Itinatanghal sa T-Bird At Ako (Film Ventures, Inc.,1982) ang kasiya-siyang kuwentong tumalakay sa diskurso ng pag-ibig sa pagitan ng dalawang babae. Ang pagsasalarawan ng domestikong suliranin ng isang lesbiyana at ang di inaasahang pagkamulat ay nagpakita ng ganap na detalye ng kasangkapan upang makawala sa pagkalitong bumabalot sa kanyangidentidad. Mahusay ang direksiyon ni Danny Zialcita sa pelikula. Hindi rin maikakailang nanghihiram ang direktor ng mga piling tagpo mula sa mga sineng banyaga ngunit ang bawat tagpo sa T-Bird At Ako ay nagbigay daan para maisulong ang naratibo. Isinapelikula ang kompleksidad ng relasyong namumuo sa dalawang pangunahing tauhan sa pamamagitan ng bihasang direktoryal na pagmamaniobrang nagpapatuloy sa tensiyon ng nagbabanggaang mga ideolohiya.
Humahantong ang resolusyon ng pelikula sa antas ng pantasya nang mapilitang magkasundo ang mga magkakatunggali. Sa pagtatapos ay bumalik si Aunor sa tunay na esensya ng kanyang pagkababae. Nagmula ito sa matagumpay na babaeng nagpasimula sa pagtagumpay ng mga tradisyonal na pagpapahalagang pang-kababaihan. Pinatitingkad ang T-Bird At Ako ng maingat na pagbuo sa mga karakter ng mga tauhan . Higit na epektibo si Nora Aunor sa papel ng lesbiyanang si Sylvia Salazar, sa pagpapahayag ng komplikasyon sa tauhang kanyang ginagampanan. Lubhang nakakapagod ang pagganap ni Vilma Santos bilang Isabel. Hindi makaramdam ng simpatiya ang manonood sa kanya dahil karton ang kanyang karakter. Samantala magiting ang suportang ipinamalas ni Tommy Abuel sa papel ni Jake, ang matiyagang manliligaw ni Sylvia, gayundin sina Dindo Fernando bilang Dante at Suzanne Gonzales bilang Babette. Sa maikling paggnap ay natatatangi sina Anita Linda at Odette Khan. Masinop ang mga elemento ng pelikula sa T-Bird At Ako, maliksi ang galaw ng mga biswal at masigla ang paggamit ng tunog upang mabisang mailarawan ang mundong ginagalawan ng mga tauhan nito.
Direksiyon: Danny L. Zialcita
Dulang Pampelikula: Portia Ilagan
Sinematograpiya: Felizardo Bailen
Musika: Butch Monserrat
Editing: Enrique Jarlego, Sr.
Produksiyon: Film Ventures, Inc.
Magkakaroon ng Vidotheque Screening ang T-Bird At Ako sa UP Film Center, Setyembre 15 ika-lima ng hapon.
Kung mayroong pelikulang tumalakay sa tema ng seks at nagtagumpay bilang isang likha ng sining, ito ay ang The Boatman (A.M.A. Communications, 1984). Ang kauna-unahang obra ni direktor Tikoy Aguiluz ay nagmulat at nagbigay tuon sa mga pagkakaiba ng bawat tao sa antas ng lipunan, kung saan ang isang naghihikahos na bangkero mula sa Pagsanjan ay natutong manggamit ng ibang tao at hinayaan naman ang sariling gamitin ng mga maimpluwensiya upang makamtan ang mga pinapangarap sa buhay. Ang mensahe ng pelikula ay malinaw na nakasaad sa mahusay na iskrip kung saan nailahad ang buong karakter ng pangunahing tauhan sa pamamagitan ng pagkakalihis ng landas nito sa ibang mga tauhan ng kuwento na tumatayong suliranin at solusyon sa pag-abot sa kanyang mga pangarap. Ang bangkerong si Felipe (Ronnie Lazaro) ay nangangrap na makarating ng Maynila matapos itong gamitin ni Michiko, isang banyagang aktres (Josephine Manuel) at maimbitahan ni Sandy (Jonas Sebastian), isang baklang manunulat na subukan ang kanyang kapalaran sa siyudad. Hindi makakuha ng hanapbuhay si Felipe sa Maynila hanggang sa mamasukan ito bilang isang torero sa isang torohan. Nakisama ito sa kanyang kapareha ngunit iniwan din ang torerang si Gigi (Sarsi Emmanuelle), nang matagpuan at makilala si Emily (Suzanna Love), isang Amerikanang nagbabayad sa kanyang serbisyo bilang call boy. Dahilan sa lubos na paniniwala sa kanyang kakayahang magpaligaya ng babae, ninais ng bangkero na kilalanin siya ni Emily bilang kanyang mangingibig. Sa katapusan ay pinutulan ng ari si Felipe ng kabit ni Emily at itinapon ang dating bangkero sa dagat.
Mahusay na editing, musika, sensitibong pagganap at matatag na disenyo ang pumapaloob sa tema ng The Boatman. Ngunit ang tagumpay nito bilang isang pelikulang tungkol sa seks ay ang maingat na paglikha ng mga eksenang seksuwal. Nagkalat ang ganitong uri ng mga tagpo at higit itong hantaran at mas mahaba kaysa sa mga halintulad na eksena sa mga sineng bomba ngunit hindi ito inilagay sa pelikula upang kilitiin lamang ang mga manonood. Isinusulong ng mga tagpong ito ang pelikula tungo sa marubdob na pag-unawa sa mga tauhan. Halimbawa, ang pakikipagtalik ni Felipe kay Michiko ay nagpahiwatig ng temang oportunidad, dito nagkaroon ng ideya ang bangkero na maari nitong pagkakaitaan ang angking husay sa pagpapaligaya ng mga kababaihan na siyang nagtulak dito upang abutin ang pangarap na magtagumpay sa siyudad. Tulad din ito ng mahabang tagpo ng torohan nina Felipe at Gigi na nagsimula bilang isang pagsasanay na unti-unting naging makatotohanan hanggang sa ang tingin ng dalawa sa isa't-isa ay hindi na mga tao kundi mga propesyonal na toro, salat sa emosyon at damdamin. At huli ay ang mga tagpong kasama si Emily na halintulad sa karanasan ni Felipe kay Michiko ngunit ang kaibahan lamang ay natutunan na ng bagkerong manggamit ng tao upang mapunan ang kanyang mga pangangailangan. Ang tagumpay ni Tikoy Aguiluz sa The Boatman ay ang abilidad nitong kunan ang maseselang tagpo sa paraang may distansiya ang mga manonood sa ipinapakitang pagsasalarawan ng seks sa iskrin. May isang eksena ng pakikipag-torohan kung saan ipinahayag na ginagawa ito ng mga torero dahil sa mahigpit na pangangailangan sa pera at hindi dahil sa ito ay kanilang kagustuhan. Ang distansiyang ito ay ikinalap sa kabuuan ng pelikula. Dahil sa napagbigkis ng direktor ang sinematikong elemento ng pagganap, sinematograpiya, editing at tunog upang ipahayag ang nais ipahiwatig ng dulang pampelikula, ang The Boatman ay maihahanay bilang unang pelikulang tungkol sa seks at siyang nagtaas ng antas nito bilang tunay na likha ng sining.
Istorya At Direksiyon: Tikoy Aguiluz
Dulang Pampelikula: Alfred Yuson at Raffy Guererro
Karagdagang Diyalogo: Jose F. Lacaba
Sinematograpiya: Jun Dalawis
Musika: Jaime Fabregas
Editng: Mirana Medina-Bhunjun
Disenyo: Nick Deocampo
Produksiyon: A.M.A. Communications
Ang pelikula bilang salamin ng suliraning pantao sa kontemporaryong kontekstong Pilipino ay matayog na pagtalikod ng sineng Pilipino bilang pansumandaling pagtakas sa reyalidad ng katotohanan at ang puntong ito ay matatag na ipinahayag ni Lino Brocka sa Tatlo, Dalawa, Isa (Cinemanila Inc., 1974). Anumang uri ng pelikula ay kinakailangang magdulot ng aliw sa manonood nito. Hindi lamang kapupulutan ng aral at mga bagong karanasang tumatalakay sa tunay na mga suliraning bumabalot sa sangkatauhan ang isinasadula ng sineng ating pinapanood. Sa saglit na pagbibigay aliw na hindi kinakailangan ang pagpapakita ng katotohanan at salat sa sapat na pag-unawa, maaring makapagdulot ang isang pelikula ng karanasang tatagos sa kaluluwa ng mga manonood at makikianib sa ideyang nais ipahatid ng manlilikha upang makapagbigay-buhay sa mga karanasang ito bilang sining.
Isang mahusay na pelikula ang Tatlo, Dalawa, Isa at tinatalakay nito ang matinding suliraning emosyonal ng tao. May tatlong kasaysayan ang pelikula ngunit nangingibabaw sa mga ito ang Hellow Soldier. Inihatid ng direktor ang kuwento ng isang ina at ang kanyang anak sa isang sundalong Amerikano at ang buhay sa looban sa tulong ng masining na sinematograpiya ni Romeo Vitug. Ang unang kasaysayan na animo'y isang dokumentaryong tumatalakay sa rehabilitasyon ng mga sugapa sa ipinagbabawal na gamot at kapuri-puri itong naipahayag sa kabuuan ng kuwento. Ang huling kasaysayan ay isang dramatikong kuwentong nagtampok sa nakaantig at magiting na pagganap ni Lolita Rodriguez. Sa tatlong magkakaibang karanasang ipinakita sa pelikula maaring isiping isang bagong uri ng sining ang Tatlo, Dalawa, Isa dahil angkop ang mga sangkap nito bilang isang tunay na Pelikulang Pilipino. Karamihan sa mga manunulat ay higit na kinakataan ng talino sa paglikha ng maikling kuwento. Nagkalat ang mga maikling nobela ngunit iilan lamang ang mga kuwentong maaring isalin sa pelikula. Tulad ng ginawa ni Brocka sa Hellow Soldier ni Sister Angela Barrios, isinulong nito ang nilikhang mekanismong kultural ng mga taga-looban upang mapangibabawan ang di-madalumat na ugat ng kanilang mga kinsadlakan.
Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula : Tony Perez Mga Hugis Ng Pag-Asa
Mario O'Hara Hellow Soldier Hango Sa Maikling Kuwento Ni Sister Angela Barrios
Orlando R. Nadres Bukas, Madilim, Bukas
Sinematograpiya: Romeo Vitug
Musika: Minda D. Azarcon
Editing: Augusto Salvador
Produksiyon: Cinemanila, Inc.
Maaring ihanay ang Oro, Plata, Mata (Experimental Cinema Of The Philippines, 1983) bilang isa sa mga pinakamahuhusay na Pelikulang Pilipino, isang mayabong na epikong maihahalintulad sa mga klasikong banyagang pelikula tulad ng Gone With The Wind (1939), ngunit may mga hantarang impluwensiya din ang Apocalypse Now (1979), The Wild Bunch (1969) , Deliverance (1972) at The Deer Hunter (1979). Kung susuriin ay lubhang napakayaman ng pelikula upang lubusang magagap ito sa isang panooran. Higit na mabibigyang-pansin ang kahusayan nito sa muling panonood ng Oro, Plata, Mata at tuluyang makakahulagpos sa kapuri-puring disenyo ng obra ni Peque Gallaga nang sa gayon ay mabigyang pansin ang mga diyalogo at muling masaksihan ang pagbalangkas ng mahahalagang tagpo sa pelikula. Tatlong eksena sa kabuuan ng pelikula ang tumatatak sa aking isipan. Una ay ang tagpo kung saan ang mga aristokrata ay lumisan sa kanilang mansiyon at makikita ang larawan ng nag-aapoy na plantasyon habang nakasakay ang mga ito sa kalabaw. Kinunan ang eksenang ito mula sa dalawang anggulo. Sa paggamit ng slow motion habang naririnig ang Humming Chorus mula sa operang Madame Butterfly ni Puccini. Maaring ihambing ang eksena sa the burning of Atlanta, sa Gone With The Wind. Ang malaking kaibahan ay ipinakita sa pelikula ang hilera ng mga kalabaw kontra sa nag-aapoy na lupain, isang eksenang tunay na Pilipino. Ang ikalawang pagkakataon ay ang mahusay na pagtatampok ng iskrip at pagganap sa mga tagpong naglalaro ng mahjong at ang paggamit ng huntahan bilang punto de bista ng mga manlalaro. Halimbawa'y nang may itanong si Dra. Jo Russel (Maya Valdez) kay Tiya Viring (Lorli Villanueva) na mabilis namang sinagot nito sa paraang maaring makisangkot ang manonood sa kanilang usapan ay tunay na nakakaanyaya. Ang ikatlo ay ang eksena ng pakikipagtuos kung saan ipinadama ang desperasyon ni Miguelito (Joel Torre). Dito ipinakita ang buong bigat ng pasananing isinabalikat ni Miguelito. Isang uri ng pagganap na kumikilos, nag-iisip at malalim na umuunawa sa karanasan. Sa tagpong binaril niya ang huwad na diwata (Kuh Ledesma), ang makabagbag-kaluluwang paglalantad ng saloobin ni Joel Torre ay isang kapani-paniwalang pagganap at pagtatapat. Ang labingwalong minutong eksena ay makapanindig-balahibo at kasunod ang tagpo ng pagpaslang sa pinagtataguan ng mga bandido. Maaaring may kahabaan ang eksena ngunit pinagtibay ito ng mahusay na editing upang higit na maging epektibo.
Pinagyaman ang pelikula ng mga tagpong pinagtuunan ng pansin, tulad halimbawa ng eksenang tinatalupan ng katulong ang mga butong pakwan upang makain ng maramihan ng mga nagma-mahjong. Habang nakapaloob sa kulambo at umaatungal si Tiya Viring nang malamang nawawala ang kanyang mga alahas, si Inday Lorenzo (Fides Ciyugan-Asencio) na humihingi ng tawad sa mga santo dahil hindi niya madadala ang mga ito, nariyan din ang tagpo kung saan may isang gamu-gamong dumapo sa larawan ni Kristo bago tinangay ng mga bandido si Trining (Cherie Gil), habang nagbubukas ng de-latang adobo ang katulong upang iluto ito, si Hermes Mercutio (Ronnie Lazaro) nang sumugod sa ikalawang pagkakataon sa parehong silid upang muling barilin ang isang patay nang bandido at pansumandaling pagnilayan ang kanyang pagkakamali, ang mga ilaw ng malaking mansiyon sa hacienda habang isa-isa itong pinapatay bago nagsilisan ang mga naninirahan at ang dalawang ulit na pagbasak ng antigong orasan. Di rin matatawaran ang masusing paggamit ni Gallaga ng musikang pinagsama-sama ang mga katutubong tugtuging Bisaya, mga piling opera mula kina Puccini, Donizetti, Tosti Von Flotow at Saint-Saens. Ang Oro, Plata, Mata ay isang tunay na likha ng sining. Ipinamalas ng pelikula ang proseso ng kasaysayan bilang lakas na lumilikha sa sambayanan sa imahe ng mga pinagtutunggaliang identidad. Higit na mapaphalagahan ang pelikula dahil sa paglikha ng panananaw kung saan nagaganap ang kasaysayan hindi bilang engrandeng pangyayari kundi bilang pang-araw-araw na pakikibaka Sa pelikulang ito ay maaring ihanay si Peque Gallaga sa kina Brocka, Bernal, De Leon, Castillo at Romero bilang isang mahusay na direktor ng Pelikulang Pilipino.
Direksiyon: Peque Gallaga
Dulang Pampelikula: Jose Javier Reyes
Sinematograpiya: Rody Lacap
Musika: Jose Gentica V
Editing: Jess Navarro
Disenyo: Don Escudero at Rodell Cruz
Produksiyon: Experimental Cinema Of The Philippines
Isang tipikal na stage mother si Toyang (Lolita Rodriguez). Ibinubuhos nito ang lahat ng kanyang panahon at atensiyon sa anak na si Joey (Walter Navarro). Nariyang pabayaan ni Toyang si Emong (Mario O'Hara), ang panganay nitong anak. Namamasukan sa isang grocery si Emong. Minsang naabutan nito si Joey na kinukupit ang maliit na halagang naipon nito ay ginulpi nito ang kapatid at binugbog. Nang makita ni Toyang ang ginawa ni Emong sa nakababatang kapatid ay pinalayas nito ang anak. Sa paniniwalang magiging matagumpay na artista ang kanyang anak ay naglalagi ito sa mga studio ngunit madalas siyang tanggihan ng mga prodyuser hindi dahil sa hindi mahusay si Joey kundi dahilan sa labis na pakikialam ni Toyang. Dito nakilala ni Joey si Myra (Hilda Koronel), isang dalagang nangangarap maging isang artista ngunit higit na pinapahalagahan ang kanyang pag-aaral dahil nais nitong maging isang manunulat. Dahil sa walang mangyari sa paglibot ni Toyang mga studio ay sinubukan naman nitong ilako ang kanyang anak sa telebisyon. Minsang naghihintay si Joey sa kanyang ina ay nakadaupang-palad niya si Nina Grande (Lotis Key), isang sikat na artista sa telebisyon. Nang makapasa si Joey sa audition ay kinuha itong maging palagiang mang-aawit sa Young Beat, isang palantuntunang pantelebisyon. Muling nanumbalik kay Toyang ang naudlot nitong pangarap na maging isang sikat na bituin. Unti- unting naabot ni Joey ang matagal nang pinapangarap. Pinagsabihan ito ni Nina na makakasira lamang ang kanyang ina sa kung kaya't nagsimulang mag-desisyong para sa kanyang sarili si Joey. Dahil sa madalas na pag-uwi ng gabi ni Joey ay kinagalitan ito ni Toyang at tuluyang pinalayas ng ina ang kanyang anak. Nakisama si Joey kay Raffy (Jimmy Morato), isang mayamang homoseksuwal na nakilala nito sa isang niteclub. Pinangakuan ni Raffy na kakausapin nito ang kanyang inang si Carlota Morales (Tita Munoz) na siyang magpo-prodyus ng unang pelikulang magtatampok kay Joey bilang isang artista. Mahilig sa lalaki ang ina ni Raffy at lubhang ikinasama ng kanyang loob nang makita nito si Joey sa silid ng sariling ina. Samantala, naiwang nag-iisa sa kanilang tahanan si Toyang. Inimbitahan siya ni Emong at ng kaibigang si Patchay (Caridad Sanchez) na sumama at sa kanila na ito manirahan. Napapansin naman ni Nina ang panlalamig ni Joey sa kanya at sinumabatan niya ito sa mga tulong na ginawa niya upang marating ni Joey ang tinatamasang kasikatan. Pinalayas ito ni Joey sa kanyang apartment at sinabihang bayad na siya sa lahat ng naitulong ni Nina sa kanya. Dumating ang gabing pinakahihintay ng lahat ang pagtatanghal ng kauna-unahang pelikula ni Joey na pinamagatang Stardom. Nagsisiksikan ang mga taong nais makapanood ng pelikula ng kanilang idolo. Naroon si Nina Grande at bilang ganti sa pagwawalang-bahala sa kanya ay binaril nito si Joey. Nasaksihan nina Toyang at Emong ang mga kaganapan sa telebisyon kaya't kapwa sila humangos sa pagamutan upang puntahan si Joey ngunit nasa malubhang kalagayan ang kanyang anak. Pinuntahan ng mag-inang Toyang at Emong ang sinehang pagtatanghalan ng pelikula ni Joey at sinabi nito sa ina na nagtagumpay din ito sa kanyang ambisyon dahil isang kapamilya ang naging artista sa pinilakang tabing.
Kakaiba ang Stardoom (LEA Productions, 1971) sa mga pelikulang likha ni Lino Brocka noong unang bahagi ng dekada '70. Maaring hindi ito kasing tapang ng Tubog Sa Ginto na ipinalabas din nang kasabay na taon ngunit dito tahasang binatikos ni Brocka ang sistemang lumalaganap sa hantarang paggamit ng mga kabataang nagnanais mag-artista. Ipinakita sa Stardoom ang pangarap ng bawat Pilipinong makaahon sa kahirapan at ang tanging paraan upang makamit ito ay sa pamamagitan ng pagpasok sa mundo ng pelikula. Malaki ang naitulong ng sensitibong pagganap ni Lolita Rodriguez bilang Toyang. Di rin malilimutan ang husay na ipinamalas nina Mario O'Hara sa papel ni Emong at Caridad Sanchez bilang Patchay. Sadyang malubhang sakit ng lipunan ang kahirapan at sa sumunod pang mga taon ay tinalakay ni Brocka ang suliraning ito sa mga obrang kanyang nilikha. Sa mga naunang pelikula ng direktor ay naipadama na nito ang kanyang simpatiya sa masang Pilipino. Hindi nakakapagtakang sa anggulong ito pumalaot ang mga sineng tatak-Brocka.
Istorya at Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Orlando R. Nadres
Sinematograpiya: Freddy Conde
Musika: Jose Mari Chan
Editing: Felizardo Santos
Produksiyon: LEA Productions
Ang Aguila (Bancom Audiovision Corporation, 1980) ay kuwento ng isang Pilipino, si Daniel Aguila (Fernando Poe, Jr.) na isinilang sa panahon ng di natapos na rebolusyon laban sa mga Kastila. Ang kanyang inang si Isabel (Amalia Fuentes) ay pinagsamatalahan ni Simeon (Eddie Garcia), isang ilustradong tuluyan nitong pinakasalan upang mamuhay nang maginhawa matapos mapatay ang asawa nitiong si Artemio (Dave Brodett) sa isang pag-aaklas. Minsang sinamahan ni Daniel ang amain and ilang Amerikanong opisyal sa Mindanao upang bilhin ang lupain ng tribo. Hindi ito nakisama sa gawain ng amain sa halip ay nagkipag-ugnayan si Daniel kay Farida (Andea Andolong), isang dalagang Muslim na nang kalauna'y ipinaubaya dito ang pangangalaga ng kanyang anak na si Osman (Jay Ilagan). Samantala, nadagit si Daniel sa isang labanan sa pagitan ng isang pangkat ng relihiyosong sekto at ng kanyang mga kababayan. Dito nakilala ni Daniel si Sally (Charo Santos), isang liberal na manananggol. Ilang taon matapos ang kanilang pag-iisang dibdib ay bumulusok ang ikalawang digmaang pandaigdig. Umanib si Mari (Christopher de Leon) sa United States Armed Forces In The Far East o USAFFE ngunit nadakip naman ito ng mga Hukbalahap kung saan ang kanilang pinuno ay nagnanais makianib sa pangkat ni Daniel upang palayain ang isang nayong nakalugar sa bayan. Nagtagumpay ang mga rebelde sa kanilang misyon ngunit nakialam ang USAFFE at isa-isang dinakip ang mga Hukbalahap. Sa patuloy na paghahanap ni Mari sa kanyang amang nagsimula sa Mindanao sa tulong ng muslim na si Ibrahim (Conrad Poe), hanggang sa Kabisayaan at sa Luzon. Doon natunton ni Mari si Daniel na namumuhay kasama ang mga Ita na siyang nagkandili dito. Sa dramatiko at geyograpikong tagpong ito nagtapos ang pelikula.
Kahit pabalik-balik (flashback) ang kuwento ng Aguila ay hindi ito nakakalitong sundan dahil sa maigting na ebokasyon ng lunan at panahon. Ang disenyo at sinematograpiya ay masusing pinag-isipan at mababanaag na nabigyan ito ng karampatang atensiyon. Ang kalahatang pagganap ay mahusay sa kabuaan. Sa loob ng mahigit tatlong oras ay naipahiwatig ng direktor na si Eddie Romero ang mensaheng nais nitong iparating sa mga manonod. Ang dikotomiya ng pulitika ay isang panlipunang kontradiksyong maaring idikta ng pang-araling ideyalismo. Ang Aguila ay kuwento ng paghahanap ng isang Pilipino sa kanyang sarili. Maaring radikal o konserbatibo ang pananaw sa paghahanap na ito ngunit pahapyaw lamang itong tinalakay ni Romero sa pelikula. Ang kanyang tagumpay naipamalas sa damdamin ng pelikula ukol sa pangkalahatang pananaw nito sa pulitika. Tanggapin man natin o hindi, ang Aguila ay isang obrang Pilipino, ang signipikong handog ng industriya sa isang di nakakasigurong dekada. Sa dahilang ito, nararapat lamang bigyang kunsiderasyon ng mga manonood ang ganitong uri ng pelikula upang mabigyan ng karampatang lakas ng loob ang mga manlilikhang muling sumugal sa paggawa ng mga makabuluhang pelikulang tulad nito.
Dulang Pampelikula At Direksiyon: Eddie Romero
Sinematograpiya: Mike de Leon
Musika: Ryan Cayabyab
Editing: Ben Barcelon
Disenyo: Mel Chionglo
Produksiyon: Bancom Audiovision Corporation
Ang pamagat na Kapit Sa Patalim ay hango sa kasabihang Ang taong nagigipit, kahit sa patalim kumakapit, maaring ito na lamang ang ginamit na pamagat dahilan sa ang pelikula ay kuwento ng isang taong nasadlak sa sukdulan. Sa kabilang dako, ang Bayan Ko ay maaring magbigay ng kakaibang pag-asa sa mga manonood bilang isang pagpupugay sa ating bansa. Ang Bayan Ko Kapit Sa Patalim (Malaya / Stephan Films, 1985) ay isang sensitibong pagtalakay sa katotohanan ng represyong panlipunang nagtapos sa trahedya. Si Turing Manalastas (Phillip Salvador), ang pangunahing tauhan ay manggagawa sa isang imprenta kung saan ang maybahay nitong si Luz (Gina Alajar) ay namamasukan din bilang empleyado. Sa umpisa ng pelikula ay ipinakita ang isang pagtitipon sa pagdiriwang ng anibersaryo ng kumpanya. Sa tagpong ito ipinahiwatig ang mapangahas na pagkatao ni Turing nang umakyat ito sa itaas ng gusali upang makisalo sa mas masarap na handang nakalaan lamang sa mga amo ng kumpanya. Hindi nagustuhan ng may-ari ang inasal ni Turing at pinagpilitan itong palayasin na sadyang ikinahiya ng asawang si Luz. Ang pagtitipong ito, sa halip na maging okasyon upang magkaisa ang mga may-ari at ang mga naninilbihan dito ay naging hantarang pagpapahayag ng pagkakaiba ng mga ito sa mikrokosmo ng lipunan. Ang maigting na suliranin ni Turing ay ang kumplikadong pagdadalantao ni Luz. Sinubukan itong humiram ng kaunting halaga sa sariling pamilya, ngunit gipit din ang mga ito. Ang tanging pag-asa ng mga-asawa ay lapitan ang ama ni Luz na naninirahan sa Amerika. Hindi pa rin nito napapatawad ang anak dahil sa pagiging aktibista at sa pagpapakasal sa isang mahirap. Tutol din si Luz na lapitan ang ama ngunit maari niya itong gawin kung kinakailanagan kahit alam niyang lubhang ikasasama ito ng loob ni Turing. Nang kinailangang bumale ni Turing sa trabahao , ay pinapirma ito sa isang kasulatang hundi siya maaring makisama sa alyansang binubuo ng kanyang mga kasamahan. Pumayag ito sa dahilang mahigpit ang kanyang pangangailangan. Minsang makitira sa kanilang bahay ang mga dating kaibigan habang nagpapalamig dahil sa tinutugis ang mga ito ng may kapangyarihan, lubhang ikinagalit ito ni Luz.
Isang gabi, bumisita ang mga kasamahan ni Turing sa trabaho upang himukin itong makisama sa kanilang alyansa. Inamin niyang pumirma siya ng isang kasulatang nagsasaad na hindi siya maaring sumanib sa kanilang grupo. Ipinahiwatig ni Luz na huwag nitong intindihin ang kanyang kalagayan at makianib sa mga kasamahan sa imprenta, ngunit naipangako ni Turing na hindi na niya maaring bawiin pa ang binitiwang pangako, dahil sa halagang binale nito at makakapgtrabaho pa ito bilang eskirol. Nagkaroon ng di pagkakaunawaan sa piket ng mga welgista kung saan nakaantabay ang militar. Nariyang ipadama ni Turing ang kanyang simpatiya sa mga kasamahan nang mabaril ang kanilang pinuno. Dahil sa labis na pagtanggi ng mga may-ari sa hinaing ng mga manggagawa ay isinara ng mga ito ang kumpanya at ultimong si Turing ay nawalan ng pagkakakitaan. Nang dalhin sa pagamutan Luz upang isilang ang kanilang anak ay kinailangang ilagay sa loob ng incubator ang sanggol. Kinakailangan ni Turing ang malaking halaga upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang mag-ina. Hinanap ni Turing ang dating barkada at tinanggap na nito ang alok na sumanib sa kanilang pangkat. Ang nais nilang pagnakawan ay ang may-ari ng imprentang dating pinapasukan ni Turing. Pinasok ng mga ito ang bahay at isa-isang inilabas ang mga kasangkapan nang magising si Mrs. Tan (Lorli Villanueva) at tumawag sa mga pulis. Nang dumating ang mga may kapangyarihan ay umakyat ang pangkat nian Turing sa silid at hinostage ang buong pamilya. Sa bahaging ito pumasok ang Radyo Patrol sa pangunguna ni Joe Taruc na siyang nagbibigay-ulat sa mga pangyayari. Nanawagan si Turing sa ospital upang palabasin ang kanyang mag-ina at humingi ng hustisya para sa mga dating kasamahan sa trabaho. Nang ilalabas na si Turing ng mga pulis ay tinugis ito ng dating amo sa kumpanya, binaril niya ito at si Mrs. Tan at pinaputukan naman si Turing ng mga may kapangyarihan at namatay at naratay ito sa kandungan ni Luz.
Mabigat ang tema ng pelikula. Ang mga kasong tulad nito ay palagiang nababasa sa mga pahayagan, naririnig sa radyo at napapanood sa telebisyon. Nang mabaril si Turing sa pagtatapos ng pelikula, ito rin ang pagtatapos ng kanyang mga suliranin at nagpapahiwatig ng resulta sa halintulad na mga kundisyon. Hindi matatawag na bayani o martir si Turing, isa lamang siyang biktima, na animo'y isang asong ulol na binaril. Mahusay ang kabuuang pagganap ng mga pangunahing tauhan sa pelikula. Muling pinatunayan ni Gina Alajar na isa siyang sensitibong aktres. Samantalang si Phillip Salvador ay kapuri-puri ngunit ang karakter nitong si Turing ay hindi kinakitaan ng lalim, tila isa lamang siyang tagapanood sa mga pangyayaring nagaganap sa kanyang paligid. Hindi naging hantaran ang motibo ng kanyang karakter, kadalasa'y nasa labas lamang ito ng mga kundisyong kanyang kinapalooban kahit na ito na mismo ang biktima ng lahat ng kaguluhan. Samantalang ipinakita ni Joe Taruc ang malupit na mukha ng media at ang pagkaganid nito sa mga balita ukol sa isang personal na krisis na ginagawang palatuntunang pampubliko at sa likod nito ay isang katotohanang may mga buhay at paniniwalang sinusubok at sinusubukan.
Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Jose F. Lacaba
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: Jess Santiago
Editing: George Jarlego
Disenyo: Joey Luna
Produksiyon: Malaya At Stephan Films
 |
| Playgirl |
Ang Playgirl (Regal Films, Inc.) ay isang pagsusuri ukol sa makatao o di-makataong kundisyon. Isinalarawan dito ang dalawang magkaibang uri ng pagpuputa. Pinayagan tayo ng pelikulanng pasukin at pagmatiyagan ang mag-inang puta habang ipinamumukha nito ang masalimuot nilang pamumuhay. Ang inang si Tonya (Charito Solis) ay namamasukan sa isang kasa sa maliit at masikip na kalye ng Miserecordia. Sa simula ng pelikula ay ipinakita itong nakatayo sa pinto kung saan kasama ang mga kaibigang sina Goreng (Lily Miraflor) at Luisa (Alicia Alonzo). Matanda at kulubot si Goreng na natutuhang tanggapin ang kanyang pagpuputa bilang hanapbuhay. Samantalang si Luisa ay puno ng pagkamuhi sa sarili dala ng isang nakaraang trahedya. Nang magdaan sa kanilang harapan ang isang kinse anyos na batang lalaki ay pinili nito si Tonya. Sa loob ng kuwarto ay tinanong nito si Tonya kung gaano na siya katagal sa kanyang hanapbuhay at sumagot naman ito ng Tatlumpung taon na. Ang rebelasyon ay sadyang nakakagulat. Paanong natiis ni Tonya ang magtagal sa ganitong uri ng hanapbuhay? Kung sa gobyerno ito naninilbihan ay malamang retirado na siya. Sa pagdaloy ng kuwento ay ipinahiwatig sa atin na sa murang gulang pa lamang ay naging biktima si Tonya ni Amang (Mary Walter), ang nagmamay-ari ng isang malaking kasa. Itinulak siya nito sa isang buhay ng prostitusyon at hindi na niya natutuhang makawala dito. Maari nating itanong kung bakit hindi naghanap si Tonya ng ibang pagkakakitaan.
Ipinaliwanag ng pelikula na isang patibong ang prostitusyon at nang maunawaan ito ni Tonya na ang buhay bilang puta ay isang uri ng pagkabilanggo kung saan habang buhay na ang pagkasadlak dito at hindi na makatatakas kailanman. Ang anak na si Cindy (Gina Alajar) ay isang labing anim na taong estudyante sa high school na nangarap makatakas sa labis na kahirapang pumapalibot sa kanya sa tulong ng isang radyong madalas nitong pakinggan. Tanggap ni Cindy na puta ang kanyang ina, laban man ito sa kanyang kalooban ay natutuhan na rin niya itong tanggapin. Ipinakilala si Cindy ng isang ka-klase kay Boogie (Al Tantay), isang bugaw na umakit at nagtulak sa kanya sa isang uri ng prostitusyong nagbibigay-aliw sa mga turistang Hapon sa Ermita. Ang pagbabago ni Cindy mula estudyante hanggang sa kanyang pagpuputa ay isang halimbawa ng mahusay na karakterisasyon. Sa pagtatapos ng pelikula, ipinadama ni Tonya ang pagkamuhi sa kinagisnang hanapbuhay habang patuloy ang pag-angat ni Cindy bilang isang puta sa Ermita. Madamdamin ang muling pagtatagpo ng mag-ina sa pagtatapos ng pelikula. Maaring isiping mahahalintulad din si Cindy sa kanyang ina, makalipas ang ilang taon. Ang prostitusyon bilang tema ng isang pelikula ay hindi na bago sa sineng Pilipino. Ngunit ang mga naunang pelikula tungkol dito tulad ng Beerhouse (1977) at Iwasan: Kabaret (1978) ay mga melodramatikong kuwentong may kahalong seks na ang tanging mithi ay kilitiin lamang ang mga manonood at walang ambisyong bigyan ng tugon ang suliranin ng prostitusyon. Sa Playgirl, maaring magdalawang-isip ang mga kababaihang nagpuputa kung mabibigyan sila ng pagkakataong mapapanood ang pelikulang ito.
Direksiyon: Mel Chionglo
Dulang Pampelikula: Ricardo Lee
Sinematograpiya: Rody Lacap
Musika: Max Jocson
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Benjie de Guzman
Produksiyon: Regal Films, Inc.
Release Date: January 30, 1981