Maligayang Anibersaryo REGAL FILMS!


Marami ang nagsasabi na sa dekada walumpu malaki ang itinaas ng kalidad ng pelikulang Pilipino. Higit sa anumang panahon sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino, ang nabanggit na dekada ang naghatid ng pinakamatinding oportunidad sa mga manggagawa ng pelikula sa bansa upang makalikha ng tunay na masining na obra. Nangunguna sa ligang ito ang Regal Films na itinatag ng mag-asawang Remy at Lily Monteverde noong taong 1968 at ng panaka-nakang malalaking produksiyon tulad ng Manila By Night (1980), Relasyon (1982) at Hinugot Sa Langit (1985) ni Ishmael Bernal, Sister Stella L. (1984) ni Mike de Leon pati na rin ang Scorpio Nights (1985) ni Peque Gallaga at Bilangin Ang Bituin Sa Langit (1989) ni Elwood Perez. Sa bakuran ng Regal, dumagdag ang Good Harvest Productions na kung tutuusin ay independiyente ngunit sinasalo nito ang kredit pamproduksiyon upang mabigyan ng mga mapapalabasang sinehan. Naging patok ang ideyang ito ni Mother Lily nang itanghal ang Oh, My Mama (1981) na pinagbibidahan nina Maricel Soriano at William Martinez kaya naman bago matapos ang dekada, ang bakuran ng Regal pa rin ang may pinakamaraming nagawang pelikula sa lahat ng kumpanya kahit sabihing meron pang iba na mas higit ang kabuuang kita. Nanatili ang tatlong pares ng natanghal na mga reyna ng pinilakang tabing magmula nang unang Ginintuang Panahon sa pelikulang Pilipino. Gloria Romero at Nida Blanca ng dekada limampu, Susan Roces at Amalia Fuentes ng dekada animnapu at Nora Aunor at Vilma Santos ng dekada pitumpu sa paggawa ng mga pelikula sa bakuran ng Regal na humakot hindi lamang ng mga parangal sa pagalingan ng pagganap at pagkaluklok sa pedestal ng kani-kanilang bituin sa tagumpay nila sa pelikula. Nagpamalas rin ng di-matatawarang kahusayan ang mga bidang dramatikong aktres na sina Lorna Tolentino, Amy Austria at Dina Bonnevie sa mga pelikulang ginawa ng mga ito sa Regal. Sa pagdiriwang ng ika-48 taong anibersaryo ng Regal Films patuloy sanang tuklasin ng kumpanya ang iba pang pamamaraan upang mapakinabangan ng todo ang kapangyarihan ng pelikula sa lipunang Pilipino.

Buhay Artista... KONTROBERSYAL


Labis ang pagkapoot ng direktor at prodyuser na si Merce Merced (Charo Santos) sa desisyon ng alaga nitong artistang si Carla Rivera (Amy Austria) na talikdan ang mundo ng pelikula upang magpakasal. Habang pinapanood ang ilang piling eksena sa kakatapos na pelikula, napansin ng direktor si Teresa (Gina Alajar), isang ekstra. Dinampot mula sa looban, binihisan at bininyagang Karina Da Luz, ang pinakabagong bituin sa mga patakbuhing pelikula ni Direk Merce. Upang pag-usapan, ibinalitang nakikipagmabutihan si Karina kay Mauro Dizon (Eddie Garcia), kabituin sa una nitong pinagbibidahang pelikula ang Darling. Sa Wild Girl naman, nahulog ang loob ni Karina sa kaparehang si Dick Conrado (Joey Fabregas). Napansin ni Direk Merce ang pag-iibigang namumuo sa dalawa kaya binalak nitong pagsamantalahan si Karina ng kanyang mangingibig na si Alain (Phillip Salvador). Ngunit di inaasahang mapapaibig ito sa dalaga. Hindi matanggap ni Merce ang katotohanang iiwan siya ni Alain, naisip niyang gawan ng malaking iskandalo si Karina. Kumalat ito at dahil hindi makayanan ni Karina, napilitang mag-droga hanggang dalhin sa ospital. Malaking leksiyon ang natutuhan si Karina sa karanasang dinanas. Lubhang ikinagulat ni Alain ang pagbabago ng babaeng minamahal. Pumayag si Karina na gawin ang pelikulang kukunan sa ibang bansa at sa pagkakataong ito binawi niya ang kapangyarihang dati ay hawak ni Direk Merce.

Pinapatingkad ng Kontrobersyal (Four Seasons Films International, 1981) ang isang sadya at magspang na plastisidad. Isang estratehiyang hindi lamang tumatanggi sa kintab at kinang ng mga pelikulang may malaking badyet kundi matagumpay ding nakalikha ng siang kapaligirang umaapaw sa iba't-ibang uri ng pagkalugmok at pagkakait. Mula pagkalulong sa droga hanggang karahasang domestiko. Sinasalungat ng pelikula ang mga midelklas na imahe ng tahanan at pamilya ngunit laging may gusot na nasa bingit ng pagsabog at pagsuko sa inhumanidad ng basura at pagdarahop. Naging makabuluhan ang dulang pampelikula sa paraang nakapagsangkot ito ng mga tauhan, lalo na yaong matalinong ginampanan ni Charo Santos na pinaalingawngaw ang buhay at karanasan ng pangunahing tauhan at naglulundo sa kolektibong mithiin ng kababaihan. Mahusay rin ang karakterisasyon sa paglalahad ng kapani-paniwalang motibasyon ng mga tauhan upang mag-isip, kumilos at magbago.



Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Tony Perez
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: Max Jocson
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Benjie de Guzman At Joey Luna
Produksiyon: Four Seasons Films, International

Maraming Salamat!


Isang taos pusong pasasalamat ang aking nais ipaabot sa mga tagapagtatag ng Philippine Blog Awards 2008 sa pagkilalang iniatang sa Sari-Saring Sineng Pinoy bilang isa sa mga nominado sa kategorya ng Best Blog-Entertainment sa taunang gawad-pagkilala. Mahalagang balikan ang nakaraan upang masuri ang kasalukuyang katayuan at maibalangkas ang direksiyong tatahakin sa hinaharap. Sa loob ng mahigit dalawang taon, tinahak ng Sari-Saring Sineng Pinoy ang landas tungo sa isang masaklaw, mapagpalaya at makabuluhang pakikisangkot sa harap ng nakakabalda at nakakahong industriya ng pelikulang Pilipino. Sa taong nakalipas, patuloy pa ring binubuhay ng Sari-Saring Sineng Pinoy ang layuning magpanday ng isang makabagong kritisismong pampelikula upang mapalawak ang pagpapahalaga ng mga manonood sa bisa ng pelikula sa lipunang Pilipino.

Maraming Salamat!

Jojo Devera


Talaan Ng Mga Nominado

Nagbabaga... Nakakapaso Ang APOY SA IYONG KANDUNGAN


Ang salimuot ng pagkababae ang nagsulong sa naratibong inilatag ng Apoy Sa Iyong Kandungan (Amazaldy Film Productions, 1984). Nakatira si Ramona (Vivian Velez) kasama ng amaing si Berto (Mario Escudero) sa isang liblib na pulo kung saan pangingisda ang ikinabubuhay ng mga naninirahan. Nais kunin ni Don Luis (Joonee Gamboa) si Ramona upang pagsilbihan ang asawang si Donya Soledad (Carmen Enriquez), ang maybahay nitong may malubhang karamdaman. Isang gabi, di napigilan ni Berto ang sarili at pinagsamantalahan nito ang dalaga, nakaligtas at nagpunta ito kina Don Luis upang tanggapin ang alok ng matandang mamasukan sa kanila. Hindi nagtagal si Ramona sa pinagsisilbihang pamilya kaya't nagtungo ito pa-Maynila kung saan makikilala niya si Yolly (Yvonne), magkakakuwentuhan hanggang sa mabuo ang kanilang pagkakaibigan. Minsang kinumbinsi siya nitong sumayaw sa isang stag party, makakadaupang-palad ni Ramona si Rommel (Ronaldo Valdez), isang negosyante. Mahuhulog ang loob ng lalaki sa babae at aalukin siya nitong magpakasal. Ngunit hindi maibibigay ni Rommel ang pangangailangang pisikal ng asawa. Di magtatagal, matutuklasan ni Ramona ang katotohanan sa likod ng magandang pagkakaibigan nina Rommel at Alex (Mark Gil). Naging paralitiko ang asawa sanhi ng isang aksidente kaya't napilitan itong mangasiwa sa negosyo ni Rommel. Nais ni Ramona na kusang umalis sa kumpanya si Alex ngunit tiklop-tuhod itong nakiusap na bigyan siyang muli ng isa pang pagkakataon. Unti-unti, mapapaibig nito si Ramona at malalantad ang kahayupan at kabangisan ni Alex. Sa pagtatapos ng pelikula, mapapatay ni Ramona si Alex dala ng labis na pagkapoot.


Malinaw na nilinang ng pelikula ang diskurso ng kaapihan at pagtuklas sa kapangyarihan ng babae. Kung api man ang babae, iminamapa rin ng pelikula ang landas para mabawi ng babae ang kapangyarihan. Mangingibig na ni Ramona si Alex nang matuklasan ang nadispalko nitong salapi sa kumpanya. Kinumbinsi pa ang babaeng sumosyo sa negosyong itatayo sa ibang bansa. Ngunit sa sandaling malaman ni Ramona ang maitim na balak ni Alex, ipinakitang higit na nagingibabaw ang pagkamalay sa dinaranas na panlilinlang sa kamay ni Alex. Kung ito lamang, wala nang bagong sinasabi ang pelikula. May potensiyal sana ang naratibo upang payamanin ang diskurso tungkol sa kababaihan at maghain ng bagong sinasabi. Kasabay ng mga pagbabago sa politika at ekonomiya ng Dekada 80 ang pagbabago ng papel ng babae sa lipunan. Subalit hindi nagalugad ng pelikula ang inilatag nitong teksto. Iniwan itong nakatiwangwangsa halip na makipagdiyalogo sa buhay ng mga pangunahing tauhan. Sa gayon, nalimita ang pelikula sa pagiging isang domestikong drama at hindi nasiyasat ang ugnayan nito sa mas malawak na istruktura ng lipunan. Malaki rin sana ang potensiyal ng iba't-ibang manipulasyon ng naratibong kinasangkapan ng pelikula, kung nagamit lang sana nang mabuti ay makakapagpalinaw sa mas masalimuot na pagpapakahulugan. Ngunit hindi ito nalinaw at napag-ugnay ng bisyon ng pelikula.


Direksiyon: Augusto Buenaventura
Dulang Pampelikula: Augusto Buenaventura At Joji Vitug
Sinematograpiya: Joe Batac, Jr.
Musika: George Canseco
Editing: Edgardo Vinarao
Disenyo: Orly Tolentino At Gabby Francisco
Produksiyon: Amazaldy Film Productions

HINDI KITA MALIMOT... Salaysay Ng Buhay Pag-Ibig

Hindi Kita Malimot

Kuwento ang Hindi Kita Malimot (Regal Films, Inc., 1982) ng isang dalaga, si Celia (Maricel Soriano) na nakatira sa Hacienda Legarda kasama ng kanyang inang si Caring (Alicia Alonzo). Minsan, natagpuan ni Celia si Edwin sa kanilang kubo sa bukid na walang malay at sugatan. Mabilis naakit ang babae sa lalaki. Inaruga niya ito hanggang sa gumaling. Namasukan si Edwin sa hacienda bilang hardinero ngunit di nagtagal, may nakakilala sa binata. Lingid sa kaalaman ni Celia kung saan at paano napapdpad sa kanilang lugar ang lalaking iniibig. Samantala, nagbakasyon ang mag-inang  Donya Teresa (Rosemarie Gil) at anak na si Stephen (Lito Pimentel) sa hacienda upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan. Ngunit may ibang pakay ang dalawa sa kanilang pansamantalang pagtigil sa hacienda, ito'y upang hanapin ang testamentong naiwan ng namayapang kapatid na si Don Miguel upang mapasakanila ang malawak na lupain ng pamilya. Dumating ang pagkakataong hinahanap ng may kapangyarihan si Edwin, kung bakit ay ipinaliwanang niya ito kay Celia. Bago matapos ang pelikula, matutuklasan ni Celia ang katotohanan tungkol sa kanyang pagkatao.

Sa pagsasalaysay ng buhay pag-ibig nina Celia at Edwin, magiting na ipinagtanggol nito ang pakay at hindi sumuko sa de-kahong pangangatuwiran ngunit napakanipis ng temang pinalaman sa kumbensiyon ng melodrama subalit madulas ang daloy ng iskrip ni Raquel Villavicencio, konsistent ang disenyong biswal at sinematograpiya, malinis ang editing, akmang-akma ang tunong at musika. Ngunit habang hinihimay ang naratibo, unti-unting natuklasan ang proposisyong ipinakain ng pelikula, isang proposisyong taliwas sa pagnanasang patuloy na umibig at magmahal. Mabilis maramdaman sa pelikula ang kagustuhang pigain ang kakayahan sa pagganap ng mga artsita at rebisahin ang mga linya. Marubdob ang pagganap ni Maricel Soriano sa papel ni Celia. Nakakaantig ang transpormasyon ng kanyang karakter mula sa pagpapahayag ng mithiin at paglalantad ng saloobin tungo sa isang kapani-paniwalang pagganap at pagtatapat. Isinabalikat naman ni William Martinez ang mga pasaning nakapaloob sa pelikula. Isang uri ng pagganap na kumikilos, nag-iisip at malalim na umuunawa sa karanasan. Taong 1982 ginawa ni Bernal ang Relasyon at Himala, mga natatanging obra ng pelikulang Pilipino, Nabuhayan ako ng loob sa mga unang eksena ng pelikula at may kutob na maiigpawan ng direktor ang kalabisan ng genre. Ngunit kapansin-pansing matapos maipundar ang milyu hindi na alam ni Bernal kung paano paandarin ang istorya. Maliban sa pagtukoy sa kahinaang ito na siya naman talagang bumalda sa pelikula, napag-isip ako ng palabas na ito tungkol sa parametrong ilalapat sa isang pelikulang tulad ng Hindi Kita Malimot. Ngunit may iba pang dapat pagkaabalahan bukod sa teknik. Kung may matutuhan man sa pelikula, ito ay ang tapang na manawagan para sa pangangailangan ng opinyong papantay sa kasalimuotan ng kultura ng pelikula at sa panonood nito.

Direksiyon: Ishmael Bernal
Dulang Pampelikula: Raquel N. Villavicencio
Sinematograpiya: Loreto U. Isleta
Musika: Winston Raval
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Raquel N. Villavicencio
Produksiyon: Regal Films, Inc.