Pagpasok Sa Teritoryo Ni JAGUAR



Ang paglikaw-sipat ng kamera ni Conrado Baltazar sa aktuwal na lugar ng Tondo ay pagsipat din sa buhay ng mga tauhang inilalantad ng naratibo. Pugad ng kahirapan ang looban na higit pang pinalubha ng pagsakop ng basura sa kinasanayang teritoryong tinatapakan ng tao. Nagsisikap mabuhay sa masikip na lugar ang mga tauhan sa pangnguna ni Poldo Miranda (Phillip Salvador) at ang mga karakter na naugnay sa kanya. Tila siruhanong inilalantad ng sinematograpiya ang reyalidad ng kanyang kundisyon, walang kurap na tinitistis nito ang gangrenosong mga ugat at laman ng kanyang personal at panlipunang ugnayan. Malinaw ang alusyon sa naunang Insiang (1976), hindi lamang sa balangkas ng pelikula kundi pati sa sityo ng pagdurusang panlipunan. Dito sa Jaguar (Bancom Audiovison Corporation), tumindi pa ang kalagayan ng kadahupan dahil sa paglukob ng tumataas na bundok ng basura sa batayang pamumuhay ng lahat. Lumulutang at lumulubog sila sa basura na walang maaasahang malinis na kinabukasan. Ang pagsisikap ng mga protagonistang makaahon sa literal at abstraktong basurang impiyerno ay dramatikong naitanghal sa mala-sosyorealistang estilo.

Ang produksiyon ng espasyo sa Jaguar ay sabay na naglalarawan ng milyu at sikolohikong kondisyon. Transgresibo ang proyektong ito sa loob ng namamayaning pagbalorisa ng pangkorporasyong layunin ng industriya ng pelikunang Pilipino sa mga romansang burgis na sadyang nagsasalaylayan sa mga malawakang panlipunang reyalidad. Mapapansin ito sa mismong pagtuon ng Jaguar sa natatanging representasyon ng isang limot na komunidad. Lumubog ang sinematograpiya sa materyal na nais maitanghal ng pelikula. Hinuhuli ng mata ng kamera ang ritmo ng buhay sa looban. May mga eksenang nagpapakita ng herarkikal at nahahati-sa-uring kondisyon ng lipunan hindi sa lantad at didaktikong paraan kundi sa tila-simpleng presentasyong biswal lamang. Halimbawa ang kuha ng paglalakad nina Sonny (Menggie Cobbarubias) at Direk (Johnny Delgado) sa matubig na iskinita papunta kina Poldo. Nasa unang antas ng kuwadro ang magagarang kasuotan at sapatos ng mga ito, nasa ikalawang antas naman ang kaligiran ng masikip at makipot na daan patungo sa higit na nagsisiksikang looban. Ang neutral na pagkakaiba ay nagkakaroon ng dimensiyong pangkultura at pampolitika sa gitna ng kaayusang likha ng tao na nagsusulong ng paggamit ng kapangyarihan para sa opresyon ng kapwa. Kasama ang anggulo ng kamera sa pagbubunyag ng ontolohiya ng lugar. Madalas na ang puwesto nito ay halos nasa ibabaw lamang at tinatanaw ang primal na tagpuan ng aksiyon, ang tahanan nina Poldo na isa lamang sa mahabang hilera ng mga bahay ng naghihikahos. Maihahambing ito sa ibong lumilipad para malapitang tingnan ang mga lihim sa kabila ng mga dingding at silid. Ang hidwaang sanhi ng unti-unting pagbabago ni Poldo ay naitanghal ng kamerang sumisilip sa kisame. Ang pagsasaayos ng espasyo-panahon sa takbo ng naratibo ay mainam na naisasagawa lalo na sa maiigting na eksena. Marungis ang disenyong biswal sa pelikula dulot na rin ng kahingian ng materyal. Malikhaing natimpla ito ng produksiyon at nalikha ang loobang bagama’t may malaking kahinaan sa pagbuo ng makatwirang delinasyon ng katauhan ni Cristy Montes (Amy Austria), ay nakapaglatag pa rin ng obrang sumasalungat sa higit na palsong pananaw sa daigdig ng burgis na pelikulang namamayagpag sa mga sinehan ng ating panahon.



Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Jose F. Lacaba At Ricardo Lee
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: The Vanishing Tribe
Editing: Rene Tala
Disenyo: Bobby Bautista
Produksiyon: Bancom Audiovision Corporation
Release Date: August 31, 1979

Sa Isang KISAPMATA

Kisapmata

Ang tinig ng katotohanan ay bingi sa kapaligirang pinalilibutan ng dominasyon, takot at pangamba. Ang Kisapmata (Bancom Audiovision Corporation, 1981) ni Mike de Leon ay hango sa maikling kasaysayang The House On Zapote Street ni Nick Joaquin na inilathala sa Philippines Free Press noong 1961. Kuwento ito ng isang amang habang unti-unting pinapanawan ng katinuan ng pag-iisip dala ng paghulagpos ng anak na babae sa kanyang mga kamay. Liban sa ama, ang lahat ng naninirahan sa kanyang bahay ay mga tau-tauhan at sunud-sunuran dito. Maigting ang pagtutol ng ama na pakawalan ang bagong kasal na anak, nais nitong doon sa kanila manirahan ang mag-asawa. Balot ng takot ang buong kabahayan, hanggang sumapit ang isang trahedya. Ang salimuot ng pagkatao sa pagharap sa isang maigting na krisis ang nagsulong sa naratibong inilatag ng Kisapmata. Ipinahiwatig ng mga pagtatanghal sa buhay ni Diosdado Carandang (Vic Silayan), isang retiradong pulis na hindi maibubukod ang tunay na saloobin ng tao. Dumadaloy ang pagsasapelikula sa konteksto ng matalim na pagpuna sa paghangad ng pagnanasa bunga ng kapangyarihan. Hindi isang kardbord na tauhan ang karakterisasyon sa pulis, sumasalamin ito sa di pagiging monolitiko ng kasamaan. Ang mga eksena ng dramatikong komprontasyon ng paggigiit ng dominasyon ay nagaganap sa loob ng kanyang payak na tahanan. Nagkaroon ng moral na krisis si Mila (Charo Santos). Sa una'y naipapaloob ito at di napapawalan sa harap ng magkalangkap na pagkamuhi sa ama at dominasyon ng ama sa anak. At sa panahon ng kontradiksiyon, nagkaroon ng neurosis. Mabubura lamang ito sa pagtanggap ng internal na reyalidad ng pagkatao sa eksternal na reyalidad gaano man ito kabrutal.


Walang takot inilantad sa Kisapmata ang mukha ng paggamit sa posisyon ng dominasyon. Sa pangkalahatan, malinis na naihanay ng direktor ang magkaka-ugnay na tema ng pelikula. Epektibo ang isinasagawa niyang pagpupunla ng mga pahiwatig tungo sa pagsisiwalat ng saloobin ng kanyang mga tauhan. Nagawa ng Kisapmata na lambungan ng misteryo ang daloy ng mga pangyayari upang sa huli'y maging higit na epektibo ang pagtukoy sa tiwaling pag-iisip ng pulis. Isinapelikula ang kompleksidad na ito sa pamamagitan ng matipid na kumpas ng mga eksena at bihasang direktoryal na pagmamaniobrang nagpapatuloy sa tensiyon ng nagbabanggaang ideyolohiya ng tahanan at pamilya. Dramatiko ring isinakonkreto ito ng mahusay na pagganap ni Vic Silayan. Isang uri ng pagganap na kumikilos, nag-iisip at malalim na umuunawa nang hindi nagpapahiwatig ng kabagutan. Nasa bana (ama) ang bulto ng suliranin kaya sa kanya umiikot ang kuwento. Relasyon niya sa kanyang maybahay (kung mayroon man), relasyon niya sa kanyang anak (pisikal at emosyonal) at pakikitungo sa asawa ng kanyang anak. Sensitibo ang ginawang pagpasok ni Silayan sa katauhan ng bana na niligalig ang mga kontradiksiyong talamak sa sistemang patriarkal. Mapangumbinsi din ang pagganap ni Charo Santos sa malungkot na paglalarawan, hindi lamang bilang biktima kundi maging sa makatotohanang pagtatampok sa sikolohiya nito. Ang mukha ng takot at pagkagulat ay nakatago sa imahe at tahimik na tunog ng teknolohiya sa eksenang kung saan nanonood lamang ng mga lumang pelikula ang asawang si Adelina (Charito Solis) sa telebsiyon. Dumadaloy ito sa di nakikita subalit naririnig lamang na diyalogo ng mga pelikulang  Anak Dalita ni Lamberto Avellana at Aguila ni Eddie Romero, kung saan si Mike de Leon din ang humawak ng kamera. Mabisang nahuli ng malawak na saklaw ng mga tunog ang damdamin at lunan, at naitampok ng editing ang liksi at kapanabikan ng mga tagpo.


Direksiyon: Mike de Leon
Dulang Pampelikula: Clodualdo del Mundo Jr., Raquel N. Villavicencio At Mike de Leon
Sinematograpiya: Rody Lacap
Musika: Lorrie Illustre
Editing: Jess Navarro
Disenyo: Cesar Hernando
Produksiyon: Bancom Audiovision
Release Date: December 25, 1981

Lihim SA ILALIM NG TULAY


Kasiya-siyang kuwento ni Amalia Marinella Fuentebella (Amalia Fuentes), isang babaeng nagpapautang ng puhunan sa mga nagtitinda sa ilalim ng tulay ng Quiapo ang pelikulang Lulubog Lilitaw Sa Ilalim Ng Tulay (Juan de la Cruz Productions, 1974) ni direktor Joey Gosiengfiao. Iba't-ibang uri ng tao ang kanyang nakakasalamuha bawat araw. Isa sa kanyang mga parokyano si Maring (Chanda Romero), isang cigarette vendor at suki naman nito si Edwin Silva (Orestes Ojeda), isang junior executive sa kumpanya ni Don Guillermo. Madalas din mamimili sa tulay si Sister Elisa (Boots Anson Roa) isa sa mga madreng nangangasiwa ng kalapit na bahay ampunan. Dito naninirahan ang batang si Chinky Ychavez (Nino Muhlach), isa sa maraming inaalagaan doon. Nang bawian ng buhay ang milyonaryong si Don Guillermo, nakababatang kapatid ni Dona Matilde (Celia Rodriguez) ay isinumpa nitong mapapasakanya ang lahat ng naiwang ari-arian ng kapatid. Ipinapatay ng donya si Maring na siyang tunay na ina ni Chinky dahil sa siguradong maghahabol ito sa kamayanan ng namayapang milyonaryo. Sa pag-aakalang may kinalaman si Amalia sa misteryosong pagkakasunod-sunod na pagkamatay ng mga taong malapit kay Maring ay humingi ito ng tulong kay Luis Samaniego (Luis Gonzales), isang imbestigador. Sa tulong nito, kasama si Edwin ay kanilang nailigtas si Chinky sa isang tiyak na kapahamakan mula sa mga kamay ni Donya Matilde at mga tauhan nito.

Hitik sa imahinasyon ang Lulubog Lilitaw Sa Ilalim Ng Tulay. Puno ito ng mga imahe na tanging sa mga pelikula lamang ni Gosiengfiao mapapanood. Paano malilimutan ang minamanehong transparent Volkswagen Beetle ni Amalia, pati na rin ang pagmomotorsiklo ni Sister Elisa? Ang walang preparasyong pagsulpot ng mga tagpong musikal habang umaawit at nagsasayawan ang mga madre sa saliw ng Sing ni Karen Carpenter, nariyan din ang mga di kapani-paniwalang situwasyong kinasasangkutan ng mga tauhan. Buhay at masigla ang editing ni Rogelio Salvador at tumampok ang mapaglarong kamera ni Rudy Dino lalo na sa eksenang pilit minamaneobra ni Sister Elisa ang kanilang sinasakyang helicopter matapos mabaril ang piloto nito. Kapana-panabik din ang mga tagpong aksiyon ng pelikula, may kahabaan lamang ang habulan na umikot pa sa kalakhang Maynila. Ang Lulubog Lilitaw Sa Ilalim Ng Tulay ay may istoryang umiikot sa tradisyon ng comedy of errors at mistaken identities. Sa komedi, mahalaga ang timing sa palitan ng mga diyalogo sa pagitan ng mga tauhan . Pinili ni Gosiengfiao ang mga tamang anggulo ng kamera sa pagsasadula ng mga tagpong islapstik upang maging tunay itong katawa-tawa. Maiikli ang mga eksena at lahat ay nagtatapos sa punchline. Kung tutuusin, ang pelikula ay pawang pinagtagni-tagning skits lamang.

Direksiyon: Joey Gosiengfiao
Dulang Pampelikula: Toto Belano
Sinematograpiya: Rudy Dino
Musika: Demet Velasquez
Editing: Rogelio Salvador
Produksiyon: Juan de la Cruz Productions

Gusto Mo Bang Manood Ng PRIVATE SHOW?

Private Show
Ang intensyon ng iskrip ni Ricardo Lee sa Private Show (Clockwork Films International ay ang mga kaganapan sa buhay ni Myrna (Jaclyn Jose), isang torera. Ang kasaysayan ay bunga ng pagsasaliksik ng manunulat ukol sa prostitusyon. Ito ang ginamit niyang instrumento sa paghubog sa katauhan ni Myrna. Hindi ang manunulat ang nag-iisip para kay Myrna, bangkus ay inilalagay niya ito sa mga situwasyong kapani-paniwala at pamilyar. Nariyan ang labis na pagkahumaling sa kaparehang si Jimmy (Gino Antonio). Labing pitong taong gulang lamang si Myrna, may anak sa pagkadalaga na sa kasawiang palad ay binawian ng buhay. Pinagsamantalahan din siya ng guwardiya sa Luneta ngunit tila kinikilig na tinedyer nang minsang nakawan ng halik si Jimmy. Ang mga tagpo sa torohan ay nagpapahiwatig sa esensiya ng namumuong pagtitinginan sa magkapareha ngunit salat sa emosyon na siyang pinakamahalagang elemento ng kanilang hanapbuhay.


Hindi lamang binigyang hugis ni direktor Sixto Kayko (Chito Rono) ang iskrip ni Lee. Pinagtuunan niya ng pansin ang mundong ginagalawan ng mga tauhan. Nabigyan din ng espasyo sa iskrip at direksiyon ang mga karakter nang hindi isinakripisyo ang paggamit ng seks bilang bahagi ng naratibo. Kung ikukumpara sa kuwento, higit na agresibo ang paggamit ng simbolismo ni Kayko. Sa simula ng pelikula ay ipinakita si Myrna na naglalakad sa Ermita patungo sa papasukang club. Ipinakita ang imahe ng Club Impierno at ang shot ng nasusunog na basura. Ipinahiwatig ng eksena ang daang tatahakin ni Myrna patungo sa kanyang sariling impiyerno. Ikinulong ng direktor ang buong sex trade sa isang malaking bahay kung saan mahihirapan silang makatakas. Sensitibo ang pagganap ni Jaclyn Jose sa papel ni Myrna. Isinabalikat niya ang bigat ng pasaning nakapaloob sa pelikula nang hindi nagpapahiwatig ng kabagutan, kundi isang uri ng pagganap na kumukilos, nag-iisip at malalim na umuunawa sa karanasan. Ang lungsod kung saan naninirahan si Myrna ay unti-unting nagbabago dala ng mga modernong gusali at konstruksiyon ngunit ang mga babaeng tulad niya na nakapaloob sa limitadong hangganan ng kanyang mundo at hindi na makakalaya sa masukal na paligid nito.


Direksiyon: Sixto Kayko
Dulang Pampelikula: Ricardo Lee
Sinematograpiya: Joe Tutanes
Musika: Jaime Fabregas
Editing: Joe Solo
Disenyo: Dante Mendoza
Produksiyon: Clockwork Films, International
Release Date: April 18, 1986