula sa kapwa, lalo na sa pinakamalapit na kaanak, ng ama, ina at anak. Sa marupok na pag-iral ng iba't-ibang pagmamahal at paggalang, ang pinakamatinding banta ay nagmumula rin sa mismong nagsasagawa ng mga pagpapahalagang ito. Sa daigdig na nabuo sa Flor de Liza, ang ugnayang magkapatid na nakasalikop rin sa sa tibay ng ugnayang tao sa tao ay nabigyan ng masalimuot na pagsasapelikula. Habang hindi naman lumalabas sa genre na kinabibilangan ang Flor de Liza, lumilikha rin ito ng mga pakahulugan na siya namang ikinauungos nito bilang pelikula. At hindi matatawaran ang pagganap nina Julie Vega at Janice de Belen sa piling ng mga beterano at sanay na kasamahan sa propesyong pag-aartista. Patunay lamang ang pelikula sa kasabihan sa industriya na ang husay ng alinmang produksiyon ay nagsisimula sa konsepto, sa iskrip. At ang husay ng iskrip ay higit na lilitaw kung mahusay ang produksiyon.

Direksyon: Nick Lizaso
Dulang Pampelikula: Jose N. Carreon
Sinematograpiya: Loreto U. Isleta
Musika: George Canseco
Editing: Manuel R. Abaya At Marc Tarnate, Jr.
Disenyo: Boots Siquian
Produksiyon: Seven Star Productions
Release Date: June 4, 1981
Flor De Liza theme song performed by Kuh Ledesma

DON'T CRY FOR ME, PAPA... Isang Ama, Dalawang Pamilya

Don't Cry For Me, Papa
Nanatiling nakatuon ang naratibo ng matitinong melodrama sa kuwento ng isang pamilya. Simple lang ang tema ng Don't Cry For Me, Papa (Regal Films, Inc.) tungkol ito kay Paeng (Ric Rodrigo), isang lalaking may dalawang pamilya ngunit nakasentro ang pelikula sa ilegal na pamilya ng lalaki, kay Rosita (Charito Solis) at mga anak nitong sina Nonoy (Gabby Concepcion), Gigi (Julie Vega), Tessie (Aiko Melendez), Bong (Pewee Quijano) at (Mike) Mike Arellano. Samantalang mayaman at matapobre si Aida (Liza Lorena), ang asawang tunay. Iniwasan ng pelikula at puti at itim na depiksyon ng mangwawasak ng tahanang ibang babae at tunay na asawa. Sa halip, nabigyan ng bagong imahe ang mga melodramatikong arkertipong ito nang may sensitibong pagbatid sa magkabilang panig na nagtatampok sa halip na kumakalimot sa mahapding mga dimensyon ng mga karanasang babae sa di-matatag at laging nagbabagong lupain ng domestisidad at domestikasyon. Isinapelikula ang kompleksidad na ito sa pamamagitan ng bihasang direktoryal na pagmamaneobrang nagpapatuloy ng tensiyon ng nagbabanggaang ideyolohiya ng tahanan, pamilya at pagkaina.

Mas dramatiko ring isinakonkreto ito ng mahusay na pagganap ni Charito Solis. Matingkad ang kanyang pagganap dahil hinahatak niyang damhin ng mga manonood ang kanyang mga dilema habang nakikibaka siyang matanggap ang unti-unting pagkawasak ng kanyang sariling pamilya habang magiting na binubuo ang nadurog na mga piraso ng kanyang sarili at dignidad upang maprotektahan ang nalabi sa pinagdusahan niyang teritoryo. Sa prosesong ito, napilitang lumikha ng mga bagong paraan si Rosita upang harapin hindi lamang ang sarili niyang mga pagdurusa kundi kasama rin ang kanyang pamilya, may basag na ngayon at lamat, ngunit nananatiling matatag at di nawawasak. Bilang di-tradisyonal na maybahay na nakatuklas sa pangangaliwa ng kanyang asawa, isinabalikat ni Liza Lorena ang buong bigat ng pasaning nakapaloob sa pelikula ng hindi nagpapahiwatig ng kabagutan. Pinapanood natin si Aida habang dumaraan sa proseso ng pagkabigo, pahihiganti, pagpapatawad at pagtanggap. Humahantong ang resolusyon ng Don't Cry For Me, Papa sa antas ng pantasya nang magkasundo ang mga magkakatunggali lalo na nang matuklasan ng asawang babae ang balak na pakikipaghiwalay ng asawang lalaki upang tuluyang pakisamahan ang kanyang kabit. Sa pagtatapos ng pelikula, bumalik sa pagiging ina ang esensiya ng pagkababae. Sa gayong sitwasyon, naging karapat-dapat tumanggap ng patawad at pang-unawa ang dati'y kinamumuhiang kabit na naging higit na mapag-arugang ina. Nagmula ito sa matagumpay na babae at nagpasimula sa pagbalik at pagtatagumpay ng mga tradisyonal na pagpapahalagang pampamilya.

Direksiyon: Maryo J. de los Reyes
Dulang Pampelikula: Toto Belano At Jake Tordesillas
Sinematograpiya: Joe Batac, Jr.
Musika: Lutgardo Labad
Editing: Edgardo Vinarao
Disenyo: Butch Garcia
Produksiyon: Regal Films, Inc.
Release Date: October 21, 1983