ALIW... Ang Dulot Gabi-Gabi


Isinalaysay ng Aliw (Seven Stars Productions, 1979) ang karanasan ng tatlong hostess sa club at ang pagsasalarawan ng kanilang pakikibaka sa pang-araw-araw na pamumuhay. Sa simula ng pelikula, kasama ni Ayeth (Amy Austria) ang pinsang si Lingling (Lorna Tolentino) upang ipasok sa club kung saan ito nagtatrabaho kasama si Esper (Suzette Ranillo). Matalino at marunong sa buhay si Ayeth, bukod sa pumapasada sa gabi bilang hostess, lumalagari rin bilang sexy dancer at nagbebenta ng kung-anong pahulugan sa mga kasamahan sa club. Hanggang magkaroon siya ng isang masugid na manliligaw na binili na halos ang kanyang buhay. Sa dulo, ginulpi siya ng kinakasama dulot ng labis na panibugho. Nagtungo pa-Maynila si Lingling upang mahango sa kahirapan sa nayon ngunit na-involve ito kay Atang (Dick Israel), na gusto lamang siyang maikama at hingan ng pera sa tuwing sila ay magkikita. Dalagang ina si Esper na naanakan ng dating parokyanong si Greg (George Estregan). Namasukang hostess upang buhayin ang kanyang ina, kapatid at anak na pawang nakaasa sa kanya. Kadalasan, kapalit ng mas malaking kita niya ang kanyang katawan. Sa mas malawak na pagtingin, biktima sina Ayeth, Lingling at Esper ng kahirapan at mababang pagtingin ng lipunan sa kanila. Sa simula, tila hindi sila makaligtas sa gayong kaapihan sapagkat kailangan nilang harapin ang kanilang mga suliranin samantalang tinitimbang ang iba pa nilang papel sa lipunan bilang anak, kapatid, nobya at kaibigan. 

Simple ang daloy ng pelikula subalit tahas at malinaw nitong natalakay ang mga problema ng kababaihan, sa pamamagitan ng malikhaing paggamit ng mga kumbersasyon at sitwasyon sa pang-araw-araw na buhay ng mga pangunahing tauhan. Subalit natatangi ang Aliw sa pagtatangkang ilahad ang proseso tungo sa pagpapalaya ng babae. Mula sa paglilimi sa kanilang kalagayan, tandisa nilang itinakwil ang kanilang mga mangingibig at parokyano sa yugto pa namang nagkaroon na rin ang mga ito ng pagninilay-nilay. Ang transpormasyon tungo sa kanilang paglaya ay naisulong sa pamamagitan ng mabisang paglalangkap ng mga elemento ng pelikula. Masinop ang sinematograpiya sa pagsasalarawan ng dominasyon nang hindi nagiging mapagsamantala. Naging makabuluhan ang dulang pampelikula sa paraang nakapagsangkot ito ng mga tauhan lalo na yaong matalinong ginampanan ni Suzette Ranillo dahil ginawan niya ang sarili ng isang "sariling silid" kung saan nakahanap siya ng solitaryo at kolektibong kanlungang naglulundo sa solidaridad at mithiin ng mga babaeng tulad niya. Katangi-tangi rin ang ipinamalas ni Amy Austria sa matimpi, matapang at puno ng pag-asa, lihis sa pagkakahong pagsasakarakter kay Ayeth, ang babaeng nag-akalang makakawala sa kinasanayang hanapbuhay. Mapangumbinsi ang marubdob na pagganap ni Lorna Tolentino. Nakakaantig ang kanyang transpormasyon mula biktima ng mapagsamantalang pag-ibig tungo sa muling pagtaguyod ng kanyang pagkababae. Mahusay rin ang karakterisasyon sa paglalahad ng kapani-paniwalang motibasyon ng mga tauhan upang mag-isip, kumilos at magbago.

Direksiyon: Ishmael Bernal
Dulang Pampelikula: Cecille Lardizabal
Sinematograpiya: Sergio Lobo
Musika: George Canseco
Edtiting: Ike Jarlego, Jr.
Produksiyon: Seven Stars Productions

Paano Iiwasan? PAANO TATAKASAN ANG BUKAS?


Puwede bang mahulog ang loob ng disenteng lalaki sa isang puta? Puwedeng-puwede naman pero tiyak na makakatikim ng maanghang na mga pasaring ang kanilang uri ng relasyon. Ganito ang nangyari kina Desiree Blanco (Dina Bonnevie) at Gilbert Carriaga (Gabby Concepcion) sa Paano Tatakasan Ang Bukas? (1988) ng Viva Films. Sa unang eksena ng pelikula, ipinakitang nagsasayaw si Desiree sa club na pinapasukan matapos ang ilang buwang pamamalagi sa Japan. Dito niya unang nakita ang waiter na si Gilbert at madali itong naakit sa kanya. Masugid niyang manliligaw si Tobby (Jay Ilagan), dating kababatang umaasang darating ang pagkakataong mamahalin ito ni Desiree. Nariyan rin si Jackson (Julio Diaz), ang dating ka-relasyon at kasama sa pinapasukang club. Minsang pinaalis sa trabaho si Gilbert, inalok ito ni Desiree na sa kanya manirahan at tutustusan niya ang pag-aaral ng binata. Sa higpit ng pangangailangan, tinanggap ni Gilbert and alok ng dalaga. Ito ang naging dahilan ng kanilang di-pagkakaunawaan ng nobyang si Clarissa (Dawn Zulueta). Di naglaon, natutuhang ibigin ni Gilbert si Desiree hanggang sa umalis iwan nito ang pagsasayaw. Dahil pinagkakasya lamang ang kaunting kita ni Gilbert, humingi ito ng tulong sa matalik na kaibigang si Paloma (Chanda Romero). Sa pagtatapos ng pelikula, makakamtan rin ni Desiree ang pagmamahal na malaon niyang inasam.

Bagay kay Dina Bonnevie ang ang papel na ginampanan dahil ka-edad niya ang tauhan. Pero batayang kahingian na ito sa casting. Sa Paano Tatakasan Ang Bukas? naipahayag pa rin niya ang masalimuot na damdamin ng babaeng umaasang makakaahon sa kumunoy ng pagpuputa ngunit bumigay sa pag-usbong ng bagong pag-ibig. Nakakaalibadbad at nakakaasiwa pa nga para sa iba ang isiping ma-involve ang tulad niyang puta sa isang disenteng lalaki. Ang mahigpit na paghahatakan ng pag-ibig at reputasyon sa lipunan ay magiting na isinakatawan ng aktres sa bawat eksena. Ang mga lambingan nila ni Gabby Concepcion ay nakakakilig pero nagpapabigat din sa darating na batikos sa kanilang relasyon. Sa pangkalahatan, isang matingkad na pagganap ang inihain ni Dina Bonnevie sa Paaano Tatakasan Ang Bukas? Mapapansin sa watak-watak na daloy ng istorya ang pagsisikap na pagsanibin ang mga nasa, pisikal/seksuwal, pangkaisipan at espiritwal upang muling buuin ang pagkatao ng tao. Bunga nito, nagmukhang chopsuey ng kung anu-anong isyu ang pelikula at nalabusaw ang mahusay na panimulang eksposisyon ukol sa ibat-ibang antas ng tao sa lipunan. Gayunman, hindi nito ganap na nahahango ang naratibo sa mga kakulangang sosyolohiko at artistiko.

Direksiyon: Emmanuel H. Borlaza
Dulang Pampelikula: Mercy Lejarde At Orlando R. Nadres
Sinematograpiya: Clodualdo "Ding" Austria
Musika: George Canseco
Editing: Ike Jarlego, Jr.
Disenyo: Elmer Manapul
Produksiyon: Viva Films

Ngayon... KARUGTONG ANG KAHAPON



Institusyon ng pamilya ang isa mga situwasyong pinoproblema ng kabataan sa Karugtong Ang Kahapon (Roma Films, Inc., 1975), iskrip ni Mike Relon Makiling, direksiyon ni Fely Crisostomo. Nariyan din ang problema ng pagiging magkaribal sa pag-ibig, pag-ibig sa pagitan ng mga nakatatanda, pagkagumon sa masamang bisyo at mga kaugnay pang usapin. Sa lahat ng ito, nagalugad ang iba't-ibang lalim o kadalasan babaw ng pananaw, gawi at asal kaugnay ng kabataan bilang sektor. Sang-ayon ito sa limitasyon ng pagsasalarawan ng mga tagalikha ng pelikula, ng manunulat at ng direktor. Sa pelikulang ito, ginawa ni Raquel (Vilma Santos) ang tipikal na solusyon ng kabataan kapag nagkakaroon ng di-pagkakasundo sa bahay, ang magwala. At tipikal din ang reaksiyon ng ama nitong si Rafael (Eddie Garcia) sa kilos ng anak. Kung gayon, ayaw pumasok ng pelikula sa mga bagong pintong susubok tumakas sa mga de-kahong situwasyon na mag-uusisa sa pagtuturing ng lagay ng kabataang babae. Sa isang dako naman, binibigyang kahulugan ang pagiging progresibo ng modernong babae sa kanyang pagiging halaghag sa pag-uugali. Maari siyang magmura at makipagbastusan sa inaakalang kerida ng kanyang amang si Beatrice (Gloria Romero) at makipagrelasyon kay Freddie (Edgar Mortiz). Ito naman ang kabilang dako ng pagbibigay ng karakter sa katauhan ni Raquel. Sinisi nito ang ama sa pagkamatay ng inang si Norma (Celia Rodriguez) hanggang sa tuluyan itong malulong sa ipinagbabawal na gamot.

May pagsisikap ang Karugtong Ang Kahapon na lumikha ng naiibang larawan ng babae. Sekretarya lamang ni Rafael si Norma ngunit tila wala siyang pakialam sa tradisyunal na huwarang pambabae na dapat lamang makipag-seks sa ilalim ng institusyon ng kasal. Nagdedesisyon siya ayon sa pinaniniwalaan niyang tama. Kahit may pananagutan na si Rafael, malaya niyang sinunod ang nais ng kanyang isip at katawan. Pero kailangan pa rin niyang itago ang katotohanan sa harap ni Raquel nang bigla siyang komprontahin nito ukol sa pakikipagrelasyon ng kanyang ama kay Beatrice. Sa kabila ng liberal na asta at asal na ipinakita sa pelikula, nakakapagtaka na pinairal pa rin ang anakronista at makalumang pagtuturing sa babae bilang martir. Mapapansin ito sa papel na ginampanan ni Gloria Romero. Ipinakita ni Beatrice ang hindi pasibong pagtanggap nito sa suliraning kinasasangkutan ng asawa, na tumututol naman siya kahit paano, hindi rin naman ipinakita na gumagawa siya ng hakbang na tumutungo, kahit bahagya, sa isang progresibong pagkamulat sa kanyang kalagayan. Ayon sa pagkakaganap, isinabalikat ni Vilma Santos sa papel ni Raquel ang buong bigat ng pasaning nakapaloob sa pelikula sa pamamagitan ng isang uri ng pagganap na kumikilos, nag-iisip at malalim na umuunawa sa karanasan. Sinubok ng Karugtong Ang Kahapon na hatakin ang manonood sa landas tungo sa matalinong pagsasalarawan at pag-unawa sa kababaihan. Sa maraming pagkakataon, pinilit nitong kumawala sa etiketang kinakabit sa babae pero naroon pa rin ang etiketang nakabatay sa patriyarkal na ayos ng mga bagay.

Direksiyon: Fely Crisostomo
Dulang Pampelikula: Mike Relon Makiling
Sinematograpiya: Ricardo M. Hererra
Musika: Danny Subido
Editing: Gervacio Santos
Produksiyon: Roma Films, Inc.