
Isang matingkad na domestikong melodrama ang Teenage Marriage (Regal Films, 1984). Kuwento ito ng magkaibigang sina Ruby (Snooky) at Miriam (Maricel Soriano) na kapwa dumaraan sa salimuot ng buhay may-asawa dala ng maagang pagpapakasal. Kasing rutinaryo ng trabaho ni Miriam ang kanyang buhay, papasok sa trabaho, sasagot ng mga tawag sa telepono at sa gabi bago umuwi sa kanilang tinitirhang apartment ng asawang si Alex (William Martinez) ay nag-aaral ng kursong typing. Samantala, sa pamilya ni Sonny (Albert Martinez) naninirahan si Ruby matapos ang kanilang kasal. Ang malungkot niyang buhay ay hindi itinatago ng kanyang anyong simple, laging nag-iisip at naghihintay sa pag-uwi ng asawa galing sa eskuwela. Paminsan-minsan, magkikita sina Ruby at Miriam sa labas upang pag-usapan ang kani-kanilang mga buhay. Sa sandaling ito lamang makikitang maligaya ang dalawa. Walang pirmihang hanapbuhay si Alex at hindi sapat ang kinikita nito upang mabuhay silang mag-asawa. Darating ang isang magandang alok kay Miriam, hindi matanggap ni Alex ang katotohanang higit ang kakayahan ng asawa sa kanya hanggang sa pansamantala silang maghiwalay. Sobra ang pagka-asar ni Ruby sa patuloy na pagbibinata ni Sonny. Minsan, isinumbat niya sa asawa ang pagbabalewala nito sa kanilang relasyon at nauwi sa mainit na pagtatalo. Nasaktan ni Sonny si Ruby na siyan nagtulak dito na tuluyang iwan ang asawa.
Kung tutuusin, napakakaraniwan at madaling hulaan ang pelikula subalit hindi lamang sa naratibo masusumpungan ang kuwento ng Teenage Marriage. Ginamit nito ang kapangyarihan ng pelikula bilang biswal na midyum at kinasangkapan ang mga pamamaraan at estratehiya ng sinematograpiya upang gawing pelikula ito ng mga karakter at lunan, ng tao at espasyo. Hinuli ng masinop at mahusay na sinematograpiya hindi lamang ang salaysay ng relasyong namamagitan sa mga pangunahing tauhan kundi pati ang pampublikong espasyo ng Maynila. Ang mga ritwal ng pagkakaibigan nina Ruby at Miriam ay naganap sa espasyong ito. Mga lugar na hindi lamang tinatayuan o nilalakaran kundi mga lunan kung saan ang mga tao ay pinagtatagpo at ang mga ugnayan ay binubuo. Ipinakita ng pelikula na ang mga lugar na ito ay hindi hiwalay sa buhay ng mga taong dumaraan at nananahan. Sa pagtatapos ng pelikula, makikita sina Miriam at Ruby, isang ganap na ina ngayon na pansamantalang pinagduduhan ang sarili at pag-aagam-agam sa hinaharap ng kani-kanilang relasyon. Nalutas sa pelikula ang mga kontradiksyon ng personal na ugnayang namagitan sa mga tauhan.
Direksiyon: Mel Chionglo
Dulang Pampelikula: Raquel N. Villavicencio
Sinematograpiya: Pedro Manding, Jr.
Musika: Ding Achacoso
Editing Rogelio Salvador
Disenyo: Benjie Garcia At Edel Templonuevo
Produksiyon: Regal Films
22 Comments

