STEPSISTERS: Alitang Magkapatid


Isinalarawan ng Stepsisters (MVP Pictures, 1979) ang karanasan ng dalawang magkapatid na simula pagkabata ay kinunsumo ng labis na pagkapoot sa isa't-isa. Isinalarawan sa umpisa ng pelikula ang tumitinding kumpetisyon sa pagitan nina Pia (Lorna Tolentino) at Lisa (Rio Locsin). Pinagtatalunan at pinag-aagawan ng dalawa ang halos lahat ng bagay. Magmula sa atensiyon ng kanilang ama (Romeo Rivera), maging sa pag-aaral at ang pagmamahal ni Rudy (Joe Fabregas). Nariyang apihin nina Pia at ng kanyang ina (Lucita Soriano) si Lisa nang minsang tinalikdan sila ng kanilang ama. Pinagsamatalahan din ng mag-ina ang kahinaan nito nang mapag-alaman nilang nabuntis ito ni Rudy hanggang sa tuluyang mahikayat si Lisa na ipalaglag ang sanggol na kanyang dinadala. Tulad ng inaasahan, nakaahon ito sa kinasasadlakang kahirapan upang ipaghiganti ang kaapihang dinanas sa kamay ni Pia. Lingid sa kaalaman ng dalawa, mayroong isang anak na lalaki ang kanilang ama sa ibang babae, si Leon (Mark Gil) na ang tanging nasa ay kilalanin siya ng kanilang ama at tanggapin nina Pia at Lisa bilang kapatid. Ngunit hanggang sa huli ay hindi matanggap ng kanilang ama si Leon dahil sa kataksilan ng ina nito. Bago matapos ang pelikula ay mananaig pa rin kina Pia at Lisa ang kanilang pagiging magkapatid. Patunay na sa kabila ng kasalimuotan ng personal nilang karanasan, higit na mangingibabaw ang pampamilyang ugnayang nakabigkis sa kanilang dalawa.

Tulad ng iba pang pelikula ni Elwood Perez ang Stepsisters. Kapuri-puri ang teknikal na aspeto ngunit problematiko ang resolusyon ng naratibo. Humantong sa lebel ng isang patakbuhing melodrama ang pelikula. Gayon pa man, mapapansin sa watak-watak na daloy ng naratibo ang pagsisikap ng direktor na pagsanibin ang pisikal at seksuwal na pagkaisipan ng mga pangunahing tauhan. Hitik sa mga melodramatikong tagpo ang pelikula. Sayang at hindi tinalakay ng Stepsisters ang ilang mahahalagang bagay ukol sa tunay na kalagayang pampamilyang higit ang kinalaman sa di pagkakaunawaan ng magkapatid. Walang scope ang pelikula at kulang ang insight ukol sa paksa nito. Pilit ang mensahe nitong higit sa lahat, matimbang ang dugo at ganoon din naman, ilusyon lamang ang dala nito sa pagtalakay ng ugnayan ng pamilya sa bawa't isa. May pasaring ang pelikula tungkol sa alitang magkapatid ngunit hindi natalakay at nabigyan ito ng hustong pansin. Hindi rin ito nagamit upang mapalawak ang pang-unawa ng mga manonood sa sinasabi ng pelikula ukol sa mga situwasyong kinasangkutan ng mga tauhan nito.

Direksiyon: Elwood Perez
Dulang Pampelikula: Orlando Nadres
Sinematograpiya: Gener Buenaseda
Musika: Rey Valera
Edting: Jose H. Tarnate
Disenyo: Dez Bautista
Produksiyon: MVP Pictures

Isang Paglalakbay Sa VIRGIN FOREST


Virgin Forest

Dala-dala ni Peque Gallaga ang tema ng solitaryong paglalakbay sa Virgin Forest (Regal Films) kung saan ginamit sa pelikula ang pagdakip ng mga dayuhang Amerikano kay Heneral Emilio Aguinaldo (Roy Lachica) nang taong 1901. Bagamat hindi pelikulang historikal, malinaw ang pag-decapitate nito sa historisidad hindi lamang ni Aguinaldo kundi pati na rin sa kaakuhan o identidad ng kolektibo at rebolusyonaryong katangian ng mga Pilipino. Maaaring nagtagumpay ang direktor sa pagbibigay ng bagong interpretasyon sa bahaging ito ng kasaysayan dala ng malinaw ang paggagap ng iskrip sa isyung tinalakay sa pelikula. Makikita dito ang pag-aabala ni Gallaga sa tema ng alyenasyon at ng pagtatago. Laging naroon ang walang katapusang paghahanap ng mga tauhan sa inbidwal na sarili, ang walang patid na paglalakbay sa personal na loob ng sarili at ang pagtiwalag sa sistema, lipunan at mundo. Maging si  Heneral Aguinaldo ay nagawang likhain bilang isang tiwalag na katauhan at ang pagsasakatuparan ng kagampan sa metapisikal na mundo kung anuman ito ay doon lamang matatagpuan ang hindi pa rin mawawaang sarili. Sa proseso ng pagsasaliksik nina Chayong (Sarsi Emmanuelle), Alfonsito (Miguel Rodriguez) at Alipio (Abel Jurado) ng kanilang indibidwal na sarili ay nilamon ang kanilang katauhan ng sistemang kinakalaban o minimithi. Talunan ang mga tauhan dahil hindi nila nagawang gapiin ang istrukturang pangkamalayang pumipiit sa kanila. Sa isang pagtingin ay maaring sabihing hindi rin naman talunan sina Chayong. Sa esensya, ang unang pagtinging pagkatalo ay maari ring basahing pananagumpay laban sa mga pisikal, metapisikal, simbolikal at pangkamalayang istrukturang kanilang kinapipiitan.

Isinalarawan ni Peque Gallaga sa Virgin Forest ang pesonal niyang ideyolohiya sa buhay. Ang pelikula tulad ng anumang kutural na anyo ay hindi repleksyon lamang ng lipunan o ng lumilikha sa sining na ito. Ang pelikula bilang isang kultural na teksto ay hindi panananaw lamang sa ideyolohiya ng lumilikha nito. Higit sa lahat, ang pelikula bilang teksto ay produksiyon ng ideolohiya, ito ay pumapaloob sa tunggalian ng nga ugnayang sosyal na umiinog at nakakabit sa ugnayang pangkapangyarihan. Iginigiit ni Gallaga ang unibersal na kalagayan ng tao subalit dapat alalahaning ang dominanteng diskurso ng mga mananakop at makapangyarihan ang may pakana ng sinasabing unibersal na kalagayan ng tao. Ito'y kanilang isinisiksik sa ating kamalayan at sa proseso ay isinasantabi ang ispesipikong kalagayan ng mga mamamayan ng mga kolonisado, kabilang  ang mga Pilipino. Ang unibersal na kalagayan ng tao ay inaapi, ang kanyang mapagpalayang kamalayan ay binubura, ang humuhulagpos nitong kaluluwa't puso ay iniaayon sa timbre ng puso't kaluluwang pangmananakop. Higit na angkop at makabuluhan ang paglikha ng lipunan lalo sa isang bansang tulad ng Pilipinas kung saan ang mga mamamayan ay kolektibo at hindi solitaryong naglalakbay tungo sa paghubog ng isang pambansang identidad. Magaganap ito hindi sa pagtatago, hindi sa pag-iwas sa lipunan, kundi sa aktibong pakikisangkot sa pagbubuwag ng dominanteng kulturang namamayani sa bansa. 

Direksiyon: Peque Gallaga
Dulang Pampelikula: Rosauro Q. dela Cruz
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: Jaime Fabregas
Editing: Jess Navarro
Disenyo: Don Escudero
Produksiyon: Regal Films
Release Date: January 22, 1985

O Anong Sakit, KUYA EDDIE


Dekada '80. Ang bansa ay sumasailalim sa isang krisis pang-ekonomiya. Maraming kompanya ang nagsasara dala ng matinding pagbulusok sanhi ng inflation. Isa si Mello (Ronaldo Valdez) sa mga nawalan ng hanapbuhay. Sa pagnanais na lumago ang natanggap na separation pay ay idineposito niya ito sa isang institusyong pinansyal kung saan itinakbo ng may-ari ang perang nalikom mula sa mga investors. Naging malaking dagok ito sa buong pamilya ni Mello at kinailangan nitong ibenta ang kanilang mga kagamitan at lumipat sa isang maliit na apartment hanggang sa pati ang asawang si Emma (Pilar Pilapil) ay kinailangang mamasukan sa isang travel agency upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Labis na naapektuhan ng situwasyon ang kanilang mga anak na sina Dino (Aga Muhlach) at Cynthia (Emily Loren). Bukod sa pagpasok sa eskuwelahan ay nag-waiter din si Dino sa Jollibee ngunit kasabay nito ang unti-unting pagkawasak ng kanyang relasyon sa kasintahang si Sandra (Janice de Belen), na may pansariling suliraning kailangang resolbahin. Samantala, naging mailap ang trabaho kay Mello hanggang sa mapagdesisyunan nitong magpunta sa Saudi Arabia upang maghanapbuhay. Patuloy pa rin si Cynthia sa pakikipag-ugnayan sa mga nakakatandang lalaking kanyang sinasamahan. Madalas na nagtatalo ang mag-ina dahil sa mga gawain ng anak hanggang sa lumayas ito at tuluyang talikdan ang sariling pamilya. Makaraan ang ilang taon ay nagbalik si Mello sa naiwang pamilya ngunit marami itong napansing mga pagbabago. Napag-alaman niya ang pakikitungo ng kanyang asawa kay Willy Ledesma (Charlie Davao), isang negosyante. Hindi naganap ang inaasahang pagkakabuo ng pamilya ni Mello. Iniwan ni Dino ang kanyang mga magulang at inayos nito ang kanilang relasyon ni Sandra hanggang tulyan silang nagsama bagaman walang tiyak na patutunguhan.


Isinapelikula ng Napakasakit, Kuya Eddie (Special People Productions, 1986) ang kompleksidad ng domestisidad at domestikasyon sa pamamagitan ng matipid na kumpas ng mga tagpo at bihasang direktoryal na pagmamaneobrang nagpapatuloy sa tensiyon ng nagbabanggaang ideyolohiya ng tahanan at pamilya. Mas dramatiko ring isinakonkreto ito ng mahusay na pagganap ni Pilar Pilapil. Bilang tradisyonal na maybahay na nangaliwa sa kanyang asawa, pinapanood natin siya habang dumaraan sa proseso ng lumbay, pagkabigo at pagtanggap. Matingkad ang kanyang pagganap dahil napilitan siyang lumikha ng mga bagong paraan ng pagharap hindi lamang sa kanyang sariling mga satanas kundi kasama rin ang kanyang pamilya na may basag na ngayon at may lamat. Ang maalam at matatag na pagganap ni Ronaldo Valdez ay nagsasaad ng pagkaunawa sa layuning dramatiko ng pelikula. Katangi-tangi rin ang pagganap ni Aga Muhlach sa maingat na pagsasagawa at pagtatanghal nito sa suliranin ng mga kabataan. Ang eksplorasyon ni Lino Brocka sa kanyang pagsasalarawan ng pamilyang Pilipino ay paglinang sa temang nangangailangan ng sariwang pamamaraan ng sinematikong paglalahad.

Direksiyon Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Jose Javier Reyes
Sinematograpiya: Pedro Manding, Jr.
Musika: Homer Flores
Edtitng: Ruben Natividad
Disenyo: Edel Templonuevo
Produksiyon: Special People Productions

VILMA SANTOS: Aktres


Nagsimula bilang batang aktres sa Trudis Liit (1963) ang siyam na taong gulang na si Vilma Santos. Sunud-sunod niyang ginawa ang mga pelikulang Anak, Ang Iyong Ina (1963), Ging (1964), Naligaw Na Anghel (1964), Hampaslupang Maton (1966) at De Colores (1968). Sa kanyang pagdadalaga noong huling bahagi ng dekada '60 at unang bahagi ng dekada '70 ay lumabas siya sa mga sine kung saan napanood itong kumakanta at sumasayaw na kadalasa'y sa loob ng istudyo ginagawa o di kaya'y sa ilalim ng punong mangga. Sa loob ng dalawang linggo ay may mga bagong pelikulang ipapalabas ant tatangkilikin ang kanyang mga tagahanga. Ilan dito ang Songs And Lovers (1970), I Love You Honey (1970) at Edgar Loves Vilma (1970). Nang dumating ang pagkakataong kinakailangan ni Vilma na magpasya kung anong direksiyon ang kanyang tatahakin bilang aktres ay naghanap io ng mga pelikulang may matinong iskrip, may istorya at may nilalamang maiintindihan ng mga manonood at hindi hiwalay sa katotohanan. Kabilang sa mga pelikulang ito ang Tag-Ulan Sa Tag-Araw (1975), Dalwang Pugad, Isang Ibon (1977) at Burlesk Queen (1977). Dito namulat ang kanyang isipan sa maraming bagay. Naging matagumpay ang pelikula, pinilahan sa takilya at pinapurihan ng mapanuring mga kritiko. Sa Rubia Servios (1978) ni Lino Brocka, papel ng isang biktima ng panggagahasa ang kanyang ginampanan. Ngunit sa halip na manahimik at umasa sa batas, naghiganti ito at pinatay ang lalaking umabuso sa kanya. At inialok kay Vilma ang pelikulang Relasyon (1982) kung saan lumabas siya bilang isang kerida. Nakita ng maraming kababaihan ang kanilang sarili kay Marilou. Sa pelikulang ito napagwagihan ng aktres ang lahat ng parangal para sa Pinakamahusay Na Pangunahing Aktres.


Nang sumunod na taon, muli silang nagsama ni Ishmael Bernal sa Broken Marriage (1983). Isinalarawan ng pelikula ang mga pangyayari sa mag-asawang taliwas ang prayoridad sa buhay hanggang sa maapektuhan ang kanilang mga anak at mapagdesisyunang tuluyang maghiwalay. Sa unang araw ng siyuting, isinalang agad ni Bernal sina Vilma at Christopher de Leon sa isang ma-dramang eksena kung saan na take-7 ang aktres. Bakit Vi, ano ba ang nangyayari sa iyo? tanong sa kanya ng direktor. Nagda-drama ka pero bakit may pa-twinkle-twinkle ang mga mata mo? sumagot naman ang aktres ng Direk, umaarte naman po ako, ah. Tugon ni Bernal, Anong arte 'yan? hanggang sa ipasok siya ng direktor sa kubeta, ikinulong at pinag-jogging ng sampung minuto. Huwag kang mag-ilusyon! wika ng direktor Hindi ibig sabihin dahil tumanggap ka ng award eh magaling ka na! Mag-jogging ka diyan at tanggalin mo ang ilusyon na iyan sa iyong sarili! Matapos ang nasabing insidente, natanim sa kanyang isipan na kinakailangan ng pag-aaral, paghahasa at pagdaragdag ng kaalaman sa kanyang larangan upang higit na mapag-ibayo ang kanyang talino sa pagganap. Taong 1984 nang gawin ni Vilma ang Sister Stella L. na idinerehe ni Mike de Leon. Kasabay nitong ipinalabas ang pelikulang Bukas, Luluhod Ang Mga Tala na pinagbibidahan ni Sharon Cuneta at pinaluhod ng mga tala si Sister Stella sa takilya. Umiiyak ang aktres na nagtungo kay Mother Lily at nagsumbong na nilangaw ang pelikula ko! Pinayuhan ito ng prodyuser at sinabing Ganyan talaga ang buhay. Tuluyang naglaho ang kinang ng Bukas, Luluhod Ang Mga Tala habang magpahanggang ngayon ay pinag-uusapan at pinag-aaralan pa rin ang Sister Stella L. at itinuturing pang isa sa mga pinakamahusay na pelikulang Pilipino. May kasabihan sa industriya na hindi maaring mamatay ang bida sa pelikula dahil hindi ito nagugustuhan ng mga tagahanga at hindi tinatangkilik ng mga manonood. Sumugal si Vilma nang gawin ang Pahiram Ng Isang Umaga (1989) kung saan muli siyang sumailalim sa direksiyon ni Ishmael Bernal. Namatay ang kanyang karakter pelikula , ngunit kumita ito, taliwas sa tradisyunal na paniniwala ng mga taga-industriya. Ngunit higit na mahalaga ang nilalaman ng dulang pampelikula ni Jose Javier Reyes. Nadiskubre ng kanyang karakter na mayroon siyang kanser at sa loob ng ilang buwan ay babawian na ito ng buhay. Ngunit naging matatag siya. Hinarap at inihanda niya ang sarili sa kanyang kahihinatnan. Ipinakita sa pelikula ang katatagan ng isang babeng nahaharap sa isang matinding krisis sa kanyang buhay. Dahil dito, naging higit na malinaw ngayon kay Vilma ang mga salitang binitiwan ni Sister Stella sa pagwawakas ng kanyang pelikula.


Marami pa akong hindi alam at dapat malaman tungkol sa mga kasalukuyang kalagayan ng mga sistema sa lipunan. Kailangan ko pang patuloy na mag-aral at matuto. Pero ang mahalaga, ako ay narito na ngayon, hindi lamang nanonood, kundi nakikiisa sa pagdurusa ng mga hindi nakakarinig, tumutulong sa abot ng aking makakaya. Kaya kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan pa?

Nagkatagpo-tagpo sa pelikula ang iba't-ibang uri ng sining kaya naging napakabisang instrumento ng pagsasalarawan ni Vilma Santos ng kanyang mga ginampanang karakter sa pakikipagtalastasan at pakikipag-ugnayan sa mga manonood ng pelikulang Pilipino.