 |
| Boystown |
Sa Boystown (Regal Films, Inc.) labis ang pagkapoot ni Bobet (Gabby Concepcion) kay Arnel (William Martinez). Sinisisi nito ang pagkamatay ng nakatatandang kapatid sa kaibigan. Ikinatwiran ni Arnel na aksidente ang nangyari ngunit nanatiling bingi si Bobet sa paliwanag nito. Dumating ang pagkakataong kailangang lisanin ni Arnel ang Boystown upang makipagsapalaran sa labas ng mundong kanyang kinalakhan. Namasukan bilang mekaniko sa isang bus company si Arnel, samantala patuloy ang buhay ng mga naiwanan nito sa Boystown. Isa si Trina (Snooky) sa mga estudyanteng inoobserbahan ang pamumuhay ng mga kabataan sa loob ng gusali. Nakilala nito si Bobet at agad nakursunadahan ng binata ang dalaga. Di naglaon, nawalan ng hanapbuhay si Arnel. Kung saan-saan ito naghanap ng mapapasukan hanggang sa matanggap bilang kargardor sa bodega ng isang malaking department store. Dito niya unang nasilayan si Laida (Maricel Soriano), isang despatsadora sa pamilihan. Naging mahirap ang buhay sa labas para kay Arnel lalo pa't lumaki ito sa Boystown. Hindi naging madali dito ang makaahon sa kumunoy ng kanyang nakaraan. Napagbintangan pa itong nagnakaw sa pinapasukang department store kaya napagdesisyunan niyang magbalik sa Boystown ngunit sa kanyang pagbabalik isang trahedya ang sasalubong dito. Muling mananaig ang kapatirang nabuo kina Arnel at Bobet. Magkasabay na haharapin ng dalawa ang mga pagsubok na iniatang ng lipunan sa mga kabataang tulad nila.
May pagsisikap ang Boystown na lumikha ng naiibang larawan ng kabataan. Hinuhubog dito ang mga kawalang-muwang na kabataan upang matutuhan nilang tumayo sa sariling mga paa at lalo pang mapalalim ang pagkalinga sa kanilang mga kasamahan sa loob. Higit pa itong pinapalubha ng pangyayaring isinasakonteksto ang ilang sitwasyon sa loob ng lente ng komedya. Sabihin mang nagpapatawa lamang ang tagpo, hindi nito tinatawaran ang kakayahan ng kabataan na lutasin muna sa loob ng kanilang sirkulo ang problemang bunga ng sama-sama nilang pagdanas sa mundo. Isinulong ng direktor ang nililikhang mekanismong kultural ng mga taga-Boystown upang mapangibabawan ang di-madalumat na ugat ng kanilang mga kinsadlakan. Siniyasat ng pelikula ang mutualismo na kadalasan ay humahantong sa parasitisimong namamagitan sa magkaiba subalit magkatabing uri ng lipunan. Iniluwal rin ng Boystown ang pag-angkop, pagbawi at pagbalikwas ng mga kabataan laban sa mga payapang karahasang dinedeploy ng mga nakakaangat at nagsisimulang umangat sa bahagdang pang-ekonomiya ng lipunang Pilpino. Ibinabalabal sa representasyon ng Boystown ang pagsulyap ng pelikula sa mga nasa loob at ang karakter ng loob na ito sa malawak na mapa ng kaapihan sa lipunan.
Direksiyon: Marilou Diaz-Abaya
Dulang Pampelikula: Jose Javier Reyes
Sinematograpiya: Manolo R. Abaya
Musika: Jun Latonio
Editing: Nonoy Santillan
Disenyo: Don Escudero
Produksiyon: Regal Films, Inc.
Release Date: November 19, 1982
 |
| Si Malakas, Si Maganda At Si Mahinhin |
Sa pelikulang Si Malakas, Si Maganda At Si Mahinhin (Trigon Cinema Arts) ni Danny Zialcita, mabilis maramdaman ang kagustuhan ng mga manlilikhang pigain ang kakayahan sa pagganap ng mga artista, rebisahin ang mga linya at linisin ang kamera. Nagtungo pa-Maynila si Billy de Gracia (Dindo Fernando) matapos itong palayasin sa paaralang pinagtuturuan hanggang sa magtagpo sila ng landas ng lesbyanang si Jane (Elizabeth Oropesa). Madalas nitong puntahan sa pinapasukang club si Candy (Alma Moreno). Mahigpit ang kanyang pangangailangan at sa pagpupumilt ng kaibigang si Lota (Laura Danao), nakumbinsi nito si Candy na pakitunguhan si Jane. Nang mapagnakawan si Billy, inalok niya itong sa kanya manirahan. Upang makatulong, namasukan bilang kosturera si Billy. Dumating ang pagkakataong nakilala nito si Joe (Joey Fabregas), isang estudyante at agad itong nagkagusto sa binata. Minsang nagkita sina Candy at Joe habang naghihintay kina Billy at Jane, nagsimula silang mag-kuwentuhan hanggang sa tuluyang mahulog ang damdamin ng dalawa sa isa't-isa na naging sanhi ng kanilang pagpapakasal. Kapwa bigo sina Jane at Billy at upang maibsan ang kanilang pangungulila, pansamantala silang nakalimot hanggang sa mapagdesisyunan nilang bumuo ng sariling pamilya. Sa pagsapit ng kasukdulan ng naratibo, magkakaroon ng sakit na leukemia si Jane at buong tapang na haharapin ng dalawa ang sitwasyon.
Dumadaloy ang pagsasapelikula sa salimuot ng pagkatao sa konteksto ng matalim na pagpuna sa homosekswalidad. Binigyan ng bagong imahe ang arketipong ito nang may sensitibong pagbatid sa magkabilang panig na nagpapatampok sa halip na kumakalimot sa mahapding mga dimensyon ng mga karanasang homosekswal sa di-matatag at laging nagbabagong lupain ng domestisidad. Sa konteksto ng di-ganap at di-pantay na paglaya mula sa inekwalidad ng kasarian, iniwasan ng pelikula ang puti at itim na depiksiyon ng bakla at tomboy. Dramatiko itong isinakonkreto ng magiting at matatag na pagganap ni Elizabeth Oropesa sa kumplikasyon ng tauhang kanyang ginaganpanan. Samantala, ang mahusay na pagsasadula ni Dindo Fernando ay nagbibigay ng naiibang sigla sa tradisyon ng pagganap sa pelikula. Mapapansin ang pagkakatulad ng Si Malakas, Si Maganda At Si Mahinhin sa A Different Story (1978) ni Paul Aaron ngunit mas malinaw na nailahad at nailantad ng dulang pampelikula nina Toto Belano at Jojo Lapus ang samu't-saring ideolohiya ukol sa homosekswalidad ng hindi nagmimistulang karikatura ang mga tauhan.
Direksiyon: Danny L. Zialcita
Dulang Pampelikula: Toto Belano At Jojo M. Lapus
Sinematograpiya: Felizardo Bailen
Musika: Demet Velsaquez
Editing: Ike Jarlego, Sr.
Disenyo: Cesar Jose
Produksiyon: Trigon Cinema Arts
Release Date: March 14, 1980
 |
| Pabling |
Isinapelikula ng Pabling (Regal Films, Inc.) ni Ishmael Bernal ang kapalaran ng mga dukha sa pamamagitan ng paggamit ng masakit na pagbibiro sa pagsasalarawan ng kahirapan sa siyudad. Sa pagnanais na magkaroon ng maayos na pamumuhay, nagtungo sa lungsod sina Maya (Maricel Soriano) at Berto (William Martinez) ngunit tulad ng karamihan, napadpad ang dalawa sa Luneta at dito nagsimula ang kasiya-siyang kuwento ng kanilang pakikipagsapalaran. Nagtagpo ang kanilang landas nang kapwa sila mapagnakawan. Nagkasundo sina Maya at Berto na tulungan ang isa't-isa hanggang sa makahanap sila ng pagkakakitaan. Kung anu-anong uri ng hanapbuhay ang kanilang pinasukan. Nariyang nag-waitress si Maya, namasukan bilang katulong, back-up singer hanggang sa mapilitang maglako ng mumurahing damit sa bangketa. Samantala, nagtinda ng kagamitang pambahay si Berto, nag-ekstra sa pelikula at nagpapalit ng dolyar sa palibot ng Ermita. Di naglaon, nakilala ni Berto si Paloma (Celia Rodriguez) at naging mangingibig siya nito. Ngunit hindi nagtagal ang kanilang pagsasama dahil sa sobrang pagseselos ni Paloma. Nagbalik sa Luneta si Maya sa pag-asang muli silang magkikita ni Berto nang alukin itong maging modelo ng isang sikat na potograpo. Di naglaon, nakita ni Berto ang mga larawan ni Maya sa magasin at nagsimula niya itong hanapin. Sa pagtatapos ng pelikula, muling magtatagpo ang dalawa sa isang fashion show.
Bagamat komedi ang Pabling, ang konsepto at pagbibigay anyo rito ay galing sa talino ni Bernal. Epektibo ang sinematograpiya ni Sergio Lobo, kuhang-kuha ng disenyong pamproduksiyon ni Peque Gallaga ang diwa ng direksiyon ni Bernal. Kung susundan ang litaw na lebel ng naratibo, ang Pabling ay kuwento ng dalawang nilalang na nagkakilala, nagkahiwalay at nagtagpong muli at ngayon ay kapwa survivor ng malupit na siyudad. Kapwa sila nagtungo sa lungsod upang magkaroon ng trabaho. Dahil maraming litaw na lebel ang tumataliwas sa reyalismo, hinikayat ng iskrip na hanapin ang kahulugan sa lebel na ipinapatnig ang masakit na pagbibiro. Mapait na biro ang prosesong pinagdaanan nina Maya at Berto sa siyudad. Ipinamalas sa pelikula ang di makataong pagtrato kay Maya nang mamasukan ito bilang katulong at ang paggamit ni Berto ng kanyang katawan bilang parausan ng mga malilibog na matrona. Sa pamamagitan ng pagbibiro, napalalim ni Bernal ang pamumuna ng kanyang pelikula. Pagbibiro rin ang naging paraan upang palawakin ang larawan ng lipunang ginagalawan ng Pabling.
Dulang Pampelikula At Direksiyon: Ishmael Bernal
Sinematograpiya: Sergio Lobo
Musika: Vanishing Tribe
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Peque Gallaga
Produksiyon: Regal Films, Inc.
Release Date: July 17, 1981
 |
| In This Corner |
Napagdesisyunan ni Flash Gonzaga (Vic Vargas) na magbalik sa larangan ng boksing labag man ito sa kalooban ni Laura (Perla Bautista), ang kanyang maybahay. Nang magwagi laban kay Joe Bikol (Nonoy de Guzman), ay nabigyan si Flash ng pagkakataong makatunggali ang kampeong si Kid Alaminos (Phillip Salvador). Upang manatili ang korona kay Kid, sinusuhulan ni Mr. Lorenzo (Ben Rubio), ang representante nito bawat boksingerong nakakalaban. Ngunit kaiba si Flash, malaki ang pagnanasa nitong mapasakanya ang titulong hawak ni Kid. Labis na ikinasama ng loob ni Kid ang katotohanan sa likod ng kanyang pagkapanalo sa bawat laban, dagdag pa dito, napag-alaman niya ang lihim na pakikitungo ng nobyang si Rita (Chanda Romero) kay Mr. Lorenzo. Ipinagtapat ni Kid kay Flash ang gawain ng kanyang representante sinabihan lamang niya itong ipaglaban ang sarili. Dumating ang araw ng kanilang pagtutunggali at sa pagtatapos ng laban ay nagwagi si Kid Alaminos, ngunit patas ba ang kanilang paglalaban? Sinadya ba ni Flash Gonzaga magpatalo? Sa pagtatapos ng pelikula ay idineklara rin ni Flash ang sariling pagkapanalo. Ang tagumpay ni Kid ay kanya ring tagumpay.
Isinalarawan sa In This Corner (New Agrix, Inc.) ang buhay ng mga boksingero sa pamamagitan ng pangunahing tauhang si Flash Gonzaga dahil siya'y katutubo ng larangan, nakapaglalagos siya maging sa mga natatabingang espasyong hindi nabubunyag maging sa sariling pamilya at mga kaibigan. Pribelihiyado at nasa kuwadro ng atensiyon ng kamera ang kadalasang mardyinalisadong sektor dahil narito ang pang-araw-araw na kolektibong tiyan ng mga mamamayang sinisipsipan ng sustansiya ng mga may hawak ng kapangyarihan. Halos dokumentaryo ang produksiyon. Mabuti na lamang at hindi naakit sa tendensiya ng cinema verite ang sinematograpiya ng In This Corner bagamat gumamit ng ganitong estilo ang pelikula, sa katotohanan, higit na naitanghal ng sinematograpiya ang ang panloob na reyalidad ni Flash. Sa krusyal na mga sandali, maging ang mga nasa isip lamang niya ay nagkaroon ng presensiya sa iskrin. Tulad niya, pansumandaling sumadlak ang kamera sa pagtatanghal ng salimuot ng buhay ni Kid Alaminos na tila naging ekstensiyon ng daigdig na kanyang kinabibitagan. Kung gayon, nasa ganap na pagkagapos sa galamay ng sistema ang hinaharap ni Flash, kumunoy ng trahedya ang kanyang situwasyon kahit nagkaroon ng pagkakataong harapang makita ang pagtatagumpay ni Kid. Kahima't pinili ni Lino Brocka ang reaktibong trajektori ng salaysay, nagtagumpay ang plastik na kalidad ng sinematograpiya at disenyong biswal na mailantad ang mga ugat at manipestasyon ng malalim na bukal ng korupsiyon sa lipunan.
Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Reuel Molina Aguila
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: Rudy Rivero
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Peque Gallaga
Produksiyon: New Agrix, Inc.
Release Date: May 20, 1982