MAX JOCSON: Isang Natatanging Pagkilala


Karamihan sa mga pelikulang naitanghal sa dekada '70 at '80 ay naglalaman ng musikang nilapatan ni Max Jocson. Taong 1975 nang unang marinig ang kakaibang tugtuging likha sa obra ni direktor Lino Brocka ang Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag (Cinema Artists Philippines). Ito marahil ang dahilan kung bakit siya rin ang napisil ni Mike de Leon upang lumikha ng orihinal na musika sa kauna-unahan nitong pelikula, ang Itim (Cinema Artists Philippines, 1976). Mapangumbinsi ang musikang inilapat ni Jocson sa pelikula, angkop ang kanyang tugtugin sa lunan at espasyo ng kuwento. May pagkakataong siya rin ang nagpalit ng musika sa mga obrang ipinapadala upang itanghal sa ibang bansa. Matatandaang hindi naibigan ni Pierre Rissient ang modernong uri ng musikang inilapat ng The Vanishing Tribe sa Jaguar (Bancom Audiovision, 1979) ni Brocka kung kaya't lumikha ng bagong tugtugin si Jocson bago ito naipalabas sa competition section ng Cannes Film Festival. Ganito rin ang naging suliranin nang sumunod na taon. Sa kaso ng Bona (NV Productions, 1980), pinalitan din ni Jocson ang musika ni Lutgardo Labad, ang resulta, epektibo nitong naisulong ang kasaysayan ng pelikula. Naging ugat ng pagtatalo nina Laurice Guillen at Armida Siguion Reyna ang tugtuging likha ni Ernani Cuenco para sa Salome (Bancom Audiovision Corporation, 1981). Lingid sa kaalaman ninuman sa produksiyon ay gumawa ng safety print si Guillen at ito ay may lapat ng musika ni Jocson. 


Minsan lamang siya ginamit ni Ishmael Bernal at ito ay sa Broken Marriage (Regal Films, 1983). Ilan sa mga di malilimutang obrang may lapat ng musika ni Max Jocson ay ang Playgirl (Regal Films, 1981), Anak (Regal Films, 1982), Sinner Or Saint (Regal Films, 1984) at Babaing Hampaslupa (Regal Films, 1988) ni Mel Chionglo nariyan din ang Caught In The Act (Regal Films, 1981) at Cain At Abel (Cine Suerte, Inc., 1982) ni Brocka. Sa maraming taong inilagi ni Max Jocson sa industriya ay isang beses lamang ito nagtamo ng pagkilala mula sa Manunuri Ng Pelikulang Pilipino at ito ay nang mapagwagihan niya ang karangalan sa kategorya ng Pinakamahusay Na Musika taong 1976 para sa pelikulang Itim. Naging nominado si Jocson sa URIAN noong 1981 (Playgirl), 1982 (Cain At Abel), 1983 (Broken Marriage) at 1984 (Sinner Or Saint). Hindi man nabigyan ng kaukulang pansin ang kakaibang uri ng musika ni Max Jocson ay patuloy pa rin itong maririning sa paulit-ulit na panonood at pagbabalik-tanaw sa mga pelikulang nagbigay ng bagong anyo sa sining ng Pelikulang Pilipino.

Ang MISTERYO Sa Likod Ng TUWA


Ang mahapdi, ngunit di maiiwasang ugnayang pagpapasiya ng tao ang bumubuo sa reyalidad ng pelikulang Misteryo Sa Tuwa (Experimental Cinema Of The Philippines, 1984), sa pagsasalaysay sa kuwento ng mga kaingero sa isang maliit na baryo at kung paanong nabago ang kanilang buhay dala ng isang malagim na trahedya. Ang salimuot ng pagkatao sa pagharap sa magiting na krisis moral ang nagsulong sa naratibong inilatag ng dulang pampelikula ni Abbo de la Cruz. Ang kahindik-hindik na karanasang dinanas ng magkakaibigang (Ponsoy) Tony Santos, Mesiong (Johnny Delgado) at Jamin (Ronnie Lazaro) sa kamay ni Castro (Lito Anzures). Sa simula, isinalarawan ang isang pagtitipong naudlot ng di inaasahang pagbagsak ng isang eroplano sa kabilang bahagi ng bundok. Ginalugad ng pelikula ang mga hangganang maaring tahakin ng tao dala ng labis na kasakiman. Ang pakikisangkot ni Alkalde Valle (Mario Taguiwalo) kay Castro upang mapasakamay ng mga ito ang maletang naglalaman ng kalahating milyong piso ay pasukdol na pagsasalarawan ng korapsiyong nanunuot sa pamahalaan. Epektibong nagamit ang mga tunog gayundin ang itim-puting mga larawan sa simula at dulo ng pelikula upang itampok ang mga prosesong naganap sa kamalayan ng mga tauhan. Madulas din ang pagdaloy ng mga eksena sa pamamagitan ng epektibo at simbolikong mga biswal at masisteng dayalogo na nakapaghanda sa manonood samantalang naghahatid din ng kapanabikan.


Ang masalimuot na kasaysayang ito ay mahusay ding naisabuhay ng pambihirang galing sa pagganap. Katangi-tangi ang ipinamalas ni Amable Quiambao sa matimpi, matapang, puno ng pag-ibig at lihis sa pagkakahong pagsasakarakter kay Ada, ang maybahay ni Ponsoy. Nangingibabaw ang pagganap ni Johnny Delgado sa papel ni Mesiong. Mahusay niyang naisadula ang madalamhating larawan ng isang lalaking may matayog na ambisyon at pagnanasang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Bukod dito, higit na yumayaman ang pagganap kung babasahin ang buhay ng mga tauhan kaalinsabay ng kaganapan sa lipunang Pilipino. Sa pagtatapos ng pagsasalaysay sa trahedyang ito, makakamtan lamang ang kaliwanagan sa pamamagitan ng pagnilay-nilay sa pagkaugnay ng buhay ng sambayanan sa buhay at karanasan nina Ponsoy, Mesiong at Jamin. Isang pelikula ang Misteryo sa Tuwa na ipinapakitang masusuheto ang omnipotenteng lakas ng sinumang mapagmalabis sa pamamagitan ng kolektibong pagkondenang isinagawa ng isang komunidad ng mga mamamayan tungo sa malinaw na pagkakaroon ng responsableng pagkatao.


Dulang Pampelikula At Direksiyon: Abbo Q. de la Cruz
Sinematograpiya: Rody Lacap
Musika: Jaime Fabregas
Editing: Jess Navarro
Disenyo: Don Escudero At Rodell Cruz
Produksiyon: Experimental Cinema Of The Philippines

Ang Magkaibang Hugis Ng PAG-IBIG


Dalawang magkaibang hugis ng pag-ibig ang tinalakay sa pelikulang Bakit May Pag-Ibig Pa (AA Productions, 1979). Isang pambihirang pagkakataon kung saan maikukumpara ang magkaibang estilo ng dalawa sa pinagpipitagang manlilikha ng pelikulang Pilipino, sina Ishmael Bernal at Celso Ad Castillo. Sa unang kasaysayang mula sa dulang pampelikula ni Jorge Arago ay ipinakita ang di inaasahang pagtatagpo ng isang dating madre (Nora Aunor) at isang arkitektong naghahanap ng kasagutan sa mga katanungang bumabagabag sa pagkatao nito. Mapapansing malaki ang impluwensiya ng mga banyagang pelikula tulad ng Interiors (1978) ni Woody Allen. Nagtangkang maging alternatibo ang kasaysayan ni Bernal, ngunit hindi malinaw kung alternatibo saan at kung kaninong punto de bista. Bunga nito nagmistulang pinag-halu-halo ng kung anu-anong isyu ang pelikula at nalabusaw ang mahusay na panimulang eksposisyon sa talinhaga ng dalawang tauhan at ang kanilang magkaibang antas sa buhay. Gayon pa man, mapapansin sa watak-watak na daloy ng naratibo ang pagsisikap na pagsanibin ang mga nasa, pisikal/seksuwal, pangkaisipan at espiritwal upang muling buuin ang pagkatao ng mga karakter. Naglalakad na tila walang patutunguhan ang madre sa paghahanap ng metaporikal na kahulugan ng pag-ibig at pananampalataya. Sa kanyang paglalakbay, nagtagpo sila ng arkitektong napagkamalan itong katulong na siyang ipinadala ng kanyang ina. Nang gahasain ng amo, hindi lamang ang kanyang pisikal na pagkababae ang ginahasa kundi maging ang kanyang humanidad. Winasak ng karahasang ito ang kanyang paniniwala sa katutubong gawi. Nariyan din ang paglalaho ng poot sa lalaking nang-abuso, nagbigay daan ang kanyang dinanas upang mabuksan hindi lamang ang kanyang isipan kundi ang natutulog nitong damdamin. Sa dulo ay nagbunga ito ng isang uri ng pag-iibigang lubhang matalinghaga at hindi inaasahan. Mapangumbinsi ang pagganap ni Christopher de Leon. Nasa kanyang karakter ang bulto ng suliranin kaya dito umiikot ang kuwento, relasyon niya sa kanyang ina (Paraluman), ama (Vic Silayan) at pakikitungo sa kanyang katulong (Aunor). Sensitibo ang kanyang pagpasok sa katauhan na nililigalig ang mga kontradiksiyong talamak sa nakasanayang tradisyon ng pagganap sa pelikula. Ang tapang at husay ni Nora Aunor ay hindi nabigyan ng sapat na paggabay upang magagap ang kabuuan ng internal na tensiyon ng pangunahing tauhang babae. Hindi ito napatampok sa antas ng kontradiksiyon, sa halip ay hinayaang lumutang-lutang ang tensiyong hindi nagkaroon ng matalinong resolusyon.

Sa kabilang banda, masinop ang mga elemento ng pelikula sa kasaysayan ni Castillo ngunit napakanipis ng temang pinalaman sa dulang pampelikulang isinulat din ng direktor. Nagingibabaw ang aspetong teknikal ng pelikula. Naipahayag nito ang naratibo habang nagtutuon ng matimbang na pagpapahalaga sa estetika ng pelikula. Ang pagsisikap ni Castillo na gamitin ang lakas ng teknik ay humahantong sa isang antas upang ito ay maging makabuluhang pelikula. Ang mga imahen ng Ati-Atihan sa Aklan kung saan unang nagkita at nagkakilala sina Solly (Alona Alegre) at Cris (Romeo Vasquez), mga tagpo sa Baguio at mga kuha ng tenement housing kung saan naninirahan si Solly ay lumilikha ng pelikulang mahusay ang bahaging produksiyon, sa kabila ng umuulikkil na suliranin sa layuning dramatiko ng pelikula. Dumarating ang mga imahe at tunog sa tantiyadong dinamika at nagpapatindi sa kamalayan sa pag-iral ng sariling nakapaloob sa kapaligiran ng mga tauhan. Ang sensitibong paglalantad ni Alona Alegre ng saloobin ay isang kapani-paniwalng pagganap at pagtatapat. Mahalagang puwersa sina Bernal at Castillo na tumitiyak sa hugis ng pelikulang Pilipino. Isinalarawan sa Bakit May Pag-Ibig Pa ang personal na ideyolohiya at pilosopiya ng dalawang direktor. Ang pelikula ay repleksiyon ng mga manlilikha nito at nagsisilbing teksto ng pananalamin sa kani-kanilang punto-de-bista.



(Unang Kasaysayan)
Direksiyon: Ishmael Bernal
Dulang Pampelikula: Jorge Arago
Sinematograpiya: Loreto Isleta At Sergio Lobo
Musika: George Canseco
Editing: Abelardo Hulleza
Disenyo: Beatriz Gosiengfiao, Pis Boado At Danny Alvarez

(Ikalawang Kasaysayan)
Dulang Pampelikula At Direksiyon: Celso Ad Castillo
Sinematograpiya: Romeo Vitug
Musika: George Canseco
Editing: Abelardo Hulleza
Produksiyon: AA Productions




Tampok ang Bakit May Pag-Ibig Pa sa PELIKUSine: A National Film Arts Month Film Event na gaganapin sa Cine Pares ng IndieSINE sa Robinson's Galleria sa ika-15 ng Pebrero 6:30 ng gabi at sa ika-20 1:30 ng hapon.

WAIKIKI... Sa Loob At Labas Ng Bayang Sawi

Waikiki


Sa loob at labas ng bayan kong sawi... mga kataga mula sa Florante At Laura ni Francisco Baltazar. Isang sa maraming mithiin ng mga Pilipino ang maglakbay o manirahan sa ibang bansa. Makailang ulit itong naging paksa sa pelikula noong dekada '70 at '80. Kabilang dito ang Waikiki (Regal Films, Inc.) ni Elwood Perez. Ang makawala sa labis na kahirapan lamang ba ang  nagtuulak sa mga Pilipinong lasapin ang magandang kinabukasan sa Amerika? Ang panonood ng sine ay hindi lamang pagbibigay-aliw kundi kapupulutan din ng aral. Tulad ng pangarap ni Juan (Raoul Aragon) na dalhin sa Hawaii ang kanyang buong pamilya. Isinalaysay sa Waikiki ang karanasan ng iba't-ibang persona ng kababaihan, si Idad (Alicia Alonzo), ang asawa at ina, anak na sina Michaela (Alma Moreno), Ella (Lorna Tolentino) at Carmela (Rio Locsin). Mga personang malikhain at maingat na nailugar sa malawak na sinapupunang panlipunan kung kaya't nasiyasat din, kasabay ng personal na karanasan ang mga isyung pang-ekonomiya at pangkultura samantalang nagkakabisa ito sa buhay ng babae. May ilang mga tagpong kakikitaan ng malay na tangkang lumihis sa pagsasatipo at gasgas na pagsasalarawan sa babae bilang sex symbol.

Kuwento ng pag-asa ang Waikiki na naging mabuway sanhi ng distansiya. Naiwan si Idad sanhi ng sakit na tuberculosis at ayaw siyang iwang mag-isa ni Michaela kaya't hindi ito sumama sa ama at dalawang nakababatang mga kapatid patungong Hawaii. Nakalunan sa dalawang magkaibang espasyo, nilinaw ng pelikula ang mga personal at pang-ekonomiyang salik na naghahatid sa mga tauhan sa ibang bansa at inilalantad din ang dislokasyong ibinubunga nito gaya ng madamdaming pagsasadula ni Alicia Alonzo. Pagsunod ni Idad sa Hawaii ay malaking pagbabago nina Carmela at Ella ang  sumalubong sa kanya, mulat na sa kalakaran ng mundo, sa pagkakataong ito'y si Idad naman ang nawalan ng panimbang. Sa gayon, ang distansiyang isinalarawan ng pelikula ay hindi lamang tumutukoy sa layo ng magkaibang teritoryo kundi nasa magkakaibang uri, oryentasyon, kultura at mithiin sa buhay. Lampas sa isang kuwento ng pag-asa, napagtagni-tagni sa Waikiki ang isyung partikular sa mga Pilipinong dumadayo sa ibang bansa. Diskriminasyon, eksploytasyon at kawalan ng komunikasyon sa naiwang pamilya. Maayos ang paglalahad nito tungkol sa pagbabahagi ng sarili nang buo ang pagkatao. Kaya kailangang bumalik si Idad sa sariling bayan, sa piling ni Michaela. Sa ganitong pagkakataon, ang anggulo ng ugnayan ay nagkaroon ng reyalistikong dimensiyon sa pagpapahiwatig na sa sariling bayan lamang nila matatamo ang kanilang kabuuan bilang mga tao.

Direksiyon: Elwood Perez
Dulang Pampelikula: Toto Belano
Sinematograpiya: Ben Lobo At Johnny Araojo
Musika: Lutgardo Labad
Editing: Rogelio Salvador
Disenyo: Mel Chionglo
Produksiyon: Regal Films, Inc.
Release Date: November 14, 1980