Sa Madilim At Mahiwagang DAIGDIG NG SINDAK AT LAGIM


Apat na kuwento ang nakapaloob sa pelikulang Daigdig Ng Sindak At Lagim (MVN Cinema, 1974). Isang barkada ang nangahas pasukin ang lumang bahay at napagkatuwaang maglaro ng Spirit Of The Glass kung saan naging bunga nito ay ang sarili nilang katapusan. Si Liza (Liza Lorena) ay nagbakasyon sa Baguio nang makita nito at magustuhan ang isang antigong kuwintas na naiibang palamuting suot ng Igorotang kanyang binilhan ng mga sariwang bulaklak sa Ulo Ng Apo. Dinalaw ito sa panaginip ng isang tribo kung saan si Liza ang ginawang sakripisyo sa kanilang Panginoon. Ano ang Lihim Ng Villa Verde? Matapos ang ilang taong pamamalagi sa Espanya ay nagbalik si Rosanno (Ronaldo Valdez) kasama ang maybahay nitong si Stella (Celia Rodriguez). Unti-unting nabunyag ang katotohanan tungkol sa bastardong kapatid ni Rosanno nang magkasunod-sunod ang misteryosong pagkamatay ng kanyang tatlong kapatid na lalaki at nang sumalin sa katauhan ni Stella ang kaluluwa ni Angelo (George Estregan). Sa kanya ipinamana ng kanilang ama ang Villa Verde at hindi ito matanggap ni Rosanno, kung kaya't kanilang pinaslang ang kapatid. Dinala ni Stella ang mga kaaanak sa silid kung saan nila ibinaon ang mga labi ni Angelo. Ipinahiwatig nito ang katotohanan sa buong angkan upang tuluyang makapaghiganti kay Rosanno. Ang Aagawin Kita... Sor Maria ay isang kuwento ng tatsulok na pag-ibig. Bago mamatay ang ina (Mary Walter) ni Cristina (Gina Pareno) ay ipinagbilin nitong pumasok sa kumbento upang maging isang madre. Sa pagnanais na sundin ang huling tagubilin ay tinanggihan nito ang alok na pag-ibig ni Armando (Franco Rivero). Nang maging isang ganap na madre si Cristina ay tinawag na itong Sor Maria. Habang nagpapahinga sa kanyang silid ay ipinadama ng Diablo (Ruel Vernal) ang pagnanasa nito kay Sor Maria. Mahigpit niya itong pinaglalabanan ngunit hindi siya nagtagumpay hanggang sa bawian ito ng buhay. Sa pagnanais na tuluyang maangkin ng Diablo si Sor Maria ay binuhay niya itong muli ngunit ipinaglaban ni Armando ang kanyang wagas na pag-ibig, nanaig ang kabutihan sa kasamaan, natupok ang Diablo at tuluyang nabawi ang kaluluwa ni Sor Maria.

Iilan lamang ang mga pelikulang tumalakay ng istoryang may kinalaman sa mga hiwaga at kampon ng kadiliman. Naging matagumpay ang Daigdig Ng Sindak At Lagim sa pagtugis nito na mababanaag sa dalawang huling kasaysayan. Mapapansing higit itong pinagtuunan ng pansin ng mga manililikha. Mayabong ang disenyo ng Lihim Ng Villa Verde at Aagawin Kita... Sor Maria. Kapwa dekada 20 ang lunan ng istorya. Kapupulutan din ng aral ang bawat kasaysayan sa pelikula. Kapangahasan ang nagbunsod sa barakadang napagkatuwaan ang pagtawag sa mga ligaw na kaluluwa kaya't nararapat lamang nila itong pagbayaran. Pagnanasa ang nagbunsod kay Liza upang danasin ang sinapit sa kamay ng tribong kumitil sa kanyang buhay. Kasakiman ang nagtulak kay Rossano upang paslangin si Angelo. Pagmamahal ang tanging dahilan upang maigpawan ang mga pagpapakasakit ni Sor Maria. Tahasan itong ipinahiwatig sa mga manonood. Ang paggamit kay Rita Gomez bilang tagapagsalaysay ay higit na nakapagbigay-atensiyon sa pelikula. Kapuri-puri din ang editing na siyang nagpabilis sa daloy ng mga kasaysayan. Nilapatan lamang sana ng orihinal na musika ang pelikula. Maraming nakakapangilabot na mga tagpo ang Daigdig Ng Sindak At Lagim at kung ito ang pagbabasehan ay nagtagumpay ang mga manlilikha nito upang magbigay ng pansumandaling aliw sa mga manonood nito.

Direksiyon: Maria Saret Abelardo At Ruben Arthur Nicdao
Dulang Pampelikula: Ruben Arthur Nicdao
Sinematograpiya: Loreto U. Isleta
Musika: Totoy Nuke
Editing: Jose "Pepe" Marcos
Disenyo: Ruben Arthur Nicdao
Produksiyon: MVN Cinema

Si DARNA Laban Sa Mga Higante... Sino Ang Magwawagi?

Darna And The Giants

Sa ikalawang pagkakataon ay muling sumabak si Darna sa mga nagnanais lipulin ang daigdig sa pelikulang Darna And The Giants (Tagalog Ilang-Ilang Productions). Tulad sa mga naunang pagsasalarawan ng pakikibaka ni Darna laban sa mga kampon ng kasamaan, ipinakita sa pelikula ang pagnanasa ng mga taga-ibang planeta na mapasailalim ng kanilang kapangyarihan ang buong mundo. Sa pamamagitan ng isang pormulang likha ng kanilang pinunong si X3X (Helen Gamboa) na kapag itinurok sa isang ordinaryong tao ay nagiging higante ang mga ito at nagkakaroon ng kakaibang lakas habang kinonontrol nito ang kanilang mga isipan upang gawin ang kanyang mga ipinaguutos. Sinasalakay ng limang higante (Divina Valencia, Zandro Zamora, Max Alvarado, Cesar Ramirez at Ike Lozada) ang bawat bayan at walang humpay na pinupuksa nito ang mga mamamayan. Dahilan sa patuloy na pagtanggi ni Narda (Vilma Santos) sa iniaalok na pagmamahal ni Romy (Romeo Miranda) ay nagdesisyon ang huli na mamasukan sa isang lumber factory na pag-aari ng kanyang tiyuhin kung saan nito nakilala si Digna (Florence Aguilar), ang anak na dalaga ng manager. Sa kinasamaang palad ay dinakip ang dalawa ng mga taga-ibang planeta, binihag ang mga ito at ginawang higante. Nais magsagawa ni Narda ng imbestigasyon ukol sa mga higante kung kaya't sinundan niya ito kasama ang kapatid na si Ding (Dondon Nakar), ang mga taumbayan na nilipol ng mga taga-ibang planeta. Sinundan nila ito hanggang sa matunton nila ang itinayong munting kaharian ni X3X. Naging saksi si Narda sa kabuuang plano ni X3X upang tuluyang mapasailalim ng kanyang kamay ang daigdig. Isa-isang nilupig ni Darna ang mga higante hanggang sa tuluyan na nitong makalaban ng harapan si X3X. Muling nagtagumpay si Darna sa pagtatanggol ng mundo laban sa mga mapanupil na nagnanais umangkin dito.


Unang ginampaman ni Vilma Santos ang papel ni Darna sa Lipad, Darna Lipad! (1973). Isang pelikulang may tatlong kasaysayan kung saan nakaharap nito ang palagiang kalabang sina Valentina, Ang Babaeng Lawin at ang Impakta. Sa pagkakataong ito ay mga higante naman ang kinaharap ni Darna. Masasabing, sa pagganap ng aktres bilang Darna tuluyang bumulusok ang kanyang kasikatan. Tunay na akmang-akma dito ang pisikal na kaanyuan ni Darna. Nabigyan din ito ng panibagong bihis nang umpisahan ng aktres ang paglabas sa papel ni Darna. Sa mga naunang pelikula, kadalasa'y dalagita si Narda, at nag-iibang anyo lamang ito kung nilunok na ang batong nagbibigay kapangyarihan bilang Darna. Dahilan sa si Vilma Santos ang naatasang gumanap bilang Darna ay kinailangang ito rin ang lumabas bilang Narda. Sinimulan ng nobelistang si Mars Ravelo ang pagsusulat ng Darna taong 1947 sa magasing Bulaklak. Unang isinapelikula ito ng Royal Films noong 1951 na nagtampok kay Rosa del Rosario samantalang ginampanan naman ni Cristina Aragon ang papel ni Valentina at si Mila Nimfa naman ang gumanap na Narda. Masasabing tanging si Vilma Santos lamang ang nag-iisang aktres na gumanap bilang Darna sa apat na pagkakataon. Isang uri ng pagganap na tunay na nagluklok kay Darna bilang malaking bahagi ng kulturang Pilipino. Sa bawat pagkakataong ito ay tunay na inangkin ni Vilma Santos ang katauhan ni Darna na patuloy na nagbigay aliw sa mga manonood ng sineng Pinoy.


Dulang Pampelikula At Direksiyon: Emmanuel H. Borlaza
Sinematograpiya: Benjamin L. Lobo
Musika: Tito Arevalo
Editing: Gervasio Santos
Disenyo: Ben Otico
Produksiyon: Tagalog Ilang-Ilang Productions
Release Date: December 22, 1973
Pag-Ibig theme song from Darna And The Giants performed by Neddie Decena

Para sa karagdagang impormasyon ukol kay
Darna

Huli Ka! CAUGHT IN THE ACT



Isinalaysay ng Caught In The Act (Regal Films, Inc.) ang kuwento ni Leo Capili (Phillip Salvador), isang lalaking nagbebenta ng nakaw at mga kumpiskadong gamit. Kasama niya sa bahay ang asawang si Rowena (Gina Alajar) at bunsong kapatid na si Manolo (Joel Alano). Kabit ni Leo si Cedes (Amy Austria), isang magandang modelo. Humina ang raket ni Leo kaya kahit maliit na kita ng asawa sa pananahi ay kinukuha at ang perang ibinibigay ni Cedes. Isang gabi, niyaya si Leo ng isang misteryosang babae sa motel. Sumama ito ng walang tanong. Samantala, nagkita sina Rowena at dating nobyong si Ramon (Juan Rodrigo) na kadarating lang mula sa Amerika. Gusto niyang iwan ni Rowena ang asawa upang sumama sa kanya. Iniwasan at pinagtaguan ni Leo si Cedes nang malaman niya ang tungkol sa pagbubuntis nito. Natunton ni Leo ang flower shop na pag-aari ng misteryosang babae. Nagpakilala ang babae bilang Bea Garrido (Lorna Tolentino), maybahay ng negosyanteng si Simeon Garrido (Johnny Wilson). Isinumbong ni Manolo ang planong pakikipagtagpo ni Rowena kay Ramon.  Sinugod ni Leo ang dalawa sa restaurant at ginulpi nito si Ramon. Kinaldkad niya pauwi si Rowena at binugbog hanggang sa malaglag ang kanyang ipinagbubuntis . Bilang ganti, inakit ni Rowena si Manolo habang naliligo. Nahuli ni Leo ang dalawa sa akto ng pagtatalik. Pinalayas ni Leo ang kanyang kapatid. Sa isang bar, may nakipagkilalang dalawang lalaking kinukumbinsi si Leo na magbenta ng mga nakaw na alahas. Dala ng pangangailangan, agad nitong tinanggap ang alok ng mga di-kilalang lalaki. Napagkasunduan nilang puntahan ang may-ari  sa isang lumang bodega. Ginulpi si Leo ng mga tauhan ni Simeon. Pinagbihis si Bea ng asawa upang isama sa isang pagtitipon ngunit sa bodega sila nagtuloy kung saan naroon si Leo. Itinanggi ni Bea ang kanilang ugnayan. Pinakiusapan niya itong humingi ng tawad ngunit sa huli ay pinatay pa rin ni Simeon si Leo. 


Kapuna-puna ang pagiging de-kahon ng karakter ni Leo. Walang maramdamang simpatiya sa kanya dahil makitid ang kanyang isipan at pananaw sa buhay. Sa ibang salita, isa siyang chauvinist. Hindi kahahabagan ang malagim na katapusang sinapit ni Leo dahil sa kawalan nito ng respeto sa mga kababaihan. Hindi rin naisalba ng pagganap ni Phillip Salvador ang kakulangan ng karakter na ginampanan. Hindi ipinaliwanag ang dahilan ng kanyang mga aksiyon at desisyon. Nasayang si Amy Austria dahil ginawa lamang siyang palamuti, hindi rin siya nabigyan ng sapat na pagkakataon upang maisalarawan ng buo ang katauhan ni Cedes. Lubha namang nakakapagod ang  pagganap ni Gina Alajar sa papel ni Rowena. Tanging ang sensitibong pagpasok ni Lorna Tolentino sa karakterni Bea Garrido ang nag-angat sa pelikula. Kontemporaryong representasyon si Bea ng isang babae. Umaasam na katawan ang kanyang katawan. Hindi siya isang seks objek dahil aktibong naghahanap ang kanyang katawan ng sariling kabusugan at katuparan sa pamamagitan ng isang proseso kung saan bahagi ang mga lalaki ngunit hindi bilang manunupil at mananakop. Hinahamon ni Bea ang kumbensyonal na mga depinisyon at ideya ng babae. Nakakapanghinayang lamang at nahuli sa akto ng pagpapabaya ang mga lumikha ng pelikulang ito.


Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Jose Javier Reyes
Sinematograpiya: Totoy Jacinto
Musika: Max Jocson
Editing: Rogelio Salvador
Disenyo: Joey Luna
Produksiyon: Regal Films, Inc.

PISTA NG PELIKULANG PILIPINO SA NEW YORK


Sa isang pambihirang pagkakataon ay pinagtipon ang ilan sa mga pinakamahalagang Pelikulang Pilipino mula sa dekada '70 at '80. Itatanghal sa ImaginAsian Cinema ang New York Filipino Film Festival 2006, kung saan maaring mapanood ang ilan sa mga pinagpipitaganang obrang likha ng mga pinakamahusay na mga direktor ng bansa. Ilan sa mga pelikulang mapapanood sa pista ay ang Insiang (1976) ni Lino Brocka na siyang kauna-unahang sineng Pilipinong tampok sa isang restrospective ng prestihiyosong New York Film Festival. Kabilang din sa pagtatanghal ang Tubog Sa Ginto (1971), Tatlo, Dalawa, Isa (1974), Tinimbang Ka Ngunit Kulang (1974) at Angela Markado (1980) mula kay Brocka. Nariyan din ang Manila By Night (1980) at Himala (1982) ni Ishmael Bernal, Itim (1976) at Kisapmata (1981) ni Mike de Leon, Minsa'y Isang Gamu-Gamo (1976) ni Lupita A. Concio at Tatlong Taong Walang Diyos (1976) ni Mario O'Hara. Dadalo sa pagtitipon si Noel Vera upang magbigay ng kritisimo at opinyon sa mga obra nina Brocka, Bernal at O'Hara.
Matatagpuan ang karagdagang impormasyon sa mga pelikula sa The ImaginAsian

HELLO, YOUNG LOVERS At Ang Pakikipaglaban Sa Pag-Ibig Ng Mga Kabataan

Hello, Young Lovers

Madalas umistambay sa isang karinderya sa harap ng kolehiyo si Tony Lara (Gabby Concepcion). Minsan, ay namataan niya si Paula Ledesma (Snooky) at mabilis na nahulog ang loob nito sa dalaga. Hindi nakapagpatuloy ng pag-aaral si Tony dala ng kahirapan sa buhay. Bahagya nitong pinagkakasya ang kinikita bilang isang dancer sa mga programang pantelebisyon. Samantala, lumaki si Paula sa marangyang kapaligiran at halos lahat ng gustuhin nito ay napapasakanya, ngunit hawak ng ina ang kanyang buhay at wala siyang layang gawin ang mga kagustuhan. Sa tulong ng kaibigang si Gerry (Bey Vito) at Susan (Jenny Ramirez), ang matalik na kaibigan ni Paula ay nabigyan ang dalawa ng pagkakataong magkakilala at makaraan ang ilang buwan ay lubusang nahulog ang kanilang damdamin sa isa't-isa. Nang malaman ni Mrs. Ledesma (Rosemarie Gil) ang pakikitungo ni Paula kay Tony ay mahigpit niya itong ipinagbawal hanggang sa ipadala ang kanyang anak sa kanilang bahay-bakasyunan. Dala ng labis na kalungkutan ay naisipan nitong tumakas at sundan si Tony sa Maynila upang makapiling ang kasintahan. Dahil sa kapwa menor de edad ang dalawa ay napilitan ang ina ni Tony (Anita Linda) na ipagtapat kay Mrs. Ledesma na naroon sa kanilang tahanan si Paula. Napagdesiyunan ni Mrs. Ledesma na ituloy ang nakatakdang pakikipag-isang dibdib ng anak kay Raffy (Mackoy Symaco) na matagal nang napagkasunduan ng kani-kanilang mga pamilya. Sa takdang araw ng kasal ay nagtagumpay si Tony sa pagpigil ng seremonya at sa huli ay sumama si Paula kay Tony.

Sa Hello, Young Lovers (Regal Films, Inc.) ay ginawa ni Paula ang tipikal na solusyon ng kabataan kapag nagkakaroon ng di-pagkakasundo sa bahay, ang maglayas. At tipikal din ang reaksiyon ng mga nakatatanda sa ganitong kilos, ang pagbantaan at takutin ang mahirap na katipan. Kung gayon, ayaw pumasok ng pelikula sa mga bagong pintong susubok tumakas sa mga de-kahong sitwasyong mag-uusisa sa pagtuturing ng lagay ng mga kabataang babae. Sinubok ng pelikulang pasukin ang isipan ng mga kabataan tungo sa paglalarawan at pag-unawa sa kanila. Matatagpuan ng mga kabataan sa Hello, Young Lovers ang mga sarili na gumagawa ng pasyang nagpapahiwatig ng pagtayo sa sariling mga paa at sa paggigiit ng karapatan ngunit nalulutas na rin ang lahat sa konserbatibo at ligtas na paraan. Naroon pa rin ang paniniwalang wala silang muwang sa pagharap sa hamon ng lipunan. Naisalarawan din naman ang posibilidad ng pagiging independiyente ng kabataan ngunit taglay nito ang ang mabigat na tensiyong nagmumula sa pagmamanman ng mapanglimitang lipunan.

Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Jose Dalisay, Jr.
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: Rey Valera
Editing: Rogelio Salvador
Disenyo: Joey Luna
Produksiyon: Regal Films, Inc.
Release Date: August 28, 1981
Hello theme song from Hello, Young Lovers performed by Rey Valera

NAKED ISLAND... Isang Pagbabalik Sa Butil-Ulan


Makaraan ang ilang taon ay muling nagbalik si Alex (Al Tantay) sa Butil-Ulan. Lingid sa kaalaman nito ang pagkamatay ng kanyang ama. Tanging si Cresencia (Sarsi Emmanuel) ang dinatnan niya sa dating tirahan. Ikinuwento ni Tata Celo (Cris Daluz) ang mga kaganapan magmula nang isama si Alex ng kanyang ina upang lisanin ang pulo. Dalagita pa lamang si Cresencia nang dalhin ito ng kanyang ama sa Butil-Ulan. Dala ng labis na pangungulila sa kanyang mag-ina ay kay Cresencia ibinuhos ng ama ang lahat ng atensiyon at pagmamahal. Subalt tanging pait ang dinanas nito sa piling ng ama ni Alex. Naninirahan din sa pulo si Ceres (Charito Solis) at ang dalawang anak na dalagitang sina Loleng (Coca Nicolas) at Gunding (Pepsi Paloma). Dating puta sa Olongapo si Ceres at sa pagnanasang mailayo sa kinagisnang buhay ang mga anak ay dinala niya ito sa Butil-Ulan. Nagbalik loob sa Panginoon si Ceres at dito ihinihingi ng kapatawaran ang lahat ng kanyang naging mga kasalanan. Sa Diyos din niya ipinauubaya ang pangangalaga sa kanyang mga anak. Nang makarating kay Elena (Myra Manibog) ang pagbabalik ng dating kasintahang si Alex ay nagdudumali itong tumakas sa asawang si Melchor (Lito Anzures). Ngunit sa muli nilang pagkikita ay ipinahiwatig ni Alex na wala siyang nadaramang pagmamahal kay Elena. Samantala, unti-unting nag-igting ang pagnanasa ni Cresencia sa anak ng nasirang asawa. Madalas niya itong sundan hanggang sa kanyang masaksihan ang pakikipagtagpo ni Alex kay Gunding. Minsa'y pinagbantaan ni Cresencia na iwasan ni Gunding ang binata. Di naglaon ay nalaman ni Ceres ang tungkol sa dalawa. Kinaladkad nito si Gundin buong pulo upang maituwid ang kanyang pagkakamali at tuluyang ilayo kay Alex. Ganito rin ang ginawa niya kay Loleng nang matuklasang nakikipagtagpo ito sa taga-Maynilang si Miguel (Lito Gruet). Ipinagtapat ni Cresencia ang kanyang saloobin kay Alex ngunit tinanggihan siya nito. Dala ng pagkabigo, sinunog nito ang kanyang bahay. Sinabihan ni Loleng si Alex na isama nito si Gunding sa kanyang pagbabalik sa lungsod. Tuluyang tinakasan ng katinuan si Ceres at magkasamang nakatakas sa pulo sina Alex at Gunding.


Ang Naked Island (Regal Films, Inc., 1984) ay isang pambabatikos at pagbuwag sa institusyon tulad ng pamilya. Nagmatapang ang pelikula nang ilantad ang kaipokritahan ng relihiyon. Mahalaga ang pahayag nito ukol sa pamilya na siyang nagsusubo sa mga nilalang sa iba't-ibang uri ng pagpuputa. Patuloy na pinagsamatalahan ng kamera ni direktor Boots Plata ang kahubdan ng mga Softdrink Beauties, lalo na ang walang saysay na pagpapakita ng nipples ni Myra Manibog habang nakikipagtalik kay Alex at ang walang wawang pag-focus sa harap ni Al Tantay habang naliligo sa poso. Naging mabigat din ang kamay ni Plata sa pagpapakita ng mga simbolo ng pelikula tulad ng maganda sanang ritwal ng tagayan at ang paglilinis ni Loleng sa mga bagong huling isda, dahil lumabas itong nagpapapansin sa halip na masinop na naihabi sa kanyang negatibo. Hindi rin naisalba ng nakakapagod na pagganap ni Charito Solis ang pelikula. Kahit wala na halos pumatak na luha sa kanyang mga mata, hindi pa rin makaramdam ng simpatiya ang manonood dito kahit marubdob na personal ang layon niya. Tanging si Sarsi Emmanuelle lamang ang nagpamalas ng kahusayan sa komplikasyon ng tauhang kanyang ginampanan. Sayang at hindi napangatawanan ng Naked Island ang mayabong na tema at diskurso ng naratibo. Mapapansing matapos maipundar ang milyu ng pelikula, hindi na alam ng direktor kung paano paandarin ang istorya. Sapat nang ipasubo ang mga bida sa mga kung-anu-anong sitwasyong nangangailangan ng paghuhubad.


Direksiyon: Boots Plata
Dulang Pampelikula: Jose Javier Reyes
Sinematograpiya: Carlos Jacinto
Musika: Boy Alcaide
Editing: Jess Navarro
Disenyo: Edel Templonuevo
Produksiyon: Regal Films, Inc.