Maupo At Makinig Sa MGA KUWENTO NI LOLA BASYANG


Mga Kuwento Ni Lola Basyang

May tatlong kasaysayan ang pelikulang Mga Kuwento Ni Lola Basyang (Regal Films, 1985). Sa simula'y ikinukuwento ni Lola Basyang (Chichay) sa kanyang mga apo ang Sleeping Beauty na hango sa orihinal na istorya ni Charles Perrault. Sa isang malayong kaharian, may Hari at Reynang (Mario Montenegro at Gloria Romero) hindi magkaroon ng anak. Humiling ang Reyna sa mahiwagang palaka at sila'y pinagkalooban ng isang napakagandang anak na babae. Ipinagdiwang sa buong kaharian ang pagsalubong sa bagong silang na sanggol. Dinaluhan ang pagtitipon ng lahat maliban sa Itim Na Diwata (Lani Mercado) kaya't isinumpa nitong sa pagsapit ng ika-labing anim na taong pagkabuhay, kamatayan ang sasapitin ni Prinsesa Rosetta (Snooky Serna). Sa tulong ng tatlong diwata (Nova Villa, Gretchen Baretto at Debraliz), hindi babawian ng buhay ang Prinsesa kundi mahihimbing lamang ito at muling gigising sa halik ni Prinsipe Amante (Gabby Concepcion), ang tunay niyang pag-ibig. Nagawa ng kasaysayang bigyang buhay ang mga karakter sa pamamagitan ng special costumes at halu-halong visual effects. Pinagtuunan din ng pansin ang disenyo ng pelikula at tunay na kagigiliwan ang tambalan nina Snooky at Gabby Concepcion.

Sa Zombies, napadpad sa isang ilang na lugar sina Cathy (Maricel Soriano), Mike (William Martinez) at Sheila (Manilyn Reynes). Dahil sa matinding pagod, napilitang magpalipas ng gabi ang tatlo sa isang lumang mansyon sa gitna ng kagubatan.Dito nakilala ng tatlo ang magkakapatid na sina Pina (Nadia Montenegro), Deo (Albert Anido) at Satur (Benedict Aquino). Lingid sa kanilang kaalaman ang misteryong napapaloob sa malaking bahay na kanilang pansamantalang tinutuluyan. Hitik sa mga nakahihindik na mga tagpo ang kasaysayang ito. Pilit ipinauwa dito ang mundo ng mga nilalang ng lagim. Madarama ang pirming nagbabadyang malagim na pangyayari sa angkop na paglapat ng musika at tunog. Malaki rin ang naitulong ng maliksing editing na nagdulot ng pananabik sa manonood. Muling pinatunayan nina Maricel Soriano at William Martinez ang kanilang husay sa pisikal na komedya ngunit kapuri-puri rin si Manilyn Reynes na nagbigay ng kakaibang karakterisasyon sa naksanayang papel ng isang sidekick.

Matatagpuan ang espektakulo ng pantasya, ang pasyon ng melodrama at ang siste ng komedi sa Querubin (Maria Leonora Theresa). Masasaksihan sa kuwento ang mahikang dulot ng langit, ang malungkot na pagkakawatak-watak ng isang pamilya at pagkakabuo nito at ang pagiging pilyo ni Querubin (Chuckie Dreyfus), isang anghel na nawalan ng pakpak at bumaba sa lupa upang subaybayan ang mga batang naging biktima ng pang-aapi. Sa tulong ni Sabel (Nora Aunor) ay natagpuan ni Roland (Tirso Cruz III) ang kanyang nawawalang anak na si Luisa (Sheryl Cruz). Madamdamin ang pagsasalarawan ni Nora Aunor sa salimuot ng maliit na mundong nabigyan ng panibagong pag-asa ng mga batang kanyang inaaruga. Sa pangkalahatan, masasabing epiktibong napagbigkis ni Maryo J. de los Reyes ang magkakaibang genre ng kanyang pelikula. Nailahad sa Mga Kuwento Ni Lola Basyang ang makulay na daigdig sa mga samu't-saring detalyeng nakapapagpapukaw, nakapagbigay-aliw, nakapaghatid ng gitla at gimbal.

Direksiyon: Maryo J. de los Reyes
Dulang Pampelikula: Jose Javier Reyes
Sinematograpiya: Rody Lacap
Editing: George Jarlego
Musika: Lutgardo Labad
Disenyo: Dez Bautista
Produksiyon: Regal Films

Minsan Pa... GAMITIN MO AKO


Sa kabila ng pestilensiya sa pelikulang Pilipino noong taong 1985, pinanabik ang mga manonood nito nang ipalabas ang pelikula ni Ishmael Bernal, ang Gamitin Mo Ako (V.H. Films, Inc.). Bold ang oryentasyon ng sine, pero tila maiigpawan ng direktor ang kalabisan ng genre. Itinanghal ang pelikula ilang buwan matapos ang Hinugot Sa Langit, isang natatanging likha sa gubat ng mga patakbuhing pelikula. Sa mga unang eksena pa lamang ay naipahiwatig na ang patutunguhan ng iskrip ni Rolando Tinio. Malinaw na nilinlang ng pelikula ang diskurso ng mga babaeng uhaw lamang sa domestikong pamumuhay, ngunit matagal nang binuwag ng lipunan ang ganitong pagsasatipo. Sa isang pananaw nga, para na ring binili ni Sammy (Al Tantay) ang mag-inang Toyang (Rita Gomez) at Josie (Stella Suarez Jr.). Ni wala silang emotional investment sa isa't-isa. Ibinabandera ni Sammy ang kanyang pera kay Toyang kaya pumayag itong isama ang anak upang magbakasyon sa resort dala ng matinding pangangailangan. Mahalaga ang pahayag ng pelikula ukol sa pamilya na siyang nagsusubo sa anak sa iba't-ibang klase ng pagpuputa. Isang estudyante si Josie na humanap ng kalinga at pagdamay na ipinagkait ng sariling ina sa bisig ng kasintahang si Ador (William Martinez), sa pag-aakalang sa piling nito'y tuluyan na siyang makakawala sa paghihirap na dinaranas sa poder ng kanyang ina. Ipinakita ng pelikula ang pagpanhik ni Josie sa rurok ng karangyaan at kung paano humantong sa paghihiganti ang katapusan sa pang-aaping sinapit sa kamay nina Toyang at Sammy. Subalit hindi gaanong nagalugad ng pelikula ang inilatag nitong teksto. Iniwan itong nakatiwangwang at umid sa halip na hayaang makipagdayalogo sa buhay ng tatlong pangunahing tauhan. Sa gayon, nalimita ang pelikula sa pagiging isang patakbuhing melodrama at hindi nasiyasat ang ugnayan nito sa mas malawak an istruktura ng lipunan.


Hindi rin naisalba ng nakapapagod na pagganap ni Rita Gomez ang Gamitin Mo Ako. Kahit wala na halos pumatak na luha sa kanyang mga mata, hindi pa rin makaramdam ng simpatiya sa kanya. Karton ang kanyang karakter. Hindi pa nga maituturing na paghamon sa kumbensiyon ng moralidad ang pagpapahintulot niyang pagsaluhan nilang mag-ina si Sammy. Mahalaga sana ang usapin ng matriyarka kung saan ang isang matapang na babae ang siyang tumatayong kontrabida at kung bakit ito binawian ng kagandahang-loob at pinagmukhang sakim. Ayon kay Bernal, ang lahat ay walang uri, walang kasarian, walang kasaysayan, walang identidad. Isa itong eskapistang resolusyon sa mga kagyat na suliranin ng babae sa loob ng isang naghihirap na bansa. Malaki rin sana ang potensiyal ng iba't-ibang manipulasyon sa panahong kinasangkapan ng pelikula. Sayang nga lamang at hindi ito napangatawanan ng naratibo, isinubo na lamang ang mga bida sa iba't-ibang situwasyon ng paghuhubad. Ngunit tila hindi ito nalinaw at napag-ugnay sa bisyon ng pelikula. Lubhang masalimuot ang gubat ng buhay ngunit matagal nang nalaos ang pilosopiyang ibinandila nina Tinio at Bernal. Kailangan lamang ng mabuti at malinaw na pagpapakahulugan sa tawag at hamon ng lipunang patuloy na nagbabago.


Direksiyon: Ishmael Bernal
Dulang Pampelikula: Rolando Tinio
Sinematograpiya: Manolo R. Abaya
Musika: Willie Cruz
Editing: Amang Sanchez
Disenyo: Elmer Manapul
Produksiyon: V.H. Films, Inc.

SCORPIO NIGHTS... Pagpasok Sa Kuwarto Ng Mga Malilibog


Scorpio Nights


Ang Scorpio Nights (Regal Films) ni Peque Gallaga ay isang pelikulang Pilipinong sinadyang gawin para sa mga manonood sa Manila Film Center. Tatsulok na pag-ibig ang pinakasentro ng pelikula. Isang nagbibinatang estudyante si Danny (Daniel Fernando) ang naiwang mag-isa sa mumurahing kuwarto sa ikalawang palapag ng isang nabubulok na aksesorya sa Binondo. Sa ibaba, may nakatirang security guard (Orestes Ojeda) at ang maybahay nito (Anna Marie Gutierrez) na tuwing nahihimbing ay nakagawian nang bosohan ni Danny. Alam nito ang eksaktong oras ng pag-uwi ng lalaki at sa ganong oras din nagseseks ang mag-asawa. Minsan ay nakapasok si Danny sa kuwarto sa ibaba at sinubukan nitong sipingan ang babae. Dito nagsimula ang malimit na pagtatagpo ng dalawa na humantong sa pagkahulog ng kanilang mga loob sa isa't-isa. Natuklasan ng security guard ang pangangaliwa sa kanya ng dalawa at minsang mapasukan niya ang kanilang pagseseks, binaril niya ang mga ito at habang kinukubabawan ang naghihingalong asawa, kanyang binaril ang sarili.

Hayagan ang pagpapakita sa babae at lalaking hubo't hubad na nagseseks. Ipinakita ang bulbol ng babae at matigas na ari ng lalaki gayundin ang walang pangiming galaw at ingay ng nagseseks at pagsasalarawan sa pisikal na pagtatalik ng mga hayok sa laman na dati ay sa mga sineng porno lamang masasaksihan. Subalit naiiba ang pagpaksa ng Scorpio Nights sa seks dahilan sa ginamitan ito ng masining na panlasa tulad sa disenyo ng pelikula lalo na ang pagkakaayos sa ng kuwarto ni Danny sa itaas at kuwarto ng security guard sa ibaba. Ang pag-iilaw at pagpupuwesto ng kamera ay pinagbuhusan ng imahinasyon at pinong-pinong kasanayan ng sinematographer. At higit sa lahat, kaiba sa karaniwang porno, may nagaganap na buhay sa labas ng kuwartong pinangyayarihan ng pagseseks. May munting harapan kung sa saan may isang basketball goal na palagiang gamit ng mga pawisang manlalaro, may maliit na pagawaan ng grill ng bintana at mga batang ipinagpuprusisyon ang isang pusang patay. May pagpapahiwatig din ng paninikil sa panahon ng Batas Militar sa paghahanap ng isang may kapangyarihan sa isang militanteng estudyanteng naninirahan sa kuwarto sa itaas. Kung susuriin, tila gustong patunayan ni Peque Gallaga na ang seks ay lehitimong paksain ng pelikulang ipinapalabas hindi lamang sa kuwarto ng usyosong nalilibugan, mapapanood rin ito sa sinehang pinapasok ng mga responsableng manonood. Maaring basahin ang Scorpio Nights bilang larawan ng lipunang sinarhan ng mga may kapangyarihan, kung saan ang mga taong puno ng enerhiya at pagnanasa ay humahanap ng layang magpapatunay na ang buhay ay dapat lasapin at kung ang pagpapalaya sa enerhiya at pagnanasa ay patuloy na sasagkaan, ito ay nagiging lason at pumapatay.

Direksiyon: Peque Gallaga
Dulang Pampelikula: Rosauro Q. de la Cruz
Sinematograpiya: Ely Cruz
Musika: Jaime Fabregas
Editing: Jesus M. Navarro
Disenyo: Don Escudero
Produksiyon: Regal Films
Release Date: June 18, 1985

Isang SUGAT Na DI MAGHILOM


Kuwento ang Di Maghilom Ang Sugat (Baby Pascual Films And Associates, 1986) ng isang lalaki, si Paolo (Gino Antonio) na nakatira sa isang liblib na lugar sa bundok kasama ng kanyang maybahay na si Ana (Cristina Crisol). Kung ano ang dahilan at nakatayo si Paolo sa harap ng puntod ni Ana sa simula, iminamapa ng pelikula ang landas tungo sa konkretong kasagutan nito sa pamamagitan ng epektibong paggamit sa estilo ng pagbabalik-larawan. Maglalakbay si Paolo patungong siyudad upang pilit limutin ang mapait na nakaraan at mamasukan ito bilang kargador sa Pier. Makikilala ni Paolo si Minda (Anna Marie Gutierrez), hanggang sa mabuo ang inaakalang magandang pagsasama. Habang patuloy ang lalaki sa paghahanap ng kasagutan sa kanyang problema, unti-unting kinukunsumo ang babae ng kanyang paninibugho. Nariyang sundan niya ito kahit saan magpunta. Pagsapit sa kasukdulan ng naratibo, titindi ang tensiyon sa pagitan ng dalawa at ibubunyag ni Minda ang burak ng kanyang loob kay Paolo ngunit babalewalain lamang siya nito. Magkakaroon ng krisis si Minda na parallel sa krisis ni Ana. Inabuso ni Paolo si Ana, hindi lamang pisikal kundi pati emosyonal na pang-aabuso sa pag-aakalang nakikipagkita ang asawa sa isang lalaking taga-siyudad. Sa pagkakataong ito nagtangkang iwan ng babae ang lalaki ngunit habang hinahabol ang asawa, nalaglag ito sa tulay na siya nitong ikinasawi. Nalaglag rin ang dinadala ni Minda sa kanyang sinapupunan dahilan sa patuloy na pagbabalewala ni Paolo. Inabuso ito ng lalaki dahil alam niyang labis ang kanyang pagmamahal dito. Sa pagtatapos ng pelikula, magbabalik si Paolo sa bundok upang tuparin ang iniwang pangako sa namayapang kabiyak.


Pinatitingkad ng Di Maghilom Ang Sugat ang isang pelikulang bold ang oryentasyon na makikita sa ipinamalas nitong kumbensiyon. Pangunahin sa mga katangiang ito ang pagtatampok sa katauhan ni Paolo na mariing pinaglalabanan ang sariling demonyo. Sa bawat nakakadaupang-palad ay nakikita nito ang salimuot ng kanyang nakaraan. Maingat na binuo ang karakter ng mga tauhan kaya naman kumikilos sila hindi ayon sa mga gasgas na karakterisasyon kundi ayon sa maingat at matalinong paghimay sa iba't-ibang suliraning kinakaharap ng mga tauhan. Si Minda na sa simula'y inaasahang magiging dagdag na pasanin kay Paolo ay siya pang magkakalinga dito. Mahusay at matalinong nagampanan ni Anna Marie Gutierrez ang pagsasalarawang may kakayahang umarok at umunawa, mag-isip at dumama, magpasiya at kumilos sa samu't-saring komplikasyon ng malawak na reyalidad ng mga taong nakapaligid sa kanya. Samantala, tunay na nakaantig ang magiting at matatag na pagganap ni Gino Antonio bilang lalaking nagsisikap talikuran ang kanyang nakaraan. Mapangumbinsi rin ang pagganap ni Cristina Crisol sa malungkot na pagsasalarawan hindi lamang ng pisikal na pang-aabuso kundi ang makatotohanang pagtatampok sa saloobin ng asawa. Mahusay na nasubaybayan ng sinematograpiya ang paglalaro sa matitingkad na kulay luntian at sa bandang huli'y naglantad sa madilim na karanasan ng mga tauhan. Sa pangkalahatan, masasabing malinis na naihanay ng direktor at manunulat ang magkakaugnay na tema ng pelikula. Higit na epektibo ang paglalantad ng kontradiksiyon sa internal na sikolohiya ng pagkatao kumpara sa kanilang naunang obra, ang Takaw Tukso (1986). Nagawa nitong lambungan ng misteryo ang daloy ng mga pangyayari upang sa huli'y mailantad ang katotohanang ikinubli sa simula ng pelikula.


Direksiyon: W. Pascual
Dulang Pampelikula: Armando Lao
Sinematograpiya: Apolinar Cuenco
Musika: Louie Pascasio
Editing: Joe Solo
Disenyo: Dante Mendoza
Produksiyon: Baby Pascual Films And Associates

Sa Pugad Ni LA PALOMA KALAPATING LIGAW

La Paloma Ang Kalapating Ligaw
Sa pelikulang La Paloma Ang Kalapating Ligaw (Juan de la Cruz Productions, 1974), nagbalik si Paloma Corazon (Celia Rodriguez) upang magbigay respeto sa yumao nitong kalaguyong si Don Lorenzo (Ricky Belmonte). Ang proseso ay nagdulot ng di pagkakaunawaan sa pagitan niya at ng naiwang maybahay na si Anida (Vina Cansino) at inang si Soledad (Mona Lisa). Lingid sa kaalaman ni Anida ang testamento ng yumao na ipamana kina Paloma at Soledad ang lahat ari-ariang kanyang naipundar. Sa puntong ito ng pelikula nagsimula ang kaguluhan sa pagitan ng asawa at kalaguyo. Higit itong pinag-ibayo ng pagdating ni Joel (Orestes Ojeda), isang gitaristang namasukan bilang hardinero sa mansiyon. May kani-kaniyang dahilan ang bawat isa sa kanila. Nais ni Anida na mapasakanyang lahat ang kayamanang naiwan ng nagtaksil na kabiyak. Samantalang ang pagsasakonkreto ng kalagayan niya sa puso ni Lorenzo ang tanging pakay ni Paloma. Kay Soledad naman ay ang manatili sa nakasanayang marangyang pamumuhay.

Hindi tulad ng iba pang pelikula ni Joey Gosiengfiao ang La Paloma. Kapuri-puri ang teknikal na aspeto nito. Mahusay ang paghimay ng mga argumento at ang pasalit-salit sa mga lebel ng simbolismo. Madulas ang daloy ng dulang pampelikula ni Wilfrido Nolledo. Konsistent ang disenyong biswal at ang itim-puting sinematograpiya. Malinis ang editing at akmang-akma ang pagpili ng tunog na aangkop sa bawat eksena. Bilang Paloma, iniwas ni Celia Rodriguez ang sarili sa nakagawiang depiksyon ng kalaguyong nangwawasak sa tahanan ng ibang babae. Matingkad ang kanyang pagkakaganap dahil hinahatak niya tayong damhin ang kanyang mga dilema. Magiting na binuo ni Mona Lisa ang karakter ni Soledad mula sa piraso ng kanyang sarili at nabigyan ito ng dignidad upang protektahan ang nalalabi sa kinalalagyang teritoryo. Humantong man ang resolusyon ng pelikula sa antas ng pantasya, nagtampok ito ng posibilidad sa isang alternatibong kaayusan sa pagbabalik at pagtatagumpay ng ng mga tradisyonal na pagpapahalagang pantao.

Direksiyon: Joey Gosiengfiao
Dulang Pampelikula: Wilfrido Nolledo
Sinematograpiya: Rey de Leon
Musika: Demet Velasquez
Editing: Rogelio Salvador
Disenyo: Nazario Marquez
Produksiyon: Juan de la Cruz Productions