
Mula nang itatag ang taunang Metro Manila Film Festival ay napalibutan na ito ng mga suliraning pumaimbulog sa Industriya ng Pelikulang Pilipino. Kadalasa'y kinukuwestiyon ang nagiging desisyon ng mga hurado. Noong 1975 nang itanghal bilang pinakamahusay na pelikula ang Diligin Mo Ng Hamog Ang Uhaw Na Lupa (JE Productions) ay lubhang ipinagtaka ito ng mga kritiko sa dahilang higit na kapuri-puri ang Araw-Araw Gabi-Gabi (Lyra Ventures, Inc.). Sa pagpili pa lamang ng mga pelikulang kalahok sa taunang pista ay pinapalibutan na ito ng kontrobersiya. Pinagsasama taun-taon ang mga uri ng likhang komersiyal at ang mga obrang nagsusulong sa sining ng Pelikulang Pilipino. Kasama sa talaang ito ang mga pelikulang tulad ng Kasal-Kasalan Bahay-Bahayan (HPS Film Productions) na siyang nagkamit ng parangal bilang Pinakamahusay Na Pelikula ng taong 1979, Ang Panday (FPJ Productions, 1980) ni Fernando Poe, Jr., Teng-Teng De Sarapen (RVQ Productions, Inc., 1983) tampok si Dolphy at ang Shake, Rattle And Roll (Athena Productions, Inc., 1984) na siyang kauna-unahang pelikulang horror na inilahok sa pista. Hindi nakapagtatakang pinagdudahan ang mga pelikulang nagtatamo ng parangal bawat taon. Ang mga likhang ito rin ang pinipilahan ng mga manonood sa takilya tuwing kapaskuhan na siyang unang araw ng pagtatanghal ng mga pelikulang kalahok sa taunang pista at idinideklara bilang Top Grosser. Ngunit hindi rin maikakaila na sa Metro Manila Film Festival din natin unang napanood ang ilan sa mga ipinagmamalaking pelikulang Pilipino. Napapalooban man ng samu't-saring suliranin ang pagdiriwang ng pista ay masasabing malaki rin ang naitulong nito sa patuloy na pagsulong ng sineng Pinoy mula dekada '70 hanggang 80.
0 Comments






