SA DULO Ng Hangganan Ni Bernal

Pagdating Sa Dulo

Isang sadya at magaspang na plastisidad ang pinatingkad ni Ishmael Bernal sa kanyang kauna-unahang pelikula, ang Pagdating Sa Dulo (Mever Films, Inc. / Frankesa Films, Inc.). Ipinakita ang pag-aabala ni Bernal sa tema ng alyenasyon, ng pagtiwalag, ng pagtatago at ng pagtanggap. Isang estratehiyang hindi lamang tumatanggi sa kintab at kinang ng mga pelikulang may higit na malaking badyet kundi matagumpay din itong nakalikha ng isang kapaligirang umaapaw sa iba't-ibang uri ng pagkalugmok at pagkakait. Mula pagkakalulong sa alkoholismo hanggang karahasang domestiko at prostitusyon. Kadalasan, sa proseso ng pagsasaliksik ng indibidwal na sarili ay nilalamon ang katauhan ng mga simbolikal na sistemang kinakalaban o minimithi. Talunan ang mga tauhan dahil kapwa nila hindi nagawang gapiin ang mga istrukturang pangkamalayang pumipiit sa kanila. Sa isang pagtingin ay maaring sabihing hindi rin naman talunan ang mga tauhan. Sa esensiya, ang unang pagtinging pagkatalo ng mga tauhan ay maaring basahin bilang pananagumpay ng tauhan laban sa pisikal, metapisikal, simbolikal at pangkamalayang istrukturang kanilang kinapipiitan. Isinalarawan ni Bernal ang personal niyang ideyolohiya. Ang personal bang pagtingin ng direktor sa kanyang pelikula ay siya ring personal na pagtingin ng kolektibong mamamayang nanood ng kanyang pelikula? Subalit hindi sapat ang ganitong pagtatanong sa paghihimay ng pelikula. Kinakailangan din igpawan ang kakulangan ng ganitong balangkas ng pagsusuri. Kailangan nating tingnan na ang pelikula, tulad ng anumang kultural na anyo, ay hindi repleksyon lamang ng lipunan o ng lumilikha ng sining na ito. Ang pelikula bilang isang kultural na teksto ay hindi pananalamin lamang ng isang uri. Higit sa lahat, ang pelikula bilang teksto ay produksiyon ng ideyolohiya, at bilang produksiyon ng ideyolohiya, ito ay pumapaloob sa tunggalian ng mga ugnayang sosyal na umiinog at nakakabit sa ugnayang pangkapangyarihan. Ginagampanan ni Ching / Paloma (Rita Gomez) ang kanyang papel bilang mangingibig ni Pinggoy (Vic Vargas) nang may pang-unawa kaya ipinapain nito ang kanyang katawan bilang imbakan ng kapangyarihan at nasa ng lalaki, marahil bilang isang talinghaga ng pagpuputa sa mahalay na kahingian ng komersyo at industriya.

Tinutukoy din ng Pagdating Sa Dulo ang iba mula sa iba pa dahil isa itong pelikula tungkol sa pelikula, lalo na ang Pelikulang Pilipino. Sa kabila ng sinematikong pagsasaysay ng pelikula nasa bingit ng posibleng pagsulong ang industriya, subalit hindi ito manggagaling sa dagdag na kapital o maging sa walang hirap na paghukay at pagsasatao ng hinagangaang mga bituin. Ang transpormasyon ay naisulong sa mabisang paglalangkap ng mga elemento ng pelikula. Masinop ang sinematograpiya sa pagsasalarawan ng dominasyon nang hindi nagiging mapagsamantala. Naging makabuluhan ang dulang pampelikula sa paraang nakapagsangkot ito ng mga tauhan, lalo na yaong matalinong ginampanan ni Rita Gomez na pinaaalingawngawang buhay at karanasan ng pangunahing tauhan at naglulundo sa kolektibong mithiin ng mga kababaihan. Mahusay rin ang karakterisasyon sa paglalahad ng kapani-paniwalang motibasyon ng mga tauhan upang mag-isip, kumilos at magbago. Sa pamamagitan ng pagsasalarawan sa hugpungan at umpugan ng katawan at pagnanasa, ipinakita ni Bernal sa pelikula ang walang takot na paglalantad sa mukha ng paggamit ng posisyon ng dominasyon sa industriya ng pelikulang Pilipino.

Dulang Pampelikula At Direksiyon: Ishmael Bernal
Sinematograpiya: Delfin Carretas
Musika: Francisco Buencamino
Editing: Teofilo De Leon
Produksiyon: Mever Films, Inc. At Frankesa Films, Inc.

Release Date: June 10, 1971

Karinyo BRUTAL


Maraming interbensiyon ang pelikulang Brutal (Bancom Audiovision Corporation) sa pagsasalayasay ng kuwento ni Monica (Amy Austria), isang dalagang sa una'y biktima ng panggagahasa at sa  karahasang tinamo sa kamay ng asawang si Tato (Jay Ilagan) at mga kabarkada nito. Nagsangkot ang iskrip ng mga tauhang ang mga kilos at karanasan ay higit na nakapagpalalim ng pag-unawa sa pagkatao ni Monica. Nagpakita rin ito ng mga imaheng naglugar sa kasaysayan ni Monica sa mas masaganang matris ng panlipunang reyalidad, sa partikular ang karanasan ng matalik na kaibigang si Cynthia (Gina Alajar). Ngunit ang pinakamalaki at pinakamakabuluhang interbensiyon nito ay nasa pag-ako ni Clara (Charo Santos) ng isang tiyak na posisyon sa kaso ng pagpatay ni Monica kay Tato. Pinatitibayan nito ang kapangyarihan ng pelikula na lumikha ng isang bersiyon ng katotohanang nagmumula sa isang posisyong ideyolohikal.

Upang ganap na maitampok ang kasalimuotan ng mga karanasang personal at panlipunan, malikhaing nagamit ng Brutal ang sistematikong estratehiya ng pagbabalik-larawan. Naging masinop at dramatiko ang sinematograpiya sa pagtatanghal ng madilim, malungkot at nakapangingilabot na imahe ng tahanan nina Tato, gayundin ang pagpapahirap, kawalang-pag-asa at pananalig ni Monica. Matingkad at pasukdol ang pagsasalarawan ng karahasang dinanas ng babae sa pelikula. Bagaman nakaririmarim, kung minsa'y nakakasindak ang karanasang danas nito sa kamay ng asawa, gayundin ang pagpataw ng mga panlipunang ekspektasyon at pagkahon ng mga babae. Paggamit dito bilang pampalubag ng pagnanasang seksuwal, paghahanap sa kadalisayan ng babae at pagkukulong ng babae sa tahanan. Ang malungkot na kasaysayang ito ay mahusay ding naisabuhay ng pambihirang galing sa pagganap. Mapangumbinsi ang pagganap ni Amy Austria sa malungkot na paglalarawan, hindi lamang ng pisikal na panggagahasa kundi maging sa pagsasamantalang dulot ng relasyong piyudal. Nagkaroon pa ng lalim ang kuwentong ito dahil sa masalimuot, mapangahas at makatotohanang pagtatampok sa sikolohiya ng biktima. Nangingibabaw ang pagganap ni Gina Alajar sa papel ni Cynthia. Biktima rin si Cynthia dahilan sa ginagahasa maging ang kanyang humanidad. Aktibong naghahanap ang kanyang katawan ng sariling biolohikal na kabusugan sa pamamagitan ng isang proseso kung saan nakikibahagi ang mga lalaki. Nakaantig ang transpormasyon ng kanyang karakter tungo sa pagbabago ng kanyang pagiging babae. Samantala, ang Brutal ay mapaglarawan sa kagyat na usaping panlipunan mula sa lenteng pangkasarian at makauri, sa bandang huli'y higit na makabuluhan at nangingibabaw ang pagpapamalas ng mga suliranin, kahinaan at kaapihan upang makapaglimi at sa katapusan ay nagpapatanaw ng pag-asa at landas tungo sa paglaya.

Direksiyon: Marilou Diaz-Abaya
Dulang Pampelikula: Ricardo Lee
Sinematograpiya: Manolo Abaya
Musika: George Canseco
Editing: Manolo Abaya At Mark Tarnate
Disenyo: Don Escudero
Produksiyon: Bancom Audiovision Corporation
Release Date: December 25, 1980

Ang Pagtuklas Ni BALELENG Sa Kanyang Pinagmulan


Sa ICRI Orphanage na halos lumaki at nagkaisip si Baleleng (Che Che Sta Ana). Isang gabi ay nakita nito ang isang bituing pumaimbulog mula sa langit at ang tangi niyang kahilingan ay ang matagpuan ang tunay nitong pamilya. Samantala, nakita din ni Gungadina, ang Reyna Ng Kadiliman (Charito Solis) ang nasabing bituin. Katulong ang mga alalay nitong sina John (Lou Veloso) at Marsha (Manny Castaneda) ay naghasik ito ng lagim sa buong bayan. Dahilan sa napipintong pagdating ng mga kampon ng kadiliman ay tumakas si Baleleng sa bahay ampunan at habang hinahabol ng mga zombies ay nahulog ito sa tulay at nalunod sa ilog. Nang muling magkamalay si Baleleng ay nasa kandungan na ito ni Perlita (Melissa Perez Rubio), isang gintong sirena na siyang nagsilbiling anghel de la guardia nito.Ipinagtapat ni Baleleng na ang pagnanais na makilala at makita ang kanyang tunay na ina. Ipinangako ng sirena na darating din ang pinakahihintay niyang araw. Ibinigay ni Perlita kay Baleleng ang mahiwagang bituing nagmula sa kalangitan upang maging gabay nito sa paglalakbay. Napadpad si Baleleng sa poder nina Mario (Eddie Garcia) ang namumuno sa isang sindikatong tinuturuan ang mga bata ng pandurukot at ng maybahay nitong si Cedes (Laurice Guillen). Isang araw, dala ng labis na pagkagutom ay napilitan na mandukot si Baleleng ngunit sa kasamaang palad ay nahuli ito ng mga may kapangyarihan. Ang kanyang naging biktima ay ang pilantropong si Don Jose (Subas Hererro) na dahilan sa labis na pagkaawa ay nagdesisyong ampunin si Baleleng. Nang mapag-alaman ni Mario ang magandang kapalaran ni Baleleng ay nagbalak itong looban si Don Jose. Kaalinsabay ng mga pangyayari ay inalok ni Gungadina na magka-isa sila ni Mario upang mapasakanya nang tuluyan ang mahiwagang bituin. Nilusob ng mga kampon ni Gungadina ang mansiyon ni Don Jose at sa gabi ito nagkaharap sina Perlita at Gungadina. Tulad ng inaasahan ay nagwagi ang kabutihan laban sa kasamaan. Sa huli ay ipinagtapat ni Perlita kay Baleleng ang katotohanang siya ang kanyang tunay na ina at ang anak ni Don Jose na nawawala dahil itinaboy ng ama nang malamang nagkaanak ito sa kanilang hardinero. Nagkapatawaran ang mag-ama at higit ang kaligayahang idinulot ng mga pangyayari kay Baleleng.


Hindi maikakailang may mga tagpong hiniram ang Si Baleleng At Ang Gintong Sirena (LEA Productions Inc., 1988) ni direktor Chito Rono sa pelikulang Oliver (1968) ni Carol Reed. Ang mga eksena sa bahay ampunan ay magpapa-alala sa pelikulang ito. Ngunit hindi pa dito nagtatapos ang pagkakahalintulad ng likha ni Rono kay Reed. Nang mapadpad si Baleleng sa mga kamay ni Mario at ng mga batang mandurukot ay higit nitong pinag-igting ang pagkakahawig ng dalawang pelikula. Si Mario ay si Fagin. May isang tagpong sa halip na ipaliwanag ay inaawit ni Mario ang kahalagahan ng pandurukot at kung bakit kinakailangan itong gawin. Hindi naging mapangumbinsi ang eksena dahilan sa kakulangan ng angkop na tugtugin upang higit na maging mapag-anyaya ito. Samantala ang bahagi ng pelikula kung saan inampon si Baleleng ni Don Jose ay hiram sa Annie (1982) ni John Houston. Si Don Jose ay si Daddy Oliver Warbucks, pati sa anyo at pustura. Halos magkatulad naman ang karakter nina Gungadina at Miss Hannigan ang tangi ipinagkaiba nito ay ginawang Reyna Ng Kadiliman ang una. Mababanaag na sa Si Baleleng At Ang Gintong Sirena ang patutunguhan ng mga sumunod pang dulang pampelikula ni Bibeth Orteza. Nang mga sumunod na taon ay lumikha ito ng mga kasaysayang halaw sa mga banyagang pelikula tulad ng Hihintayin Kita Sa Langit (1991) sa Wuthering Heights (1939), Ikaw Pa Lang Ang Minahal (1992) sa The Heiress (1949) gayundin ang Kailangan Kita (1993) sa Masquerade (1988). Sa mga nagsiganap ay kapuri-puri si Laurice Guillen bilang Cedes, ang matiisin at mapagmahal na may bahay ni Mario. Mapangumbinsi din ang ipinamalas niyang pag-awit sa pelikula. Masinop ang aspetong teknikal at puno ng imahinasyon ang disenyo nito. Nararapat bigyang puri si Chito Rono sa pagbibigay buhay sa manipis na dulang kanyang isinapelikula.


Direksiyon: Chito Rono
Dulang Pampelikula: Bibeth Orteza
Sinematograpiya: Joe Tutanes At Ver Dauz
Musika: Toto Gentica
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Dante Mendoza
Produksiyon: LEA Productions, Inc.

INIT... Ng Pagnanasa


Nagbalik sa pulo si Osa (Charito Solis) kasama ang labinganim na taong gulang nitong anak na si Bayang (Rio Locsin). Iniwan niya ang mapait na pinagdaanan sa lungsod. Samantala, napadpad sa isla si Emil Santos (Phillip Salvador) isang misteryosong lalaking nanuluyan sa tirahan ng mag-ina. Di nagtagal ay ibinigay ni Emil ang malaon nang hinahanap ng katawan ni Osa at ito rin ang gumising sa natutulog na pagnanasa ni Bayang. Si Juan (Leroy Salvador) na dating kasintahan ni Osa ay patuloy sa pagwawalangbahala sa maybahay nitong si Idad (Laurice Guillen) sa dahilang hindi niya mabigyan ng anak ang asawa bagamat labingapat na taon na silang nagsasama. Dahilan sa hindi maibigay ni Juan ang kanyang pangangailangan ay ibinaling ni Idad ang kanyang pagnanasa sa mangingisdang si Domeng (Johnny Delgado).


Tulad ng iba pang pelikula ni Lino Brocka ang Init (Showbiz, Inc., 1979). Kapuri-puri ang mga teknikal na aspeto ngunit problematiko ang resolusyon ng naratibo. Sa pangkalahatang interpretasyon ay humantong sa detensiyon ang pakikibaka ni Bayang na makalaya sa pulong bumibilanggo sa kanyang mga pangarap. Mahusay ang paghimay ng mga argumento, ang pagsalit-salit ng mga lebel ng simbolismo, ang pagpasok at paghugot ng kamera. Ang pagpili ng musikang aangkop sa isang eksenangunit isinara ang teksto ng paikot na dulog. Sa gayon, hindi pinapahntulutan ng Init ang eksternal na pagbasa at pagpapalaya sa teksto maliban sa kung anong saysay ang nakapaloob sa mga tagpo ng pakikipagtalik ni Emil sa mag-inang Osa at Bayang. Hindi rin naisalba ng nakakapagod na pagganap ni Charito Solis ang pelikula. Kahit wala na halos luhang pumatak sa kanyang mga mata, hindi pa rin makaramdam ng simpatiya ang manonood sa kanya. karton ang kanyang karakter. Hindi pa nga maituturing na paghamon sa kumbensiyon ng moralidad ang pagpapahintulot niyang pagsaluhan nilang mag-ina si Emil dahil tila bunsod lamang iyon ng kanyang libog. Nalimita ang Init sa pagiging isang domestikong dula at hindi nasiyasat nang husto ang ugnayan nito sa mas malawak na istrukturang panlipunan.


Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Tony Perez
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: Ernani Cuenco
Editing: Augusto Salvador
Produksiyon: Showbiz, Inc.