![]() |
| Fe, Esperanza, Caridad |
Kuwento ng pag-ibig ang kasaysayan nina Fe Amor (Nora Aunor) at Tony Artiaga (Dindo Fernando) na naging mabuway sanhi ng tinatamasang tagumpay bilang aktres at mang-aawit ng babae. Di naglaon ay nalulong sa alak at sugal si Tony na unti-unting sumisira sa kasikatan ni Fe. Lampas sa isang kuwento ng pag-ibig, matagumpay na napagtagni-tagni sa pelikula ang mga isyung partikular sa sitwasyong domestiko ng mag-asawa. Madamdamin ang pilosopikong paglalahad nito tungkol sa pag-ibig, ang pagbabahagi ng sarili nang buo ang pagkatao. Sa ganitong pagkakataon, ang romantikong anggulo sa ugnayan ay nagkaroon ng reyalistikong dimensiyon sa pagpapahiwatig na sa pagmamahalan lamang nila matatamo ang kanilang kabuuan bilang mga tao. Kasiya-siyang kuwento ng karaniwang babaeng nakupot sa ambisyon at pagkabagot sa gawain ang kasaysayan ni Esperanza (Nora Aunor) hanggang sa makilala nito si Vic (Bert Leroy, Jr.), isang mayaman at makisig na binatang pinagseselosan ng nobyong si Domeng (Jay Ilagan). Sa payo ni Lola Maring (Rosa Aguirre) at tulong ng kapatid na si Boyet (Romy Lapuz), nagpakasal sina Domeng at Esperanza. Sa konteksto ng di-ganap at di-pantay na paglaya mula sa inekwalidad ng kasarian, iniwasan ng pelikula ang puti at itim na depiksyon ng martir na asawa, sa halip binigyan ng bagong imahe ang mga melodramatikong arketipong ito nang may sensitibong pagbatid sa panig ng babae na nagpapatampok sa halip na kumakalimot sa mga dimensiyon ng karanasang babae sa di-matatag at laging nagbabagong lupain ng ng domestisidad at domestikasyon.
Matingkad ang pagsasalarawan sa kasaysayan ni Caridad (Nora Aunor), isang madreng umiibig kay Rodrigo (Ronaldo Valdez), ang hardinero ng kumbento. Isinalarawan dito ang masalimuot na karanasan ng isang babaeng pinaglalabanan ang damdaming nahahati sa lalaking minamahal at pagpapahalaga sa paglilingkod sa Diyos. Nang matuklasan ni Caridad ang katotohanang si Rodrigo at Satanas ay iisang nilalang, nagsimula ang impyerno sa kanyang buhay. Bagaman nakaririmarim, ipinagpatuloy ni Caridad ang pakikitungo kay Rodrigo sa pag-asang makukumbinsi niya itong magbalik loob sa Panginoon. Epektibong nagamit ang mga tunog upang itampok ang mga prosesong nagaganap sa kamalayan ng nagdurusang madre. Madulas din ang pagdaloy ng mga eksena sa pamamagitan ng epektibo at simbolikong mga biswal at masisteng diyalogo na nakapghahanda sa mga manonood samantalang naghahatid din ng kapanabikan. Ayon sa pagkakaganap ay isinabalikat ni Nora Aunor ang buong bigat ng pasaning nakapaloob sa Fe, Esperanza, Caridad (Premiere Productions, Inc.) nang hindi nagpapahiwatig ng kabagutan, kundi ng isang kahirapan lamang sa uri ng pagganap na kumikilos, nag-iisip at malalim na umuunawa sa karanasan at nagnanais na hindi lamang basta ilipat ang dalahin kundi ibahagi ito bilang aspeto ng kolektibong krus. Nakakaantig ang marubdob na pagganap ni Ronaldo Valdez, samantalang katangi-tangi ang ipinamalas ni Jay Ilagan sa matimpi, matapang at puno ng pag-ibig na pagsasakarakter kay Domeng. At dramatikong isinakonkreto ng mahusay na pagganap ni Dindo Fernando ang proseso ng pagharap hindi lamang sa kanyang sariling mga satanas at pagdurusa kundi kasama na rin ang kanyang asawang nananatiling matatag. Samantalang ang mga kasaysayang ito ay mapaglarawan sa mga kagyat ng usaping pangkasarian, sa bandang huli'y higit na makabuluhan at nangingibabaw yaong nagbibigay kapangyarihan sa manonood sa pagpapamalas ng mga suliranin at kahinaan upang makapaglimi at pagkatapos ay nagpapatanaw sa lakas ng pananalig at pag-asa.
Direksiyon: Cirio H. Santiago, Lamberto V. Avellana At Gerardo de Leon
Dulang Pampelikula: Donato Valentin, Rino Bermudez, Ka Ikong, Jojo M. Lapus At Gerardo de Leon
Sinematograpiya: Justo Paulino At Ricardo David
Musika: Tito Sotto At Tito Arevalo
Editing: Ben Barcelon
Disenyo: Ben Otico
Produksiyon: Premiere Productions, Inc.
Release Date: May 10, 1974
Release Date: May 10, 1974
4 Comments




