Sa unang mga eksena pa lamang ng Virginia P. (Regal Films, 1989), madali nang malaman ang pakay at hangad ng ganitong uri ng pelikula. Payak lamang ang nais itumbok nito at siyempre pa bukod sa walang patumanggang iyakan, sampalan at sigawan, hinaluan din ito ng kung anu-anong sangkap. Dahil nga sa payak lamang ang nais ipahatid at aliw lang ang hangad nito, ipinalabas ng pelikula ang salimuot ng buhay ni Inyang (Alma Moreno), isang beautician sa komunidad ng Bitumen. Masugid nitong manliligaw si David (Richard Gomez) ngunit si Bomboy (Gino Antonio) ang kanyang tunay na iniibig. Hindi matanggap ni Diane (Anna Cabrera) ang pag-iibigan ng dalawa kaya't nagmakaawa ito sa kapatid na si Fernan (Joey Marquez). Samantala, may lihim na poot kay Inyang ang kaibigang si Barby (Alice Dixson) hanggang sa makipagsabwatan ito kay Diane upang wasakin si Inyang. Isang gabi ay nilasing nito si Bomboy habang pinagsamantalahan naman ni Fernan si Inyang. Sa halip na tulungan, ipinagtabuyan ito hanggang sa mapilitang lisanin kanilang komunidad. Sa pagnanais na magkaroon ng masaganang pamumuhay, pansamantalang nakitira si Inyang sa kapatid ni David na si Jordan (Jordan Carvajal) upang muling simulan ang kanyang buhay. Nabighani nito ang milyonaryong negosyanteng si Benedicto Imperial (Charlie Davao), di nagtagal ay inalok siya nitong magpakasal. Sa muling pagbabalik ni Inyang sa Bitumen ay baon nito ang paghihiganting kay tagal na hinintay.
Malinaw na nilinang ng Virginia P. ang diskurso ng kaapihan at pagtuklas sa kapangyarihan ng babae. Sa pagsasalaysay sa buhay nina Inyang, Fernan, Barby at Bomboy naitampok ang dominasyon ng lalaki at kaapihan ng babae. Hindi ang pagsasamantala ni Fernan kay Inyang o ang kalibugan ni Barby ang problema kundi mga piyudal na pagpapahalaga. Kung api man ang babae, iminamapa rin ng pelikula ang landas upang mabawi ng babae ang kapangyarihan. Subalit hindi gaanong nagalugad ng pelikula ang inilatag nitong teksto. Iniwanan itong nakatiwangwang at umid sa halip na makipagdayalogo sa buhay ng mga pangunahing tauhan. Sa gayon, nalimita ang Virginia P. sa pagiging isang domestikong drama at hindi nasiyasat ang ugnayan nito sa mas malawak na istruktura ng lipunan. Hindi rin naisalba ng pagganap ni Alma Moreno ang pelikula. Kahit wala na halos pumatak na luha sa kanyang mga mata, hindi pa rin makaramdam ng simpatiya sa kanya. Karton ang kanyang karakter. Sana kung hindi pa niya nagagawa ang mga pelikulang Nympha, Bomba Star at Diary Of CG. Pagtatakahan tuloy kung bakit kailangan pa niyang magpakasal sa lalaking nagsamantala sa kanya para maghiganti samantalang ang mismong obesyong ito ang pagkukulang sa kanyang karakter na tumatawid sa hangganan ng katangahan.
Direksiyon: Joey Gosiengfiao
Dulang Pampelikula: Jonas Sebastian
Sinematograpiya: Rudy Dino
Musika: Demet Velasquez
Editing: George Jarlego
Disenyo: Danny Evangelista
Produksiyon: Regal Films
Tinitingnan ng Nagbabagang Luha (Regal Films, 1988) ang sabayang pagnanasa sa istabilidad at seguridad ng tradisyonal na pamilyang nukleyar at ang pagpapalit ng pamahayan sa kompigurasyong di-matatag ngunit may potensyal na magbigay-kapangyarihan. Ipinagkaloob ng hukuman kay Maita (Lorna Tolentino) ang pangangalaga sa nag-iisang anak na si Yeye (Honey Mae Ledesma) ngunit maari rin itong dalawin ng amang si Alex (Gabby Concepcion). Minsang dalawin ang anak, hindi na nito ibinalik ang bata sa kanyang ina. Dala ng labis na pag-aalala, pinuntahan ni Maita ang biyenang si Mrs. Montaire (Gloria Romero) upang kunin si Yeye at ipinagtapat nitong isinama ni Alex ang bata sa ibang bansa hanggang sa matunton niya ang kinaroroonan ng anak. Pinakiusapan ni Maita ang kapatid na si Cielo (Alice Dixson) upang kunin si Yeye at sinamahan pa ito ni Bien (Richard Gomez), masugid nitong manliligaw. Ipinagtapat ni Alex kay Cielo ang kanyang damdamin at ginamit niya ito upang tuluyang mapalayo ang anak sa ina. Di naglaon, nadiskubre ni Maita ang katotohanan tungkol sa dalawa. Habang patuloy ang pakikipaglaban nito upang mabawi ang anak kina Alex at Cielo. Pinilit niyang bumangon sa kinasasadlakang pagdurusa. Samantala, di maikakaila ang pagmamahalan ng dating mag-asawa at sa pagtatapos ng pelikula, muling nabuo ang nawasak na pamilya.
Isang natatanging melodrama ang Nagbabagang Luha, na idinerehe ni Ishmael Bernal dahil sa pagsasalarawan ng domestikong suliranin na mabusising tumalakay sa diskurso ng tunay na pag-ibig. Magiting na ipinagtanggol nito ang pakay at di sumuko sa de-kahong pangangatuwiran ng kinamihasnang feminismo. Binigyan ng bagong imahe ang melodrama na may sensitibong pagbatid sa magkabilang panig na nagpapatampok sa halip na kumakalimot sa mahapding mga dimensiyon ng mga karanasang babae sa di-matatag at laging nagbabagong lupain ng domestisidad. Daramatiko ring isinalarawan ito ng mahusay na pagganap ni Lorna Tolentino. Bilang tradisyonal na maybahay na nakatuklas sa pagtataksil ng sariling asawa at kapatid, pinapanood natin siya habang nagdaraan sa proseso ng pagkabigo, pagtanggap at pagpapatawad. Hinatak niya tayong damhin ang kanyang mga suliranin habang binubuo ang nadurog na piraso ng kanyang sarili at dignidad upang maprotektahan ang nalalabi sa pinagdurusahang teritoryo. Sa prosesong ito, napilitan siyang lumikha ng mga bagong paraan ng pagharap hindi lamang sa kanyang sariling mga satanas at pagdurusa kundi kasama rin ang kanyang pamilya. Humahantong man sa pantasya ang resolusyon ng pelikula nang mapilitang magkasundo ang mga magkakatunggali, naging karapat-dapat tumanggap ng patawad at pang-unawa ang dati'y kinamumuhiang kabiyak na naging mapag-arugang ama. Nagmula ito sa matagumpay na babae at nagpasimula sa pagbalik at pagtatagumpay ng mga tradisyonal na pagpapahalagang pampamilya. Gayunpaman, ang konsesyong ito sa melodrama ay nagpapatampok sa kapangyarihan ng kababaihan lalo na sa pagtunghay sa posibilidad ng isang di-patriarkal na pamahayan at kung gayo'y nagbibigay ng isang alternatibong kaayusan.
Direksiyon: Ishmael Bernal
Dulang Pampelikula: J. Raquel Villavicencio
Hango Sa Nobela Ni Elena Patron Mula Sa Superstar Komiks
Sinematograpiya: Manolo Abaya, Eduardo Jacinto At Sergio Lobo
Musika: Willy Cruz
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Tatus Aldana At Gerry Pascual
Produksiyon: Regal Films
Ang Mahiwagang Daigdig Ni Pedro Penduko (Topaz Film Productions, 1973) ay kuwento ng binatang si Pedro (Ramon Zamora) na nakatira sa Tulay Buhangin kasama ng kanyang amang si Tacio (Panchito Alba). Malawak ang kanyang imahinasyon kaya't madalas itong magkuwento ng mga kasaysayan tungkol sa mga Prinsipe at Prinsesa, diwata, maligno at dragon. Lihim na iniibig ni Pedro si Luningning (Jeanne Young) ngunit hindi nito maipagtapat ang kanyang damdamin sa dalaga. Minsang pumalaot ito upang magmalakaya ay nasalanta sila ng isang matinding bagyo. Makaraan ang ilang araw ay nagbalik ang mga mangingisda ngunit wala si Pedro. Napadpad ang bangka nito sa gilid ng pulo kung saan nakuha siya ni Marina (Lotis Key), isang magandang sirena. Labis na ikinalungkot ni Tacio ang inaakalang pagkamatay ni Pedro hanggang sa gabing magbalik ang anak. Ikinuwento nito sa ama ang ginawang pagligtas ng sirena ngunit tulad ng inaasahan, walang nais maniwala dito. Minsan, kinailangan ni Marina ang tulong ni Pedro upang iligtas ito sa syokoy na humahabol sa kanya. Bilang gantimpala, binigyan ng sirena ang binata ng isang mahiwagang kuwintas na maari niyang gamitin sa tuwing siya ay nasa panganib. Dumating ang araw ng kapistahan sa pulo at sinalakay sila ng isang pangkat ng mga pirata sa pamumuno ni Kapitan (Eddie Garcia) upang kunin ang yamang itinago doon ng dating kasamang si Crispulo (Robert Talabis). Dinakip ni Kapitan si Luningning hanggang sa mapadpad sila sa pulo ng hiwaga at sa tulong ni Marina ay iniligtas ito ni Pedro sa higanteng gagamba at dragon.
Nagpatuloy sa paglihis si Celso Ad Castillo sa di-natitinag na anyo ng pelikula na nagbigay daan sa pagsulpot ng mga hybrid ng iba't-ibang genre. Masasaksihan sa Ang Mahiwagang Daigdig Ni Pedro Penduko ang espektakulo ng fantasi, ang pasyon ng melodrama, ang siste ng komedi pati ng aksyon. Iba rin ang estilong hinihingi ng pelikula, fantasi ang daigdig na binibigyang buhay. Madarama ang pirming nagbabadyang malagim na pangyayari sa tulong ng angkop na paglalapat ng musika at tunog. Special make-up at prosthetics ang ginamit sa mga nilalang ng lagim. Nailahad ang makulay at makatotohanang daigdig sa mga samu't-saring detalyeng nakapaghatid ng gitla at gimbal. Mahusay ang paghimay ng mga argumento, ang pagsalit-salit ng mga lebel ng simbolismo gayundin ang pagpasok at paghugot ng kamera. Isang metaporikal at tuwirang pagdanas sa hamon ng tradisyon ang dinaanan ni Pedro. Dahil nasa kamalayan pa nito ang kapaniwalaan sa mundo ng supernatural. Sa unang tingin at isang simpleng pelikulang fantasi ito ngunit hindi lamang pantasyang may magandang kalidad sa produksiyon ang Pedro Penduko kundi behikulo ng pagsasalarawan ng kinalalagyang posisyon ng tao kaugnay ng tradisyong magpahanggang sa kasulukuyan ay nakaukit sa kamalayan ng bawat Pilipino
Dulang Pampelikula At Direksiyon: Celso Ad Castillo
Sinematograpiya: Loreto U. Isleta
Musika: Ernani Cuenco
Editing: Nonoy Santillan At Jun Martinez
Disenyo: Dading Urbano
Produksiyon: Topaz Film Productions
Wala nang hihigit pa sa buhay estudyante. Pinakamakulay na yugto nito ang high school tulad ng ipinahiwatig sa pelikulang High School Circa '65 (Agrix Films Production, Inc., 1979) ni direktor Maryo J. delos Reyes. Baguhan sa pagtuturo si Chit Pengson (Charo Santos) na siyang naatasang maging adviser ng senior class. Sa simula'y pinahirapan siya ng kanyang mga kabataang estudyante ngunit nang lumaon ay nagsilbing inspirasyon pa ito ng kanyang klase. Naging malapit si Chit kay Lauro Romero (Eddie Rodriguez) ang biology teacher at ama ni Debra (Margie Braza). Nakisangkot din ito sa pag-abot sa pangarap ng kanyang mga estudyante. Tulad halimbawa ni Frida (Maribel Aunor) na nangangarap maging isang mang-aawit. Si Mely (Beth Manlongat) na nais mag-artista, nariyan din si Augusto (Arnold Gamboa), ang pinakamatalinong estudyante sa kanyang klase. Dahilan sa bata pa at maganda si Chit, di maiwasang magkagusto dito ang mga binatilyong mag-aaral, isa si Delfin (Ricky Sandico) na malaki ang paghanga sa kanilang guro pati na rin si Maritoni (Jingle). Tinulungan din ni Chit si Debra na resolbahin ang suliraning dulot ng mga manliligaw nitong sina Melvin (Michael Sandico) at Roberto (Adrian Panganiban). Madalas namang pagkatuwaan ng kanyang mga ka-klase ang baklang si Tomasito (Roderick Paulate). Samantala, halos walang panahon kay Lauro ang maybahay nitong si Lilibeth (Liza Lorena) na lubhang abala sa kanyang mga social at civic duties. Dahil dito, naging malapit ang loob ni Lauro kay Chit. Di nagtagal, pinag-usapan ang dalawa sa buong eskuwelahan na naging daan upang pansamantalang pagbakasyunin si Chit sa pagtuturo, ngunit gumawa ng paraan ang kanyang mga estudyante upang magbalik ang kanilang paboritong guro lalo pa't nalalapit ang kanilang pagtatapos.
Kadalasang format ng mga pelikulang nagtatampok sa buhay-estudyante ang kuwentong pang-grupo. Walang isang protagonista, hati-hati ang maraming tauhan sa daloy ng naratibo na pinag-iisa ang tema. Binibigyan ang bawat isa ng kuwento na karugtong kahit paanong iba pang kuwento ng ibang tauhan. Tunay, binibigyan ng atensiyon ng High School Circa '65 ang mga kabataan kahit sa pana-panahon lamang. Naglantad din ito ng ng mga kahulugan at pagbasa ukol sa dilema ng mga estudyante. Kinakitaan ang mga ito ng kakaibang pagsasalarawan kundi man ng pagbabago o di pagbabago sa kahalagahan ng kabataan sa lipunan. Ipinakita sa pelikula ang pagkilos ng mga ito sa masalimuot na pagpapasiyang kanilang haharapin. Maging ang kanilang pagbibihis ay umaagapay sa subkulturang nagtuturing sa moda na nagsisilbing pasaporte sa paglahok sa mga gawain ng partikular na grupong nais kabilangan. Pero sa kabila ng sana'y kanilang mumunting pananaw sa mundo, giniyagis ang kabataan ng lingid na pagnanais na sundin ang mga kinahiratihang gawi at halagahan sa maraming pagkakataon. Nangyayari ito kahit na may pagsisikap silang kumawala sa mga kinasanayang pananaw-mundo. Sinubok ng pelikulang talakayin ang suliranin ng mga kabataan tungo sa paglalarawan at pag-unawa sa kanila. Naroon pa rin ang paniniwalang wala silang muwang sa pagharap sa hamon ng lipunan at lagi'y nararapat na sumandal sa huwaran ng nakatatanda. Naisalarawan din naman ang posibilidad ng pagiging independiyente ng kabataan ngunit taglay ang mabigat na tensiyong nagmumula sa pagmamanman ng akademya at mapang-limitang lipunan.
Direksiyon: Maryo J. de los Reyes
Dulang Pampelikula: Tom D. Adrales At Jake Tordesillas
Sinematograpiya: Joe Batac, Jr.
Musika: Rudy Rivero
Editing: Edgardo Vinarao
Disenyo: Fiel Zabat
Produksiyon: Agrix Film Productions, Inc.