Naiibang KAMBAL


Isang metaporikal at tuwirang pagdanas sa hamon ng tradisyon ang dinaanan ng magkapatid na sina Ella at Vira (Rio Locsin) sa Ang Kambal Sa Uma (SQ Film Productions, 1979). Itinago ni Ben (Jose Romulo) ang kambal upang ilayo sa pangungutya ng mga taga-lalawigan dahilan sa naiiba ang mga ito. Binulabog ni David (Al Tantay) ang dinatnang ayos ng buhay ng mag-aama, hanggang sa umibig si Ella sa binata. Sa pag-aakalang may pagtingin din sa kanya ang binata ay nagtungo si Ella sa ospital kung saan ito nakaratay at doon, siya ay nabaril ng kasamahan ni David. Sa pagnanais na ipaghiganti ang sinapit ni Ella ay nasawi din ang kanilang ama. Kahit sumakabilang buhay na ay nagpapakita pa rin si Ella kay Vira. Sumailalim sa isang modernong transpormasyong medikal si Vira sa tulong ni Dr. Alfredo Aldeguer (Orestes Ojeda). Naging matagumpay ang pagbabagong anyo ni Vira at kahit lubos ang pagtanggi nito ay ginamit ni Ella ang katawang tao nito upang tuluyang mapasakanya si David.



Sa unang tingin ay tila isang nakasanayang pormula ng pagtalakay sa isang lokal na komunidad at mitolohiya ang pelikula ngunit nag-ibang pihit ito dahil sa malawak na imahinasyon ni direktor Joey Gosiengfiao. Inilantad nito ang masalimuot na buhay ng magkapatid na taong daga at ang pagtalikod ng lipunan sa mga tulad nila. Itinampok din ang doble-karang mukha ng kontemporaryong medisina sa eksploytasyon sa abnormalidad ng tao. Itinanghal nito ang lawak at kapangyarihan ng aparatong ito ng lipunan. Maaring batikusin ang pelikula dahil tila naging deus ex machina ang kanyang resolusyon na tanging sa kamatayan lamang maisasakatuparan ang pagmamahalan ni Ella at David gayong natukoy na sa daloy ng istorya na artipisyal ang damdamin ng lalaki at walang puwang dito ang pagmamahal. Subalit sa kabilang banda'y maaring ipinamamalay nga ng pelikula sa ganitong resolusyon na hindi lubusang maipapaliwanang ang tunay na saloobin ng tao. Masinop ang mga elemento ng pelikula sa Ang Kambal Sa Uma. Konsistent ang disenyong biswal at sinematograpiya. Malinis ang editing, sayang at hindi man lamang gumamit ng orihinal na musika ang pelikula. Sa pangkalahatan, masasabing malinis na naihanay ni Gosiengfiao ang magkaka-ugnay na tema ng pelikula. Nagawa ng Ang Kambal Sa Uma na lambungan ng misteryo ang daloy ng mga pangyayari upang sa huli'y maging higit na epektibo ang pagtukoy sa dinanas ng magkapatid na taong daga, at habang nagiging kumplikado ang tunggalian, nahawakan ng pelikula ang pananabik ng manonood hanggang maipamalay sa wakas ng istorya na tao rin ang maaring makapagpabago sa abnormalidad ng kapwa tao.



Direksiyon: Joey Gosiengfiao
Dulang Pampelikula: Medy Tarnate
Hango Sa Nobela Ni: Jim Fernandez
Sinematograpiya: Ricardo Jacinto
Musika: Demet Velasquez
Edting: Rogelio Salvador
Produksiyon: SQ Film Productions

Isang Taon Ng SINENG PINOY


Nagsimula ang aking pagdalumat sa Sari-Saring Sineng Pinoy noong isang taon bunga ng kawalan ng sanaysay ukol sa mga pelikulang Pilipino ng dekada '70 at '80. Ang panonood ng sine ay hindi lamang okasyon ng paglilibang, kundi isang pagkakataon din ng paglimi sa reyalidad na nararanasan habang tayo bilang mga manonood ay umiiyak, humahagalpak sa tawa, nagngingitngit sa galit, natatakot, umiinit ang katawan sa pagnanasa. Ang pagdanas na ito ay siya namang nagiging kasaysayan, ang hugpungan sa pagitan ng mga manililikha at ng masa ng pelikula. Hinamon din kung gayon ng aking proyekto ang mga sinaunang diskurso sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino. Mapapansing hindi naman umusad ang diskursong ito na nakaukit noong dekada '70 sa mga kapita-pitagang mga kritiko ng establisimyento, kahit may mga pagtatangkang buwagin ang mga perspektibang salat sa kabuluhan at saysay, buog giting pa rin itong iginigiit ng mga kritikong kuntento na lamang sa kinagisnan at pinamahayang pag-iisip. Bilang halimbawa, ipinapako ang mga pelikula ng huling bahagi ng dekada '80 para sa estetika nina Ishmael Bernal at Lino Brocka kahit lubhang napakalinaw na may espesipikong artikulasyon na ito bilang bagong diskurso. Ang trahedya lamang ay nariyan pa rin ang ilan sa kanila hanggang ngayon upang buhayin ang mga multo ng kanilang mga pagkukulang at pagkakamali.



Mahalagang balikan ang nakaraan upang maipahayag ang kasalukuyang katayuan at maibalangkas ang direksiyong tatahakin sa hinaharap. Sa loob ng isang taon, tinahak ng Sari-Saring Sineng Pinoy ang landas tungo sa isang pagbabago sa harap ng nakababalda at nakakahon na industriya ng pelikulang Pilipino. Isang taon ang nakalipas, patuloy pa rin ako sa pagbuhay sa layuning mailahad ang isang makabagong pagbabalik-tanaw at mapalawak ang pagpaphalaga ng mga manonood sa bisa ng pelikula sa lipunang Pilipino.



Maraming salamat!

Jojo Devera

Paalam... Direk JOEY


Naging maimpluwensiya ang mga pelikulang likha ni direk Joey Gosiengfiao sa kaisipan ng mga manonood ng sineng Pinoy. Sa Iskandalo! (Regal Films, 1980) ay ating nasaksihan ang pagganap ni Lorna Tolentino sa isang mas mapangahas na papel. Samantalang pinatunayan ni Alma Moreno na walang maaring umangkin sa tronong pinanghahawakan nito bilang Bomba Star (Regal Films, 1980). Si direk Joey din ang naatasang magdirehe ng mga pelikulang naglunsad kina Dina Bonnevie sa Katorse (Regal Films, 1980) at Snooky sa Bata Pa Si Sabel (Regal Films, 1981). Sinubaybayan ng buong sambayanan ang nobelang Ang Kambal Sa Uma (SQ Films, 1979) ni Jim Fernandez na isinapelikula ni Gosiengfiao at nagtampok kay Rio Locsin sa pangunahing papel nina Ella at Vira kasama sina Al Tantay at Orestes Ojeda. Taong 1978 nang pagsamahin sina Nora Aunor at Alma Moreno sa Huwag Hamakin: Hostess (JPM Productions, 1978). Isa si Gosiengfiao sa tatlong direktor na namahala sa Lipad! Darna! Lipad! (Sine Pilipino, 1973), na pinagunahan ni Vilma Santos.



Higit na yumabong ang katanyagan ni Joey Gosiengfiao bilang direktor sa bakuran ng Regal Films. Nagdagsaan ang mga pelikulang patungkol sa suliranin at damdamin ng mga kabataan. Sa Underage (Regal Films, 1980), ipinakilala tayo sa mga orihinal na Regal Babies. Sina Dina Bonnevie, Snooky at Maricel Soriano na nagbagong pihit bilang mga aktres at sinamba ng masang Pilipino. Sinundan ito ng Blue Jeans (Regal Films, 1981) at The Story Of Three Loves (Regal Films, 1982). Ngunit di malilimutan ang pamosong Temptation Island (Regal Films, 1981) na patuloy pa ring pinanonood hanggang sa kasalukuyan. Sa huling bahagi ng dekada '80 ay ating napanood ang The Rape Of Virginia P. (Regal Films, 1989) tampok ang paborito nitong aktres na si Alma Moreno. Sa paglisan ni direk Joey ay kanyang iniwan ang mga pelikulang sumalamin sa ating pagkatao, maaring hindi nabigyan ng kaukulang pagpapahalaga ang kanyang mga obra ngunit sa isipan ng mga manonood ng sineng Pinoy, hindi malilimutan kailanman ang mga likhang tatak Joey Gosiengfiao.

CITY OF MANILA... Sa Siyudad Ng Mga Kaluluwang Ligaw


Ang Manila By Night (Regal Films, 1980) na nakilala bilang City After Dark matapos na ito ay tampalasanin at kaltasan ng mahahalagang mga dayalogo at tagpo ng sensura sa ilalalim ng diktadurang Marcos. Nang imbitahan si direktor Ishmael Bernal na itampok ang kanyang pelikula sa Berlin Film Festival, pinagkaitan ito ng export permit kung kaya't hindi nakalabas ng bansa ang Manila By Night.

Ano ba ang lubhang ikinagalit ng diktadura sa pelikula ni Bernal? Sa panahong naghahanda si Marcos upang wakasan ang pag-iral ng Batas Militar, nang mapaganda ang kanyang imahe sa labas ng Pilipinas, puspusang isinagawa ng Unang Ginang ang pagpapaganda sa siyudad ng Maynila. Ipinalinis ang mga kalye, tinamnan ng mga puno at bulaklaking halaman ang gitna at gilid ng mga ito, nagpatayo ng low cost housing, at pinasok ng gobyerno ang retail trade upang magbili ng mga consumer goods sa mababang halaga. Binansagan ni Ginang Marcos ang pinagandang Maynila bilang City Of Man at hinangad na palaganapin ito sa propaganda ng Bagong Lipunan bilang tampok na halimbawa ng pagbabagong naganap sa Pilipinas mula nang ito ay ipailalim sa Batas Militar.



Buong kapangahasang sinagasa ni Bernal ang makinarya ng propaganda ng Unang Ginang. Ang direktor mismo ang sumulat ng dulang pampelikula at dito ay ilang kuwento ang isinalaysay niya, at ang bawat isa ay tungkol sa puta. May inang dating puta na ngayo'y respetableng maybahay ng isang pulis, nakatira sa isang respetableng sabdibisyon. Ang anak nitong tinedyer ay nagdudurog at sa panahong itinakbo ng pelikula ay nakipagrelasyon ito sa isang baklang kosturera at higit na malululong sa kanyang bisyo. Sa isa pang kuwento, may putang nagpapanggap na nars tuwing lalabas ito sa gabi, kabit siya ng isang taxi driver na may dalawang anak at naninirahan sa isang entreswelo. Sa bandang huli ng pelikula, papatayin ang puta ng isang di kilalang tao at ang paghanap sa kanyang bangkay ay magtutulak sa baklang kosturera sa pagkilalang ang lahat ng pakikipag-ugnayan ng tao sa siyudad ay pawang nakasalalay lamang sa kasinungalingan. May dalawa pang puta, ang isa ay probinsiyanang waitress sa isang restawran ng Intsik, na binuntis ng taxi driver na ka-relasyon ng putang nagpapanggap na nars, at ang isa pa ay putang bulag na namamasukan bilang masahista.



Malinaw at tahasan ang pagsalungat na ginawa ni Bernal sa propagandang City Of Man ang Maynila. Ipinakita niyang ang siyudad ay may ibang buhay pagsapit ng dilim, at ang buhay na iyon ay kahirapan, panlilinlang, kriminalidad, kabulukan at pagtakas. Sa mga huling sandali ng Manila By Night, ang tinedyer na anak ng dating puta ay nakatakas sa mga maykapangyarihang humahabol dito, pagod na pagod sa katatakbo, inilatag nito ang katawan sa damuhan sa Rizal Park, habang nagbubukang-liwayway at ang parke ay pinupuno ng mga taong nakaputi at nag-eehersisyo. Isinasara ng Maynila ang gabi ng mga puta at durugista upang pagbigyan ang araw ng mga respetableng mamamayan. Bago naipalabas ang Manila By Night, kinailangan itong bihisan kahit ng pamagat man lamang. Kinaltas ang lahat ng nga tagpong nagbanggit sa ngalan ng siyudad na pinangyarihan ng kuwento ng mga puta at durugista, at bininyagan itong City After Dark.

MORAL: Isang Pagsasaliksik


Sa Unibersidad Ng Pilipinas nag-aaral ang apat na magkakaibigang nasa naratibo ng Moral (Seven Stars Productions, 1982) ni Marilou Diaz-Abaya. Ang isa sa apat ay nagtuturo sa isang pribadong kolehiyo at ang isa pa, bago matapos ang pelikula, ay magtuturo sa isang eskuwelahan para sa mga batang may kapansanan. Ang tema ng pelikula ay edukasyon, at ang proseso ng buhay ng bawat isa ay alinsunod sa paghunos ng lumang kaalaman na bunga ng pagtanggap sa itinatagubilin ng lipunan tungo sa pagbibihis ng bagong kaalamang nahango sa karanasan sa lipunang sinisigwa ng bagong moralidad na hinihingi ng nagbabagong panahon. Mahigpit na nakalikaw sa isang tiyak na panahon sa lipunang Pilipino ang salaysay ng buhay ng apat na magkakaibigan. Ang panahon ay ang pagpasok ng dekada '70 nang ang mga kabataan ay naghahanap ng kani-kanilang panuntunan sa pakikipamuhay sa lipunang itinakda at pinatatakbo ng mga magulang.



May gurong kailangang mabuhay bilang single parent mula nang ang kanyang bana ay sumama sa mangingibig nitong kapwa lalaki. May anak itong lalaki a sa murang edad ay kasa-kasama na ng ina sa inuman sa tuwing ito ay nakikibarkada sa mga kaibigan. Sa paaralang pinagtuturuan niya, may kapwa gurong nagkagusto sa kanya at tinanggap naman niya. Isang araw, dinalaw siya ng unang kabit ng guro at naunawaan niya kung hanggang saan dinadala ng pag-ibig at pagnanasa ang isang kapwa niya babae. Handang pumatay o mamatay ang unang kabit. Sadakong huli, naging kaibigan niya ang mangingibig ng kanyang asawa at natutuhan niyang tanggapin na ang tunay na pagmamahal ay hindi kumikilala sa kasarian.

Ang isang kaibigan ay matatawag na pakawala bunga ng paghihiwalay ng kanyang mga magulang. Walang direksiyon ang kanyang buhay, ngunit umaasa itong matutuklasan ang landas na dapat tahakin sa piling ng lalaking kanyang igagalang. Nagkagusto siya sa isang aktibistang kamag-aral, ngunit kaibigan lamang ang turing sa kanya. Namundok ang aktibista ay minsan ay ipinakiusap na kupkupin nito ang kanyang asawa sa kilusan. Nang mapatay ng militar ang aktibista, natutuhan niya sa maybahay nito ang tibay ng loob ng babaeng may makabuluhang ipinakikipaglaban na bukod sa pansariling kapakanan.



Nais maging sikat na mang-aawit ng isang kaibigan. Pinasok nito ang lahat ng sa kanyang palagay ay magdadala sa tugatog na pinakamimithi. Ginawa niya ang lahat ng paraan upang mapansin. Nakipagrelasyon siya sa kanyang lesbiyanang manager. Naging kabit din ito ng isang recording company executive. Sa dakong huli kinilala niya ba kailangan niyang magsimula sa kasimula-simulaan bilang mag-aawait upang humusay sa piniling propesyon.



Ang ikaapat na kaibigan ay nais maging manunulat, ngunit napiit siya sa isang pagsasamang ang tingin ng lalaki sa babae ay buntisan na magsisilang ng maraming anak at mananatili lamang sa tahanan. Mahal nito ang kanyang asawa kaya't atubili siyang iwan ito upang hanapin ang kanyang sariling buhay at propesyon. Natutuhan niyang humiwalay sa asawa at bilang kundisyon sa pakikipisang muli rito, ang igiit na tanggapin ng lalaki ang kanyang pagsusulat.



Galing ang pamagat sa ekspresyong moral lesson, na laging hinahanap ng mga guro na hinubog ng tradisyonal na paaralan sa nga akdang itinuturo sa mga estudyante. Sa kontekstong inilatag ng apat na magkakalikaw na naratibo, ang bawat tauhang babae ay nakahanap ng kani-kaniyang moral lesson. Natutuhan ng guro na bakla ang asawa, na tanggapin ang di-tradisyonal na relasyon ng asawa at mangingibig nito. Natutuhan ng makasariling dalagang bunga ng wasak na pamilya na may matibay na pagsasamahang binigkis ng ideyolohiyang paglilingkod sa kapwa. Para sa ambisyosang mang-aawit, nakilala niya na ang tunay na batayan ng tagumpay sa kanyang propesyonay ang masinop na paghahasa sa kanyang likas na kakayahan, at para naman sa babaeng manunulat, natutuhan niyang igiit ang kanyang karapatang magkaroon ng sariling buhay bilang inbidwal na bukod sa kanyang buhay bilang ina at asawa.



Bukod sa pagsasadokumento ng isang yugto sa kasaysayan ng lipunan at ang mga pagpapahalagang nilusaw ng mga pangyayayari sa mga paaralan, ipinakilala ng Moral ang ilang kinatawan ng bagong henerasyon ng mga kabataang Pilipino. Ipinahiwatig ang mga kakulangan ng akademya bilang imbakan ng impormasyon at pagpapahalaga sa pagharap sa bagong panahon. Ayon kay Marilou Diaz-Abaya, hindi kapahamakan ang dulot ng nagbabagong panahon kundi pagsisimula ng bagong buhay. Subalit reyalista ang direktor. Sakatapusan ng pelikula, ipinahiwatig na hindi pa lubusang nabubuwag ang kolonyal na esukasyon. Ang dalagang pakawala, pagkatapos ng graduation at tutungo sa Estados Unidos upang mag-aral. Kung ano ang kanyang iuuwi pagkatapos mag-aral sa Amerika ay hindi natin alam.