ELWOOD PEREZ: Isang Natatanging Pagkilala



Simula 25 hanggang ika-27 ng Pebrero, magkakaroon ng pagtatanghal sa UP Film Institute ng mga pelikulang idinerehe ni direktor Elwood Perez na pinamagatang STARS CONVERGE (The Stellar Art And Career Of Elwood Perez).


Pebrero 25, 2pm


NAKAWIN NATIN ANG BAWAT SANDALI (Sampaguita Pictures, 1978)
Itinatampok Sina Vilma Santos, Christopher de Leon At Baby Delgado
Dulang Pampelikula: Orlando Nadres
Direksiyon: Elwood Perez


5pm


TILL WE MEET AGAIN (Regal Films, 1985)
Itinatampok Sina Nora Aunor, Tirso Cruz III, Dina Bonnevie At Edu Manzano
Dulang Pampelikula: Jose Javier Reyes At Rolando Tinio
Direksiyon: Elwood Perez


7pm


I CAN'T STOP LOVING YOU (Regal Films, 1985)
Itinatampok Sina Nora Aunor, Tirso Cruz III, Jackie Lou Blanco, Rowell Santiago, Lani Mercado, Nadia Montenegro At Richard Gomez
Dulang Pampelikula: Jose Javier Reyes At Francisco Leo Lopez
Direksiyon: Elwood Perez


Pebrero 26, 2pm


IBULONG MO SA DIYOS (Regal Films, 1988)
Itinatampok Sina Vilma Santos, Gary Valenciano, Miguel Rodriguez At Eric Quizon
Dulang Pampelikula: Orlando Nadres
Direksiyon: Elwood Perez


5pm


MASARAP, MASAKIT ANG UMIBIG (Sampaguita Pictures, 1977)
Itinatampok Sina Vilma Santos, Christopher de Leon At Mat Ranillo III
Dulang Pampelikula: Orlando Nadres
Direksiyon: Elwood Perez


7:30pm


BILANGIN ANG BITUIN SA LANGIT (Regal Films, 1989)
Itinatampok Sina Nora Aunor, Tirso Cruz III, Miguel Rodriguez At Gloria Romero
Dulang Pampelikula: Jake Cocadiz
Direksiyon: Elwood Perez


Pebrero 27, 2pm


ISANG GABI, TATLONG BABAE (Juan dela Cruz Productions, 1974)
Itinatampok Sina Amalia Fuentes, Boots Anson Roa At Pilar Pilapil
Dulang Pampelikula: Wilfrido Nolledo, Orlando Nadres, Joey Gosiengfiao at Douglas Quijano
Direksiyon: Elwood Perez


5pm


PAKAWALAN MO AKO (MVP Pictures, 1981)
Itinatampok Sina Vilma Santos, Christopher de Leon At Anthony Castelo
Dulang Pampelikula: Pete Lacaba, Mao Gia Samonte At Iskho Lopez
Direksiyon: Elwood Perez


7pm


ANG TOTOONG BUHAY NI PACITA M. (MRN Films, 1991)
Itinatampok Sina Nora Aunor At Lotlot de Leon
Dulang Pampelikula: Ricardo Lee
Direksiyon: Elwood Perez

Sa Madidilim Na Sulok Ng BEERHOUSE


Nagtungo pa-Maynila si Lilian (Trixia Gomez) sa pag-aakalang magkakaroon ito ng higit na magandang oportunidad at maayos na pamumuhay. Makikitira siya sa silid na inuupahan ni Carol (Vivian Velez), isang mananayaw sa club kung saan namamasukan si Lilian bilang waitress. Sa sandaling inilagi niya doon, nahulog ang loob nito kay Nanding (Ernie Garcia), isa sa mga parokyano ng club. Samantala, patuloy na sinusundan si Carol ng tagahanga nitong estudyanteng si Nonoy (Ronald Corveau). Minsan, ay pinagbigyan nito ang binata sa kanyang nasang seksuwal sa pag-aakalang titigil ito sa pagsunud-sunod sa kanya ngunit taliwas sa inaasahan ni Carol ang nangyari. Dumating ang pagkakataong napag-alaman ni Lilian ang katotohanang may sariling pamilya si Nanding. Sa kabila ng mga payo sa kanya ni Carol, sa huli ay nabigo pa rin si Lilian. Itinatanghal sa kasaysayang ito ng pelikulang Beerhouse (Regal Films, Inc., 1977) ang pakikipagsapalaran ng mga kaluluwang naninirahan sa sala-salabid na espasyo ng entreswelong kanilang pinamumugaran sa pamamagitan ng pangunahing tauhang si Lilian. Sumusunod ang lente sa bawat pitik at pasag ng mukha ni Lilian, pati na rin sa nakakasalamuha niyang mga potensiyal na kostumer. Tumampok ang mapaglarong kamera ni Elwood Perez ngunit hindi nito nakuhang isalba ang mababaw na pagsusuri sa mga suliranin ng mga babaeng nagpuputa bilang kasagutan sa labis na kahirapan.

May malaking suliranin si Jenny (Chanda Romero). Nagdadalantao ito at hindi niya alam kung paano ipagtatapat sa nobyong si Tito (Freddie Quizon). Hindi nito inaasahang labis na ikasisiya ng binata ang pagbubuntis ng kasintahan. Ngunit hindi dito natatapos ang problema ni Jenny. Nais niyang ipakilala si Tito sa kanyang mga magulang. Nagkasundo sina Jenny at ang kanyang ama (J. Antonio Carrion) na imbitahan ang nobyo sa isang salu-salo at sa okasyong ito, nadiskubre ang tunay na pagkatao ni Tito. Mariin nitong ipinaglalaban ang karapatang pantao ng mga mahihirap. Si Tito ang dahilan kung paanong namulat si Jenny sa kahirapang nanunuot sa lipunan. Labis itong ikinagalit ng mga magulang ni Jenny. Iigting ang takbo ng kuwento nang mapagdesiyunan ng kanyang inang (Rosemarie Gil), ipalaglag ang ipinagbubutis ng anak. Lalabanan nito ni Jenny at pansamantala siyang magbabalik kay Tito. Pinatitingkad ng kasaysayang ito ang mga katangian ng melodrama sa ilang ipinamalas nitong kumbensiyon. Pangunahin sa mga katangiang ito ang pagtatampok sa katauhan ni Jenny sa pagtupad sa mga mga tungkuling inatang sa kanya ng lipunan. Tungkulin bilang anak. Kailangan niyang irespeto ang kanyang mga magulang gaano man kalaki ang pagkukulang ng mga ito. Tungkulin bilang babae. Kailangan niyang ibigay ang pagmamahal at atensiyon sa kanyang mangingibig. Ngunit binibigo rin ang karaniwang ekspestasyon ng isang pelikulang melodrama. Maingat na binuo ang karakter ni Tito dahil kumikilos ito ayon sa ayon sa maingat at matalinong paghimay sa iba't-ibang tensiyong kinakaharap nito.

Namamasukan si Rosario (Charito Solis) sa isang pipitsuging beer garden upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak na dalagitang si Corazon (Cherie Gil). May kimkim na poot ang anak sa ina. Nais ni Rosario na makawala sa poder ng kinakasamang si Boy Turko (Dave Brodett) na walang ginawa kundi gamitin o di kaya ay gulpihin siya. Sa isang di-inaasahang pagkakataon ay nakilala niya si Jose Mari (Eddie Gutierrez), isang negosyante. Sa pag-aakalang natagpuan na ni Rosario ang lalaki ng kanyang mga pangarap, isinama nito ang kanyang mga kaibigan sa tirahan ni Jose Mari, ngunit hindi siya nakilala nito. Minsang nagkita silang muli sa loob ng sinehan, inimbitahan ito ni Rosario sa pinapasukang beer garden at doon ay kanyang ipinamukha kay Jose Mari ang tunay niyang ikinabubuhay. Ipinagtapat ni Jose Mari ang kanyang damdamin at tinanggap ni Rosario ang pangako ng isang maayos at mariwasang buhay. Sa pagsapit ng kasukdulan ng naratibo, magtatangkang lumayas si Rosario at tuluyang iwan si Boy Turko. Pilit niyang isinasama si Corazon, ngunit hindi nito makumbinsi ang anak. Ginising ni Corazon ang natutulog na amain upang pigilan ang kanyang ina. Sa pagtatampok sa proseso ng pagpapasiya ni Rosario, naipamalas kung paanong ang melodrama ay nagagamit sa pagsasalarawan ng damdamin at aspetong personal, at kung paanong sa pagsasadula ng mga dinaranas na agam-agam, at pighati ay mapatingkad ang pakikibaka ng mga tauhan sa sa mga estrukturang panlipunan. Nagpapahiwatig ang Beerhouse ng kabatiran tungkol sa pagkatao ng tao at ng kanilang tungkulin sa ginagalawang lipunan.

Direksiyon: Elwood Perez
Dulang Pampelikula: Nicanor Tiongson At Toto Belano
Sinematograpiya: Gener Buenaseda
Musika: Demet Velasquez
Editing: Ben Barcelon
Disenyo: Pedro Perez At Ray Maliuanag
Produksiyon: Regal Films, Inc.

Mga Busabos Ng Ermita... CONDEMNED



Ang salimuot ng buhay siyudad ang nagsulong sa naratibong inilatag ng Condemned (Golden Dragon Films International at NV Productions). Ipinahihiwatig ng mga pagtatanghal sa buhay ng magkapatid na Yolly (Nora Aunor) at Efren (Dan Alvaro), ang kahirapan ng pamumuhay sa palibot ng Ermita. Namamasukan bilang driver ni Connie (Gloria Romero), pinuno ng sindikatong nagpupuslit ng dolyar sa bansa si Efren habang naglalako ng bulaklak si Yolly kasama ang kaibigang si Mona (Leni Santos). Naging misteryo ang sunud-sunod na pagpatay ng mga kilalang negosyante sa Ermita. Dahil sa nag-iiwan ng rosas ang pumatay sa bangkay ng biktima, binansagan itong Boy Rosas. Isang gabi, di-inaasahang nasaksihan nina Yolly at Mona ang pagtatalo sa pagitan ni Dennis (Toby Alejar), ang anak ni Connie at nobyang si Lorraine (Rio Locsin) na nauwi sa di sinasadyang pagpatay ng una sa huli. Sa pag-aakalang sina Dennis at Boy Rosas ay iisa dahil sa iniwan nitong bulaklak matapos isagawa ang krimen, nagmamadaling umuwi at nagtago ang dalawa dala ng labis na takot at pangamba. Gigipitin ng mga may kapangyarihan si Yolly upang ipagtapat ang kanyang nasaksihan. Patuloy naman si Efren sa pakikitungo kay Mayette (Gina Alajar), isang putang pinagpaparausan nito. Minsan, nakita ni Mayette na maraming dolyar sa bulsa si Efren. Binalak niya itong ipaligpit at dakpin ang kapatid upang mapasakamay nila ang malaking halagang hawak nito. Hindi sila nagtagumpay at kinuha ng mga tauhan ni Connie si Yolly. Ililigtas ni Efren ang kapatid subalit mapapatay ito ng kanyang mga kasamahan. Sa huli, magigipit si Yolly at maghaharap silang muli ni Connie sa isang makapigil hiningang komprontasyon.


Inilantad ng Condemned ang masalimuot na katiwalian sa lipunan. Mapangahas nitong tinalakay kung paano inaabuso ng may hawak ng kapangyarihan ang kanyang posisyon sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan sa mga negosyante para sa pansariling interes, katumbas man nito'y buhay ng mga taong nakapaligid dito at kung paano nasusuhulan ang makapangyarihan para pagtakpan ang kanyang ilegal na gawain. Tunay na nakaantig ang magiting at matatag na pagganap ni Nora Aunor bilang babaeng nagsisikap makaahon sa kahirapan. Samantala, mapangumbinsi rin ang pagganap ni Gloria Romero sa pagsasalarawan ng mapagsamantalang lider ng sindikato. Sa pangkalahatan, masasabing malinis na naihanay ni Mario O'Hara ang magkakaugnay na tema ng pelikulang may sinasabi tungkol sa situwasyon ng lipunan. Epektibo niyang naisagawa ang pagpupunla ng mga pahiwatig kung sino ang salarin at kung sino ang nagsasabi ng totoo, tungo sa pagsisiwalat na ang pugad ng di-masugpong katiwalian ay nasa itaas mismo ng herarkiya ng lipunan. Nagawa ng pelikulang lambungan ng misteryo ang daloy ng mga pangyayari upang sa huli'y maging higit na epektibo ang pagtukoy sa tiwaling elemento ng lipunan. At habang nagiging kumplikado ang tunggalian, nahawakan ng pelikula ang pananabik bunga ng maingat na editing at malikhaing sinematograpiya hanggang sa maipamalay sa wakas ng istorya na ang ordinaryong mamamayan ang siyang biktima ng mapagsamantalang elementong nagpapatakbo ng mahahalagang makinarya ng lipunan.


Direksiyon: Mario O'Hara
Dulang Pampelikula: Jose Javier Reyes, Mario O'Hara At Frank Rivera
Sinematograpiya: Johnny Araojo
Musika: Willie Yusi
Editing: Efren Jarlego
Disenyo: Frank Rivera
Produksiyon: Golden Dragon Films International At NV Productions
Release Date: October 19, 1984
May Bukas Pang Muli theme song from Condemned performed by Nora Aunor

OLONGAPO... Lunan Ng Mga Wasak Na Pangarap


Sa unang panonood pa lamang ng Olongapo... The Great American Dream (The Asian American Film Institute, 1987), madali nang malaman ang pakay at hangad ng ganitong uri ng pelikula. Bagamat hindi masasabing patakbuhing melodrama, walang iba itong layunin kundi maipahayag ang payak na mensaheng nais itumbok ng pelikula. Nabuhayan ako ng loob sa mga unang eksena kung saan ang lunan ng naratibo ay isang patakbuhing bar sa Olongapo, ang Great American Dream na pag-aari ni Charlie (Susan Africa), isang dating puta na nagtayo ng sariling club na pinamumugaran ng mga sex worker, mga lalaking nagpaparaos at mga dayuhang naghahanap ng panandaliang aliw. Nagbalik mula sa Albay si Racquel (Jaclyn Jose) upang makisama sa nawalay na inang si Martha (Chanda Romero). Muli silang nagkita ng kanyang kababatang si Joel (Joel Torre), miyembro ng bandang palagiang tumutugtog sa bar. May kimkim na poot ang anak sa ina dahil sa mga karanasang pinagdaanan nito ngunit sadayang hindi matatakasan ni Martha ang nakaraan. Samantala, layunin ni Sister Elena (Joy Virata) na ipasara ang club na pag-aari ng pamangkin nitong si Kardo (Raoul Aragonn) ngunit sa kasamaang palad ay hindi ito nagtagumpay. Isa si Nancy (Marilou Sadiwa) sa mga namamasukan sa bar. Nahulog ang loob nito sa isang dayuhang parokyanong nais itong pakasalan at isama sa ibang bansa. Ngunit maglalaho ang kanyang mga pangarap nang magkaroon ito ng sakit na AIDS. Di naglaon, namasukan bilang kahera sa bar si Racquel bagamat laban ito sa kagustuhan ng ina. Nangangailangan ito ng malaking halaga upang makapunta sa Amerika hanggang sadumating ang pagkakataong kailangan niyang pagnakawan si Charlie. Bago matapos ang pelikula ay mahuhuli si Racquel ngunit hindi ito papayag sa mga kundisyon ni Charlie hanggang sa kanyang mapagdesiyunang tuluyang lisanin ang Olongapo.

Sayang na sayang at hindi napangatawanan ng pelikula ang mayabong na tema at diskurso ng naratibo. Kapansin-pansing, matapos na maipundar ang milyu, hindi na alam ng direktor kung paano paandarin ang istorya. Ngunit maliban sa pagtukoy sa kahinaang ito, na siya naman talagang bumalda sa pelikula, napag-isip tuloy ako ng palabas na ito tungkol sa mga parametrokung ilalapat ang mga ito sa isang obrang tulad ng Olongapo... The Great American Dream. Kung estilo at estilo lamang ang pag-uusapan, walang sinabi ang ibang pumupormang direktor ngunit may iba pang dapat pagkaabalahan bukod sa teknik at teknolohiya at pagpapakitang-gilas sa larangan ng disenyong biswal. Mahalaga rin dito ang usapin ng matriyarka kung saan isang matapang na babae ang siyang tumatayong kontrabida. Si Charlie ba ay humahalili sa lalaki? Bakit binabawian siya ng kagandahang loob at pinagmumukhang sakim? Sa aking palagay, ito ang puno't dulo ng lahat. Ang paraan ng ating pagtingin ang siyang susi sa kung anuman ang ating nakikita. Kung makitid ang ating pananaw, wala tayong gaanong makikita at makukulong tayo sa kakitiran ng ng ating mga paniniwala. Kailangan lamang nating mag-usisa sa mga konteksto ng reyalidad at sa pag-uusisang ito matatanto na kailangan nating tanawin ang mga disiplina sa pagtatangkang makahubog ng mataos na pag-unawa. Kailangan lamang mamili ng mga perspektibang makakatulong sa paghimay sa iba't-ibang aspeto ng pelikula.

Direksiyon: Chito Rono
Dulang Pampelikula: Frank Vrechek, Alan Cummings At Ricky Lee
Sinematograpiya: Jun Perreira
Musika: Martin Galan
Editing: Jennifer Auge
Disenyo: Dante Mendoza
Produksiyon: The Asian American Film Institute