
Sa gitna ng mga rumaragasang pagbabago sa multikultural na kontemporaryong reyalidad, ang mga mahahalagang pelikula ng dekada '80 ay kinasaksihan ng mga temang naglalarawan sa tagpuan at salpukan ng mga personal at panlipunang espasyo ng katawan, tahanan at kasaysayan. Dinala nito ang mga manonood sa iba't-ibang lunan ng tunggalian. Mula sa mga pribadong bahagi ng silid, kusina at tulugan tungo sa pampublikong lugar ng hacienda, poblacion, opisina at pagawaan hanggang sa mga aparato at burukrasya ng estado, nasyon at mundo. Naging matingkad ang paghamon sa mga di nakasanayang kumbensiyong may kinalaman sa seksuwalidad tulad ng nasaksihan sa mag pelikulang tumalakay ng temang incest (Kisapmata, Isla), homoseksuwalidad (Manila By Night, Mahinhin Vs. Mahinhin, T-Bird At Ako, Macho Dancer) at sa mga pelikulang bagamat nilako bilang sex-drama ay kinakitaan din ng mga sariwang naratibo at paraang lumihis sa palasak na pagsasalarawan sa katawan ng babae bilang biktima at bilang lunan lamang ng kamunduhan at kalaswaaan (Boatman, Virgin Forest, Scorpio Nights). Tampok din ang mga pelikulang humamon sa mga nakasanayan nang pormula ng pagtalakay ng mga lokal na komunidad at ang kanilang mga mitolohiya (Once Upon A Time, Mga Kuwento Ni Lola Basyang), ng mga kababaihan bilang anak, manggagawa, mangingibig, puta, rebelde at propesyonal (Miguelito Ang Batang Rebelde, Kapit Sa Patalim, Tanikala, Private Show, Sister Stella L, Working Girls), ng heteroseksuwal na pag-iibigan (Relasyon, Init Sa Magdamag, Takaw Tukso, Bilangin Ang Bituin Sa Langit) ng mga kabataan (Bilibid Boys, Bagets) at maging ng mga tauhan sa mga espisipikong bahagi ng lipunan (Himala, Batch '81).
Ang maigting na tensiyon sa pagitan ng personal na pagkabagabag at ng pulitikal na hidwaan ay nasaksihan sa mga pelikulang sumuri sa mga isyung panlipunang may kinalaman sa kahirapan, karahasan at kawalang-katarungan mula sa panahon ng diktaturya. (Bona, Angela Markado, Orapronobis). Nagkaroon din ng mga pelikulang lumabas sa balangkas na ito at nagbigay ng panibagong tekstura at hugis sa mga tauhang naisantabi (Kakabakaba Ka Ba?) at ang kanilang pakikipagtunggali sa larangan ng buhay. Makikita sa mga halimbawa ng repormulasyon ng ideolohiya, hindi lamang bilang sistema ng dominasyon, kundi bilang isang maigting na larawan ng tunggalian sa pagitan ng mga laban sa dominanteng kaayusan. Hindi lamang ito nagpapanatili ng dominanteng kaayusan, tumutugon din ito sa pangangailangang panatilihin ang kaayusan, lalo na't may mga puwersa at pagkilos na patuloy na humahamon at naglalansag sa mga istruktura ng di-pantay na kapangyarihan. Ipinakita ng mga pelikula noong dekada '80 na ang sining ng sineng Pilipino ay hindi lamang sintomas ng pananatili ng kaayusan, naglalahad din ito ng talaan ng mga popular na pagnanasa, pagkatakot, pagkabagbagmga puwersa at enerhiyang sisidlan ng pagbabago. Sa pamamagitan ng pagsasalarawan sa hugpungan ng katawan, tahanan at kasaysayan, ipinakita ng ilang pelikula na ang kundisyon ng mga posibilidad sa pagbabago ay hindi lamang mga pangyayari na magaganap pa lamang sa hinaharap, kundi ng mga permanenteng kundisyon sa kasalukuyan. At sa yugtong ito na malayu-layo na rin ang ating naratingbilang manonood sa kontemporaryong panahon, katunayan ay mahigit isang daang taon na rin tayong nanonood ng sine sa Pilipinas, nasa kamay pa rin natin, maging noon at magpahanggang ngayon ang karapatan at kapangyarihang maghawan ng landas tungo sa transpormasyon at liberasyon.
0 Comments












