UNANG YAKAP... Walang Kasing Sarap


Sa Unang Yakap (Lotus Films, 1980), sobra ang pagka-asar ni Roy (Lloyd Samartino) sa kinakasamang si Gina (Alma Moreno) nang tuluyang mawasak ang kanyang kinabukasan dahil ipagpilitan ng huli na pinagsamantalahan siya nito , na siyang naging resulta ng biglaang pagpapakasal ng dalawa. Ikinatwiran ng babae na nagawa niya ang lahat dahil labis ang kanyang pagmamahal dito. Dahilan ito upang magbangayan ang dalawa hanggang sa mag-init nang husto ang ulo ni Roy, lumayas at maglakwatsa. Samantala, iiyak na lamang ang babae dahil sa pagwawalang bahala ng lalaki. Isa ang pag-aasawa sa mga sitwasyong pinroblema ng pelikula. Nariyan din ang problema sa pagiging magkaribal sa pag-ibig tulad ng pang-aagaw ni Gina sa atensiyon ni Roy mula sa nobya nitong si Cecille (Rio Locsin). Problema sa pamilya, halimbawa nang ipagpilitan ng mga magulang na ipakasal ang kanilang mga anak gayong hindi handa ang mga itong harapin responsibilidad ng pag-aasawa. Sa lahat ng ito, nagalugad ang iba't-ibang lalim o kadalasa'y babaw ng pananaw, gawi at asal kaugnay ng kabataan bilang sektor. Sang-ayon ito sa limitasyon ng pagsasalarawan ng mga tagalikha ng Unang Yakap. Ngunit sa labas ng panlabas na anyo ng pagkaprogresibo sa pananaw ng mundo, ginigiyagis ang kabataan ng lingid na pagnanais na pakinggan ang mga kinahiratihang gawi at halagahan sa maraming pagkakataon. Nangyayari ito kahit na may pagsisikap silang kumawala sa sa mga kinasanayang pananw-mundo. Dahil umiikot sa romansa ang ang takbo ng mga pangyayari sa pelikula, hindi maiiwasang maging kasama dito mga usapin sa relasyon ng babae at lalaki at sa mga isyu ng kasarian at kapangyarihan.


Nananaig sa lipunang Pilipino ang tinatawag na kaayusang patriyarkal. Tila walang mapagpalayang pag-uusisa ang pelikula sa mga pagtatakda ng ng kaayusang ito at kung mayroon man, nababalewala ng paraan ng paglutas sa mga pangkasariang tunggaliang ipinakita sa loob ng naratibo. Madalas ding katambal ng prehuwisyong ito ang katotohanang bata ang mga tauhan. Di man sadya, isinisisi ang lahat sa kakulangan ng kakayahan ng kabataan, na sila'y isip-bata sa maraming bagay, na wala silang sapat na isip at damdamin para matalinong mapagpasiyahan ang mga dilemang kinakakaharap sa mundo. Malaki ang kinalaman ng mga hakang ito sa pagbubuo ng ng buhay at asal ng mga tauhan. May pagsisikap ang Unang Yakap na lumikha ng moderno at naiibang larwan ng babae. Tila walang pakialam si Gina sa tradisyonal na huwarang pambabae na dapat lamang makipag-seks sa ilalim ng institusyon ng kasal o ng darating na pagpapakasal. Nagdedesisyon siya ayon sa pinaniniwalaan niyang tama. Malaya siyang sundin ang isip at nais ng kanyang katawan. Pero kailangan niyang itago ang kanyang kalayaan nag biglang mahuli ng mga magulang sa akto ng pakikipagtalik. Hinahabol at inaabutan ng tradisyon ang modernong kabataan. Tumalilis siya upang para hanapin ang kaligayahan habang tangan ang etiketa, hindi ang etika ng peminismo. Natagpuan niya ito sa katauhan ni Roy. Ang kawalang muwang ng mga kabataan ay ipinapakita rin upang matanggalan sila ng kapangyarihan na tumayo sa sariling paa at lalo lang mapailalim sa pagkalinga ng mga magulang. Ang susi sa paghahanap ng sarili ay ipinapahiwatig na di kailangang matuklasan sa iba. Higit pa itong pinalubha ng pagsasakonteksto ng mga pangyayari sa loob ng lente ng komedya. Ngunit mukhang binalewala ng manunulat at direktor ang dinamiko ng barkadahan upang lutasin ang panloob na mga problema nito, sabihin mamng nagpapatawa lamang ang mga tagpo tinatawaran nito ang kakayahan ng kabataan na lutasin muna sa loob ng kanilang sirkulo ang mga problemang bunga ng sama-sama nilang pagdanas sa mundo.


Direksiyon: Eddie Rodriguez
Dulang Pampelikula: Luis Enriquez Fernando Guererro, Jr. At Beybs Pizarro Gulfin
Hango Sa Kuwento Ni: Emma Montemayor
Sinematograpiya: Loreto U. Isleta
Musika: I.S. Verdin
Editing: Abelardo Hulleza
Disenyo: Ramon Ronas
Produksiyon: Lotus Films

Paghulagpos Sa TANIKALA

Tanikala

Iba't-ibang interbensiyon ang ginalugad ng pelikulang Tanikala (Cine Filipinas, 1980) sa pagsasalaysay ng kuwento ni Ofelia (Susan Roces). Kasama dito mga tauhang tulad nina Donya Idad (Mona Lisa), ang kanyang ina at ang mag-asawang Maxima (Rita Gomez) at Antonio (Eddie Garcia) kung saan ang mga karanasan nila'y higit na nagpalalim sa pag-unawa sa pagkatao ni Ofelia. Upang ganap na maitampok ang kasalimuotan ng mga karanasang personal sa buhay ni Ofelia, inilahad at sinala ito sa pamamagitan ng mga kumbensiyon ng melodrama kung saan si Ofelia ay naging inskripsyon ng iba't-ibang uri ng supresyon na siyang naging espasyo ng tunggalian. Ang kanyang katawan bilang babae na nagbabasa ng tula, umiibig, nabibigo hanggang sa kanyang papel bilang anak at mangingibig. Ang mahapdi ngunit di maiiwasang mga ugnayang pangkapangyarihan at ang mga estrukturang bumubuo sa reyalidad ng kasaysayan habang iginigiit nito ang sarili sa mga pampelikulang engkuwentro, at sa paghahanap ng mga sarili sa mga destinasyon ng tradisyonal na melodrama. Mabusising tinalakay sa Tanikala ang diskurso ng pag-ibig at ang lugod ng romansa, pati ng tunay na pag-ibig. Magiting na ipinagtanggol nito ang pakay at hindi sumuko sa de-kahong pangangatwirang nakasanayan na sa ibang likhang napapanood. Naging masinop at dramatiko ang sinematograpiya sa pagtatanghal ng madilim at malungkot na imahe ng mundo ni Ofelia.

Ang malungkot na kasaysayang ito ay mahusay ding naisabuhay ng pambihirang galing sa pagganap. Nangingibabaw ang pagganap ni Rita Gomez sa papel ni Maxima. Mahusay niyang naisadula ang madalamhating larawan ng babaeng pinagtaksilan ng kanyang kabiyak na nag-iisang kumakandili sa may karamdamang anak. Ang maalam at matatag na pagganap ni Susan Roces sa papel Ofelia ay nagsasaad ng pagkaunawa at metodo sa layuning dramatiko ng kanyang pelikula. Maaring binago ni Abaya ang katangian at tunguhin ng kulturang pampelikula sa bansa, subalit ang pagbabagong ito ay hindi mga pagbabago sa esensiyal nitong kahulugan. Ang pagbabagong idinulot ni Abaya ay ang simpleng transpormasyon ng ideyolohiyang tumataliwas sa umiiral na kumbensiyon at komersiyalismo ng pelikulang mainstream. Hinarap ni Abaya ang kanyang mga personal na emosyon, mga pangamba at takot ng kanyang sariling buhay bilang babae at manlilikha. Hindi naghain si Abaya ng tiyak na kasagutan sa pelikula kundi ng mga katanungan. Bagamat mahusay ang teknikal na aspeto ng pelikula, matagal nang nalaos ang eksistensiyal na pilosopiyang ibinandila nina Abaya at Reyes, kailangan na nilang humulagpos sa tanikala ng nakaraan.

Direksiyon: Marilou Diaz -Abaya
Dulang Pampelikula: Edgardo M. Reyes
Hango sa Nobela Ni Pablo S. Gomez Mula Sa Pioneer Komiks
Sinematograpiya: Manuel R. Abaya
Musika: Michael R. Nelson
Editing: Manuel R. Abaya At Marcial Tarnate, Jr.
Disenyo: Dez Bautista At Don Escudero
Produksiyon: Cine Filipinas
Release Date: February 29, 1980

Huwag Pamarisan: BILIBID BOYS



Sa unang panonood pa lamang ng Bilibid Boys (Regal Films, Inc., 1981), madali nang malaman ang pakay at hangad ng ganitong uri ng pelikula. Payak lamang ang nais itumbok ng pelikula at siyempre pa bukod sa walang patumanggang bakbakan, suntukan, habulan at patayan, hinaluan din ito ng kung anu-anong sangkap tulad ng iyakan, sigawan, konting seks at pagpapatawa upang ikasiya ng manonood nito. At bakit nga hindi kung pakakaisiping ang tinatalakay ng Bilibid Boys ay kasaysayan ng mga kabataang naligaw ng landas dahil sa panggrupong impluwensiya. Sa bandang ito, naiiba ang pelikula dahil walang iisang protagonista, hati-hati ang maraming tauhan sa daloy ng naratibo na pinag-isa ng tema. Dahil payak lamang ang nais ipahatid at aliw ang pangunahing layon nito, pinalabas ng pelikula na isang simpleng di pagkakaunawaan lamang sa pagitan nina Don (Jimi Melendez) at Arnold (Allan Valenzuela) ang naging puno't dulo ng kaguluhang kinsangkutan ng barkadang sina Andong (Al Tantay), Noel (Mark Gil), Steve (Alfie Anido), Butch (Gabby Concepcion), Luga (William Martinez) at Caloy (Choy Acuna). Pinalabas ng pelikula ang salimuot ng karanasang pinagdaanan ng mga binata sa loob ng bilangguan. Ang hindi tinlakay sa Bilibid Boys ay ang ilang mahahalagang bagay ukol sa kalagayang panlipunang higit ang kinalaman sa mga isyung inihain ng pelikula.


Tunay, binibigyang atensiyon ng Bilibid Boys ang mga kabataan kahit sa pana-panahon lamang. Pagsunod lamang ito sa diumano'y tiyak na pagsamba ng lipunan sa mga matipuno, walang kulubot at ubang kabataan. Ganito man ang inaakala at inaasahang pangunahing dahilan sa paglikha ng obrang ito, naglalantad pa rin ang pelikula ng mga kahulugan at pagbasa ukol sa kabataan. Kinakitaan ito ng mga kontemporaryong larawan kundi man ng pagbabago o di pagbabago sa halagahan ng lipunang Pilipino. Moderno ang lengguwahe ng mga kabataan sa pelikulang ito na siyang nagpapahayag ng kanilang reyalidad. Maging ang kanilang pagbibihis ay umaagapay sa subkulturang nagtuturing sa moda bilang pasaporte sa paglahok sa mga gawain ng partikular na grupong nais kabilangan. Bago matapos ang pelikula, mapapatay si Luga gawa ng pananambang ng mga kasamahan ng katunggaling grupo. Ganoon din naman si Caloy, mapapaslang ito upang mapaghigantihan ang taong umutas sa buhay ni Luga. Sinubok ng Bilibid Boys na kumawala sa lumang etikang nakabatay sa pagsasalarawan at pag-unawa sa mga kabataan. Naroon pa rin ang paniniwalang wala silang muwang sa pagharap sa hamon ng lipunan ngunit sa dakong huli'y nabigyan din ng pagkakataong magpasiya upang matagpuan ang lagay sa lipunang patuloy na nagbabago.


Direksiyon: Ishmael Bernal
Dulang Pampelikula: Deo Fajardo, Jr.
Sinematograpiya: Sergio Lobo
Musika: The Vanishing Tribe
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Peque Gallaga
Produksiyon: Regal Films, Inc.

Nasaan Ang PURI?


Isinalaysay ng Puri (Magic Films, 1984) ang karanasan ng isang dalagang nababalutan ng misteryo ang katauhan. Namamasukan sa isang pribadong resort si Ligaya / Clara (Stella Strada) at dahil sa angking kagandahan ay madali nitong naakit si John White (Leonard Urso), isang dayuhang nagbabakasyon sa pulo. Dahil sa hindi matiis ang labis na paghihigpit ni Tani (Tani Cinco) ay napagdesisyunan ni Ligaya na tumakas sa resort at magtago sa malayong bahagi ng pulo. Dito nagsimulang mahulog ang loob ng dalawa sa isa't-isa. Di naglaon ay pinaslang sina John at Tani, mga lalaking naugnay kay Ligaya na siyang nagtulak sa isang imbestigador (Dennis Roldan) upang siyasatin ang naganap na mga krimen. Sa patuloy nitong paghahanap sa salarin ay natagpuan nito at nakilala si Puri (Stella Strada). Mapusok ang dalaga at mabilis silang nagkaibigan. Samantala, madalas sundan sina Puri ni Jose (Joey Hipolito), isang dating mangingibig. Dala ng labis na pangamba ay hinikayat ni Puri na iuwi siya sa antigong bahay na pinaghaharian ni Don Fernando (Jaime Fabregas) at sa kanyang pagbabalik ay muli nitong hinarap ang multo ng nakaraan. Pinagpaparausan ng amain ang murang katawan ni Clara, ang kanyang kapatid at dahil sa hindi masikmura ang nakakririmarim na ipinagagawa ng matanda ay unti-unting tinakasan ng katinuan si Clara hanggang sa tuluyan itong mabaliw. Nais ng katiwalang si Sima (Lorli Villanueva) na ipagpatuloy ni Puri ang gawain ni Clara upang muling sumigla ang nanghihinang Don. Nasaksihan ni Puri ang nakakahahabag na kalagayan ng kapatid kaya't higit na nag-igting ang pagnanasa nitong takasan ang impiyernong kanyang kinasasadlakan.

Binatikos at binuwag ng Puri ang institusyon ng pamilya lalo pa't tila nalilito ang mga manlilikha nito sa prinsipyong kanilang pinanghahawakan. Hindi gaanong nagalugad ng pelikula ang inilatag nitong teksto. Iniwan nitong nakatiwangwang sa halip na hayaang makapagdayalogo sa buhay ng mga pangunahing tauhan, sapat nang ipasubo ang bida sa mga kung anu-anong sitwasyong nangangailangan ng paghuhubad. Halos hindi rin naisalba ng nakakapagod na pagganap ni Stella Strada ang pelikula. Kahit wala na halos pumatak na luha sa kanyang mga mata, hindi pa rin makaramdam ng simpatiya ang manonood sa kanya. Karton ang kanyang karakter. Hindi pa nga maituturing na paghamon sa kakayahan nito bilang aktres ang papel na ginampanan, halos wala itong ipinagkaiba sa pagganap niya sa mga pelikulang ginawa sa bakuran ng Seiko Films. Patuloy na pinagsamatalahan ng kamera ni Elwood Perez ang kahubdan ni Stella, lalo na 'yung walang saysay na pagpapakita ng kanyang suso at ang walang kawawaang pag-focus sa katawan nito. Naging mabigat din ang kamay ng direktor sa pagpapakita ng mga simbulo ng pelikula dahil lumalabas itong nagpapansin sa halip na masinop na naihabi sa kanyang negatibo. Sa panahong napakahalaga ng midyum ng pelikula upang hindi lamang ipakita ang nangyayari sa buhay kundi ang magbukas ng posibilidad na baguhin ito. Nakakabulag ang mga pelikulang tulad ng Puri na hindi nagpapahintulot ng eksternal na pagbasa at pagpapalaya sa teksto maliban sa kung anong saysay ang nakapaloob sa pakikipagtalik ni Puri sa pulo at baybayin nito.

Direksiyon: Elwood Perez
Dulang Pampelikula: Iskho Lopez
Sinematograpiya: Generoso Buenaseda
Musika: Lutgardo Labad
Editing: Rogelio Salvador
Disenyo: Frank Rivera
Produksiyon: Magic Films