GABI NG LAGIM At Ang Mga Kampon Ng Kadiliman


May namumuong tensiyon sa pagitan nina Dra. Soledad de la Serna (Charito Solis) at manugang nitong si Jenny (Chanda Romero). Nagbalik mula sa Amerika si Anton (Mark Gil), kasama ang buong pamilya at anak na si Joey (Peewee Quijano). Lingid sa kaalaman ni Anton ang lihim na bumabagabag sa kanyang ina. Nariyang hinikayat si Jenny ng mga kaibigang sina Dondie (Al Tantay), Marisol (Julie Ann Fortich) at Robert (Edgar Mortiz) na sumulat ng aklat tungkol sa mga kulto at paranormal. Isa sa mga kaganapang kanilang sinusubaybayan ang suliranin ni Abel (Bembol Roco) at asawa nitong si Lumen (Alma Moreno) na sa tuwing sisipingan niya ay tinutubuan ng mga sugat at bukol sa kanyang buong katawan. Di naglaon ay napag-alaman ng mag-asawa ang dahilan ng paghihirap na dinaranas ni Lumen. Ipinakulam ito ni Doray (Tet Antiquera), isang babaeng labis ang pagmamahal kay Abel, dahil nais nitong mawasak ang kanilang pagsasama. Samantala, lumalala ang karamdaman ni Soledad, unti-unti itong pinapanawan ng katinuan ng pag-iisip. Labis ang pag-aalala ni Anton sa kalagayan ng ina kaya't humingi ito ng tulong kay La Luna (Rosemarie Gil at Cherie Gil), ang babaeng hindi tumatanda. Napag-alaman nitong tinalikuran ng kanyang ina ang pagiging isang mangagamot at paglalaglag ng batang ipinagbubuntis ng mga dalaga ang higit nitong pinagkaabalahan. Minsan, dumulog kay Soledad si Paloma Monteclaro (Rio Locsin) upang ipalaglag ang batang dinadala nito sa kanyang sinapupunan ngunit nabigo ang doktora hanggang sa bawian ito ng buhay. Isinumpa ni Paloma na ipaghihiganti ang kanyang sinapit sa kamay ni Soledad. Hindi nagtagumpay si Paloma ngunit nang pasukin nina Anton at Jenny ang silid ng kanilang ina ay wala ito sa loob, tanging ang duguang bakas ng mga sanggol ang naiwan sa kuwarto.

Sa kabilang banda, masinop ang mga elemento ng pelikula sa Gabi Ng Lagim Ngayon (Premiere Productions, Inc., 1980) ngunit napakanipis ng temang pinalaman sa kumbensiyon ng genre. Nanatiling nakatuon ang naratibo sa kuwento ng pamilya gaya ng pagdurusa ni Soledad sa mga pagkakamaling ginawa sa kanyang propesyon. Gayunpaman, kapansin-pansin ang pagsisikap ng mga manlilikhang pagtuunan ng kaukulang pansin ang mahalagang aspeto ng effects at make-up. Dito masasaksihan ang pagbabagong anyo ng isang babaeng kinukulam at ang paghahasik ng lagim ng naghihiganting multo. Di tulad sa naunang bersiyon ng Gabi Ng Lagim (1960) kung saan may tatlong kasaysayang nakapaloob sa isang pelikula. Pinagbigkis ang dalawang malagim na pangyayari sa isang kuwento kung saan lumikha ang mga tauhan ng mga bagong paraan ng pagharap kanilang sariling mga satanas. Pilit na inunawa ng pangunahing tauhan ang sariling impiyernong kinsadlakan ng kanyang biyenan. Sinikap naman ng pangunahing tauhang lalaki na patawarin at unawain ang ina niyang ang tanging nais ay mabigyan ng masaganang kinabukasan ang kaisa-isang anak. Madarama rin ang pirming nagbabadyang malagim na pangyayari sa tulong ng angkop na paglalapat ng musika at tunog. Madulas din ang pagdaloy ng mga eksena sa pamamagitan ng epektibong mga biswal na nakapaghanda sa manonood samantalang naghahatid din ng kapanabikan.

Direksiyon: Cirio H. Santiago At Cesar Gallardo
Dulang Pampelikula: Oscar Miranda
Sinematograpiya: Johnny Araojo
Musika: Ernani Cuenco
Editing: Edgardo "Boy" Vinarao
Disenyo: Fiel Zabat
Produksiyon: Premiere Productions, Inc.

BROCKA, BERNAL Atbp.


Sa pagitan ng taong 1974 at 1985, kinakitaan ang industriya ng pelikulang Pilipino ng mga ginintuang ani mula sa pinagpipitaganang mga manlilikha. Ang dekadang naghandog ng mga obrang tulad ng Pagdating Sa Dulo (1971), Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag (1975), Insiang (1976), Manila By Night (1980), Himala (1982) at Sister Stella L (1984) ay ipinalabas sa panahon ng masalimuot na kontradiksyon sa Bagong Lipunan ng diktaturya. Ang mga direktor at manunulat na pumasok sa industriya noong dekada '70 ay produkto ng isang rebolusyong kultural na laganap sa mga kolehiyo at unibersidad sa kalakhang Maynila tulad ng eksistensiyalismo, mga pelikulang New Wave sa Pranses at ang anti-Vietnam War movement sa Estados Unidos. Sanhi ng mga kaganapang ito, naging madali ang pagpasok sa bansa ng mga babasahin at aklat ukol sa paggawa ng pelikula at nagbigay ng posibilidad na matutuhan ang pasikot-sikot nito sa pamamagitan lamang ng pagbabasa. Taong 1970, isang batang direktor ang nag-aral ng teatro sa kolehiyo, nanirahan ng dalawang taon sa Hawaii bilang Mormon missionary at lumabas sa dalawang dulang pang-entablado ng PETA ang inalok ng LEA Productions na idirehe ang pelikulang nais ilahok ng produksiyon sa taunang Manila Film Festival. Ang direktor ay si Lino Brocka at ang pelikula ay hango sa isang nobelang pang-komiks ni Mars Ravelo. Pinarangalan ang Wanted: Perfect Mother ng tatlong tropeo, Best Actor (Dante Rivero), Best Screenplay (Lino Brocka) at Most Wholesome Film na nagbigay daan upang gumawa pa ito ng dalawang pelikula para sa naturang kompanya. Idineklara ng FAMAS bilang Best Supporting Actress si Hilda Koronel, isang labinganim na taong gulang na aktres sa kanyang sensitibong pagganap sa Santiago! (1970) at nang sumunod na taon, itinanghal na Best Actor si Eddie Garcia para sa Tubog Sa Ginto (1971) at napagwagihan ni Brocka ang karangalan bilang Best Director.


Samantala, isang batang direktor ang pumasok sa industriya noong 1971. Nag-aaral ng English literature si Ishmael Bernal nang magtungo ito sa France upang kumuha ng licentiate sa French literature at magtapos ng film directing sa Poona Film Institute sa India. Sa una nitong pelikula ang Pagdating Sa Dulo (1971), tulad ng unang obra ni Brocka ay nagwagi ng Best Screenplay Award para sa direktor na nagbigay ng repustasyon kay Bernal bilang isang intelektuwal na direktor at hindi tatangkilikin ng masang tumatangkilik sa pelikulang Pilipino. Sa sumunod nitong pelikula ay nagbagong pihit si Bernal at gumawa ito ng isang melodramang pinamagatang Daluyong! (1971) na nagtatampok sa mga malalaking bituin ng pinilakang tabing at digma ng naratibong puno ng dramatikong mga tagpo at isang simpleng resolusyon sa isang komplikadong kasaysayan.


Taong 1975, nilikha ni Brocka ang isang obrang naglunsad sa makabagong pelikulang Pilipino. Ang Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag (1975) ay hango sa nobela ni Edgardo M. Reyes tungkol sa isang mangingisdang nakipagsapalaran sa lungsod upang hanapin ang kanyang nawawalang kasintahan. Napagwagihan ng pelikula ang halos lahat ng karangalan mula sa FAMAS at nagluklok kay Brocka bilang isa sa mga pinagpipitaganang direktor ng pelikulang Pilipino. Ang pagpapalabas ng Insiang (1976) na kuwento ng isang dalagang pinagsamantalahan ng lalaking kinakasama ng kanyang ina at kung paano niyang nagawang gamitin ang sariling ina upang maipaghiganti ang karahasang sinapit sa kamay ng lalaking umabuso sa kanya. Nang itanghal ang pelikula sa Director's Fortnight ng prestihiyosong Cannes Film Festival noong 1978, kinilala si Lino Brocka bilang pangunahing direktor ng Ikatlong Daigdig.


1975 pumalaot si Ishmael Bernal sa industriya sa pelikulang Mister Mo, Lover Boy Ko, isang sineng bold ang oryentasyon ngunit sensitibo at intelektuwal na tinalakay ang mga isyung nakapaloob sa naratibo. Ang Lumapit, Lumayo Ang Umaga (1975) ay tungkol sa salimuot ng relasyong mag-asawa at napatunayan ni Bernal na maaring pagsamahin ang komersyo at sining sa paglikha ng isang pelikulang mainstream. Sa Ikaw Ay Akin (1978), binuwag ng direktor ang kumbensiyon ng isang pelikulang tumatalakay sa kuwento ng tatsulok na pag-ibig. Sa pamamagitan ng maingat na direksiyon, naipakita ni Bernal ang kanyang kakayahang gamitin ang lenguwahe ng pelikula upang maipaabot sa manonood ang mayabong na diskurso ng dulang isinasapelikula tulad ng ating napanood sa pelikulang Aliw (1979), kung saan pinagbigkis ang mga di malilimutang dramatiko at nakakatuwang mga sandali sa pamamagitan ng paggamit ng kamera. Kay Ishmael Bernal nagkaroon ng kapanalig si Lino Brocka upang suungin ang mga pagbabagong kinaharap ng industriya ng pelikulang Pilipino ng dekada '70.

SANTIAGO! At Ang Pakikipaglaban Sa Mga Mananakop


Nangingibabaw ang Santiago! (LEA Productions, 1970) sa pagsisikap na iukit ang kasaysayan sa dramang pampelikula sa pamamagitan ng pagbuo ng mga tauhang kumakatawan sa mga kontradiksiyong nasa kaibuturan ng pagbabago. Isinulat at idinerehe ni Lino Brocka ang pelikula na naglalarawan ng pagdaan ni Gonzalo (Fernando Poe, Jr.) sa pagsubok sa konteksto ng disiplinang piyudal sa gitna ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang mahapdi ngunit di maiiwasang ugnayan sa pagpapasiya ng tao at ng mga estrukturang panlipunan ay bumubuo sa reyalidad ng kasaysayan habang iginigiit nito ang sarili sa mga pampelikulang engkuwentro at sa paghahanap ng mga sarili sa mga destinasyon ng tradisyunal na melodrama. Lutang ang tema ng duwalismo, ang pagtatago ng indibidwal, ang pag-urong at paglayo sa ayaw tanggaping reyalidad. Tulad halimbawa ng malagim na karansan ni Pilar (Caridad Sanchez) sa kamay ng mananakop gamit ang estratehiya ng pagbabalik-larawan hatid ng marubdob na pagsasalaysay ni Lydia (Boots Anson Roa), gayundin ang pagbabagong loob ng dating kasintahang si Celso (Dante Rivero) dala ng karahasang tinamo ng kanyang buong pamilya. Kasama rin ang dalagitang si Cristy (Hilda Koronel), biktima ng di sinasadyang pagpapasabog sa eskuwelahang inaakalang pugad ng mga mananakop at si Danilo (Jay Ilagan), ang binatilyong sa huli'y nagdulot ng panibagong pag-asa upang ipaglaban ang kapangyarihang inagaw sa kanila.


Matingkad at pasukdol ang pagsasalarawan ng pelikula sa malupit na karanasang dinanas ng tao sa panahon ng digmaan. Naging masinop at dramatiko ang pagtatanghal ng Santiago! sa paghihirap, kawalang pag-asa, kawalang katarungan at kawalan ng pananalig sa kapuwa tao. Nangingibabaw ang pagganap ni Fernando Poe, Jr. sa papel na Gonzalo. Mahusay niyang naisadula ang madalamhating larawan ng gerilyang tinalikdan ang tungkulin sa bayan sanhi ng isang masalimuot na karanasan. Nakakaantig ang transpormasyon ng kanyang karakter mula sa pagtiwalag nito, pagtatago sa kalapit na bayan at alyenasyon sa mga kagapan sa paligid. Katangi-tangi ang ipinamalas ni Boots Anson Roa sa matimpi, matapang, puno ng pag-ibig at lihis sa nakakahong pagsasakarakter kay Lydia, ang babaeng nagmamahal kay Gonzalo. Mapangumbinsi rin ang marubdob na pagganap ni Hilda Koronel sa malungkot na pagsasalarawan ng pananamantalang dulot ng digmaan. Isinalarawan sa Santiago! ang proseso ng pagsaliksik ng indibidwal na sarili sa katuturan ng kanyang indibidwal na sariling nilamon ang katauhan ng mga sistemang kinakalaban o minimithi. Hindi indibidwal na katubusan ang hinahangad ng mga mamamayan ng Santiago, ang kanilang ipinaglalaban ay ang pagbawi sa historikal na kapangyarihang inagaw sa kanila ng mga mananakop.


Dulang Pampelikula At Direksiyon: Lino Brocka
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: Doming Valdez
Editing: Felizardo V. Santos
Disenyo: Ben Otico
Produksiyon: LEA Productions

Bawat Pintig... Bawat Tibok... KAKABAKABA BA BA?



Kailan ba sinasabing kumbensiyunal ang paraan ng pagkukuwento ng isang pelikula? Nagdaan ito sa pag-eeksperimento ng manlilikhang naghahanap ng mga paraang higit na umaangkop sa kani-kanilang mga layuning pansining. Ang Kakabakaba Ka Ba? (LVN Pictures, 1980) ni Mike de Leon ay pelikulang humihigi ng pagbasa ang paksain at ang mga tagpong maingat na naisaayos ng direktor. Dahil maraming detalye ang tumataliwas sa reyalismo, hinihikayat ng dulang pampelikula ang manonood na hanapin ang kahulugan sa ibang lebel, ang lebel na ipinapatnig ng masakit na pagbibiro. Mapait na biro siyempre ang prosesong pinagdaanan ng Hapong si Onota (Buboy Garovillo) sa makailang ulit na pagtatangkang magpasok ng mga ilegal na substansiya sa bansa na siyang naging sanhi ng pagkaputol ng kanyang mga daliri sa bawat tinamong pagkabigo. Walang duda, nais ipaabot ng nasabing detalye ang sakripisyo ng isang miyembro ng Yakuzang nabigyan ng isang mahalagang misyon ng Grand Master (George Javier). Muling nabigyan si Onota ng pagkakataong makabawi sa mga naunang pagkabigo ngunit nanaig ang pangambang maaring maulit ang nangyari dati. Inilagay nito ang cassette tape na naglalaman ng opyo sa bulsa ng jacket ni Johnny (Christopher de Leon). Isinalarawan ng direktor ang mga kasiya-siyang situwasyong nakapaloob sa pelikula at gumamit ito ng masakit na pagbibirong tinuligsa hindi lamang ang kamangmangan ng maykapangyarihan kundi pati na rin ang sekta ng relihiyon. Sa pamamagitan ng pagbibiro, napalalim ni De Leon ang pamumuna ng kanyang pelikula.

Naiiba ang estilo ng pagsasalaysay sa mga pangyayaring pinili ng mga upang maisalarawan ang nagbabadyang tagumpay ng Yakuza sa pamamagitan ng paggamit ng musika sa dalawang tagpong tila halaw sa mga tradisyunal na pelikulang banyanga tulad ng Godspell (1973), Hair (1979) at Rocky Horror Picture Show (1975) . Mahalaga rin ang paggamit sa elemento ng editing sa pagbusisi ng pelikula sa mga tunggalian ng hayag at di hayag, ng lantad at ng mga nakatago, ng mga intelektuwal at mangmang, ng tuso at uto-uto, ng mga politikal o apolitikal ng mga makapangyarihan at walang kapangyarihan, ng mga naghahabol at hinahabol, ng mga pagkasukol at pagkaligtas at kung paanong nagsasalimbayan, nagkakabaligtaran at kadalasan ay nagkakatulad at nag-aayunang mga dikotomiyang ito. Sa katunayan ay ipinakita ni De Leon sa pelikula ang nagkakapalitang-anyo at mukha ng mga dikotomiyang ito, ang pagpapalit-posisyon ng mga tauhan at mga estruktura upang padaluyin ang isang pagkakaiba ng mga nilikhang dikotomiyang ito. Sa maraming pagkakataon ay magkakakutsaba ang mga paghahating ito. Ang morpolohiyang ito at ang paniniyak sa mga estratehiya sa pagpapatuloy ng kaayusang ito ang inilantad ng pelikula sa mabusisi nitong pagtatagping kinahantungan ng mga biswal ay awral na imahe ng lipunang Pilipino.

Direksiyon: Mike de Leon
Dulang Pampelikula: Doy del Mundo Raquel N. Villavicencio At Mike de Leon
Sinematograpiya: Rody Lacap
Musika: Lorrie Ilustre
Editing: Ike Jarlego, Jr.
Disenyo: Raquel N. Villavicencio
Produksiyon: LVN Pictures
Sisikat Din Ako music from Kakabakaba Ka Ba? performed by Christopher de Leon

EXPERIENCE... Isang Karanasang Di Malilimutan


Experience

Maaaring gasgas na ang kuwento ng pelikulang Experience (Regal Films, Inc.) pero hindi pa rin ito mawawala sa listahan ng mahahalagang pelikula ng taong 1984. Tungkol ito kina Jing-Jing (Snooky) at Froilan (Miguel Rodriguez), mga artistang hindi lang sa harap ng kamera magka-love team kundi sa tunay na buhay rin. Madalas inuulan ng iba't-ibang intrigang gawa-gawa ng midya ang dalawa para mapag-usapan ang ipapalabas na pelikula. Nariyang isulat na may namumuong relasyon sa pagitan nina Froilan at aktres na si Marita Ayala (Bobbi Mercado). Hindi man aminin ni Jing Jing, naapektuhan din siya ng mga artikulong nababasa at balitang napapanood sa telebisyon. Higit na umigting ang tensiyon sa pagitan ng dalawa nang makumpirma na makakasama nila ni Froilan si Marita sa isang pelikula. Samantala, isang misteryosong tagahang ang sumusunod kay Jing Jing saan man siya magpunta.  Nalaman ni Jing-Jing na si Rodrigo Blanco (Samuel Valero) ang kapatid ng lalaking nang-gurlis sa kanyang mukha noong siya ay bata pa. Gayunpaman, lingid sa kaalaman ni Jing Jing ang paghihiganting isasagawa ni Rodrigo. Isinakatuparan niya ito isang gabi nang matagpuang patay ni Jing Jing ang kanyang Tita Felisa (Estrella Kuenzler). Dahil sa matinding takot at sa pag-aakalang hindi siya masusundan, nagmaneho pauwi si Jing Jing. Inabutan siya ni Rodrigo at nang magkaroon ng pagkakataon, paulit-ulit itong sinagasaan ni Jing Jing hanggang sa mamatay.

Inilantad ng pelikula ang masalimuot na mundo ng industriya ng pelikulang sinisira ang personal na buhay ng mga artista. Mapangahas nitong tinalakay kung paano inaabuso ang artista ng mga taong nakapaligid sa kanila. Sa ganitong konteksto itinampok ang doble-karang mukha ng oportunistang midya. Itinanghal nito ang lawak ng kapangyarihang sinasaklawan. May kakayahan itong itaguyod ang malinis na reputasyon ng isang artista o kaya'y lubusang sirain ang pagkatao ng artistang nais makapagbigay ng kasiyahan sa kanyang mga tagasubaybay. Malinis na naihanay ni Lino Brocka at ng mga manunulat ang magkakaugnay na temang may mahalgang sinasabi tungkol sa situwasyon ng mga taga-industriya. At habang nagiging kumplikado ang tunggalian, nahawakan ng pelikula ang pananabik bunga ng maingat na editing, malikhaing sinematograpiya at ensemble na pagganap hanggang sa maipamalay sa pagtatapos ng pelikula na ang artista ay biktima rin ng mundong kanyang ginagalawan.

Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Jose F. Lacaba At Roy Iglesias
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: Willie Yusi
Editing: Rogelio Salvador
Disenyo: Joey Luna
Produksiyon: Regal Films, Inc.