Ang Totoong KULAY NG MUKHA NG DIYOS


Kolektor ng tong si Fidel Alipio (Michael de Mesa) para sa mga pulis pang-trapiko. Nahuhumaling ito kay Lani (Gina Alajar), isang putang namamasukan sa kalapit na bar. Labag sa kanyang kalooban ang pagsama ng nobya sa mga kostumer nitong lalaki. Minsan, nakita ni Fidel si Lani kasama ang regular na parokyanong si Mr. Perez (Subas Hererro). Labis niya itong ikinabugho hanggang sa mabaril at mapatay ni Fidel ang kostumer ni Lani. Naging dahilan ito upang siya ay mabilanggo at masintensiyahan ng kamatayan sa silya elektrika. Dinalaw ni Lani sa piitan si Fidel upang ipaalam ang kanyang pagdadalantao ngunit hindi ito matanggap ni Fidel. Di naglaon, isinilang ang sanggol ngunit nabulag ito sanhi ng mga komplikasyon. Nagbalik sa pagpuputa si Lani upang matustusan ang mga pangangailangan nilang mag-ina. Kadalasa'y iniiwan nito si Maripi (Katrin Gonzales) sa pangangalaga ni Celing (Caridad Sanchez), isang dating puta. Nakilala ni Lani si Rudy Velez (Edu Manzano), isang reporter at nakumbinsi niya itong talikdan ang kinasanayang hanapbuhay at mamasukan bilang despatsadora sa isang malaking tindahan. Hindi pa rin matakasan ni Lani ang nakaraan at nang minsang mabasag at masira ang mga paninda dala ng di pagkakaunawaan ng kanyang manager, sa halip na salapi, ibinayad nito ang sarling katawan. Muli siyang nagbalik sa pagpuputa. Samantala, ikinonsulta ni Rudy sa isang espesyalista ang kalagayan ni Maripi at napag-alamang maari pa itong makakita kung may magbibigay sa kanya ng mga mata. Inilathala ni Rudy sa pahayagan ang kalagayan ni Maripi at nang mabasa ito ni Fidel ay kanyang inialok ang sariling mga mata. Sa huli'y napag-alaman ni Fidel na si Lani ang ina ng batang kanyang tinutulungan. Muling nabuo ang kanilang pamilya at sama-sama silang nagdiwang ng kapaskuhan. Dahil sa mga pangyayari, nabigyan ng pardon si Fidel, ngunit paano na ang pangakong kanyang binitiwan kay Maripi? Nang sumunod na umaga, natagpuang patay si Fidel sa loob ng kanyang selda. Naging matagumpay ang opersayon ni Maripi at nabigyan ito ng panibagong buhay at pag-asa ng kanyang ama.



Nangingibabaw ang Ano Ang Kulay Ng Mukha Ng Diyos? (LEA Productions, 1985) sa pagsisikap na iukit ang bagong pagsasalarawan sa mga nakasanayang pormula at paglinang sa mga lumang temang nangangailangan ng sariwang pamamaraan ng sinematikong paglalahad. Natatangi ang pelikula dahil sa matagumpay nitong pagtatangkang ilantad ang lumalalang suliranin ng kahirapan sa bansa. Ang transpormasyon ng pangunahing tauhang babae ay naisulong sa mabisang paglalangkap ng mga elemento ng pelikula. Masinop ang sinematograpiya sa pagsasalarawan ng dominasyon nang hindi nagiging mapagsamantala. Naging makabuluhan ang dulang pampelikula sa paraang nakapagsangkot ito ng mga tauhan, lalo na yaong matalinong nagampanan ni Gina Alajar, na pinaalingawngaw ang buhay at karanasan na naglulundo sa solidaridad at kolektibong mithiin ng kababaihang tulad niya. Mahusay rin ang karakterisasyon sa paglalahad ng kapani-paniwalang motibasyon ng mga tauhan para mag-isip, kumilos at magbago. Katangi-tangi ang ipinamalas ni Michael de Mesa sa matapang at lihis sa pagkakahong pagsasakarakter kay Fidel. Maayos na naipahayag ng pelikulang Ano Ang Kulay Ng Mukha Ng Diyos? ang kuwentong nais isalaysay habang nagtutuon ng matimbang na pagpapahalaga sa estetika ng pelikula. Ang mga imahe ng deboto sa simbahan tungo sa pamamasyal ng mga tao sa pampublikong parke at Pasko tungong Bagong Taon ay lumilikha ng pelikulang mahusay ang bahaging produksiyon sa kabila ng umuukilkil na problema sa layunin at pulitika. Dumarating ang mga imahe at tunog sa tantiyadong dinamika at nagpapatindi sa kamalayan sa pag-iral ng sariling nakapaloob sa kaligirang panlipunan.



Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Jose Y. Dalisay, Jr.
Sinematograpiya: Pedro Manding, Jr.
Musika: Willie Cruz
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Benjie de Guzman
Produksiyon: LEA Productions

Mga Natatanging Pelikula Ng METRO MANILA FILM FESTIVAL (Ang Pagtatapos)

Mga Natatanging Pelikula Ng METRO MANILA FILM FESTIVAL (Unang Bahagi)

Ang SUPERSTAR Ng Metro Manila Film Festival



Sa pelikulang Atsay (IAN Film Productions, 1978) ni direktor Eddie Garcia napagwagihan ng Superstar ang kauna-unahan nitong parangal mula sa Pista Ng Pelikulang Pilipino bilang Best Performer. Pinabulaanan ng aktres ang prediksiyon ng karamihang ang karibal na si Vilma Santos ang mag-uuwi ng karangalan dahil sa mahusay nitong pagganap sa pelikulang Rubia Servios (Sampaguita Pictures, Inc.).







Ang Bona (NV Productions, 1980) ay isa sa dalawang pelikula ng Superstar sa taunang pista. Hindi matatawaran ang husay na kanyang ipinamalas sa ilalim ng pamamahala ng premyadong direktor na si Lino Brocka ngunit si Amy Austria ang idineklarang Pinakamahusay Na Aktres sa kanyang sensitibong pagganap sa Brutal (Bancom Audiovision Corporation) na idinerehe ni Marilou Diaz-Abaya. Muling umani ng papuri ang Bona nang itanghal ang pelikula sa Director's Fortnight ng prestihiyosong Cannes Film Festival, taong 1981.







Makaraan ang dalawang taon, muling umani ng tagumpay ang Superstar sa kapani-paniwala nitong pagganap bilang Elsa sa obra ni Ishmael Bernal ang Himala (Experimental Cinema Of The Philippines, 1982). Napagwagihan ng pelikula ang halos lahat ng tropeo sa Gabi Ng Parangal. Dahil dito, napili ang Himala bilang opisyal na lahok ng bansa sa Berlin Film Festival nang sumunod na taon.


Mabibili ang DVD ng Himala dito




Taong 1984 nang muling mapagwagihan ng Superstar ang karangalan bilang Pinakamahusay Na Aktres sa kanyang di malilimutang pagganap sa papel ni Angela Aguilar, ang pangunahing tauhan sa Bulaklak Sa City Jail (Cherubim Films ni direktor Mario O'Hara. Inulan ng papuri ang pelikula kung saan nakipagtagisan ng talino sa pag-arte ang Superstar sa mga de-kalibreng aktres na sina Gina Alajar, Celia Rodriguez, Perla Bautista at Maya Valdes.


Taos pusong pasasalamat kay Simon Santos ng Video 48 gayundin kay Ken Gonzales ng Nora Aunor Tribute Website sa posters ng mga nabanggit na pelikula.

Hanggang Sa Huling Patak Ng ALKITRANG DUGO


Isang eroplanong lulan ang grupo ng mga kabataang kalahok sa Mini Olympics ang bumagsak sa ilang na pulo. Sa pangnguna ni Luis (Eddie Villamayor), nagtipon-tipon sa dalampasigan ang mga kaibigang nakaligtas sa sakuna. Tumayong pinuno ng pangkat si Luis at sa tulong ng matalik na kaibigang si Nilo (Toto, Jr.) ay nagsimula ang lahat na maghanap ng makakain at masisilungan. Samantala, napapansin ni Andy (Roderick Paulate) na unti-unting nahuhulog ang loob ni Clarita (Margie Braza) kay Luis. Ito ang pinagmulan ng maigting na tensiyon sa pagitan ng dalawa. Di naglaon, napansin ni Andy ang pagmamaneobra ni Luis sa grupo. Hindi niya matanggap ang katotohanang, nakuha nito ang simpatiya ng kanilang mga kasamahan at dito siya nagsimulang makadama ng labis na pagkapoot. Minsan, hinamon ni Andy ang kakayahan ni Luis sa pangangaso. Nang kanyang mahuli ang baboy ramo, kinakitaan ito ng kakaibang abilidad na hindi nakita ng karamihan kay Luis. Ilan sa kanilang mga kasamahan ang pumanig kay Andy hanggang sa mahati sa dalawa ang grupo. Ang inosenteng mga kabataan ay kinakitaan ng bangis na dulot ng pamumuhay sa kagubatang pumipiit sa kanila. Mamumulat ang kanilang kaisipan sa katotohanang maging sa isang ilang pulo, kinakailangan ng kaayusan. Susuungin ng pangkat ang nagbabadyang panganib at malagim na karanasan. Sa pagtatapos ng pelikula ay muling maghaharap sina Luis at Andy sa isang mahapdi at di maiiwasang engkuwentrong nagpapatunay ng pagtutunggali sa identidad sa pagnanais ng lahat na muling mabuo ang nilamat na pagkakaibigan.


Isinapelikula sa Alkitrang Dugo (NV Productions, 1976) ang isang sadya at magaspang na plastisidad. Isang estratehiyang hindi lamang tumatanggi sa kintab at kinang ng mga pelikulang may malaking badyet kundi matagumpay ding nakalikha ng isang kapaligirang umaapaw sa naiibang uri ng pagkalugmok at pagkakait. Higit na mapapahalagahan ang Alkitrang Dugo dahil sa muling paglikha ng pananaw kung saan nagaganap ang tunggalian hindi bilang engrandeng pangyayari kundi bilang pang-araw-araw na pakikibaka. Ayon sa pagkakaganap, kahit batambata ay isinabalikat ni Roderick Paulate sa kanyang papel bilang Andy, ang buong bigat ng pasaning nakapaloob sa pelikula nang hindi nagpapahiwatig ng kabagutan. Isang uri ng pagganap na kumikilos, nag-iisip at malalim na umuunawa sa karanasan. Samantala, katangi-tangi rin ang pagganap ni Eddie Villamayor bilang Luis na nagsasaad ng pagkaunawa at metodo sa layuning dramatiko ng kanyang pelikula. Madulas ang daloy ng iskrip na hango sa nobelang Lord Of The Flies ni William Golding at konsistent ang disenyong biswal. Mahusay ang paghimay ng mga argumento, ang pagsalit-salit ng mga lebel ng simbolismo, ang pagpasok at paghugot ng kamera at pagpili ng musikang aangkop sa isang eksena. Nararapat din banggitin ang kontribusyon ng Alkitrang Dugo sa paggamit sa elemento ng editing sa pagbusisi ng pelikula sa tunggalian ng mga nanggagamit at ginagamit, ng mga naghahabol at hinahabol ng mga pagkasukol at pagkaligtas o pag-iwas at kung paanong nagsalimbayan ang mga dikotomiyang ito. Sa katunayan, ipinakita ni Lupita Concio sa pelikula ang nagkakapalitang anyo ng mga dikotomiyang ito sa pamamagitan ng pagpapalit-posisyon ng mga tauhan upang padaluyin ang isang kaayusang sinadyang ikubli sa nagkukunwang mga pagkakaiba ng mga dikotomiyang ito.


Direksiyon: Lupita A. Concio
Dulang Pampelikula: Nicanor B. Cleto, Jr.
Sinematograpiya: Joe Batac, Jr.
Musika: Lutgardo Labad
Editing: Ben Barcelon
Disenyo: Ben Otico
Produksiyon: NV Productions

Paano Ba Magpalaki Ng ANAK?


Sa pelikulang Anak (Regal Films, Inc., 1982) ginawa ni Sandra (Dina Bonnevie) ang tipikal na solusyon ng kabataan kapag nagkakaroon ng di-pagkakasundo sa bahay. Ang maglayas at tipikal din ang kinahinatnan nito sa kanyang naging desisyon. Ang magdulot ng kahihiyan sa sariling pamilya. Sa isang dako naman, binibigyang kahulugan ang pagiging progresibo ng modernong babae sa kanyang pagiging halaghag sa pag-uugali at bigay-hilig sa pakikipagrelasyon. Maari siyang magmura, makipagbastusan at makipaglaro sa lalaki. At ito naman ang kabilang dako ng pagbibigay karakter sa kabataang babae. Sa kabila ng liberal na asta at asal na ipinakita sa pelikulang Anak, nakapagtataka na pinairal pa rin ang anakronistik at makalumang pagturing sa babae bilang haligi ng lipunan. Respetadong huwes si Gloria San Agustin (Celia Rodriguez), ina ni Sandra. Ngunit kahit gaano kalaki ang pagmamahal sa kaisa-isang anak ay hindi nito nagawang baluktutin ang batas dahilan lamang sa pakiusap na gamitin ng ina ang katungkulan nito upang mabago ang desisyon sa kasong kinakaharap ng nobyong si Alfred Montemayor (Christopher de Leon). Naging mapanganib pa nga ang larawang itinanghal sapagkat humahantong sa konklusyong anuman ang gawin ng babae, mananatili itong walang magawa sa mapanuring mata ng lipunan kahit karikatura ang pagsasalarawan dito. Nariyan din ang problema ng pagiging magkaribal sa pag-ibig. Nang makilala ni Sandra si Gabriel (Lloyd Samartino) nagkaroon ng pag-asa ang babae na maisaayos ang kanyang buhay ng hindi umaasa kaninuman. Di naglaon ay nakalaya mula sa piitan si Alfred at tangka nitong bawiin kay Gabriel si Sandra ngunit nabigo pa rin ito. Nanikluhod si Sandra sa kanyang ina upang humingi ng kapatawaran sa mga pagkakamaling nagawa. Bago matapos ang pelikula, mamatay si Sandra sanhi ng isang mabigat na karamdaman at sa pagkakataong ito lamang niya makakamtan ang lubos na pagpapatawad ng kanyang ina.

Sa lahat ng ito, nagalugad ang iba't-ibang lalim o kadalasa'y babaw ng pananaw, gawi at asal kaugnay ng kabataan bilang sektor. Sang-ayon ito sa limitasyon ng pagsasalarawan ng mga tagalikha ng pelikula. Sa kabila ng panlabas na anyo ng urbanidad at sana'y kasamang pagkaprogresibo sa pananaw ng mundo giniyagis ang mga kinahiratihang gawi at kahagalahan sa maraming pagkakataon. Nangyayari ito kahit na may pagsisikap silang kumawala sa kinasanayang pananaw-mundo. Dahil umiikot sa relasyon ng ina at anak ang takbo ng mga pangyayari sa pelikula, hindi maiiwasang maging kasama dito ang isyu ng kasarian at kapangyarihan. Alam nating nananaig sa lipunang Pilipino ang pangingibabaw ng makalumang ideyolohiyang itinuturing na mahalaga sa isang kultura. Tila walang mapagpalayang pag-uusisa ang pelikulang Anak sa pagtatakda ng kaayusang ito at kung mayroon man, nababalewala ng paraan ng paglutas sa mga tunggaliang ipinakita sa loob ng naratibo. Sa pagsasagawa nito, tumatagilid ang timbangan kung minsan sa progresibong pagbabago ng kababaihan ngunit madalas na sumasayad ng hustosa pagiging konserbatibokundi man tahasang pagiging reaksiyonaryo. Tunay namang mahirap na paksa ang relasyong pantao ngunit alanganin ang posisyong pinili ng pelikula kung mayroon man. Malaki ang kinalaman mga usaping ito sa pagbubuo ng buhay at asal ng mga tauhan, at sa gayo'y sa pagbubuo din ng makabuluhang kahulugan para sa manonood.

Direksiyon: Mel Chionglo
Dulang Pampelikula: Toto Belano
Sinematograpiya: Arnold Alvaro
Musika: Max Jocson
Editing: Rogelio Salvador
Disenyo: Benjie de Guzman
Produksiyon: Regal Films, Inc.