HINDI NAHAHATI ANG LANGIT... Walang Ibang Mamahalin

Hindi Nahahati Ang Langit
Mula sa nobelang nailathala sa Tagalog Klasiks, isinapelikula ni Mike de Leon ang adapsyong pampelikula ng Hindi Nahahati Ang Langit (Vanguard Films, Inc.). Sa pelikula, sobra ang pagka-asar ni Noel (Christopher de Leon) kay Melody (Lorna Tolentino) dahil simula nang ikasal ang ama nitong si Ariston (Nestor de Villa) kay Agnes (Gloria Romero), ang ina ni Melody, laging nagbabangayan ang dalawa hanggang sa nagdesisyon si Noel na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa Baguio kung saan nakilala nito si Cynthia (Dina Bonnevie). Sa mahabang panahong nawalay si Noel ay naging madalas ang pakikipagkita ni Melody kay Ronald (Edu Manzano) hanggang sa mahulog ang loob nito sa dalaga. Dala ng labis na di pagkakaunawaan, napilitang magpakasal si Melody kay Ronald. Di naglaon, pinakasalan ni Noel ang nobyang si Cynthia. Malalim ang ugat ng suliranin ng katauhan ni Noel kaya naman mauunawaan ang bigat ng reyalisasyong kailangan niyang harapin pagkaraan ng maraming taong pagkubli sa tunay nitong damdamin. Ngunit ito ngang lalim ng katauhan ng karakter ni Noel ang nakatali kina Melody at Cynthia. Bago matapos ang pelikula ay ilalahad ni Noel ang kanyang pagmamahal kay Melody ngunit hindi nito inaasahan ang naging desisyon ng babaeng malaon niyang inibig. Dahil sa lahat ng kabiguang idinulot ng kani-kanilang relasyon, naaksidente si Ronald at sa tangkang pagpapakamatay ni Cynthia, naging malinaw kung bakit naging ganoon ang wakas ng pelikula.

Patunay na manipestasyon ng estilo sa pagbuo ng sine ang estetikong prinsipyong pinanghahawakan ni Mike de Leon. Kaakibat nito ang nahahating pananaw sa uri ng pagbibigay ng representasyon sa reyalidad at partikular sa pagsasaayos ng iba't-ibang elemento kaagapay sa masining na pagbuo ng Hindi Nahahati Ang Langit. Dito makikita ang kung anong pagkilala sa production values na siyang puno't dulo ng anumang estilong pinagtitibay sa paglikha ng pelikula. Ang pagsasaalang-alang na ito sa mga kahalagahang pamproduksiyon ay nagkakaroon ng iba't-ibang pagturing, paggunita, paggamit at saysay. Naroong ipagdiinan ang makinang na pagsasadula, plantsado, pulido , walang gusot, buong kinis at sadyang makintab. Nababagay ito sa paglalahad ng karangyaan, ng magarbong pamumuhay na ipinangangalandakan ng melodramang ukol sa pag-iibigan ng magsing-irog na pinaglalaruan ng panahon. Ayon sa pagkakaganap, tunay na nakaaantig ang makabagbag-kaluluwang paglalantad ni Lorna Tolentino ng saloobin na nagsasaad ng pagkaunawa sa layuning dramatiko ng kanyang pelikula. Ang pagganap ni Edu Manzano bilang Ronald ay isang kapani-paniwalang pagganap at pagtatapat. Ipinahayag ni Christopher de Leon ang mithiin sa lahat ng di magkatugmang aspeto ng pagganap at nagbibigay ng naiibang sigla sa tradisyon ng pagganap sa pelikula. Samantala tunay na nakaantig ang maalam at matatag na pagganap ni Dina Bonnevie bilang babae na labis nagmahal at nagtiwala sa asawa. Mahusay na melodrama ang Hindi Nahahati Ang Langit na mabusising tumalakay sa diskurso ng pag-ibig, magiting na ipinagtanggol nito ang pakay at hindi sumuko sa de-kahong pangangatuwiran ng kinamihasnang nobelang pang-komiks. Gayunman, kailangang alalahanin na dalawang magkaibang midyum ang komiks at pelikula.

Direksiyon: Mike de Leon
Dulang Pampelikula: Mia A. Concio
Hango sa Nobela Ni: Nerissa Cabral Mula Sa Tagalog Klasiks
Sinematograpiya: Pedro Manding, Jr.
Musika: Willie Cruz
Editing: George Jarlego
Disenyo: Cesar Hernando At Fernando Modesto
Produksiyon: Vanguard Films, Inc.
Release Date: March 7, 1985

EBOLUSYON NG ISANG PAMILYANG PILIPINO... Sa Kagubatan Ng Lungsod

Ebolusyon
Sa mga rebyu ng Ebolusyon Ng Isang Pamilyang Pilipino (Sine Olivia), laging dinidiin ang pakikibaka na pumapaimbalot sa mga buhay ng tauhan, ng produksiyon ng sining at katotohanan sa gitna ng matinding politikal na panunupil ng komersyal na cinema na humihigop sa lahat ng mga anak at mamamayan nito sa pagdalumat sa kolektibo at indibidwal na pakikibaka sa buhay. Isinalarawan sa pelikula ang salimuot ng karanasan ni Raynaldo (Elyan De Vera) at ang di pagkakaunawaan sa pagitan ng kanyang baliw na inang si Hilda (Marife Necesito) at lolang si Puring (Angie Ferro). Pinipilit ni Kadyo (Pen Medina) si Raynaldo na mamasukan sa minahan ng ginto dahil sa patuloy na pagbagsak ng pinagkakakitaang bukirin kasabay ng pagtanggi nitong umanib sa pangkat ng mga rebeldeng nag-aaklas laban sa gobyerno. Lumaking pipi si Raynaldo at napagdesisyunan ni Puring na ipasok ang apong si Anna (Sigrid Bernardo) bilang katulong sa isang mayamang pamilya. Dala ng labis na kasakiman ay nakulong si Kadyo sa salang pagnanakaw. Umikot ang huling bahagi sa paghahanap ng pamilya kay Raynaldo at ng pakikipagsapalaran ni Kadyo sa lungsod. Ang pagbalangkas ng mga insidenteng dinanas ng mga tauhan ay sinundan halintulad sa isang dokumentaryong nagbibigkis ng mga kaganapang politikal sa bansa.

Polemikal ang paglalahad ng naratibo sa Ebolusyon bilang bahagi ng higit na malaking diskurso sa pagninilay-nilay at sining ng politika. Ibinubunyag ito sa pamamagitan ng pagdanas ng epekto sa mga naiwang miyembro ng pamilya, kung paanong ito ay sustenidong pamana ng dekada at siglo ng panunupil ng estado. Hindi kayang palitan ng identidad at lunan ang batayang pagkatao na dumanas ng pakikibaka. Ito ang malawakang panahon at malalimang kasaysayang nagbibigay epekto sa kolektibong pagkatao. Dala-dala ng mga tauhan, sa kaibuturan ng kanilang pagkatao ang kolektibong suliranin ng mamamayang Pilipino. Hindi ang pagtunghay sa suliraning pampamilya ang proyekto ng Ebolusyon kung ito, di sana ay nabagot tayo sa panonood ng mahigit sampung oras na pelikula. Ito ang polemiko ni Diaz. Ang ating tinutunghayan ay ang filmikong produksiyon ng ebolusyon ng mga tauhan bilang bukal ng identifikasyon sa ebolusyon ng manonood at mamamayan, na ang sinisiwalat na katotohanan sa pelikula ay ang referensiya sa historikal na katotohanan ng mamamayan. Na ang ibinubuyanyang na hibla sa Ebolusyon ay nasa rebolusyon ang katotohanan, figuratibo at literal na pakikibaka. Kung wala itong paninindigan, walang katotohanan sa sining at politikal, na gaya ng formulasyon ng pelikula, walang katotohanan maliban sa karanasan.

Dulang Pampelikula, Editing At Direksiyon: Lav Diaz
Sinematograpiya: Bahaghari, Paul Tanedo At Larry Miranda (Black & White DV)
Disenyo: Rishab Tibon, Jun Sabayton At Patty Eustaquio
Produksiyon: Sine Olivia
Release Date: January 1, 2004

NEXT ATTRACTION: Hanggang Sa Susunod Na Pagtatanghal

Next Attraction
Marami nang naisulat na mga pagsusuri hinggil sa mga pelikulang ginawa ni Raya Martin. Hindi naman maikakaila ang malaking ambag ni Martin sa pagbabago ng tunguhin ng independent cinema sa bansa, lalo't kung ang pag-uusapan ay ang paghubog ng bagong film language na makikita sa sampung pelikulang kanyang ginawa. At pinagtitibay ang pag-canonize sa kanyang mga likha sa pagdagsa ng iba't-ibang pagkilala at parangal mula sa ibang bansa. Subalit halos lahat ng mga pagtayang lumalabas ay nakabatay sa halos iisang balangkas ng pagsusuri, at kalakhan ay nakapaloob sa formalistiko, sikoanalitikal at istruktural na lapat ng panunuri. Wala namang mali sa ganitong gawi. Nakapangangamba lamang na dahil sa limitasyon ng mga ganitong pamamaraan ay marami pang bagay ang nakakaligtaan, at kadalasan ang mga bagay na ito ang siyang higit na mahalaga. At higit na nakapangangamba kung ganito na lamang ang paraan ng pagsusuring gagamitin. Sa katunayan ay mapapansin ang mabilis at malawakang pagsulpot ng mga pagsusuri sa mga pelikula ni Martin na gumagamit ng mga ganitong pamamaraan. Dahil sa kahinaan at pagkukulang ng mga pagsusuring ito ay nagagawang magtakda ng mga pamantayang kung tutuusin ay lalo pang nakapagpapabaog ng kamalayan, lalo na isang lipunang tulad ng Pilipinas. Nagbagong-pihit si Martin sa Next Attraction (Cinematografica) kung saan ay kanyang sinakyan ang higit na page-eksperimento. Binusisi ng pelikula ang konsepto ng persistence of vision. Ipinakita sa Next Attraction ang proseso sa paglikha ng isang maikling pelikulang naglalarawan sa masalimuot na relasyon sa pagitan ng isang ina (Jaclyn Jose) at ng kanyang anak na binata (Coco Martin). Paghahanap ito ni Raya Martin ng mga bagong teknikal na tunguhin sa paglikha ng pelikula na siya namang una niyang pinaigting sa Now Showing. Isinalarawan ni Martin sa kanyang pelikula ang personal niyang ideyolohiya o pilosopiya sa buhay.

Walang mali sa ganitong kalakaran, subalit ang tanong ay anong pilosopiya o ideyolohiya ang isinalarawan ni Martin? Ang personal bang pagtingin ni Martin ay siya ring personal na pagtingin ng kolektibong mamamayang nanonood ng kanyang pelikula? Subalit hindi sapat ang ganitong pagtatanong sa paghimay sa kanyang pelikula. Kailangan din igpawan ang kakulangan ng ganitong balangkas ng pagsusuri. Kailangang tingnan ang pelikula, tulad ng anumang kultural na anyo, ay hindi repleksyon lamang ng lipunan kundi ng lumilikha ng sining na ito. Ang pelikula bilang isang kultural na teksto ay hindi pananalamin lamang sa ideyolohiya o sa mga katotohanan ng lipunan., hindi rin ito ekspresyon lamang ng isang uri o sektor. Higit sa lahat, ang pelikula bilang teksto ay produksiyon ng ideyolohiya, ito ay pumapaloob sa tunggalian ng mga ugnayang sosyal at umiinog at nakakabit sa ugnayang pangkapangyarihan. Maaring binago ni Martin ang katangian at tunguhin ng independent film culture sa bansa. Subalit ang pagbabagong ito ay hindi mga pagbabago sa esensyal nitong kahulugan. Ang pagbabagong idinulot ni Martin ay ang simpleng transpormasyon ng ideyolohiya ng dominanteng diskurso ng mga makapangyarihang mananakop sa pagpapakinis at pagpapatagos nito sa mga kabilang sa, at tagatangkilik ng, Philippine independent cinema upang higit na maging ganap ang dominanteng posisyon ng ideyolohiyang ito sa diskurso ng film culture sa bansa. Ang pagtanggap kay Martin sa Pilipinas at sa ibang bansa ay dahil na rin sa mga kritikong mula sa Pilipinas at sa ibang bansa. Dapat alalahaning ang mundo ay nililikha rin sa sa diskursibong pamamaraan. Nakapagngingitngit ang pangungutya sa mas malawak na Filipino audience dahil sa ambivalent na pagtanggap sa pelikula ni Martin. Sinasabi ng mga kritiko na buti pa sa France, sa Estados Unidos at iba pang bansang kabilang sa sentro ng film geography sa mundo, at gayon na lamang ang paghanga kay Martin. Nakababahala ang ganitong argumentasyon. Maaring maraming bagay ang nagko-converge kung bakit hindi siya matanggap ng mamayang Pilipino. At isa sa maipapalagay ay ang mababa pang antas ng film language at visual literacy sa bansa. Ang Philippine independent cinema ay kailangang igpawan ang limitasyon ng formalistikong pagre-revolutionize ng pelikula. Kailangan rin nitong igpawan ang makitid, bagamat dinamikong pakikipagtunggali nito sa komersyalismo ay kumbensyon ng mainstream cinema. Manapa'y mahalaga, at higit na angkop at makabuluhan ang oposisyonal na tindig nito sa diskursibong paglikha ng lipunan, lalo na sa isang bansang tulad ng Pilipinas kung saan ang mga mamamayan ay kolektibong naglalakbay tungo sa paghubog ng isang pambansa at kolektibong kaakuhan. Magaganap ito sa aktibong pakikisangkot sa pagbubuwag sa hegemonya ng dominanteng kulturang namamayani sa bansa.

Dulang Pampelikula At Direksiyon: Raya Martin
Sinematograpiya: Albert Banzon, Herman Claraval At Maisa Demetillo
Editing: Lawrence S. Ang
Disenyo: Digo Ricio
Produksiyon: Cinematografica
Release Date: January 1, 2008