STRANGERS IN PARADISE... Pagmamasid Sa Dayuhang Espasyo

Strangers In Paradise

Sa pelikulang Strangers In Paradise (Regal Films, Inc.) binuwag ni Lino Brocka ang sarili nitong pagmamasid sa dayuhang espasyo sa pagtatanghal ng mga kaganapan sa buhay ni Moana (Snooky), isang dalagitang katutubo ng ilang na pulo sa Hawaii. Dahil lumaki itong walang ugnayan sa ibang tao, naging masalimuot kay Moana ang pakikisalamuha sa mga bagong kakilala hanggang sa matagpuan niya ni Kimo (Tom Babauta) at di naglaon ay nahulog ang kanilang mga damdamin sa isa't-isa. Samantala, nagbabakasyon din sa pulo si Tony (Lloyd Samartino), isang Pilipinong naninirahan sa Honolulu. Minsang namamahinga sa tabing dagat ay napansin ni Moana ang binata. Naakit ito sa dala-dalang kamera ni Tony at sa malaking pagkakaiba nito kay Kimo. Labis ang pagseselos ni Kimo sa bagong kinahuhumalingan ni Moana kaya't iniwan niya ito para sundan si Tony sa tinitigilang hotel. Isinama niya ito sa Honolulu kahit labag sa kalooban ng nobyang si Cathy (Candy Carson) at inang si Marietta (Mila Ocampo). Nagmistulang estranghero si Moana sa bagong mundong kanyang ginagalawan. Naging mahirap para sa dalagita ang pakikitungo sa mga taong nakapaligid sa kanya. Dumating ang pagkakataong kailangang tanggapin ni Moana ang katotohanang hindi siya nababagay sa siyudad at muli itong nagbalik sa pulo, sa piling ni Kimo.

Upang mapahalagahan ang pagbabaklas ni Brocka sa pagmamasid panturista, kailangang pansinin ang ginamit na sinematograpiya sa pelikula. Kinukunan ng kanyang kamera ang mga tanawin sa dayuhang espasyo na parang mga postcard. Magagandang tanawin, panoramikong saklaw ng kamera, pinapaganda ang tanawin ng ilaw mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw. Ngunit hindi kahinaan para sa pelikula ni Brocka ang paggamit sa ganitong teknik ng sinematograpiya. Kinasangkapan niya ito upang tuligsain ang pagmamasid panturista sa dayuhang espasyo. Gamitin man ang ganitong sinematograpiya ni Brocka, ang posisyon namang kinatatagpuan ng kanyang mga tauhan ay malayo sa pagiging kasing ganda ng tanawin sa kanilang likuran. May isang eksena sa pelikula na maaring gawing halimbawa ng ganitong punto. Magkasabay na naglalakad sina Moana at Tony patungo sa kalapit na talon. Sa likod ni Tony ay makikita ang malawak na kagubatan ng pulo. Animo'y ang literal na tanawin ang inilalarawan ngunit ipinapahiwatig ni Brocka sa eksena ang magkasalungat na pagkatao nina Moana at Tony. Ipinapakita ay mga tauhang hindi istatiko kung hindi gumagalaw sa loob ng naturang espasyo, hindi lamang lumalakad kung hindi nabubuhay sa ganoong espasyo. Naipakita kung paano nananatiling dinamiko ang imaheng binubuo ng panturistang biswal na kultura ng lente ni Brocka.

Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Jose Javier Reyes
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: Rey Valera
Editing: Rogelio Salvador
Disenyo: Joey Luna
Produksiyon: Regal Films, Inc.
Release Date: February 24, 1983
Stranger In Paradise theme song from Strangers In Paradise performed by Rey Valera

GREATEST PERFORMANCE... Isang Natatanging Pagganap

Greatest Performance

Sa gitna ng mga rumaragasang pagbabago sa multikultural na kontemporaryong reyalidad, kinasaksihan ang pelikulang Greatest Performance (NCV Films, 1989) ng temang naglalarawan sa iba't-ibang lunan ng tunggalian, mula sa pribadong arena ng silid at tulugan tungo sa pampublikong lugar ng entablado. Naging matingkad ang paghamon kay Laura Villa (Nora Aunor), isang mang-aawit na lumalaban sa kanyang mga sariling satanas at pagdurusa kasama ang mangingibig na si Pocholo (Julio Diaz). Sa simula ng pelikula, mararamdamang may basag na at lamat ang kanilang relasyon, ngunit nananatili itong matatag at di nawawasak. Sa patuloy na pagbagsak ni Laura, isinalarawan ang salimuot ng pagkalulong nito sa alak at ipinagbabawal na gamot. Nang makulong si Pocholo dala ng pagbaril nito kay Mr. Agaton (Michael de Mesa), tila naging buhay na patay si Laura, nagbababad at halos ipinagtatabuyan sa mga pub na dating kinakantahan. Sa tulong ni Briccio Ledesma (Tirso Cruz III), isang masugid na tagahanga, ipinasok niya si Laura sa drug rehabilitation center at dito niya muling binuo ang mga piraso ng nadurog na sarili. Pinatira si Laura ni Briccio sa kanyang mansyon at ipinangakong muling ibabalik ang ningning ng kanyang bituin sa pamamagitan ng isang malaking concert. Samantala, tumakas sa piitan si Pocholo upang kumbinsihin si Laura na magsama silang muli. Nanaig ang kanilang pagmamahalan ngunit napigilan ni Briccio ang dalawa na naging sanhi ng pagkasawi ni Pocholo. Sa bandang huli ay magbabagong pihit si Laura bagamat hindi pa tiyak kung saan siya patungo.

Bilang direktor, makikita ang impluwensiya at improbisasyong natutuhan ni Nora Aunor sa mga obrang ginawa nitong idinerehe nina Lino Brocka, Ishmael Bernal, Mario O'Hara at Elwood Perez. Pinagkakabusisi ang interior shots at todo ang disenyong pamproduksiyon, magmula sa kasuotan ng bida hanggang sa mga kasangkapang makukunan. Madulas ang pagdaloy ng mga eksena sa pamamagitan ng epektibo at simbolikong mga biswal at masisteng dayalogo na nakapaghahanda sa manonood samantalang naghahatid din ng kapanabikan. Ang malungkot na kasaysayang ito ay mahusay ding naisabuhay ng pambihirang galing sa pagganap. Katangi-tangi ang ipinamalas ni Tirso Cruz III sa kagilagilalas at nakapangingilabot na domestikong oryentasyong nagtulak sa kanyang pagkabaliw. Ang pagganap ni Julio Diaz ay nagpapahayag ng mithiin sa lahat ng di magkatugmang aspeto nito ay nagbibigay ng naiibang sigla sa tradisyon ng pagganap sa pelikula. Bilang aktres, mas dramatiko ring isinakonkreto ito ng mahusay na pagganap ni Nora Aunor. May ningning pa rin ang kanyang mga matang nagpapahayag ng masalimuot na damdamin ng babaeng unti-unting bumigay sa alon ng tagumpay. Ang mahigpit na paghahatakan ng pag-ibig ay magiting niyang isinakatawan sa bawat eksena. Sa mga tagpong trahiko, ang pagtirik ng mga mata ni Laura nang unti-unting pinapanawan ng katinuan Si Briccio ay lumalagom na sa pagbagsak ng kanyang buong daigdig. Ang malalim at may kalawakang pagsasalarawan ang bukod tangi sa pelikulang ito. Sayang na sayang at hindi naipalabas sa mga sinehan ang Greatest Performance. Kung estilo at estilo lamang ang pag-uusapan, walang sinabi ang ang mga pumupormang magagaling na direktor sa kasalukuyan. Naigpawan rin ng aktres ang kalabisan sa nakasanayang melodramatikong oryentasyon ng sine.

Dulang Pampelikula At Direksiyon: Guy
Sinematograpiya: Johnny Araojo
Musika: Danny Tan
Editing: Ike Jarlego, Jr.
Disenyo: Len Santos
Produksiyon: NCV Films