Paano Ba Talaga Umarte?


Makailang ulit nang napatunayan ang husay at galing ng artistang Pilipino ngunit may nagsasabing ang karaniwang uri ng pagganap na napapanood sa mga pelikulang Pilipino ay nababalutan ng sigawan, walang katapusang iyakan at melodrama. Kung bibigyang pansin, ang katotohanan ay nasa gitna ng obserbasyong ito. Galing sa sarsuela, komedya at moro-moro ang mga aktor at manggagawang nagpasimuno ng paggawa ng pelikula sa bansa. Dahil ipinapalabas ang mga dula sa harap ng libu-libong manonood, kinailangang isigaw at gawing ekseherado ng nagsisiganap ang kanilang mga kilos upang maipahatid ang mensahe sa mga manonood. Ang ganitong uri ng estilo ay dinala ng mga artista hanggang sa pelikula kung kaya't di pansin ng madla ang OA na pagganap. Sa paglipas ng panahon ay kinailangan ng mga artistang Pilipinong makisabay sa mga pagbabagong nagaganap sa paligid nito at ang midyum ng pelikula ay higit na komportable sa matalino at sensitibong pagganap na mapapatingkad ng kamera sa pamamagitan ng paggamit sa mga close-up.


Naging suliranin ng mga naglalakihang bituin ang pagsubok sa isang mapanghamong papel sa dahilang hindi ito tugma sa mga uri ng pelikulang nagpasikat sa mga ito. Minsang sinubukan ni Dolphy gumanap sa isang seryosong pelikula, Ang Tatay Kong Nanay (Lotus Films, 1978) sa ilalim ng direksiyon ni Lino Brocka, ngunit kahit kasama sa pelikula ang child wonder na si Nino Muhlach, sa kasamaang palad ay hindi ito kumita at di na muli pang gumawa ang komedyante ng ganitong uri ng pelikula. Samantala, nasadlak sa mga kawawa at api-apihang papel si Nora Aunor dahil ito ang mga uri ng pelikulang inaasahang pipilahan at panonoorin ng kanyang mga tagasubaybay. Gustung-gusto ng publiko si Vilma Santos sa tuwing lumalabas ito sa pelikula bilang kerida, nang minsan nitong tanggapin ang mapanghamong papel ng isang madre sa tinatayang pinakamahusay na pagganap ng aktres sa Sister Stella L (Regal Films, 1984), naglaho ang suporta ng kanyang mga tagahanga at nalugi ang pelikula sa takilya.


Ang isterotipong pagganap ay naging kalakaran sa industriya nang mahabang panahon, ngunit sa bawat pelikulang ginawa ay naunawan ng mga artista ang metodo at layuning dramatiko ng papel na kanilang ginagampanan. Nasaksihan ng mga manonood ang pagbabago sa estilo ng pag-arte ng kanilang mga hinahangaang artista. Halimbawa ang uri ng pagganap na kumikilos sa mga pelikulang nagtampok kay Charito Solis tulad ng Ina, Kapatid, Anak (Regal Films, 1979), Playgirl (Regal Films, 1981), Kisapmata (Bancom Audiovision Corporation, 1981) at Karnal (Cine Suerte, Inc., 1983). Malalim na pag-unawa sa karanasan ang ipinamalas ni Lolita Rodriguez sa Tubog Sa Ginto (LEA Productions, 1971), Stardoom (LEA Productions, 1971), Tinimbang Ka Ngunit Kulang (Cinemanila Inc., 1974), Tatlo, Dalawa, Isa (Cinemanila Inc., 1974), Ina, Kapatid, Anak (Regal Films, 1979) at Ina Ka Ng Anak Mo (Movie Masters, 1979). Bagamat api-apihan at kawawa, naantig tayo sa magiting at matatag na pagganap ni Nora Aunor sa mga pelikulang Tatlong Taong Walang Diyos (NV Productions, 1976), Minsa'y Isang Gamu-Gamo (Premiere Productions, 1976), Atsay (IAN Film Productions, 1978), Ina Ka Ng Anak Mo (Movie Masters, 1979), Bona (NV Productions, 1980), Himala (Experimental Cinema Of The Philippines, 1982), 'Merika (Adrian Films, 1984) at Bulaklak Sa City Jail (Cherubim Films, 1984). Ang makabagbag kaluluwang paglalantad ng saloobin ni Vilma Santos sa Burlesk Queen (IAN Film Productions, 1977), Pagputi Ng Uwak, Pag-Itim Ng Tagak (VS Films, 1978), Relasyon (Regal Films, 1982), Adultery (Regal Films, 1984) at Pahiram Ng Isang Umaga (Regal Films, 1989) ay isang kapani-paniwalang pagganap at pagtatapat. Higit na mapapahalagahan ang pananaw na sinasalamin ng pelikula ang tunay na buhay sa pamamagitan ng pagganap na ipinamalas ng artista sa mga pelikulang patuloy na nagtaas ng antas sa sining ng pag-arte sa Pilipinas.

4 Response to "Paano Ba Talaga Umarte?"

  1. Ronald says:
    3:38 AM

    Most of our great actresses have been typecast in one role and they need to reinvent themselves so that the public will continue to appreciate them.

  2. Jojo Devera says:
    4:22 AM

    inspite of our actresses being typecast, the best thing about them is they tried to stretch their boundaries resulting in memorable performances in those aforementioned films. each of them have a distinct style that separates them from the rest.

  3. Nino says:
    7:16 PM

    Hi Jojo, I really like what you wrote. Nag-uusap nga kami ni Kit 2 nights ago tungkol sa ano ba talaga ang tamang pag-arte. Para sa amin, ang mahusay ay ang pag-arte ng natural, effortless, parang walang kamera. Ang nakikita mo sa telon ay hindi ang artista kundi ang papel na kanyang ginagampanan. Nakakatulong din ng malaki kung maayos ang script (para mabuo ang karakter), editing at syempre ang direksyon... Nino

  4. Jojo Devera says:
    3:32 AM

    hello Nino!

    finally nakapag-post ka rin ng comment sa blog. tulad ng nasabi ko, naging malaking impluwensiya ang entablado sa klase ng pagganap na ating nakasanayang panoorin. ang iyong nabanggit ay ang tamang paraan ng pag-arte sa pelikula. kung iisipin, sa mga silent movies, kadalasa'y facial expressions lang ang ginagamit pero may mga pagkakataong ekseherado pa rin ang pag-arte ng mga artista. sa paglipas ng panahon, nabago ang estilo ng mga aktor ngunit higit na pinapaboran ng mga manonood ang mga pelikulang may mabibigat na eksenang drama na hitik sa pisikal na emosyon.