
Sa pelikulang Mga Lihim Ng Kalapati (FLT Film Productions, 1987), ipinakita ang pag-urong ni Madonna (Isadora) mula sa isang mundong nawalan na ng komunikasyon patungo sa kanyang sariling mundo kung saan ay siya lamang ang maaring makakilala, subalit sa bandang huli ay lalayo rin ito sa bahay na tinitirhan hindi upang harapin ang mundo sa labas kundi upang ilagak ang indibidwal na sarili sa isang mundong tiwalag rin. Mapapansin ang nangingibabaw na tema ng solitaryong paglalakbay ni Madonna tungo sa isang katubusang hindi rin nito lubusang magagap. Upang ganap na maitampok ang kasalimuotan ng karanasang personal ni Madonna ay malikhaing nagamit ng pelikula ang sinematikong estratehiya ng pagbabalik-larawan. Naging masinop at dramatiko ang sinematograpiya sa pagtatanghal ng madilim, malungkot, nakakatakot, kawalang-pag-asa at kawalan ng pananalig sa tao. Ipinakita ng pelikula ang reyalidad ng mundong ginagalawan ni Madonna sa pamamagitan ng pakikisalamuha nito sa mga potensiyal na biktima habang ginagaygay ang pasikot-sikot ng kanyang pribadong mundo.
Nagtangkang maging alternatibo ng Mga Lihim Ng Kalapati. Ngunit hindi malinaw kung alternatibo saan. Gayon pa man, mapapansin sa watak-watak na daloy ng naratibo ang pagsisikap na pagsanibin ang mga nasang pangkaisipan, pisikal at seksuwal upang buuin ang pagkatao ng tao. Tulad ng iba pang pelikula ni Celso Ad Castillo, kapuri-puri ang teknikal na aspeto ngunit problematiko ang resolusyon ng naratibo. Mahusay ang paghimay ng mga argumento, ang pagsasalit-salit ng mga lebel ng simbolismo, ang pagpili ng tunog na aangkop sa isang eksena ngunit isinara ang teksto ng paikot na dulog. Sa gayon, hindi pinapahintulutan ng pelikula ang eksternal na pagbasa sa teksto maliban sa kung anong saysay ang nakapaloob sa pakikipagtalik ni Madonna sa bawat lalaking nakadaupang-palad nito. Katangi-tangi rin ang pagganap ni Isadora. Totoong nabawasan ang kanyang hysterical gestures sa pelikulang ito ngunit wala siyang ipinakitang bagong kakayahan upang pangatawanan ang papel ng babaeng biktima ng isang kahindik-hindik na nakaraan. Ang tapang ng tema at husay ni Isadora ay hindi nabigyan ng sapat na paggabay upang magagap ang kabuuang sustansiya ng kanyang karakter. Malaki rin sana ang potensiyal ng iba't-ibang manipulasyong kinasangkapan ng pelikula tulad ng gunita ng pagyao ng ina ni Madonna (Marissa Delgado), ang imahen ng misteryosong lalaki (Sonny Parsons) sa kanyang panaginip, eksena ng pakikitungo ni Madonna sa kanyang katulong (Tanya Gomez). Ang mga anakronismong ito, kung nagamit lang sana nang mabuti, ay makapagpapalinaw sa mas masalimuot na pagpapakahulugan. Ngunit tila hindi ito nalinaw at napag-ugnay ng bisyon ng pelikula. Sa kabuuan, hindi lamang ang pangunahing karakter ang ginawang baliw. Nabaliw rin ang marami pang aspeto ng pelikula.
Direksiyon: Celso Ad Castillo
Dulang Pampelikula: Celso Ad Castillo At Rei Nicandro
Sinematograpiya: Ver Dauz
Editing: Enrique Jarlego
Disenyo: Dante Mendoza
Produksiyon: FLT Film Productions
12 Comments



