SOLTERO... Pag-Iisa At Ang Patuloy Na Paghahanap Ng Mamahalin


Bihira ang mga pelikulang tutugis sa kaisipan ng mga manonood. Masasabing isa ang Soltero (Experimental Cinema Of The Philippines, 1984) sa mga sineng intelektuwal na nagbigay buhay sa mga tauhang pinagdaraanan din ang mga karanasan nating nanonood ng pelikulang Pilipino. Tinalakay dito ang buhay ni Crispin Rodriguez (Jay Ilagan), isang Assistant Bank Manager at ang kanyang pagharap sa pang araw-araw na suliranin at pakikibaka sa patuloy na pag-unlad ng kapaligirang kanyang ginagalawan. Mula sa isang konserbatibong pamilya si Crispin. Guro ang kanyang ina (Irma Potenciano) samantalang ang panaganay nitong kapatid na si Joey (Cris Vertido) ay naninirahan sa Canada. Ang kanyang kapatid na babaeng si Nene (Baby Delgado) at ang may kapansanang anak na si Bimbo (Alvin Enriquez) ay kasamang naninirahan ng kanilang ina sa kinalakihang tahanan. Malaking bahagi ng buhay ni Crispin ang kanyang barkadang sina Bong (Terri Legarda), ang sekretarya ng Pangulo sa bangkong kanilang pinapasukan, si Teddy (Dick Israel) at Edwin (Bing Davao) , isang arkitekto. Madalas silang lumalabas at nanonood ng mga pagtatanghal sa entablado o di kaya'y ng mga pelikula sa Manila Film Center. Hindi makawala si Crispin sa pag-ibig nito kay Christina (Rio Locsin), ang dating kasintahang umiwan sa kanya. Madalas pa rin niya itong binibisita sa tinitigilang apartment. Buong akala ni Crispin ay mapapasakamay niya ang inaasam na promosyon sa opisina bilang Bank Manager ngunit napagdesisyunang ibigay ito ng pamunuan kay RJ Juan (Chanda Romero), anak ng kaibigang Ministro sa Gobyernong nag-aral sa Amerika. Mag-isang inalagaan ni Crispin ang ina nang magkasakit hanggang sa bawian ito ng buhay. Sumailalim sa isang malalim na depresyon si Crispin at isa si RJ sa nagbigay ng panibagong pag-asa sa kanya. Unti-unting nahulog ang loob ng binata sa dalaga. Nang minsang ipagtapat ni Crispin ang kanyang damdamin ay ipinamukha ni RJ ang tunay nitong pagkatao. Muling nabigo ang binata sa pag-ibig. Isang gabi ay naisipan ni Crispin na tapusin ang lahat ng kanyang paghihirap, ngunit nabigo ang kayang pagtatangka sa dahilang natakot din ang binata sa maaring kahinatnan ng binabalak. Sa huli ay natanggap din ni Crispin na tuloy pa rin ang pagtakbo ng buhay kahit siya ay nag-iisa.


Ayon sa pagkakaganap ay isinabalikat ni Jay Ilagan sa Soltero ang buong bigat ng pasaning nakapaloob sa pelikula nang hindi nagpapahiwatig ng kabagutan, kundi ng isang kahirapan lamang sa uri ng pagganap na kumikilos, nag-iisip at malalim na umuunawa sa karanasan at nagnanais na hindi lamang basta ilipat ang dalahin kundi ibahagi ito bilang aspeto ng kolektibong kamalayan. Tunay namang nakaantig ang magiting at matatag na pagganap ni Chanda Romero bilang RJ at makabagbag kaluluwa naman ang paglalantad ni Rio Locsin sa papel ni Christina. Mapangumbinsi rin ang suportang ipinamalas nina Terri Legarda, Dick Israel, Bing Davao at Irma Potenciano. Kapuri-puri at katangi-tangi ang aspeto ng paglikha sa Soltero. Mula sa galaw ng mga biswal at paggamit ng tunog ay naisalarawan ang nagbabagong kultura ng mga tauhan. Mahalaga ang pahayag ng pelikula ukol sa tema ng pag-iisa. Nagawa ng Soltero na lambungan ng misteryo ang daloy na mga pangyayari sa buhay ng mga tauhan. Epektibo ang isinagawa ng direktor na si Pio de Castro III sa pagpupunla ng mga pahiwatig tungo sa pagsisiwalat ng katotohanan. Habang nagiging kumplikado ang mga suliraning inihain sa pelikula ay nahawakan nito ang pananabik ng manonood hanggang sa maipamalay sa wakas ng istorya ang tunay na patutunguhan ni Crispin bilang pangunahing tauhan ng kasaysayan.


Direksiyon: Pio de Castro III
Dulang Pampelikula: Bienvenido M. Noriega, Jr.
Sinematograpiya: Clodualdo Austria
Musika: Sonny Angeles
Editing: Edgardo Jarlego
Disenyo: Cesar R. Jose
Produksiyon: Experimental Cinema Of The Philippines

DALUYONG! At Ang Patuloy Na Pag-Agos Ng Buhay



Matapos itanghal ang kauna-unahang obra ni Ishmael Bernal, ang Pagdating Sa Dulo (1971), sinundan ito ng Daluyong! (Topaz Film Productions). Isang pelikulang taliwas sa nakasanayan nang uri ng panooring Pilipino. Tinalakay nito ang buhay ng mga nakakariwasa at ang mga suliraning bumabalot sa mga ito. Anim na buwan pa lamang na kasal ang mag-asawang Johnny at Czarina Revilla (Eddie Garcia at Gloria Romero) nang dumating mula sa Switzerland ang nag-iisang anak ni Johnny na si Boots (Rosanna Ortiz). Kasama nilang naninirahan sa kanilang mansyon si Lizzie (Alona Alegre), ang anak ni Czarina sa unang asawa nito. Sa isang pagtitipon nakilala ni Boots si Raffy Ismael (Ronaldo Valdez) isang babaero at pamosong manunulat. Madaling nagkapalagayan ng loob ang dalawa. Samantalang masugid namang nanliligaw kay Lizzie ang binatang si Roderick (Arnold Mendoza). Alam ni Boots na matindi ang gusto ni Lizzie kay Ralph ngunit binabalewala lamang nito ang kapatid. May sariling suliranin ang mag-asawa dahil ilang ulit nang nahuli ni Czarina si Johnny kasama ang kung sinu-sinong babae. Hindi kaila dito ang pagiging babaero ng kanyang asawa ngunit may itinatagong lihim si Czarina nang minsang mahuli ito ni Johnny kasama ang isang di kilalang lalaki sa isang hotel. Samantala, nagkita sa isang night club sina Ralph at Lizzie dala ng labis na pagkalasing ay pansamantalang nakalimot sa kanilang mga sarili ang dalawa. Kinailangang magbiyahe ni Ralph patungong Amerika upang makipag-ayos sa mga maglalathala ng isinulat nitong nobela. Halos isang buwan itong nawala nang biglang magbalik sa bansa dahil sa pangungulila nito kay Boots. Sa kanyang pagbabalik ay lumabas ang katotohanang nagdadalantao si Lizzie at ito ay bunga ng pansumandaling pagniniig nila ni Raffy. Dahil sa lubos ang pagmamahal ni Roderick ay nakahanda nitong bigyan ng pangalan ang anak ni Lizzie ngunit tinanggihan pa rin niya ang alok ng binata. Nais ni Czarina na ipalaglag ng anak ang kanyang dinadala ngunit tinanggihan nito ang ina. Nais isilang ni Lizzie ang batang kanyang dinadala. Nang magpatingin ito sa doktor ay nalamang may rheumatic heart si Lizzie na maari nitong ikamatay ang pagsisilang ng kanyang anak. Ngunit buong tapang niya itong hinarap at sa huli ay binawian siya ng buhay.


Hindi ordinaryong pelikula ang Daluyong!, dahilan sa tinalakay nito ang mga sensitibong isyu tulad ng aborsiyon, pakikipag-live-in, at pakikiapid ng mga mayayamang pamilyang naninirahan sa marangyang Forbes Park. Sa uri ng kapaligirang nakapalibot sa mga pangunahing tauhan ng pelikula ay lubhang nakakagulantang ang mga rebelasyong ipinamalas dito. Ang nabibihisan ng magagarang mga damit at nagniningning na alahas ay may bahid putik din ang pagkatao. Sa naunang obrang Pagdating Sa Dulo, ay tinalakay ang mga kaganapan sa harap at likod ng kamera, sa Daluyong! ay ineksamin ni Bernal ang mundo ng mga mayayaman at nakakariwasa, ang mga lihim at pagnanansa ng mga pangunahing tauhan. Inilibot ni Bernal ang manonood hindi lamang sa naglalakihang mga mansiyon kundi ipinamukha nito ang kabulukang nanunuot sa pagkatao ng mga nakakaangat sa buhay. Kapuri-puri ang ipinamalas na pagganap nina Gloria Romero at Eddie Garcia sa kani-kanilang mga papel ngunit higit na kinakitaan ng husay ang madamdaming pagsasalarawan ni Alona Alegre ng kanyang karakter dahilan sa hindi gaanong naisaad ni Rosanna Ortiz ang emosyong hinihingi ng ginagampanang papel. Naibigay naman ni Ronaldo Valdez ang pisikal na pangangailangan ni Raffy ngunit kulang ang pag-unawa nito sa mga suliranin ng karakter. Tila palamuti lamang si Arnold Mendoza sa papel ni Roderick, ang masugid na manliligaw ni Lizzie dahil sa hindi ito nabigyan ng pagkakataong maipakita kung anumang kakayahan mayroon ito sa pagganap. Ang Daluyong! bagamat hindi kasing husay ng naunang likha ni Bernal ay nagsilbing instrumento sa mga sumunod pang obra ng direktor. Sa pelikulang ito nagsimula ang mga isyung tatalakayin sa mga sineng nilikha ni Bernal nang sumunod na mga taon. Ang tema ng pakikiapid ay naisalarawan sa Mister Mo, Lover Boy Ko (1974) at Relasyon (1982). Pakikipag-live-in naman ang tinalakay ng Dalawang Pugad, Isang Ibon (1977) at aborsiyon sa Hinugot Sa Langit (1985). Kakaibang talino ang ipinakita ng mga obra ni Bernal at patunay dito ang mga di malilimutang ugnayan ng mga karakter sa kapaligirang ginagalawan ng mga ito.


Direksiyon: Ishmael Bernal
Dulang Pampelikula: Armando Garces At Greg B. Macabenta
Sinematograpiya: Delfin Carretas
Musika: Restie Umali
Editing: Teofilo de Leon
Produksiyon: Topaz Film Productions

SHAKE, RATTLE & ROLL... Handa Ka Na Bang Matakot?



Ang Shake, Rattle & Roll (Athena Productions, Inc., 1984) ay tatlong maikling kuwentong nakapaloob sa isang pelikula. Ang una'y pinamagatang Baso na tila inulit lamang ang kuwento ng pelikulang Maruja (1968) na dinagdagan ng mga nakahihindik na tagpo. Sa paglalaro ng Spirit Of The Glass ay nadiskubre nina Paolo (Rey "PJ" Abellana), Johnny (Joel Torre) at Girlie (Arlene Muhlach) na nabuhay sila noong panahon ng Kastila bilang sina Ibarra, Juanito at Isabel. Magkasintahan sina Juanito at Isabel na nagkawalay dahilan sa sumama ang una sa pakikipag-aklas laban sa mapanupig na mga Kastila. Ilang taon ang lumipas ay bigla na lamang nabalitaan ng dalaga ang pagkamatay ng katipan sa pakikipag-laban. Sa puntong ito nagbalik si Ibarra at inalok ng kasal si Isabel. Lingid sa kaalaman ng mga sundalong naglibing sa mga namatay na kasamahan ay hindi pa patay si Juanito ay sa unang gabi ng bagong kasal ay nagbalik ito sa tahanan ng dating kasintahan upang makapaghiganti sa pagtataksil na ginawa ng matalik na kaibigan. Dito tuluyang napatay ni Ibarra si Juanito at dahil sa hindi matanggap ng kanyang konsiyensiya ay nagpakamatay si Ibarra, habang unti-unting binawian ng buhay si Isabel dahil sa pagkakasakit dala ng labis na paghihinagpis. Natuloy lamang ang napipintong paghihiganti ni Juanito sa kasalukuyang panahon nang muling magharap ang tatlo. Napatay nina Paolo at Johnny ang isa't-isa bilang kabayaran sa kanilang mga pagkakasala. De-kahon ang ipinamalas na pagganap nina Rey "PJ" Abellana, Joel Torre at Arlene Muhlach sa kanilang mga ginampanang papel. Hindi naisaad ng maayos ang pagkakaiba ng mga karakter sa magkaibang panahon na siyang lunan ng istorya. Salat din sa disenyo at aspetong biswal ang Baso. Walang naipakitang bago ang mga manlilikha ng kasaysayan sa pagsasalarawan ng kuwentong nais nitong ipahatid.


Ang ikalawa at pinakamahusay sa tatlo ay pinamagatang Pridyider ay tungkol sa mag-inang Lorna at Virgie (Charito Solis at Janice de Belen) na bagong lipat sa isang bahay bagamat malaki ay walang naninirahan. Kasama nila sa bahay ang katulong na si Nelia (Emily Loren) at pamangking si Dodong (William Martinez). May di maipaliwanang na mga misteryong pumapalibot sa kabahayang ito. Sa pag-iimbestiga ni Detective Caloy Torres (Lito Gruet) ukol sa pagkamatay ni Nelia, napag-alaman nitong sa bahayan na iyon naganap ang isang malagim na krimen noong taong 1975. Kung saan tinadtad ng killer ang mga biktima nito at itinago ang iba't-ibang bahagi ng katawan ng mga ito sa loob ng pridyider. At ito ang ginamit na aparato ng killer sa muli nitong paghahasik ng lagim. Maraming nakakahindik na mga tagpo ang kasaysayang ito. Mahusay din ang pangkalahatang aspetong teknikal dito. Higit itong pinagtuunan ng pansin ng direktor na si Ishmael Bernal at manunulat na si Amado Lacuesta, Jr. Maingat din sa detalye ang kabuuan ng kuwento. Sa humigit kumulang apatnaput limang minuto ay naipahayag ng maayos ang naratibo ng kasaysayan. Napapalooban din ito ng de-kalibreng pagganap mula kina Charito Solis at Janice de Belen. Sa tagpong naging pugot na ulo ang repolyong huhugasan sana ni Lorna ay tunay na epektibo si Charito Solis. Tuhog ang eksena mula sa kusina hanggang sa kanyang pagtakbo sa labas ng bahay. Samantalang kapuri-puri si Janice de Belen sa tagpo kung saan tila nakikipag-niig na ito sa pridyider. Malaking tulong din ang makapigil-hiningang editing ni Jess Navarro dito. Napagbigkis nito ng maayos ang mga eksenang tunay na ikagugulat ng manonood.


At ang huli ay ang Manananggal na kuwento ni Douglas (Herbert Bautista), isang binatang nanliligaw sa misteryosang dalagang si Anita (Irma Alegre) na lingid sa kanyang kaalaman ay ang manananggal na naghahasik ng lagim sa tahimik na baryo. Maraming problema ang dulang pampelikula ni Rosauro de la Cruz dahil hindi naipaliwanag ang tunay na intensiyon ni Douglas kay Anita. Ipinakita lamang sa simula na nanghaharana ito sa dalaga. Nakakapagtaka rin kung paanong napaghihimay-himay ng aswang ang kanyang biktima samantalang wala itong mga pangil. Ang desisyon ni Peque Gallaga na ipikita sa pamamagitan ng animasyon ang paglipad ng manananggal ay hindi naayon sa masusing aspetong biswal ng kasaysayan. Kapani-paniwala ang tagpo kung saan nahahati ang katawan ni Anita bago ito lumipad. Lubhang maliwanag din ang sinematograpiya sa mga eksenang hinahabol ng manananggal si Douglas sa gubat na animo'y tanghaling tapat ngunit gabi ito nagaganap. Sa pisikal na kaanyuan ay kapani-paniwala si Irma Alegre bilang si Anita, ang manananggal ngunit hindi naman ito nabigyan ng pagkakataon upang maipakita kung anumang talento mayroon ang aktres. Napagwagihan naman ni Herbert Bautista ang karangalan bilang Pinakamahusay Na Aktor sa taunang Pista Ng Pelikulang Pilipino, subalit wala naman itong ipinakitang bago sa kanyang pagganap. Hindi nabigyan ng sapat na pagkakataon ang mga tauhan upang maisalarawan ng maayos ang kani-kanilang mga papel. Sapat ang kaalaman ng mga manlilikha ng kasaysayang ito sa mito ng mga aswang ngunit maraming mahalagang kaalamang kinakailangan upang lubusan itong maging kapani-paniwala. Hindi lamang pananakot ang dapat isaisip ng mga nasa likod ng isang proyektong tulad ng Shake, Rattle & Roll. Sa pagbibigay aliw sa mga manonood kailangang makapagbigay din ang pelikula ng sapat na kaalamang tutugis sa isipan ng masang Pilipino.


Direksiyon: Emmanuel Borlaza (Baso)
Ishmael Bernal (Pridyider)
Peque Gallaga (Manananggal)

Dulang Pampelikula: Jose N. Carreon (Baso)

Amado Lacuseta, Jr. (Pridyider)
Rosauro de la Cruz (Manananggal)


Sinematograpiya: Ely Cruz
Musika: Jaime Fabregas
Editing: Jess Navarro


Disenyo: Ben Payumo (Baso)
Elmer Manapul (Pridyider)
Don Escudero (Manananggal)


Produksiyon: Athena Productions, Inc.

BURGIS Ka Pala!


Matapos mapatalsik sa pinapasukang kolehiyo si Juni Locsin (Gabby Concepcion) ay napilitan itong ipagpatuloy ang pag-aaral sa Eastern Colleges Of The Republic, isang pangkaraniwang unibersidad. Taliwas ito sa kinagisnang buhay ng binatang sanay sa marangyang kapaligiran. Dito uminog ang naratibo ng Burigis (Four Seasons Films, International) ni direktor Lino Brocka. Unti-unting nakuha ni Juni ang tiwala at pakikipag-kaibigan ng mga kamag-aral dahil sa nakaaangat sa buhay, kadalasa'y niyaya nito at inililibre ang mga bagong kabarkada. Natitipuhan ni Juni si Nedy (Amy Austria) isang kaklase ngunit binabalewala ng dalaga ang binata. Upang pagselosin, madalas banggitin ni Juni si Sheryl (Isabel Rivas) ang katipang kadarating lamang mula sa Amerika. Kinaiinisan si Juni ng pangkat ni Bogart (Rez Cortez) at kadalasa'y ginagawan nila ito ng kung anu-anong kalokohan. Nariyang tanggalan ng gulong ang kotse ni Juni at lagyan ito ng graffiti. Minsan ay nagtangkang labanan ni Juni si Bogart ngunit hindi ito nagtagumpay bangkus ay nabugbog pa ito at ang kanyang mga kasamahan. Sa pagnanasang makapaghiganti sa kahihiyang sinapit ay napagdesisyunan nitong muling harapin at labanan si Bogart. Dahil sa labis na problemang ibinibigay ni Juni sa mga magulang ay ipapadala ng mga ito kanilang anak sa Amerika upang doon ipagpatuloy ang pag-aaral. Dahil sa napipintong pag-alis ay naghanda si Sheryl ng isang pagtitipon kung saan inimbita nito ang mga kabarkada ni Juni sa kolehiyo at ang mayayamang kaibigan nito sa isang resort. Nagkaroon ng di pagkakaunawan sa pagitan nina Sheryl at Nedy na naging dahilan upang mag-away ang dalawa. Pinagsabihan ni Juni ang mga ito na lubhang ikinasama ng loob ni Nedy at mga kaklase nito. Upang muling manumbalik ang dating pagtitinginan ay tinulungan ni Juni si Nedy upang manalo ito bilang Miss Business Administration ng kolehiyo.

Masasabing malayo ang tema ng Burgis sa nakasanayan nang uri ng sineng likha ni Brocka. Ang isyu sa pagitan ng mayaman at mahirap ay hindi gaanong nabigyang pansin ng dulang pampelikula ni Jose Dalisay, Jr. Kulang ito sa mga tagpong magbibigay ng esensiya sa pagkakaiba ng mga ito. Hindi sapat ang pagpapakita ng mga eksenang dinadala ni Juni ang kanyang barkada sa mala-palasyo nitong tahanan at aanyayahing manood ng betamax. O di kaya'y ang paglilibre nito sa mga kaibigan at ang paggamit ng credit card upang maisalarawan ang pagkakaiba ng kanilang katayuan sa lipunan. Moderno ang lenguwahe ng mga kabataan sa pelikulang ito na siyang nagpahayag ng kanilang reyalidad. Ngunit sa panlabas na anyo ng urbanidad at sa kasamang pagkaprogresibo sa pananaw ng mundo, nananig pa rin sa lipunang Pilipino ang ideyolohiyang makakalaki sa mga larangang mahalaga sa isang kultura. Tila walang mapagpalayang pag-uusisa ang pelikula sa mga pagtatakda ng kaayusang ito at kung mayroon man, nababalewala ang paraan ng paglutas sa mga tunggaliang ipinakita sa loob ng naratibo. Tunay namang mahirap na paksa ang relasyong pantao ngunit alanganin ang posisyong pinipili ng pelikulang Burgis kung mayroon man. Nakanal din ito sa de-kahong pagsasalarawan ng mga mayayaman. Tulad din ng dati, katatawanang karikatura ang inilalabas sa pelikula samanatalang isang seryosong tanong sa hanay ng kabataan ang pagsaksi kundi man pagdanas sa penomenon ng mga nakakariwasa.

Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Jose Dalisay, Jr.
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: Rey Valera
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Joey Luna
Produksiyon: Four Seasons Fims, International
Release Date:  June 26, 1981
Burgis theme song performed by Louella

Kuwentong MISIS MO, MISIS KO


Maaring sabihing hindi kumbensiyonal ang pelikulang Misis Mo, Misis Ko (Viva Films, 1988). Sa muling panonood nito, dalawang mahalagang bagay ang hindi nabigyang linaw, ang mayabong na tema at diskurso ng naratibo at ang pagbibigay-tuon  sa aspetong teknikal ng pelikula. Ngunit kung susuriin, hindi lamang nararapat bigyan ng karampatang papuri ang pelikula dahil sa pagtalikod sa nakasanayang kumbensiyon. Ang Misis Mo, Misis Ko ay ay isang uri ng sineng nangangailangan ng diskusyon matapos panoorin. Tulad halimbawa, sa huling tagpo kung saan muling nagkita ang dalawang mag-asawa makaraan ang ilang taon. Dito naipahiwatig ang tunay na intensiyon at reyalisasyon ng pelikula. May mangilan-ngilang nakakatuwang sandaling matatagpuan sa isang tipikal na melodrama. Ang hindi gaanong naipakita  ay ang kakulangan ng espasyong kailangang punan dahil sa kawalan ng mga tagpong magpapatawa, hindi ang uri ng pagpapatawang islapstik na kadalasang napapanood sa mga komeding Pinoy.

Ang Misis Mo, Misis Ko ay pelikulang nakasandal sa interaksiyon at kredibilidad ng mga pangunahing tauhan. Sa apat na nagsiganap, nangibabaw si Ricky Davao at ang matalinong pagsaad ng pagkaunawa sa metodo at layuning dramatiko ng kanyang papel. Samantala, nakakaantig ang magiting at matatag na pagganap ni Jackie Lou Blanco sa pagpapahayag ng mithiin sa lahat ng di magkatugmang aspeto nito at nagbibigay ng naiibang sigla sa tradisyon ng pagganap sa pelikula. Sa estilo, walang sinabi ang pumopormang magagaling na direktor sa kasalukuyan. Dito makikita husay ni Carlos Siguion Reyna. Ngunit may iba pang dapat pagkaabalahan bukod sa teknik at teknolohiya at pagpapakitang-gilas sa larangan ng aspetong biswal ng pelikula. Ang paglagay ng mga tauhan sa propesyong audio visual ay hinango lamang sa kanyang unang iskrip, ang Palipat-Lipat, Papalit Palit (1981) ni Lino Brocka na nabigyan ng higit na kahalagahan sa pagkakataong ito. Napagtuunan lamang sana ng pansin ang pagbibigay daan dito kung nakahanap ang direktor ng paraan upang pagyamanin ito sa pamamagitan ng intelektuwal na interaksiyon ng mga tauhan sa kanilang kapaligiran at relasyon sa isa't-isa. Ang kakayahan ng isang direktor na mapalaganap ang kanyang intensiyon sa paggawa ng isang pelikula ay mahalaga upang maipahatid ang mensaheng nais niyang iparating sa mga manonood. Mapapansin sa Misis Mo, Misis Ko na ang sine ay hindi lamang tekstong pinag-aaralan, kundi isang kulturang isinasabuhay.

Direksiyon: Carlos Siguion Reyna
Dulang Pampelikula: Bibeth Orteza
Konsultant: Amado Lacuesta, Jr.
Sinematograpiya: Manolo Abaya
Musika: Ryan Cayabyab
Editing: Jess Navarro
Disenyo: Charlie Arceo at Leo Abaya
Produksiyon: Viva Films

CAIN AT ABEL... Alitang Magkapatid


Ang di makapigil-hiningang daloy ng Cain At Abel (Cine Suerte, Inc., 1982) ni direktor Lino Brocka ay isang uri ng pelikulang kinakailangang pagbuhusan ng kaukulang atensiyon. Hindi nakakapagtakang makisangkot ang manonood sa tumitinding alitan ng magkapatid. Matatag na pagganap ang sandigan ng isang obang tatak Brocka at hindi kaiba ang pelikulang ito sa naunang mga likha ng batikang direktor. Namumukod tangi si Cecille Castillo bilang Rina, ang katulong na naanakan ni Ellis (Christopher de Leon). Marahil ay napagtanto ni Brocka ang lalim ng talino nito kung kaya't di pinaghinayangan ng direktor na bigyan si Castillo ng mga anggulong tanging sa mga pelikula lamang na ginawa ng direktor na nagtatampok kina Nora Aunor at Hilda Koronel lamang kadalasang napapanood. Kahit may kaliitan ang papel ay nakapagdulot si Castillo ay isang mapanghamong pagganap at halos masapawan nito ang mga pangunahing bituin ng pelikula. Itinaas naman ni Baby Delgado ang antas ng kanyang pag-arte bilang Becky, ang maybahay ni Lorenz (Phillip Salvador). Pinakamahusay ito sa tagpong pakikipagharap sa biyenang si Nyora Pina kung saan nalaglag ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Sa biglang pagpapalit ng emosyon, ipinagpatuloy ni Delgado ang sensitibong pagganap hanggang sa eksenang binawian ito ng buhay sa dyip dahil sa walang humpay na pagdurugo. Muling pinatunayang hindi nasusukat sa haba ng papel ang husay na kanyang ipinamalas kundi sa kompleksidad at reyalismo ng kabuuang pagganap. Samantalang si Mona Lisa bilang Nyora Pina, ang ina ng magkapatid ay tila naging palamuti lamang kina Delgado at Castillo, ngunit mababanaag ang kundisyon ng labis na pagmamahal nito kay Ellis sa paggamit ng kanyang mga mata sa tuwing tinitingnan ang anak.


Makabagbag damdamin ang pagganap ni Phillip Salvador bilang Lorenz, isa sa dalawang pangunahing papel. Kinailangan ng kanyang karakter ng mga pagbabago sa katauhan nito, naipakita ni Salvador nang husto ang saloobin sa tagpong kinakausap nito ang dalawa niyang anak at pinagsasabihang tigilan na ang kanilang pagtatalo at sa eksenang inawat ang mga ito at pinagsabihan ang nakatatandang anak na pagbigyan ang nakababatang kapatid. Hindi naman nakasabay si Christopher de Leon sa kahusayang ipinamalas ng lahat, mapaptawad sana ang mga kakulangan nito ngunit hindi nabigyan ng sapat na pag-unawa ang kompleksidad ng kanyang papel mula sa pagiging isang duwag na lalaki hanggang sa pagiging mamatay tao nito. Mga di malilimutang pagganap ang pumapalibot sa Cain At Abel. Maraming kakulangan ang dulang pampelikula ni Ricardo Lee lalo na't ang pagbabasehan ay ang mga obra nitong Salome (1981) at Himala (1982). Hindi naipaliwanag sa iskrip kung bakit higit na pinapaboran ni Nyora Pina si Ellis. Nang ipaalam naman ito ay dinaan lamang sa pagpapaliwanag at hindi ipinakita sa pelikula. Masasabing hindi perpekto ang Cain At Abel ngunit karapat-dapat pa rin itong ibilang bilang isa sa sampung pinakamahusay na mga pelikula ni Brocka dahilan sa di malilimutang mga pagganap, lohikal na dulang pampelikula at matatag na kabuuang direksiyon.


Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Ricardo Lee
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: Max Jocson
Editing: Efren Jarlego
Disenyo: Joey Luna
Produksiyon: Cine Suerte, Inc.