
Ang mga tensiyon at posibilidad na nasa likod ng nakalilimitang pagdating at pag-alis ang siyang pangako ng Magandang Gabi Sa Inyong Lahat (1976) ng Premiere Productions, Inc., isinulat ni Orlando R. Nadres at idinerehe ni Lupita A. Concio, ang pelikulang nagpapakita ng damdamin ni Anna Carballo (Nora Aunor), isang babaeng nagbalik sa bansa makaraan ang apat na taon upang himukin ang nakatatandang kapatid na si Sarah (Imelda Ilanan) na mangibang-bansa. Ngunit hindi inaasahan ni Anna na muling magtatagpo ang kanilang landas ni Roy Valdes (Tirso Cruz III), dati nitong kasintahan habang nalulunod sa labis na panibugho ang asawa ni Roy na si Cornelia (Cristina Reyes). Minsan pinuntahan nito si Anna upang paalalahanang layuan ang asawa. Upang makaiwas, nagpasiya itong magtungo sa Villa Carballo upang bistahin ang kanyang kapatid. Sa muling pagkikita ng dalawa ay nadama ni Anna ang kakaibang pakikitungo ni Sarah. Pagkagat ng dilim ay nakakarining ito ng mga boses at nakikita ang kapatid na naglalakad sa bakuran at umiiyak. Di naglaon, nadiskubre ni Anna na nakalibing doon ang labi ni Armando (Val Iglesia), nobyo ni Sarah na pinatay ng nakatatandang kapatid na si Jorge (Romy Mallari). Nang ipagtanggol ni Roy si Anna sa lalaking nagtangkang pumatay sa kanya, nanumbalik ang kanilang damdamin sa isa't-isa. Dahil pansamantalang nagpaalam si Sarah, sinamahan ito ni Roy at habang ikinukuwento ni Anna ang lihim ng kanilang pamilya, muli nitong narining ang ummiyak na kapatid. Nagtungo sila sa bahagi ng bakuran na kinaroroonan ng puntod ni Armando at sa tabi ay natagpuan nila ang bangkay ni Sarah hanggang sa mapagdesisyunan ni Anna na mamuhay sa ibang bansa at tuluyang iwan si Roy.
Sa pangkalahatan, masasabing mahusay na napag-ugnay ng direktor at manunulat ang magkakaugnay na tema ng pelikula na may mahalagang sinasabi ukol sa diskurso ng pag-ibig. Epektibo ang isinagawang pagpupunla ng mga pahiwatig kung sino ang salarin tungo sa pagsisiwalat ng katotohanan. Nagawa ng pelikulang lambungan ng misteryo ang daloy ng mga pangyayari sa pamamagitan ng malikhaing paggamit sa sinematikong estratehiya ng pagbabalik-larawan. Nararapat ring banggitin ang kontribusyon ng Magandang Gabi Sa Inyong Lahat sa paggamit sa elemento ng editing na gumalugad sa mga hangganang maaring tahakin ng mga oangunahing tauhan ukol sa usaping may kinalaman pag-ibig. Ang pagpatay ng kapatid sa kasintahan ay repormulasyon sa karaniwang patnubay ng pamilya upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga miyembro nito. Isang matingkad na pagganap ang inihain ni Nora Aunor dito. Nagniningning ang kanyang mga matang nagpapahayag ng masalimuot na damdamin ng babaeng patuloy na nagmamahal sa kabila ng mga komplikasyong dulot nito at sa pagtutunggali ng kanyang personal na interes, lumalabas ang katotohanan. Mapangumbinsi rin ang pagganap ni Imelda Ilanan sa malungkot na pagsasalarawan ng babaeng bilanggo ng nabigong pag-ibig. Nagkaroon pa ng lalim ito dahil sa mapangahas at makatotohanang pagtatampok sa sikolohiya ng karakter na kanyang ginampanan. Madulas din ang pagdaloy ng mga eksena sa pamamagitan ng paggamit ng simbolikong mga biswal at masisteng diyalogo na nakapaghanda sa manonood bunga ng malikhaing sinematograpiya samantalang naghahatid din ng kapanabikan.
Direksiyon: Lupita A. Concio
Dulang Pampelikula: Orlando R. Nadres
Sinematograpiya: Joe Batac, Jr.
Musika: Ryan Cayabyab
Editing: Ben Barcelon
Disenyo: Soxy Topacio
Produksiyon: Premiere Productions, Inc.
2 Comments



