Tumigil sa pag-aaral si Angela del Mar (Hilda Koronel) at namasukan bilang waitress sa isang beerhouse upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang inang (Estrella Kuenzler) may mabigat na karamdaman. Minsan, nakursunadahan si Angela ng isang pangkat ng mga lalaki at dinala ito sa isang lumang bodega kung saan paulit-ulit siyang pinagsamantalahan sa loob ng limang araw. Napagkatuwaan ng mga lalaking lagyan ng marka sa likod ang dalaga at dinala ito sa isang bahay aliwan sa kalapit na probinsiya. Tinululungan siya ng putang si Rona (Celia Rodriguez) ngunit sa kanyang pag-uwi ay ipagtapat ng kaibigang si Sally (Mona Pacheco) ang pagpupumilit ang kanyang inang tumanggap ng labada kahit mahina ang katawan na naging sanhi ng biglang pagkamatay nito. Lumipas ang ilang araw ay naging biktima si Sally ng pangkat at dala ng labis na pagkapoot, napagdesisyunan ni Angela na ipaghiganti ang karahasang sinapit at pansamantalang nanirahan kay Rona. Suot ang mga damit at wig nito, isa-isa niyang hinanap ang mga lalaking nagsamantala sa kanya. Inumpisahan ni Angela kay Melchor (Dave Brodett), kasunod si Oscar (Ruel Vernal) na kanyang nasaksak ngunit nakalaligtas at dinala sa ospital. Samantala, napatay nito si Bren (Tonio Gutierrez) habang umiihi sa isang madilim na sulok. Napag-alaman ni Angela na mangingibig ni Rona si Delio (Rez Cortez) hindi niya pinalampas ang pagkakataon at sa pag-uwi ng kaibigan, ay natagpuan itong patay sa kanyang silid. Ipinangako ni Celso (Raul Aragon) na hahanapin nito ang taong pumaslang sa kapatid na si Melchor. Nakasisiguro sina Bobby (Johnny Delgado) at Oscar na ang kasambahay ni Rona ang pumatay sa kanilang kaibigan. Bago matapos ang pelikula ay magkakaharap ang magkakatunggali at sa huli'y isusuko si Angela ang sarili sa may kapangyarihan.
Sa pangkalahatan, masasabing malinis na naihanay ni Lino Brocka ang magkaka-ugnay na tema ng pelikula. Epektibo ang isinagawa niyang pagpupunla ng mg pahiwatig kung sino ang salarin at kung sino ang nagsasabi ng totoo. Nagawa niyang lambungan ng misteryo ang daloy ng mga pangyayari upang sa pagtatapos ng pelikula ay maging higit na epektibo ang pagtuloy sa mga tiwaling elemeno ng lipunan. At habang nagiging kumplikado ang tunggalian, nahahawakan ng Angela Markado (Four Seasons Films International, 1980) ang pananabik bunga ng maingat na editing, malikhaing sinematograpiya at ensemble na pagganap tulad ng magiting at matatag na pagsasadula ni Hilda Koronel na nagpapahayag ng mithiin sa lahat ng di magkatugmang aspeto nito ay nagbibigay ng naiibang sigla sa tradisyon ng pagganap sa pelikula hanggang sa maipamalas sa wakas ng istorya na ang ordinaryong mamamayan ang siyang biktima ng mga mapagsamantalang elemento ng lipunan.
Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Jose F. Lacaba
Hango Sa Nobela Ni Carlo J. Caparas Mula Sa Weekly Movie Specials
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: Jeric Soriano
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Joey Luna
Produksiyon: Four Seasons Films International
Nababalot sa samu't-saring kontrobersiya ang paglikha ng pelikula. Mapapansing ilan sa mga obrang ito ang pinag-usapan na siyang naging daan upang maging matagumpay ito sa takilya, o di kaya'y papurihan ng mga kritiko. Narito ang talaan ng siyam na pinaka kontrobersyal na pelikulang Pilipino.
TUBOG SA GINTO (LEA Productions, 1971)
Sa pelikulang idinerehe ni Lino Brocka mula sa nobelang pang-komiks ni Mars Ravelo, isinalarawan ang buhay ng isang amang may itinatagong pagnanasa sa kapwa lalaki. Hindi inasahan ng mga manonood ang isang makatotohanang pagsasadula ng homoseksuwalidad at ang madamdaming pagganap ni Eddie Garcia sa pangunahing papel.
STEPSISTERS (MVP Pictures, 1979)
Ang unang pelikulang pinagsamahan nina Lorna Tolentino at Rio Locsin mula sa direksiyon ni Elwood Perez. Di malilimutan ang pagtatalong namagitan sa mga managers ng dalawang aktres na sina Rading Carlos at Dr. Rey dela Cruz. Mula sa usapin tungkol sa billing hanggang sa bilangan ng mga eksena. Higit na pinag-usapan ang awayan ng kani-kanilang mga kampo na siyang nagtulak sa tagumpay ng pelikula sa takilya.
MANILA BY NIGHT (Regal Films, 1980)
Tampok ang mga pinakasikat na mga bituin ng Regal Films, isang seryosong pagpuna ang Manila By Night sa pagsasamantala ng mga kaluluwang naninirahan sa siyudad ang obra ni Ishmael Bernal. Mahigpit na ipinagbawal ng Unang Ginang ang pagtatanghal ng pelikula sa mga sinehan. Hindi rin ito nakaligtas sa matalim na gunting ng sensura hanggang sa palitan at gawing City After Dark ang titulo nito. Pinutol ang mga dayalogong nagbabanggit ng katagang Maynila pati ang mga eksenang nagtatampok ng seks. Hindi rin nabigyan ng export permit ang pelikula upang makalahok sa prestihiyosng Berlin International Film Festival.
BOATMAN (A.M.A. Communications, 1984)
Ang kauna-unahang pelikulang itinanghal sa Manila Film Center na matalinong tumalakay sa buhay ng mga live sex performers. Pinagbigkis ni Tikoy Aguiluz ang sinematikong elemento ng pagganap, sinematograpiya, editing at tunog upang ihatid ang isang pelikulang hindi lamang tungkol sa seks kundi nagtatampok rin sa salimuot ng pamumuhay sa siyudad at patuloy na inilulublob ang mga naninirahan dito sa kumunoy ng kahirapan.
MAHAL MO, MAHAL KO (Regal Films, 1977)
Ang pagsasapelikula sa tunay na karanasan ng ating mga paboritong artista ay nakasisiguro ng malaking tagumpay sa takilya. Tampok sa pelikulang idinirehe ni Elwood Perez ang buhay pag-ibig nina Nora Aunor, Christopher de Leon at Tirso Cruz III. Ipinagbunyi ng kanilang mga tagahanga ang pagsasama ng tatlong bituin sa isang pelikula. Ang tanong ng bayan, kanino mapupunta si Nora?
DISGRASYADA (Regal Films, 1979)
Kinutya, pinuna, pinag-usapan at tinangkilk ang pelikulang nagluklok kay Rio Locsin bilang bagong Sex Godess Of Philippine Cinema. Naging laman ng mga pahayagan ang di-pagkakaunawaan sa pagitan ng direktor ng pelikulang si Elwood Perez at ina ng aktres na si Charito Garcia. Lubhang napakabata pa ng kanyang anak upang lumabas sa isang pelikulang bold ang oryentasyon. Ngunit hindi maikakailang nakatulong ang kontrobersiyang kanilang kinasangkutan upang higit itong magtagumpay sa takilya.
BURLESK QUEEN (IAN Film Productions, 1977)
Masasabing ang pelikulang ito ni Celso Ad Castillo ang dinumog ng pinakamaraming kontrobersiya nang mapanalunan nito ang lahat ng karangalan sa taunang Pista Ng Pelikulang Pilipino. Naging dahilan ito ng di-pagkakaunawaan nina Lino Brocka at Rolando Tinio. Dagdag pa rito ang balitang binawi ng pamunuan ng festival ang tropeong napagwagihan ng mga pangunahing bituin ng pelikula sa pangunguna ni Vilma Santos.
NYMPHA (Regal Films, 1980)
Sa pelikulang ito ni Joey Gosiengfiao binawi ni Alma Moreno ang titulong Sex Godess Of Philippine Cinema. Di matatawaran ang ipinamalas nitong tapang sa paghuhubad sa harap ng kamera, ipinagbunyi ng kanyang mga tagahanga ang muling pagbabalik ng aktres sa tunay nitong kinalalagyan. hindi lamang siya nakipagsabayan sa mga baguhang aktres na nagnanais agawin ang tronong pinanghahawakan, nilampasan pa nito ang naunang mga pelikulang kanyang ginawa. Ang resulta, isang matagumpay na pagbabalik-pelikula.
SCORPIO NIGHTS (Regal Films, 1985)
Sinadyang gawin ni Peque Gallaga ang Scorpio Nights para sa mga manonood sa Manila Film Center. Hayagang nagpakita ng lalaki at babaeng hubo't-hubad na nagse-seks ngunit hindi dito natatapos ang kontrobersiyang kinasangkutan ng pelikula. Ipinadama rin sa Scorpio Nights ang kabulukan ng rehimeng Marcos at ang nanunuot na kahirapan sa lipunan.