Paghawi Sa ULAP Ng Buhay


Kontemporaryong reyalidad ang mga imahe sa pelikula. Sa anong paraan man isakatuparan ang apropriyasyon ng reyalidad na ito. Reyalistiko, simboliko, klasiko at romantiko, laging rumerehistro sa pinilakang tabing ang mga larawang pinalaki mula sa orihinal na proporsiyon nito sa karaniwang buhay. Hindi kataka-takang higit na mas makapangyarihan ang mga mata ni Catherine (Hilda Koronel) na nasa bingit ng pagluha kapag pinanonood sa iskrin ang salimuot ng pakikipagsapalaran nito sa Kung Mahawi Man Ang Ulap (Viva Films, 1984) kaysa tunay na buhay. Nagtagumpay na hatakin sa lupa ni direktor Laurice Guillen ang mga pingas ng reyalidad na ninais niyang ihayag at ipasuri sa manonood upang makabuo ng bagong pagbatid sa buhay. Mapagtangkang kamera, kaaya-ayang sinematograpiya, may lalim na pagganap, buhay at masiglang editing, mga aspetong teknikal na integral sa naratibo ng pelikula. Gayon pa man, mapapansin sa daloy nito ang pagsisikap pagsanibin ang mga nasang piskikal at pangkaisipan upang buuin ang pagkatao ng tao tulad ng pagkabigo ng relasyon ni Catherine kay Rustan (Christopher de Leon). Sa unang tingin tila tipikal na melodrama ang Kung Mahawi Man Ang Ulap. Ngunit huwag pakasisiguro dahil katumbas ng pait na sinapit ni Catherine sa kamay ni Pablo Acuesta (Eddie Garcia) at mga kaanak nito higit kay Rita (Amy Austria), ang sistematikong paniningil sa emosyonal na pagkakautang. Madulas ang daloy ng iskrip nina Orlando Nadres at Lualhati Bautista, ngunit habang hinihimay ang naratibo, unti-unting natuklasan ang proposisyong ipinapakain ng pelikula, isang proposisyong taliwas sa pagnanasang patuloy na magmahal at mabuhay.




Ayon sa pagkakaganap, isinabalikat ni Hilda Koronel ang buong bigat ng pasaning nakapaloob sa pelikula nang hindi nagpapahiwatig ng kabagutan, kundi ng isang kahirapan lamang sa uri ng pagganap na kumikilos, nag-iisip at malalim na umuunawa sa karanasan at nagnanais na hindi lamang basta ilipat ang dalahin kundi ibahagi ito bilang aspeto ng kolektibong krus. Ang kanyang papel bilang inaping babae na nagsikap ibangon ang sarili sa pagkakalugmok ay pagsasaad sa pagkaunawa sa layuning dramatiko ng kanyang pelikula. Katangi-tangi ang ipinamalas ni Amy Austria sa matapang at lihis sa pagkakahong pagsasakarakter kay Rita, ang babaeng nang-agaw kay Rustan. Madamdamin ang paglalahad ng Kung Mahawi Man Ang Ulap tungkol sa pag-ibig, ang pagbabahagi ng sarili nang buo ang pagkatao tulad ng namuong pagtitinginan nina Catherine at Rustan at sa kinahinatnan nito. Mahalagang puwersa ang layunin at kapasidad ng direktor upang humamon sa mga nakasanayan nang pormula ng melodrama ngunit patuloy na iiral ang pagtuklas ng mga manlilikha sa tunay na esensiya ng pag-iral na puno ng pagbabago.




Direksiyon: Laurice Guillen
Dulang Pampelikula: Orlando Nadres At Lualhati Bautista
Hango Sa Nobela Ni Gilda Olvidado Mula Sa Pilipino Komiks
Sinematograpiya: Romeo Vitug
Musika: Willie Cruz
Editing: Efren Jarlego
Disenyo: Benjie de Guzman
Produksiyon: Viva Films

Hanggang Sa Kalawakan Ng ALAPAAP


Dekada '80 nang matunghayan natin ang panggugulantang ni Tata Esteban sa marami niyang pelikulang nagsasaad ng malakabaliwang bumabalot sa hiwaga ng buhay. Hindi na kailangang pagtakahan kung bakit sa bawa't sitwasyon sa kanyang mga pelikula kadalasa'y kahalo ang mga elementong grotesque na kapuwa nakakabahala at may hatid na kababalaghan. Matingkad ang pagsasalarawan ng Alapaap (Aces Film International / Oro Vista Motion Pictures at Rare Breed Ltd., 1984) sa karahasang dinanas ni Baeg (Tanya Gomez). Ipinakita dito ang malupit na karanasan ng isang babaeng Kiangan na ginahasa at pinatay ng mga di kilalang lalaki habang nangangahoy sa kagubatan. Dito umikot ang kuwento ni Jake (William Martinez), isang scriptwriter. Kasama ang magkapatid na filmmakers na sina Dave (Mark Gil) at Donald (Michael de Mesa), umakyat ang barkada sa ng Baguio para maghanap ng posibleng lokasyong gagamitin sa pelikula hanggang mapadpad sila sa bahay ni Mr. Longed (Ed Villapol), ang ama ni Baeg. Ginamit na instrumento ni Baeg si Jake bilang upang maisakatuparan ang kanyang paghihiganti . Nagpapasalin-salin ang kanyang kaluluwa sa katawang lupa nina Betchie (Isadora) at Christine (Eva Rose Palma), maging sa kanilang alagang aso na si Jabbar. Ginalugad ng pelikula ang mga hangganang maaring tahakin ng isang mapaghiganting multo. Sa bandang huli'y hindi matanto kung nagtagumpay si Baeg dahil lahat ng pangyayari ay tila naganap lang sa loob ng isipan ni Jake habang lulong sa droga.

Patunay sa manipestasyon ng estilo sa pagbuo ng sine ang estetikong prinsipyong pinanghahawakan ni Tata Esteban. Kaakibat nito ang nahahating pananaw sa uri ng representasyon sa pagsasaayos ng iba't-ibang elementong kaagapay sa pagbuo ng isang pelikula. Sa Alapaap, madarama ang pirming nagbabadyang malagim na pangyayari sa tulong ng angkop na paglapat ng musika at tunog. Nailahad din ang makulay at makatotohanang daigdig sa mga samu't-saring detalyeng nakakapaghatid ng gitla at gimbal. Ilan lamang ito sa mga patunay sa pananaw na nais iparating ni Esteban sa kanyang pelikulang nagbigay-bunga sa sarili niyang estilo. Sayang na sayang at hindi napangatawanan ng Alapaap ang mayabong na tema at diskurso ng naratibo. Mapapansing matapos na maipundar ang milyu, hindi na alam ng direktor kung paano paandarin ang istorya. Sapat nang ipasubo ang mga bida sa kung anu-anong sitwasyong nangangailangan ng paghuhubad. Maliban sa pagtukoy ng kahinaang ito na siyang bumalda sa pelikula, napag-iisip ng Alapaap ang manonood nito na kung estilo lamang ang pag-uusapan, walang sinabi ang ang ibang magagaling na direktor ngunit may ibang pang dapat pag-abalahan maliban sa teknik at teknolohiya at pagpapakitang gilas sa larangan ng disenyong biswal.

Direksiyon: Tata Esteban
Dulang Pampelikula: Rei Nicandro
Sinematograpiya: Joe Tutanes
Musika: Rey Ramos
Editing: Abelardo Hulleza
Disenyo: Steve Paolo
Produksiyon: Aces Film International / Oro Vista Motion Pictures At Rare Breed Ltd.

CHARITO SOLIS: Kakaibang Ina


Nanatiling nakatuon ang naratibo ng matitinong melodrama sa kuwento ng isang pamilya gaya ng pagdurusa at pagpapatawad ng isang ina sa anak na naligaw ng landas (Manila By Night, Regal Films, 1980) o ng pagsisikap ng isang ina na mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang anak kahit sa pagpuputa galing ang pantustos dito (Beerhouse, Regal Films, 1977). Gayunpaman, kapansin-pansin din ang pamamayagpag ng mga dominanteng inang saklaw ang buhay at buong pagkatao ng kanyang mga anak (Minsan, May Isang Ina, Regal Films, 1983). Nanaig sa larangan ang pagpapahalaga sa pamilya ito man ay lunan ng di pagkakaunawaan sa pagitan ng magkapatid na nag-aagawan sa atensiyon ng amang malapit nang bawian ng buhay at ng anak na ang nais ay maambunan ng kaunting pagmamahal ng ina (Ina, Kapatid, Anak, Regal Films, 1979). Hindi rin maikakaila ang nakaririmarim na pagtitiis ng isang ina at ng anak sa piling ng asawang unti-unting tinatakasan ng katinuan na nabubuhay sa takot at pangamba (Kisapmata, Bancom Audiovision Corporation, 1981). Naging kumpleto ang drama ng buhay sa dahil sa pagtanggap ng isang ina sa kanyang asawang nagkaroon ng pangalawang pamilya (Gabun, Agrix Films Production, Inc., 1979). Ilan lamang ito sa di malilimutan at madamdaming pagsasalarawan ng iba't-ibang karakter ng ina sa mga pelikula ni Charito Solis. Natatangi ang mga katauhang binigyang buhay ng aktres na hindi ayon sa isteryotipong punto de bista ng peminismo. Bagamat patuloy pa rin ang ina sa pakikipagtunggali sa mga kagyat ng suliraning domestiko, naayon pa rin ito sa balangkas ng babae bilang isang taong kung minsan ay nagagapi, ngunit patuloy na bumabangon at lumalaban. Ngayong Araw Ng Mga Ina, patuloy na iiral ang mga tradisyunal at di tradisyunal na anyo ng ina dahil hindi mahihiwalay ang pelikula sa lipunang bukal ng drama ng buhay gaya ng isinalarawan ni Charito Solis sa bawat mapanghamong papel na kanyang ginampanan.

Ano Ang TAMA At MALI?


Taglay ng Kailan Tama Ang Mali? (Viva Films, 1985) ang mga di mapagpalayang imahe ng kababaihan tulad ng walang muwang na si Mayet (Lala Montelibano) isang sampaguita vendor dahilan ng labis na kahirapan ay inudyukan ng sariling mga magulang na ilako ang katawan sa mga turistang naglipana sa Ermita. Naging matumal ang kalakaran hanggang sa mapilitang mamasukan bilang torera kasama ni Danny (Daniel Fernando). Bagamat nakasentro ang dulang pampelikula ni Amado Lacuesta, Jr. hindi lamang kay Mayet kundi sa ilan pang babaeng may kani-kaniyang mga suliranin tulad ng magkapatid na Eden (Elizabeth Oropesa) at Helen (Rio Locsin). Nariyang sagarin ni Eden ang sarili sa pagpuputa maitaguyod lamang ang naghihikahos na pamilya sa Olongapo. Si Virgie (Chat Silayan) ay tahimik na namamasukan sa isang beauty parlor hanggang sa makilala nito si Ruben (Edu Manzano) isang hitman na nagmamanman kay Governor Gallegos (Dindo Fernando), isang tiwaling pulitiko at kabit ng socialite na si Bessie Montes (Pilar Pilapil). Naransan ng bawat isa ang kalupitan ng buhay sa siyudad, kung paanong nilamon nito ang kanilang buong pagkababae. Mahalaga ang pahayag ng pelikula ukol sa pamilya na siyang nagsusubo sa mga nilalang sa iba't-ibang uri ng pagpuputa.



Tulad ng iba pang pelikula ni Celso Ad Castillo, mabilis maramdaman ng manonood ang kagustuhang pigain ang kakayahan sa pagganap ng mga artista. Nangingibabaw sa lahat si Lala Montelibano. Kapansin-pansin ang makatotohanang pagtatapat nito na nabigyan ng sapat na paggabay hanggang sa magagap ang isang hustong kabuuan. Mapangumbinsi din si Elizabeth Oropesa sa malungkot na pagsasalarawan ng pananamantalang dulot ng kahirapan. Katangi-tangi ang ipinamalas ni Rio Locsin sa matimpi, matapang, puno ng pag-ibig at lihis na sa pagkakahong pagsasakarakter kay Helen. Ang transpormasyon ng babae tungo sa kanyang patutunguhan ay naisulong sa mabisang paglalangkap ng mga elemento ng pelikula. Masinop ang sinematograpiya sa paglalarawan ng dominasyon ng hindi nagiging mapagsamantala. Epektibong nagamit ang mga tunog upang itampok ang mga prosesong nagaganap sa kamalayan ng mga tauhan. Madulas din ang pagdaloy ng mga eksena sa pamamagitan ng epektibo at simbolikong mga biswal at masisteng dayalogo. Naging makabuluhan ang dulang pampelikula sa paraang nakapagsangkot ito ng mga tauhan lalo na yaong matalinong ginampanan ni Chat Silayan, na pinaalingawngaw ang buhay at karanasan ng ibang tauhan at naglulundo sa kolektibong mithiin ng kababaihan. Mahusay rin ang karakterisasyon sa paglalahad ng kapani-paniwalang motibasyon ng mga tauhan para mag-isip, kumilos at magbago.



Direksiyon: Celso Ad Castillo
Dulang Pampelikula: Amado Lacuesta, Jr.
Sinematograpiya: Romeo V. Vitug
Musika: George Canseco
Editing: Ike Jarlego, Jr.
Disenyo: Manny B. Morfe
Produksiyon: Viva Films