HATULAN SI DODONG DIAMOND... Repleksiyon Ng Buhay Kriminal



Halimbawa ng isang well-made film ang Hatulan Si Dodong Diamond (Agrix Films Production, Inc.). Kumpleto sa rekado, may seks, kumukulong aksyon, isang kutsarang luha, tatlong kutsaritang romasa, isang kurot na komedi. Tinimpla at niluto ayon sa panlasa ng manonood ng pelikulang Pilipino. Walang duda, natugunan ng Hatulan Si Dodong Diamond ang mga teknikal na restrikto ng isang pelikula. Masinop at sadya ang editing. Naikamada ang mga eksena nang walang sinsasayang na sandali sa pagpapaigting ng aksyon. Gumugol ng panahon upang bumabad sa ilang erotikong tagpo, alinsunod sa tinataya nitong kahingian ng manonood. Kapansin-pansin din ang bihasang paglalapat ng musika at tunog. Bihirang gamitin ang makabasag-salaming mga awiting pinasikat ni Elvis Presley, subalit sa Hatulan Si Dodong Diamond, maririnig ang kantang Poor Boy na inaawit ni Dodong (Jay Ilagan) sa umpisa ng pelikula. Sa madaling sabi, mapapansing sinubukan ng Hatulan Si Dodong Diamond na maging mahusay na pelikula. Ngunit malaking katanungan kung sapat na ang kahusayang teknikal upang matawag na mahusay ang isang pelikula. Kung matawag mang mahusay, ano ang halaga nito sa mga manonood. Pampalipas-oras? Libangan? Tapyas ng buhay? Repleksyon ng reyalidad? Kritik ng lipunan?

Sa unang tingin, tinangka ng Hatulan Si Dodong Diamond na magbigay ng kritik sa lipunang Pilipino sa pamamagitan ng pagtuligsa sa mga kabataan bilang lunsaran ng katiwalian at kung gayon ng panlipunang diskurso. Pinalabas ng pelikula ang malupit na karanasan nina Dodong at Gonggong (Joseph Sytangco) sa piitan kasama si Frisco Kid (Johnny Delgado). Ang hindi tinalakay ng pelikula ay ang ilang mahahalagang bagay ukol sa kalagayang panlipunang higit ang kinalaman sa kalakarang nagbunsad kay Dodong at sa marami pang tulad niya na gumawa ng krimen. Masalimuot ang katotohanang bumabalot sa patakaran at pamantayang sinusunod at tinutupad ng marahas na pamumuhay. At ang pagkahalina sa ganang ito nina Dodong at Gonggong ay masalimuot din at hindi basta-bastang maipaliliwanag ng paghahanap nilang mapaglabanan ang napalabis na pag-asang kapwa sila makakaahon sa kahirapan. Walang scope ang pelikula at kulang ang insight nito ukol sa paksa nito. Pilit ang mensahe nitong may batas at kaayusan pa rin ang namamayani sa lipunan. At ganoon din naman, ilusyon lamang ang dala nito sa pagtalakay ng ugnayan ng mga tao sa bawa't isa. Bago matapos ang pelikula, mapapatay sina Frisco Kid at Gonggong. Ganon din naman si Dodong. Mapapaslang siya ng mga pulis habang nasa akto ng pagtakas. May pasaring ang pelikula tungkol sa mga sindikatong ang patron ay may koneksiyon sa matataas na kinauukulan ngunit hindi natalakay at nabigyan ito ng hustong pansin. Hindi rin ito nagamit upang mapalawak ang pang-unawa ng manonood sa sinasabi ng pelikula ukol sa maling pagkakagumon sa krimen ng mga pangunahing tauhan nito.

Direksiyon: Emmanuel H. Borlaza
Dulang Pampelikula: Tom Adrales
Sinematograpiya: Eduardo "Totoy" Jacinto
Musika: Rudy Rivero
Editing: Edgardo "Boy" Vinarao
Disenyong Pamproduksiyon: Ruben Arthur Nicdao At Peter Perlas
Prodyuser: Agrix Films Production, Inc.

Release Date: October 27, 1978

6 Response to "HATULAN SI DODONG DIAMOND... Repleksiyon Ng Buhay Kriminal"

  1. ronald says:
    8:14 AM

    Hi Jojo,

    "Hatulan" looks like your typical Pinoy commercial movie which is Emmanual Borlaza's niche.

    Regards,
    RSE

  2. Jojo Devera says:
    10:30 AM

    Hello Ron,

    Hatulan Si Dodong Diamond is Maning Borlaza's most technically competent film, with moving and poignant performances from both Jay Ilagan and Joseph Sytangco. Too bad the script and direction failed to put these two strong points together to make an overall good film.

  3. The Bakla Review says:
    11:55 AM

    kamusta naman ang kabaklaan ng pelikula?

  4. Jojo Devera says:
    2:25 PM

    Naiiba... lalo na yung pag-seduce ni Soxy Topacio kay Jay Ilagan pati na rin yung pagpapaligo sa kanya sa preso ni Romeo Enriquez, and this was two years before Bernal did a similar scene with William Martinez in Bilibid Boys.

  5. Ronald says:
    7:36 PM

    I didnt know that this film exists....Jo how many films did Agrix produce during their heyday? And Borlaza directing an action film?!

  6. Jojo Devera says:
    5:57 PM

    I'm surprised you haven't heard of this film Ronald. Not quite sure on how many movies Agrix actually produced. Maning Borlaza has done a variety of movies. He was probably one of the busiest directors in the 70's and 80's filming back to back movie projects.