Ang Sineng Pinoy Ng Dekada '80


Ang industriya ng pelikulang Pilipino ang may pinakamalaking buwis na siyang dahilan sa pagsasara ng ilang mga kumpanya matapos itanghal ang kanilang unang produksiyon. Ang sumusunod ay talaan ng buwis na ipinapataw ng gobyerno sa bawat pelikulang Pilipino taong 1989.


Amusement tax 30%


Value added tax 10%


Withholding tax 5%


Contractor's tax for processing
(% of processing cost) 3%


Duty on unexposed negatives,
positives and sound recording 20%


Cultural tax (per ticket sold in
Metro Manila) P 0.25


Specific tax (P2,000 per print,
on an average 15 prints per film) P30,000.00


MTRCB Preview fee P1,500.00


MTRCB registration fee
per producer P2,000.00


Lay-out stamping fee P100.00


Still photo stamping fee
(average cost) P500.00


Graduated tax in City of Manila P11,000.00 (minimum
(gross receipt tax: P11,000.00
for first P500,000.00; P5,000.00
for every subsequent P250,000.00. Taxes
vary in different cities and municipalities)


Kung susuriin ang isang prodyuser ay nagbabayad ng humigit kumulang 52% ng gross receipt sa gobyerno na lubhang napakalaging halaga kung ikukumpara sa ibang bansa sa Asya kung saan 10% lamang ang buwis na ipinapataw sa bawat pelikula. Sa dekada '80 tinatayang nasa 375 milyong piso ang binabayarang buwis ng industriya bawat taon. Sa kundisyon ng suliraning nabanggit, anong uri ng mga pelikula ang itinampok ng dekada? Tulad ng inaasahan, karamihan ng mga pelikulang ipinalabas ay mga sineng di lumihis sa nakasanayang pormula. Ang mga melodrama ay nagtatampok ng mga establisadong bituin tulad nina Vilma Santos at Christopher de Leon at ng mga higit na nakakabatang artista tulad nina Sharon Cuneta at Miguel Rodriguez sa mga kuwentong tumalakay sa muling pag-usbong ng pag-ibig (To Love Again, 1983), ng walang katapusang pang-aapi ng nakakariwasa sa mga naghihikahos (Bukas Luluhod Ang Mga Tala, 1984) o sa tema ng paghihiganti (Hindi Mo Ako Kayang Tapakan, 1985). Samantala, sumakay sa popularidad ng nobelang pang-komiks ang mga pelikula ng VIVA Films na umani ng tagumpay sa takilya tulad ng Sinasamba Kita (1982), Magdusa Ka, Bituing Walang Ningning at Tinik Sa Dibdib (1985). Sa mga komedya, namayani ang mga pelikula ni Roderick Paulate (Petrang Kabayo At Ang Pilyang Kuting at Leroy Leroy Sinta, 1988). Ilan sa mga pelikulang komedya na may halong romansa ay nagtampok ng mga respetadong aktres tulad nina Nora Aunor (Palengke Queen, 1982) at Maricel Soriano (Gorio At Tekla, 1989).


Ang pelikulang bomba ay nagbagong bihis sa dekada '80. Sa unang bahagi nito, iilan ang mga likhang may temang bold ang naipalabas dahilan sa mahigpit na restriksyon ni Maria Kalaw-Katigbak, ngunit sa kalagitnaan ng dekada nang mapalitan ang BRMPT (Board Of Review For Motion Pictures And Television) ng bagong tatag na MTRCB (Movie And Televesion Review And Classifications Board), dito umusbong ang penekula. Sina Joy Sumilang, Maureen Mauricio, Myra Manibog, Gino Antonio, Mark Joseph at George Estregan ang ilan sa mga artistang gumanap sa mga pelikulang tulad ng Sabik... Kasalanan Ba? at 'Di Mapigil Ang Init (1986). Matapos ang rebolusyon sa EDSA, unti-unting nabawasan ang paggawa at pagpapalabas ng mga penekula nang maupo bilang MTRCB Chairman si Manuel Morato. Ang mga pelikulang pantasya ay nagdadala ng mga manonood sa isang kakaibang mundong nababalutan ng salamangka at majika, nariyan ang Once Upon A Time (1986), na kuwento ng isang tikbalang. Tinalakay rin ang mga karakter ng mitolohiyang Pilipino sa Tiyanak (1986) at Diosa (1981) kung saan ang isang diwata ay nagbalik sa bawat panahon sa kasaysayan ng Pilipinas. Naging bingi ang mga prodyuser sa halip na gumawa ng mga makabuluhang pelikula ay nagpalabas ito ng mga sineng walang kawawaan. Patuloy na lumubog ang lebel ng pelikulang Pilipino na siyang nagtulak sa mga prodyuser na bawasan ang badyet ng produksiyon upang makabawi sa 40% VAT sa pagkuha ng mga patakbuhin at mga tagpi-tagping direktor.

Maynila Sa Mga Kuko Ng ALIW



Pinatunayan ng Aliwan Paradise (Cinema Artists, Philippines, 1992) ni Mike de Leon ang kasabihang May malaking halaghag, may munting bigat. Bahagi ito ng Southern Winds (1993), isang antolohiyang binubuo ng apat na maiikling pelikula. Bagamat munti lamang ang Aliwan Paradise dahil kulang sa isang oras lamang ang haba nito, lubhang malaman ang dulang pampelikula ni Clodualdo del Mundo, Jr., epektibo ang sinematograpiya ni Johnny Araojo at kuhang-huha ng disenyong pamproduksiyon ni Cesar Hernando ang diwa ng direksiyon ni de Leon. Ang konsepto at at ang pagbibigay anyo dito na kapwa galing sa talino ni de Leon ay nagpapagunitang malaki ang nawawala sa sining ng pelikula sa Pilipinas sa patuloy na di paglahok ng direktor sa industriya. Sa isang panahong di tiniyak ng iskrip, lumubha ng husto ang kawalang empleyo sa bansa. Isang ahensiya ang itinayo ng gobyerno upang mamahala sa pamimili ng mga aplikante para sa trabaho. Itinakda ang isang marathon audition at ang pamantayan sa pagtanggap ng aplikante ay ang pagtatanghal ng kakaibang presentasyon. Kabilang sa makapa na taong nag-awdisyon sina Julio Madiaga (Julio Diaz) at Ligaya Paraiso (Lara Melissa de Leon). Dati silang magkasintahan ngunit pinaghiwalay ng mga kaapihan at kabuktutang naging sanhi ng kanilang kamatayan. Sa kanilang muling pagkikita, natuklasan ng dalawa na maling akala pala ang paniwalang sila'y kapwa namatay. Nagpalabas si Ligaya ng katutubong sayaw at nang tila tagilid ang kanyang aplikasyon, ginamit nito ang kanyang katawan upang matiyak na pipiliin siya ng Empresaryo (Johnny Delgado). Samantala, nahihirapang makapasa si Julio bagamat ginamitan niya ng malikhaing imahinasyon ang kanyang palabas na sinangkapan ng relihiyon at nasyonalismo. Tumutol siya sa desisyon ng mga hurado at nagulo ang awdisyon nang balikan niya ang mga ito upang iparepaso ang kanilang naging pasiya. Sinundan ni Ligaya si Julio sa pagtatangkang pigilan ang binata. Ang kanilang eksena ay nagustuhan ng Empresaryo ipinasiya nitong pagwagiin ang magkasintahan. Ang paghihirap at pagdurusa nina Julio at Ligaya ay mainam na aliwan at maaring pagkakitaan ng ikabubuhay. Sa bandang huli, nasa Smokey Mountain sina Julio at Ligaya, namumulot ng basura habang isinasapelikula ng Empresaryo na ngayo'y direktor na sa pelikula, ang kanilang paghahanapbuhay.


Kung susundan ang litaw na lebel ng naratibo, ang Aliwan Paradise ay kuwento ng magkasintahang nagtagpong muli pagkaraan ng maraming taon. Ngayon, kapwa nila nalampasan ang mga pagsubok sa malupit na siyudad. Kapwa sila nag-awdisyon upang magkaroon ng trabaho na nauwi sa pamumulot ng basura sa Smokey Mountain. Sa lebel na ito inilalantad ng pelikula ang krisis ng kawalang empleyo, ang panunupil at pag-aliw na siyang tanging tugon ng pamahalaan sa problema. May isa pang lebel ng pagbasa na nagpapayaman sa pagpapakahulugang ginawa ng naratibo. Sina Julio at Ligaya ay mga tauhan sa pelikulang Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanang (1975). Sina de Leon at del Mundo ay kapwa nagkaroon ng kinalaman sa pelikulang ito ni Lino Brocka. Pinamahalaan ng una ang sinematograpiya at ang huli naman ang iskriprayter. Ang tema ng pelikula ni Brocka ay ang kahirapang nagpapababa sa katauhan ng tao sa siyudad at kung paano nito pinababagsik ang pinakamahinahong indibidwal na paulit-ulit na pinagsasamantalahan ng mayayaman at makapangyarihan. Sa pagsasalarawan ni de Leon sa kapalaran ng mga dukha. gumagamit siya ng masakit na pagbibiro at tinutuligsa niya hindi lamang ang pamahalaan kundi pati na rin ang industriya ng pelikula na ginagawang kalakal ang mga larawan ng kahirapan sa siyudad. Nang mamalas ng Empresaryo ang pagdurusa ng magkasintahan, kanyang natuklasan na mabiling aliwan ang hinuwad na mga larawan ng trahedyang nagaganap sa pang araw-araw na buhay ng mga mahirap. Sa pamamagitan ng pagbibiro, napalalim ni de Leon ang pamumuna ng kanyang pelikula. Pagbibiro rin ang naging paraan upang palawakin ang larawan ng lipunang ipinamamalas ng munting pelikula. Ang bahagi ng marathon audition ay naging pagsisiwalat ng iba't-ibang katiwaliang nagaganap sa lipunan. Ang malaganap na paghihirap, ang kambal na tugon ng pamahalaan sa hamon ng kahirapan, pandarahas, panlilinlang at ang pagsasamantala ng industriya ng pelikula sa mga mahihirap na bukod sa magbibigay ng paksain sa pelikula ay siya ring publikong pinagbibilhan ng mga produktong pampalimot sa kahirapan.


Direksiyon: Mike de Leon
Dulang Pampelikula: Clodualdo del Mundo, Jr.
Sinematograpiya: Johnny Araojo
Musika: Ding Achacoso
Editing: Jose Almojuela
Disenyo: Cesar Hernando
Produksiyon: Cinema Artists Philippines

GIRLFRIEND: Pagpasok Ni Bernal Sa Looban Ni Brocka


Ang salimuot sa pagharap ng tao sa nanunuot na suliraning pangkahirapan ang nagsulong sa naratibong inilatag ng Girlfriend (Tagalog Ilang-Ilang Productions, Inc., 1980). Ipinahihiwatig ng mga pagtatanghal sa buhay ni Evangeline (Cherie Gil), na hindi maibubukod kailanman ang kalooban ng tao. Dumadaloy ang pagsasalarawan ng mga usaping inilatag ng pelikula sa konteksto ng matalim na pagpuna sa paghahangad na makaahon sa labis na kahirapan dala ng di inaasahang pagpanaw ng kanilang ina. Napilitang gampanan ni Evangeline ang papel ng magulang at nakatatandang kapatid kay Tommy (Ronald Daguio). Dahil sa pagkahirati sa kahirapan, naging ambisyosa si Evangeline. Tinalikuran nito ang nobyong si Leroy (Al Tantay), isang jeepney driver at nagpatangay sa matatamis na salita ni Edward de la Paz (Mat Ranillo III), ang may-ari ng pabrika kung saan ito namamasukan. Dito naging magiting ang tensiyon sa pagitan ng kanyang personal na pagkabagabag at ambisyon sa pag-aakalang si Edward ang kasagutan sa kanyang mga suliranin. Nagalugad ang personal na kompleksiyon ng pansariling loob ni Evangeline tungo sa kompleksidad ng nag-aagawang puwersang kanyang kinapapalooban. Magaganap ang mga resolusyon sa pansarili niyang loob, subalit kinakailangang ihayag ang kanyang kalooban sa labas ng sarli tungo sa isang resolusyong makatao.


Buhay sa looban ang pinagkaabalahang pasukin ng Girlfriend, subalit tataliwas ang pelikula sa tradisyong Brocka na minsan ay humahangga sa romantikong representasyon ng looban at mga nakapaloob sa loobang ito. Bagamat malinaw sa mga pelikula ni Brocka ang pulitikal na layon ng pagtuligsa sa pinamamayaning rendisyon ng lipunan, isinulong naman ni Bernal ang nililikhang mekanismong mekanismong kultural sa mga taga looban upang mapangibabawan ang di madalumat na ugat ng kanilang mga kinasasadlakan. Siniyasat ng pelikula sa kakaiba nitong pagsisiste, ang mutualismo na kadalasan ay humahantong sa parasisitimong namamagitan sa magkaiba subalit magkatabing uri ng lipunan tulad ng pagputakti ng mga iskuwater sa gilid-gilid ng naghahabaang mga highway. Ang laylayan ay makakapasok sa sentro habang ang sentro ay gumagapang din sa mga laylayan nito. Bagamat talunan sa maraming pagkakataon ang mga nasa laylayan ng kapangyarihan, iniluwal din ng Girlfriend ang pang araw-araw na estratehiya ng pag-angkop, pagbawi at pagbalikwas ng mga pangkaraniwang mamamayan laban sa payapang pagdidiploy ng ng mga nakaangatat nagsisismulang umangat sa bahagdang pang-ekonomiya ng lipunan. Sa sadyang pag-iwas ng pelikula sa romantisismo at eksotisismong kadalasang ibinabalabal sa representasyon ng looban ay naipapasulyap ng pelikula ang loob ng mga nasa looban at ang karakter ng loob na ito sa malawak na mapa ng kaapihan ng kasalukuyang lipunan. Nangingibabaw ang edting, sinematograpiya at disenyong biswal ng pelikula. Ang makabagbag-kaluluwang paglalantad ni Cherie Gil ay isang kapani-paniwalang pagganap at pagtatapat. Ang tao ay tao hindi dahil sa likas nitong pagkatao. Ang tao, lipunan at ang kasaysayan ng mga tao sa lipunang ito ay materyal na hinuhubog ng mga kamalayang binubuhay ng mga nagtutunggaliang puwersang panlipunan.


Dulang Pampelikula At Direksiyon: Ishmael Bernal
Sinematograpiya: Sergio Lobo
Musika: The Vanishing Tribe
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Peque Gallaga
Produksiyon: Tagalog Ilang-Ilang Productions, Inc.

COMPANY OF WOMEN: Lupalop Ng Mga Puta

Company Of Women

Sa paghihingalo ng administrasyong Marcos, nagkasunod-sunod ang pagpapalabas ng mga pelikulang FF sa Manila Film Center sa ilalim ng pangangasiwa ng Experimental Cinema Of The Philippines. Isang pelikula ang Company Of Women (Athena Productions, Inc.) na sadyang ginawa para sa mga parokyano ng Manila Film Center. Sa silong ng kasa itinago ni Julius (Tani Cinco) ang kaibigang si Al (Mark Gil) na sangkot sa isang gulo. Isa si Cita (Liz Alindogan) sa nag-alaga kay Al hanggang sa ito ay gumaling. Di nagtagal, napaibig siya sa binata. Sa tulong ng kapuwa putang sina Rosie (Zelda Soler) at Amelia (Becky Misa), itinuring nilang kasambahay si Al. Samantala sa pagpupursigi ni Teddy (Ariel Moral) ay nakumbinsi nito si Isabel (Irma Alegre) na mamasukan sa kasa nang mapag-alaman niyang si Al ang pumaslang kay Belinda (Aya Fernando), ang kanyang nakababatang kapatid. Pumasok sa kasa si Isabel ngunit lingid sa kaalaman ng lahat ang kanyang pakay. Ang maipaghiganti ang kasawiang sinapit ng kapatid na si Belinda kay Al.

Narito na ang lahat ng tinututulan ng Catholic Women's League sa mga pelikulang itinatanghal sa Manila Film Center. Ang hayagang pagpapakita sa babae at lalaking hubo't hubad na nagse-seks, pagpapakita ng ari at bulbol ng babae at ng ari ng lalaki. Ang walang pangiming galaw at ingay ng nagseseks. pagsusop ng babae sa hayag at simbolikong paraan sa ari ng lalaki, pagsasalsal ng lalaki, sodomy at iba pang pagsasalarawan sa pisikal na pagtatalik ng hayok sa laman na dati ay sa mga pornong pelikula lamang nasasaksihan. Hindi naiiba ang pagpaksa ng Company Of Women sa seks bagamat ginamitan ng makasining na panlasa at pagkakaayos sa disenyo ang pelikula. Pinagbuhusan man ng imahinasyon, pag-iilaw at pagpupuwesto ng kamera hindi pa rin maitatatwa ang pagka-halintulad nito sa pangkaraniwang porno. Kung gayon, ano ang pakay ng pelikula ni Mel Chionglo? Sa biglang malas, tila gustong patunayan ng direktor na ang seks ay lehitimong paksain ng pelikulang ipinapalabas hindi lamang sa munting silid ng nalilibugan, kundi pati sa mga sinehang pinapasok ng mga responsableng manonood. At kung hahanapan ng kabuluhan, maaring basahin ang Company Of Women bilang larawan ng lipunang sinarhan ng mga may kapangyarihan kung saan ang ang mga taong puno ng pagnanasa ay humahanap ng layang magpapatunay na ang buhay ay dapat lasapin at kung ang pagpapalaya sa pagnanasa ay patuloy na sasagkaan, nagiging lason ito at pumapatay. Malinaw na sa Company Of Women ay walang pakialam si Chionglo sa ipinagbabawal ng mga grupong relihiyoso. Kung ang pagbabawal ay nagiging pagkakait sa tao ng pagkakataong saliksikin ang karanasan upang tuklasin ang iba't-ibang aspeto ng buhay ng tao sa mundong ito. Higit sa lahat alam ni Chionglo ang midyum ng pelikula, at handa niyang sagasain ang alinmang sekto ng lipunan na nagtatakda ng mga hangganan para sa mga manlilikha. Ito ang batayan ng kapangahasang karaniwa'y hindi nakikita sa mga obra ng direktor na sa ngalan ng hanapbuhay ay handang pumailalim sa kaayusang sumisikil sa pagkamalikhain.

Direksiyon: Mel Chionglo
Dulang Pampelikula: Raquel Villavicencio
Sinematograpiya: Clodualdo T. Austria
Musika: Willie E. Yusi
Editing: Jesus M. Navarro
Disenyo: Benjie de Guzman
Produksiyon: Athena Productions, Inc.
Release Date: July 26, 1985

ITIM... Isang Paglihis Sa Kinaugalian



Noong 1976, naging napakaingat ng mga prodyuser. Iniingatan nilang hindi lumihis sa kinaugaliang paggawa ng pelikulang komersiyal. Mga artistang subok na ang itinampok sa kanilang mga produksiyon. Mga kuwento ng kaaliwan, maling akala, paghihiganti, pagpapairal ng dahas at pagkiliti sa libog ang pinuhunanan. At higit sa lahat, ang paraan ng pagkukuwento sa paggamit ng mga larawan ay nanatiling kumbensiyonal. Kailan ba sinasabing kumbensiyonal ang paraan ng pagkukuwento ng isang pelikula? May isang sitwasyon at sangkot dito ang isang tauhang ginagampanan ng pangunahing aktor o aktres. May gusto ang tauhan. Posisyon, yaman, kapangyarihan, pagmamahal at iba pa. Tinuhog ang mga pagkilos ng tauhang ito upang buuin ang isang naratibong may malinaw na simula, masalimuot na gitna at malinaw na wakas. Ginagamit na pantuhog sa pangyayari ang mga diyalogo at mga pangyayaring nagtutulak o humahadlang sa pagkakamit ng tauhan sa kanyang mithi. Nagdaan ang pelikula sa pag-eeksperimento ng mga dakilang direktor na naghanap ng mga paraang higit na umaangkop sa kani-kanilang mga layuning pansining. Ang Itim (Cinema Artists Philippines) ni Mike de Leon ay dapat basahin sa konteksto ng paksain nito. Kaiba ang estilo ng pagsasalaysay ni De Leon sa pangyayaring kanyang pinili sa pagsasalarawan ng semana santa. Hindi ayon sa nakasanayang lohika ang daloy ng naratibo. Sa halip, mga larawang tila ikinuwadro sa gunita, mga pangyayaring tila arbitraryo ang pagkakatuhog, mga diyalogong walang linaw na naidudulot sa mga motibo ng mga tauhan at lohika ng mga pangyayari ang bumubuo sa kuwento ng Itim. Mahalagang sangkap ang pagkagamit ni De Leon sa espiritista upang himayin ang misteryo sa pagkamatay ni Rosa (Susan Valdez). Itinaon din sa semana santa ang pagbisita ni Jun (Tommy Abuel) sa kanyang paralitikong amang si Dr. Torres (Mario Montenegro). Sa mga unang eksena pa lamang ng Itim ay agad na tayong inilalayo ni De Leon sa kanyang naratibo. Nagaganap ang kabuuan ng pelikula sa kamalayan ni Teresa (Charo Santos). Sa pelikulang nagsasalaysay, ginagawa lamang ang ganito kung nais tayong sabikin upang subaybayan ang paglalahad at paglalantad ng misteryo.


Hindi misteryo ang nais ipasuri ni De Leon, kundi ang kinaugaliang pagsubaybay sa isang kuwento tuwing tayo'y nanonood ng sine. Tinuruan tayo ng mga pelikulang madalas panoorin na hanapan ang pinanonood natin ng kuwentong malinaw ang simula, may masalimuot na gitna at may malinaw na wakas. Tinuruan tayo na ang diyalogo ay laging naglilinaw o nagpapatindi sa puntong nais palabasin ng iskrip. Tinuruan tayo na ang mga pangyayari sa naratibo ay may lohikal na ugnayan sa isa't-isa at may layuning isalarawan ang puntong tinutumbok ng iskrip. Higit sa lahat, tinuturuan tayo na pagkukuwento ang sentral na layunin ng manlilikha ng pelikula at pagsubaybay sa kuwento ang tungkulin ng mga manonood. Walang iisang batas ang paggawa ng pelikula. May pormula ang mga pelikulang komersiyal, ngunit iyon ay isa lamang anyo ng pelikula. Lumilihis ang Itim ni Mike de Leon sa nasabing pormula, at sa paglihis na iyon, tinuturuan tayo ng bagong paraan ng pagsapol sa karanasang hatid ng mga larawan sa puting tabing. Tinuturuan din tayo na maaring humiwalay ang isang manlilikha sa mga paraan ng pagpapaunawa o pagpapahiwatig sa kinaugalian na ng ibang direktor sa bansa. Pinakamahalaga, tinuturuan din tayo bilang manonood na nakikipagtalo sa manlilikha hinggil sa mga kaisipan at damdaming idinudulot ng pelikula. Nangangahulugan ba ang lahat ng ito na dapat tanghaling modelo ng pelikulang Pilipino ang obra ni De Leon? Na lahat ng pelikulang inihahain ay dapat maging palaisipan at iwang bitin ang manonood? Na ang manlilikha ay hindi dapat magpakalaot sa pagtiyak na wasto ang pagpapakahulugan sa paksain ng kanyang pelikula? Marahil si De Leon mismo ang tututol sa paghugot sa ganyang mga implikasyon na kanyang ginawa sa Itim. Ang kanyang pelikula, tulad din ng mga pelikulang komersiyal ay tiyak na isang anyo lamang sa konteksto ng kasaysayan ng pelikula sa Pilipinas, ng obrang humihiwalay sa pormulang komersiyal. Ang iba pang direktor na lilihis sa kinaugalian ay may ibang direksiyong tatahakin na siyang nararapat. Kailangan natin ang mga pelikulang magmumulat na may tungkulin din itong pag-isipan ang mga kumbensiyong humuhubog dito, at kailangan naman ng mga manonood ng pelikulang tulad ng Itim na yumanig sa nakagawiang pasibong pagharap sa mga larawang nagkukuwento sa puting tabing.


Direksiyon: Mike de Leon
Dulang Pampelikula: Doy del Mundo At Gil Quito
Sinematograpiya: Ely Cruz At Rody Lacap
Musika: Max Jocson
Editing: Ike Jarlego, Jr.
Disenyo: Mel Chionglo
Produksiyon: Cinema Artists Philippines