Mula Sa CINEMA ONE... Isang Pasasalamat





WE AT CINEMA ONE WOULD LIKE TO EXTEND OUR HEARTFELT GRATITUDE TO THE VARIOUS GROUPS, ORGANIZATIONS AND INDIVIDUALS WHO HELPED MAKE THE "CLASSIC NA, ORIG PA" FESTIVAL A SUCCESSFUL PROJECT. WE THANK YOU FOR YOUR SUPPORT IN CINEMA ONE'S ULTIMATE GOAL TO ONCE AGAIN SHOWCASE THE BEST OF FILIPINO FILMMAKING CREATIVITY.

SALUTE TO THE CELEBRATION OF PHILIPPINE CINEMA!


Special Thanks to:

SM Cinema Management and Marketing group:Mr. Ric Camaligan, Maan Lopez, Butch Ibanez, Jayvi Donato, Nel Tiburcio, Joji Ancheta, Liezel Adonis and Mike Pajanotan

CPI Promo Department (Chitchat, Cenon, Tonio and the Cinema One promo group)

ABS-CBN PR department

Our friends in the entertainment press: Ethel Ramos, Mario Bautista, Ricky Lo and Philippine Star, Isah Red, Nestor Cuartero, Mr. Boy Abunda, Crispina Martinez-Belen, Atty. Billy Balbastro, Ricky Calderon, Bayani San Diego, Emmy Velarde, Rito Asilo, Ronald Constantino, Jet Valle, Archie de Calma, Noel Vera and Businessworld, Business Mirror, ABS-CBN Publishing, Jerome Gomez, James Ong, Gay Ace Domingo, Philip Cu-unjieng, Thelma Sioson San Juan

ABS-CBN depts and subsidiaries: ABS-CBN Creative Synergy division, ASAP '06, The Buzz, Pilipinas, Game Ka Na Ba?, TV Patrol, Studio 23 programming staff, ANC, Magandang Umaga Pilipinas, Digital Tour and Breakfast

Mr. Roger Garcia

Ruel Ferrer

Mr. Robinson Aldema, Union Bank

CCP Film Division: Ed Cabagnot and Vicky Belarmino

Brash Young Cinema

Titus Brandsma

Dennis Marasigan and Irma Adlawan

Eddie Romero

Conrad Poe

Laurice Guillen

Mary del Pilar and ABS-CBN Archive staff

Ricky Lee and the Writers' Group

Ms. Malou Santos and Star Cinema staff

Ms. Nora Aunor and Norie Sayo

Roselle Monteverde and Regal Entertainment Inc.

Mike de Leon

Amy Apiado

Alexis Tioseco

Sigfreid Barros-Sanchez and Seymour Sanchez

the various school organizations who supported the project: UP JMA, Loyola Film Circle, PSBA-JMA, UST-JMA, CSB

Prof. Grace Javier Alfonso

Jojo Devera

Kim Atienza

Susan Carag

Dolphy and Mang Rene, RVQ Films

Raul Bulaong, Melanie Fernandez, Edwin Mendoza and ABS-CBN i Post

Lifestyle Network

Myx

Hero TV

UP Film Institute

Cinema One staff: Dzong, Beng, Issa, Bebet, Giel, Yang

CPI Acquisitions: Lani de Guzman

MTRCB

Daisy Parungao

Jon Red

Topel Lee and Ninel Constantino

Philip Salvador who graced the Bona screening

John Arcilla

Liza Cornejo and her students

Jerico Catalan

the Cinemanews Alert staff headed by Erwin Amboy

Persona staff

Marion and Domi

Ed Lejano

ABS-CBN Interactive

ABS-CBN News and Public Affairs

CPI HR department headed by Ms. Budith

Mr. Ed M and CPI Finance department

Sales and Marketing department (Ms. Julie, Xtina, Audris and Lia, Francis, Emo and Joy V)

the various yahoogroups who accommodated our announcements

www.cinemaone.tv and Dennis Go

Ms. Chinky de Jesus for the moral support

and the movie audience who queued and bought tickets


Thanks again and our best regards,

CINEMA ONE
Ronald, Jingky and Marga

TUKSO... Layuan Mo Ako!


Ang Takaw Tukso (Ultravision Films, 1986) ay isang uri ng pelikulang kailanma'y hindi inaasahang magagawa ni William Pascual. Masasabing sa pelikulang ito unang kinakitaan ng pagkaseryoso ang direktor, na siya ring nagprodyus ng kauna-unahang obra ni Chito Rono (aka Sixto Kayko), ang Private Show (1986). Marahil ay nabahiran ito ng kahusayan ni Rono kung kaya't nahikayat siyang gawin ang Takaw Tukso. Nakapaloob ang kuwento sa apat na magkakaibigang nabalutan ng kanilang sariling mga pagnanasa at pakikipag-ugnayan sa isa't-isa. Malaking bahagi ng pelikula ang disenyo nito na maihahalintulad sa Scorpio Nights (1985) ni Peque Gallaga. Ang talyer ay siyang naging sentro ng istorya, sa maliit at mababang uring kapaligiran nito na sumasalungat sa pag-usbong ng naghihikahos na kontemporaryong sosyedad. Hindi sa pagpapakasal o edukasyon mababanaag ang solusyon sa suliraning pumapaimbulog sa lipunan. Ultimong pagmamahal at ang personal na kaugnayan na siyang nagbubuklod sa bawat isa ay pinasok ni Letty (Jaclyn Jose) na patuloy sa pag-iilusyon ng kanyang sariling buhay pag-ibig. Maraming tanong ang ipinahiwatig ng manunulat na si Armando Lao ngunit hindi nabigyan ng kasagutan o kadahilanan ang mga suliranin na marahil sa kanyang sariling pananaw ay walang halaga at inaasahang mabibigyan ng kredibilidad ni William Pascual bilang direktor.


Ang intensyon sa pagpapakita ng kakaibang pakikipag-relasyon ng apat na pangunahing tauhan ay kapuri-puri ngunit hindi nito tuluyang pinapasok ang mga manonood sa buhay ng magkakaibigan. Habang patuloy ang ating pag-asang bigyan ng kaukulang pansin ang apat na aktor naambunan lamang tayo ng isang sulyap, mapapansing hindi nagamit nang husto ang kamera upang ipadama ang damdamin ng bawat isa sa mga mahahalagang tagpo tulad halimbawa sa eksenang naglasing si Nestor (Julio Diaz). Naging matagumpay ang paglalahad ng mga piling tagpong ito dahilan na rin sa husay ng mga artistang nagsiganap dito. Kakaibang antas ng pagganap ang ipinamalas ni Jaclyn Jose dito. Mababanaag sa kanyang maamong mukha ang pinaghalong mga emosyon na hindi kinailangan ng dayalogo. Samantalang sa labis nitong kahusayan ay halos napag-iwanan naman si Anna Marie Gutierrez na walang makita kahit konting pagbabago sa estilo ng kanyang pag-arte, subalit malaki naman ang naitulong ni Jaclyn upang mapagbuti ang pagganap ni Julio Diaz. Hindi man maihahanay ang Takaw Tukso sa pinagpipitaganang mga pelikula ng Dekada '80, pagpapatunay naman ito na may angking kakayahang gumawa ng isang matinong obra ang direktor na si William Pascual.


Direksiyon: William Pascual
Dulang Pampelikula: Armando Lao
Sinematograpiya: Joe Tutanes
Musika: Louie Pascasio
Editing: Joe Solo
Disenyo: Dante Mendoza
Produksiyon: Ultravision Films

Mahirap Bang Maging MACHO DANCER?


Isinalaysay ng Macho Dancer (Viva Films / Special People Productions, 1989)ang kasaysayan ni Pol (Allan Paule) ang binatang hawak ni Larry (Paul Holmes), isang sundalong Amerikano. Nang malamang matatapos na ang tour of duty ng sundalo ay nahikayat si Pol na sumama kay Greg (Bobby Sano) sa Maynila upang mamasukan bilang isang macho dancer. Doon ay niyaya siya ni Noel (Daniel Fernando) na maghanapbuhay sa Mama Charlie's ang gay bar na kanyang pinapasukan. Isa-isang nakilala ni Pol ang mga lalaking nagtatarabaho doon tulad ni Dennis (William Lorenzo), kanang kamay ni Kid (Johnny Vicar), ang pulis na nangongotong sa mga bar sa palibot ng Ermita at siyang namamahala sa pagbebenta ng droga sa kanilang mga customer. Isang gabi ay nakilalani Pol si Bambi (Jaclyn Jose), isang puta na lulong din sa ipinagbabawal na gamot. Agad namang naakit si Pol sa alindog ni Bambi. Ngunit may higit na mahalagang misyon sa buhay si Noel. Nais nitong hanapin ang nawawalang kapatid na babae si Pining (Princess Punzalan). Malakas ang hinala nitong nasa isang kasa ito sa paligid. Sa tulong ni Pol, inisa-isa nila ang mga bahay aliwan sa Maynila hanggang sa matunton nila si Pining sa Chinatown. Pinagtangkaan nilang itakas si Pining sa kasa ngunit sa kasamaang palad ay natunton ni Kid si Noel at napatay ito. Matapos ibigay ni Pol kay Pining ang lahat ng naipon ni Noel, ay nagbalik na ito sa kanilang probinsiya. Sa pagnanasang maipaghiganti si Noel sa sinapit ng kaibigan sa kamay ni Kid, sinundan nito ang pulis hanggang sa mapatay niya ito. Dahilan sa labis na pagmamahal kay Bambi ay kinukumbinsi siya ni Pol na iwan ang pagpuputa at mamuhay na silang dalawa sa probinsiya, ngunit tinanggihan ni Bambi ang alok ni Pol. Sa huling pagkakataon ay muling nagsayaw si Pol sa bar, kung saan nagsimula ang lahat. Handog niya kay Noel ang kanyang huling pagtatanghal.


Animo'y dokumentaryo ang naratibo ng Macho Dancer na mariing sinundan ang pakikipagsapalaran ni Pol sa Maynila. Malaking tulong ang mahusay na dulang pampelikula nina Ricardo Lee at Amado Lacusta, Jr. Masinop din ang sinematograpiya ni Joe Tutanes. Dinala tayo ng pelikula sa maliliit na eskinita ng Ermita at mga paligid nito sa pamamagitan ng disenyo ni Benjie de Guzman. Tulad sa naunang mga obra ni direktor Lino Brocka, tinalakay ng Macho Dancer ang isyu ng kahirapang nanunuot sa ating lipunan. Ang pansamantalang solusyon sa suliraning ito ay ang pagbebenta ng sariling katawan. Maigting itong naipahayag sa kabuuan ng pelikula. Hindi matatawaran ang husay ni Jaclyn Jose bilang Bambi, gayundin si Daniel Fernando sa kanyang pagganap sa papel ni Noel. Ngunit nararapat papurihan si Allan Paule bilang Pol. Kinakitaan ng angking talino sa pagganap si Allan sa pelikula. Sa karakter na si Pol umiikot ang istorya ng Macho Dancer at naging matagumpay ito sa paglalahad ng kanyang papel. Masusing ginabayan ni Lino Brocka ang kanyang pagganap kaya higit itong naging epektibo sa bawat eksena kung saan kinakailangan nitong ipahayag ang matinding emosyon. Samantalang hindi rin nagpahuli ang baguhang si William Lorenzo. hindi lamang sa pisikal na kaanyuan kundi pati na rin sa pag-arte ay kinakitaan ng kahusayan ang aktor. Hindi man maihahanay ang Macho Dancer sa mga pinagpipitagang obra ni direktor Lino Brocka ay masasabing nakahihigit pa rin ito sa pangkaraniwang pelikulang ating napapanood.

Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Ricardo Lee At Amado Lacuesta, Jr.
Sinematograpiya: Joe Tutanes
Editing: Ruben Natividad
Musika: Mon del Rosario
Disenyo: Benjie de Guzman
Produksiyon: Viva Films At Special People Productions

Mahilig Ka Ba Sa TSISMIS?

Totoo Ba Ang Tsismis?

Sa kauna-unahang pagkakataon ay pinagsama sa isang pelikula sina Nora Aunor at Gabby Concepcion sa Totoo Ba Ang Tsismis? (Regal Films, Inc.) ni Maryo J. de los Reyes. Punung-puno mga nakakatuwang tagpo ang pelikula mula umpisa hanggang katapusan. Kapwa nagtatrabaho bilang mga nars sa psychiatric ward ng ospital na kanilang pinapasukan sina Cora Afable (Nora Aunor) at ang matalik nitong kaibigang si Baby (Louella). Isang gabing papauwi ang dalawa ay nasaksihan nila ang isang aksidente kung saan nabangga ang minamanehong kotse ni Gabriel Araneta (Gabby Concepcion), nag-iisang anak ng mayamang negosyante (Johnny Wilson). Samantala, sa pagnanais na hindi matuloy ang pagpasok sa isang iskuwelahan pang-militar, nagkunwaring baliw si Gabby at si Cora ang naatasang maging tagapag-alaga nito. Naniniwala si Cora na nagkukunwaring baliw lamang si Gabby, hanggang sa pagtangkaan siyang pagsamantalahan nito. Dito naging lubos ang paniniwala ni Cora sa pagpapanggap ni Gabby. Ginawa nitong miserable ang buhay ng binata hanggang sa ito na mismo ang magdesisyong lumabas ng ospital. Hindi pa rin nawawala ang kagustuhan ni Gabby na makaganti kay Cora kung kaya't pilit itong dinala sa rest house ng isang kabarkada at doon ay tuluyang pinagsamantalahan ni Gabby si Cora. Di man aminin, unti-unting nahuhulog ang loob ni Gabby sa dalaga. Ngunit kahit inihain ng binata ang kanyang damdamin at ang pagnanais na panagutan ang pagkakasalang nagawa dito ay nagsamapa pa rin ito ng kaso laban sa kanya. Sa labis na kabagalan sa proseso sa paglilitis ng kaso ay inabot na ng panganganak si Cora at nang makita ang pag-aasikasong ginawa ni Gabby ay napatawad niya ito at tuluyan nang nagpakasal ang dalawa.

Maaring simple lamang ang naratibo ng pelikula na ang tanging hangarin ay makapagdulot lamang ng aliw sa mga manonood. Ngunit malaki ang kaibahan nito sa mga komedyang madalas nating napapanood. Mapapansing pinagtuunan ng pansin ang pag-usbong ng di karaniwang pagtitinginan nina Cora at Gabby. Epektibo itong ipinakita ng dulang pampelikula ni Jake Tordesillas. May natatagong kahusayan si direktor Maryo J. de los Reyes sa paglikha ng ganitong uri ng mga pelikula. Natatangi din ang pagganap ni Nora Aunor dito na kadalasa'y hindi nabibigyan ng kaukulang pansin dahilan sa komedya ang pelikula. Sadyang nakakatuwa ang kanyang mga tagpo kasama si Louella. Di malilimutan ang eksena sa kotse habang sinusumbatan nito si Gabby. Higit na mahusay si Nora habang iniimbestigahan sa istayon ng pulis at nang tanungin ng Hepe (Balot) kung birhen pa ito, sinagot naman niya ng "Tao lang po ako... hindi ako birhen!" Kapansin-pansin din ang suportang ipinamalas nina Chichay, Roderick Paulate, Ricky Davao, Maya Valdez at Johnny Wilson. Hindi maitatangging pinag-isipan ng mga bumuo nito ang Totoo Ba Ang Tsismis? Bukod sa orihinal ang konsepto at naratibo ng pelikula, kinakitaan pa ito ng kakaibang uri ng komedyang hindi bastos, bulgar at nakakainsulto sa manonood. Nararapat lamang papurihan si direktor Maryo J. de los Reyes sa matagumpay niyang paglikha ng mga uri ng komedyang tunay na nakakpagdulot ng pansumandaling kaligayahan sa mga manonood ng Pelikulang Pilipino.

Direksiyon: Maryo J. de los Reyes
Dulang Pampelikula: Jake Tordesillas
Sinematograpiya: Jose Batac, Jr.
Editing: Rogelio Salvador
Musika: Hotdog
Disenyo: Fiel Zabat
Produksiyon: Regal Films , Inc.

Release Date: March 26, 1981
Totoo Ba Ang Tsismis?  theme song perfomed by Charing

Ikaw Ba Ay SINNER OR SAINT?


Ipinahihiwatig ng mga pagtatanghal sa buhay ni Dina (Claudia Zobel), isang babae na hindi maibukod ng simpleng tuwid na linya ang itim at puti sa kalooban ng tao. Na madaling maamin ang pagkukulang lalo na't kasangkot ang sariling kaligayahan. Ang salimuot ng tao sa pagharap sa maigting na dilema ang nagsulong sa naratibong inilatag ng Sinner Or Saint (Regal Films, Inc.). Hanggang kailan makakaya ng isip ni Dina na maiwaksi ang kanyang kalibugan sa asawang si Fred (Patrick de la Rosa)? Hanggang saan niya maipapaloob ang pagnanasang nagbabantang wumasak sa sarili? Dumadaloy ang pagsasapelikula sa konteksto ng pagkahirati ni Dina sa seks. Marami ang hindi maganda ang tingin sa kanya. Ngunit ang malibog na babae ay siya ring butihing ina at malambing na asawa. Hindi makayang gampanan ni Dina ang kanyang papel bilang asawa at ina nang may dangal at pang-unawa. Ginamit niya ang kanyang katawan bilang imabakan ng kapangyarihan at nasa ng lalaki. Sa Maynila, nakikilala niya si Albert (Ricky Davao), estudyante sa araw, call boy sa gabi. Kampante sa kanyang pagkababae si Dina. Hanggang sa mapailalaim siya sa dominasyon ni JJ (Raffy Bonanza) kaya nasira maging ang kanyang disposisyon ngunit wala siyang magawa. At sa pamuling pagkakataon, nagbalik sa pagiging ina ang esensiya ng kanyang pagkatao. Ang mga susunod na mga eksena ay dramatikong komprontasyon ng paggiit ng dominasyon. At nagaganap ito sa loob ng isang kuwarto. Upang madiin ang nakasanayang pagdomina ay binaril ni JJ si Dina.

Minamapa ng Sinner Or Saint sa heograpiya ng katawan ng babae ang pinag-aagawang lunsaran ng nasa ng babae sa personal at sekswal na awtonomiya na sabayang bumabangga at umaagapay sa layon ng lalaki. Dumanas si Dina ng isang serye ng limitadong kabatiran tungkol sa kanyang sarili at kanyang lugar sa mas malawak na arena ng pakikisangkot. Sinasalungat ng pelikula ang imahe ng tahanan, pamilya at pagkaina kung saan nanatiling nukleyar ang pamilya ngunit laging may gusot at nasa bingit ng pagsabog at pagsuko. Hindi isang kardbord na tauhan ang karakterisasyon kay Dina na sumasalamin sa di pagiging monolitiko ng babaeng flaneur. Gayunpaman, naipaloob siya sa limitadong hangganan ng kanyang mundo. Ang apolitikal na bampira na kumikilos ng horisontal ay nanatiling bampira, pinatay sa dulo ng kanyang paglalakbay sa lungsod dahil sa bigat at gunita ng kanyang pagliliwaliw. Katumbas ng kamatayan ng pangunahing tauhan ang kamatayan mismo ng babae na biktima ng ispontayong reaksiyon ng lalaking nagnasa sa kanyang katawan. Madilim ang buhay ni Dina, walang sigurado sa bawat hakbang maliban, kung pakasusuriin, sa kamatayan.

Direksiyon: Mel Chionglo
Dulang Pampelikula: Ricardo Lee
Sinematograpiya: Pedro Manding, Jr.
Musika: Max Jocson
Editing: Rogelio Salvador
Disenyo: Benjie de Guzman
Produksiyon: Regal Films, Inc.

Release Date: March 1, 1984

Tawag Ng Laman... Pagnanasang KARNAL


Ang Karnal ni direktor Marilou Diaz Abaya (Cine Suerte, Inc.,1983) ay hango sa isang maikling kuwentong halaw sa Mr. & Ms. Magazine at akda ni Teresita Anover-Rodriguez. Nagsimula ang Karnal sa pagdating ng mag-asawang Narsing (Phillip Salvador) at Puring (Cecille Castillo) sa bayan ng Mulawin, isang simple at maliit na bayang nasasaklawan ng malawak na bukirin. Nagbalik si Narsing sa kanyang pamilya at nang ipakilala nito si Puring sa kanyang amang si Gusting (Vic Silayan) ang naging tanging reaksiyon nito ay ang malaking pagkakahawig ng manugang sa kanyang yumaong maybahay na kumitil sa sariling buhay dala ng labis na kahihiyan matapos ilantad ng asawa sa buong bayan ang pagtataksil at pakiki-apid nito sa ibang lalaki. Habang nagtatarabaho si Narsing sa kapitolyo, madalas maiwanang nag-iisa si Puring sa bahay habang unti-unting binabalikan si Gusting ng alaala ng kanyang yumaong asawa. May isang pagkakataong pinasuot nito kay Puring ang damit ng kanayang asawa, nabighani sa nakita at nagtangkang pagsamantalahan ang manugang ngunit napigilan nang makita ng anak na si Doray (Grace Amilbangsa). Naging biktima ang kanyang asawa, anak na babae at manugang ng pagka-dominante ni Gusting kung saan binantayan nito ang bawat kilos ni Puring. Sa wari nito ay tila siya bilanggo kung kaya't nagsimula siyang lumabas ng bahay at nakipagkaibigan sa mga taga-Mulawin na wala naman kahit kaunting simpatiya sa kanya. Natagpuan ni Puring kay Gorio (Joel Torre), isang pipi at bingi ang isang tunay na makakaunawa sa kanyang kalagayan. Naramdaman nito ang pangangailangang emosyonal na hindi maibigay ni Narsing. Nang abutin ng dilim si Puring sa kubo ni Gorio ay kinaladkad ito ni Gusting at ipinamuka nito sa nak ang hantarang pagtataksil sa kanya ng asawa. Ngunit hindi tulad ng inaasahan ng ama ang naging reaksiyon ni Narsing sa mga pangyayari kundi sa lahat ng kahayupang sinapit nilang lahat sa kamay ni Gusting. Nagkasunud-sunod ang mga nangyaring kamalasan at nakakakilabot na mga insidente. Matapos mapatay ni Narsing ang ama, ang kanyang pagpapakamatay sa bilangguan at ang paglilibing ng buhay ni Puring sa kanyang sanggol na ayon sa taumbayan ay anak ng demonyo, naghiwalay ng landas ang natitirang miyembro ng pamilya. Nagbalik si Puring sa siyudad at sa mga dating gawain nito, samantalang binalkikan ni Doray si Jose, ang kanyang tunay na minamahal kung saan pinalad siyang magkaroon ng isang anak na babae (Charito Solis) na siyang nagkuwento ng dula at naghayag ng mga pangyayari sa buhay ng kanyang mga kaanak sa Mulawin.


Ang lahat ng ito ay matagumpay na naipakita ni direktor Marilou Diaz Abaya at ng kanyang manunulat na si Ricardo Lee. Mahusay ang aspetong teknikal ng Karnal. Mula sa masining na sinematograpiya ni Manolo Abaya at ang kapuri-puring disenyong pamproduksiyon ni Fiel Zabat. Samantalang malaki ang naitulong ng musika ni Ryan Cayabyab upang ipadama ang damdamin ng bawat eksena. Gayundin ang hindi matatawarang edting ni Marc Tarnate. Ngunit maliit na bahagi lamang ito ng kabuuan ng pelikula. Higit na nararapat bigyang pansin ang pagganap ng mga aktor sa Karnal. Sa pangunguna ni Phillip Salvador bilang Narsing sa isa sa kanyang pinakasensitibong papel na ginampanan sa kanyang buong karera bilang aktor. Napakahusay ni Phillip sa tagpong humihingi siya ng tawad sa puntod ng amang kanyang pinaslang. Pinaghalong poot at pagkamuhi sa sarili ang kanyang ipinadama sa eksena. Hindi naman nagkamali ang mga kritiko nang bigyang puri nila si Cecille Castillo sa Cain At Abel (1982) ni Lino Brocka na muling pinatunayang malalampasan pa ang talinong ipinamalas sa naunang pelikula. Sa tulong ng kanyang direktor ay higit na pinagtibay ni Cecille ang kanyang pagganap bilang Puring na siyang sentro ng Karnal. Mababanaag sa kanyang maamong mukha ang nararamdaman habang tahimik na inoobserbahan ang mga tao sa kanyang paligid. Patunay ito nga kanyang angking kahusayan sa pag-arte. Nariyan din ang mahusay na suportang ipinamalas nina Grace Amilbangsa sa papel ni Doray at Joel Torre bilang Gorio. Ngunit hindi matatawaran ang pagganap ni Charito Solis na kung tutuusin ay siya lamang tagapagsalaysay ng kuwento. Ating naramdaman sa kanyang boses ang pangamba habang nagkukuwento ng pangyayaring may mapait na hangganan, ang takot sa bawat pagkakataong binabanggit si Gusting at awa sa pinagdaanan nina Narsing, Puring at Doray. Sa bahaging ito naging lubos ang kahusayan ni Charito Solis. Malaking bahagi ang kanyang karakter ng naratibo. Hindi mabubuo at magiging kapani-paniwala ang mga kaganapan sa Mulawin kung wala ang tagapagsalaysay. Sa lahat ng aspetong ito isang tunay na klasiko ng pelikulang Pilipino ang Karnal.


Direksiyon: Marilou Diaz Abaya
Dulang Pampelikula: Ricardo Lee
Sinematograpiya: Manolo Abaya
Musika: Ryan Cayabyab
Editing: Marc Tarnate
Disenyo: Fiel Zabat
Produksiyon: Cine Suerte, Inc.


Maaring mabili ang DVD ng Karnal dito.

Bukas Ang KASAL?




Sa kauna-unahang obra ni Laurice Guillen, kinakitaan na ito ng di mapipintong kahusayan sa paggawa ng pelikula. Mababanaag ito sa umpisa pa lamang ng Kasal? (Trigon Cinema Arts, 1980). Ang lahat ng aspetong teknikal ng pelikula ay kapuri-puri, tanging ang dulang pampelikula lamang ang kakikitaan ng kaunting kahinaan. Kung tutuusin, isa si Mario O'Hara sa mga pinakamuhusay na direktor, manunulat at aktor sa industriya. Mapapansing, maayos ang paglalahad ng istorya sa umpisa ngunit tila napabayaan na ito hanggang sa katapusan ng pelikula. Nagsimula ang Kasal? sa araw bago ang pag-iisang dibdib nina Grace (Hilda Koronel) at Joel (Christopher de Leon). Nalaman natin na kapwa may ibang minamahal ang dalawa. Si Grace ay umiibig kay Ernesto (Jay Ilagan) at asawa ang kapatid nitong si Ellen (Mia Gutierrez). Samantalang si Joel naman ay nagmamahal pa rin kay Lani (Chanda Romero) na isang call girl na binayaran ng kanyang ama (Johnny Wilson) upang iwan nito ang anak. Nakipagkita sina Grace at Joel sa mga tunay nilang pag-ibig nang gabi bago sila ikasal. Ang katanungan kung itutuloy pa ba ng dalaw ang kasal kahit hindi nila minamahal ang isa't-isa?

Dalawang bagay ang naging malaking butas ng iskrip. Una, nakakapagtaka naman na sa dinami-dami ng mga call girls sa kalakhang Maynila ay si Lani pa ang mapipili na maging regalo kay Joel para sa tradisyonal na despedida de soltero. Ikalawa, imposibleng matapos ng ilang taong pagtitiis sa piling ni Ellen na sa dinami-dami ng araw ay pipiliin ni Ernesto ang gabi bago ikasal si Grace upang ipahiwating ang tunay nitong damdamin.. Samakatuwid hindi kapani-paniwala ang naging pagtatapos ng pelikula. Hindi ipinakita sa dula ang relasyon nina Grace at Joel. Gaano ba nila kamahal ang isa't-isa? Bakit may isang tagpo habang nakasakay sila sa kotse ay sinasabi ni Joel kay Grace ang ilang mga simpleng bagay tungkol sa kanya, gayong hindi ba dapat alam na ang mga ito ng dalawang taong malapit nang ikasal? Hindi rin naipaliwanang ang lalim ng pagmamahalang namumuo sa kanila o kahit ang respeto sa tradisyong panlipunan, kung kaya't ang desisyon nina Grace at Joel ay isang malaking kalokohan. Responsibilidad ng isang direktor ang posisyon ng kamera, istruktura ng pelikula at ang pagganap ng mga aktor. Sa mga aspetong ito ay naging matagumpay si Guillen. Mahusay ang sinematograpiya ni Ricardo Remias, orihinal at kakaiba. Nararapat itong papurihan dahil sa masining na pag-iilaw at kompoksisyon ng bawat eksena ngunit ang direktor pa rin ang nagdedesiyon kung saan nakaposisyon ang kamera. Ang istruktura ng pelikula ay nararapat papurihan. Karaniwa'y nakakalito ang mga tagpong may flashback ngunit naipakita ito ni Guillen sa paraang hindi nakakalito sa mga manonood. Naging epektibio ang paggamit nito dahil kung susuriin, nag pelikula ay hindi tungkol sa kasalukuyan, kundi sa koneksiyon nito sa nakaraan.

Sa kanyang paghawak sa mga aktor inilaan ni Guillen ang kanyang buong atensiyon. Napapalibutan ng mahuhusay na pagganap ang Kasal? Tulad ng inaasahan, muling pinatunayan ni Hilda Koronel na isa siya sa mga pinagpipitaganang aktres ng kanyang panahon, ngunit ang isang baguhang tulad ni Mia Gutierrez ay kinakitaan din ng ibayong talino sa pag-arte. Samantalang sa pelikulang ito naipakita ni Christopher de Leon na hindi mapapantayan ninuman ang kanyang kahusayan, ngunit hindi nagpahuli si Jay Ilagan na naghatid ng di malilimutang pagganap. Wala namang itulak kabigin sa husay ni Chanda Romero. Tulad ng ipinamalas ni Maryo J. de los Reyes sa High School Circa '65 (1979), na isinalba ng mahusay nitong direksiyon at Marilou Diaz Abaya sa Tanikala (1980) na may maproblemang iskrip ngunit nararapat papurihan dahil sa talinong ipinamalas ng direktor, sa Kasal? pinatunayan ni Laurice Guillen na kahit maraming kahinaan ang dula na kanyang isinasalaysay, napagtakpan ang mga ito ng ibang aspeto ng pelikulang higit niyang pinagtibay upang makapagdulot ng isang makabuluhang pelikula.

Direksiyon: Laurice Guillen
Dulang Pampelikula: Mario O'Hara
Sinematograpiya: Ricardo Remias
Musika: Jun Latonio
Edting: Efren Jarlego
Disenyo: Mel Chionglo
Produksiyon: Trigon Cinema Arts

Ama Mo... Ama Ko


Ngayon ay isang natatanging araw para sa mga Ama. Bagamat hindi perpektong imahe ang isinalarawan ng sumusunod na aktor sa kanilang natatanging pagganap bilang iba't-ibang uri ng Ama sa mga pelikulang kinabilangan, hindi maitatangging sinasalamin ng mga katauhang ito ang Ama mo... Ama ko.

Si Mario Montenegro sa ITIM (Cinema Artists, Inc., 1976) Direksiyon: Mike de Leon

Si Nestor de Villa sa SAAN DARATING ANG UMAGA? (VIVA Films, 1983) Direksiyon: Maryo J. de los Reyes

Si Eddie Gutierrez sa PAANO KUNG WALA KA NA? (Regal Films, 1987) Direksiyon: Mel Chionglo

Si Tirso Cruz III sa BILANGIN ANG BITUIN SA LANGIT (Regal Films, 1989) Direksiyon: Elwood Perez

Si Christopher de Leon sa MAGING AKIN KA LAMANG (VIVA Films, 1987) Direksiyon: Lino Brocka

Si Phillip Salvador sa CAIN AT ABEL (Cine Suerte, Inc., 1982) Direksiyon: Lino Brocka

Si Eddie Garcia sa TUBOG SA GINTO (LEA Productions, 1971) Direksiyon: Lino Brocka

Si Vic Silayan sa KISAPMATA (Bancom Audiovision Corporation, 1981) Direksiyon: Mike de Leon

At si Dolphy sa ANG TATAY KONG NANAY (Lotus Films, 1978) Direksiyon: Lino Brocka

Handog para sa lahat ng Tatay...

Naniniwala Ka Ba Sa SWERTI?


Karaniwan sa pelikulang Pilipino ang paglikha ng isang uri ng sineng ang tanging hangarin ay makapagbigay lamang ng panandaliang aliw sa mga manonood. Sa mga pelikulang tulad ng Waray-Waray (LVN Pictures,1954 ) napanood natin ang pagsasama ng mga aspetong komedya at musikal. Matagumpay na binuhay ni direktor Maryo J. de los Reyes ang ganyang uri ng pelikula sa Annie Batungbakal (NV Productions, 1979), Bongga Ka 'Day! (Associated Entertainment Corporation, 1980) at Ibalik Ang Swerti! (NV Productions, 1981). Halaw ang pamagat ng pelikula sa isang pamosong linyang pinasikat ni Estong sa isang pantelebisyong komersiyal para sa Interbank. Ang Ibalik Ang Swerti ay patungkol sa magkaibigang Becky (Nora Aunor) at Jojie (Louella) na kapwa nagtatrabaho bilang bank teller. Nang mapagnakawan ang bangko na kanilang pinapasukan, napagdesisyunan ng dalawa na sila ang huhuli sa magnanakaw, sa dahilang nais nilang bumalik ang suwerteng nawala sa kanila. Tulad ng sinabi ni Becky, nanakawan nila ang magnanakaw. Lingid sa kanilang kaalaman, kinuha ni Diosdado Padilla kanilang Bank Manager (Johnny Wilson) ang serbisyo ng mga Private Detectives na sina Abanya at Legarda (The Reycards) upang imbestigahan ang naganap na nakawan sa kanilang bangko. Sa paulit-ulit na pagtatagpo ng kanilang mga landas, napagdesisyunan ng apat na pagtulungan na lamang nila upang mahuli ang magnanakaw na si Nunal. Nariyan ang pumasok sila bilang mga stage performers sa Cine Suerte kung saan unang nakadaupang-palad ni Becky ang magnanakaw. Sa gitna ng mga pangyayaring pumapaimbulog sa kuwento ng Ibalik Ang Swerti! ay ang masasayang tagpo ng awitan at sayawan na kung bibigyang pansin ay may kinalaman sa bawat temang nais tahakin ng kuwento nina Jake Tordesillas at Ipe Pelino.

Malaki ang naging ambag ng direktor na si Maryo J. de los Reyes sa tagumpay ng pelikula bilang isang komedya. Sa tulong ng masusing edting ni Edgardo Vinarao naging eksakto ang timpla ng mga nakakatuwang eksena. Ngunit ang nagbigay ng pinakamalaking kontribusyon sa Ibalik Ang Swerti! ay ang pagsasama nina Nora Aunor at Louella bilang Becky at Jojie. Kapansin-pansin ang bigayan ng dalawa sa bawat nakakatuwang sitwasyong kanilang kinapapalooban. Marami ang nagsasabing ang talento ni Nora sa komedya ang malaking pagkakaiba nito sa karibal na si Vilma Santos. Marahil ay naging malaking tulong ang mga pagkakataong nakatrabaho ni Nora ang ilan sa mga institusyon sa paglikha ng pelikulang komedya tulad nina F.H. Constantino (Relaks Lang Mama... Sagot Kita! LEA Productions, 1976), Ading Fernando (Kaming Matatapang Ang Apog! RVQ Productions, 1975) at Luciano B. Carlos (Batu-Bato Sa Langit (NV Productions, 1975) na humubog ng kanyang kahusayan sa komedya. Hindi nakakagulat na maari din itong makipagsabayan kay Vilma pagdating sa pagsasayaw na nakita natin sa mga naunang pelikulang pinagsamahan nila ni Maryo J. de los Reyes. Hindi rin matatawaran ang ipinamalas na galing sa pagpapatawa nina Louella at ng magkapatid na Reycards. Pinaghalong komedya at musikal... tunay na nakakaaliw at nakakabaliw ang Ibalik Ang Swerti!

Direksiyon: Maryo J. de los Reyes
Dulang Pampelikula: Jake Tordesillas At Ipe Pelino
Sinematograpiya: Jose Batac, Jr.
Musika: Hotdog
Editing: Edgardo Vinarao
Disenyo: Fiel Zabat
Produksiyon: NV Productions

NORA At VILMA... Ang RELASYON Ng HIMALA


Taong 1982. Kapwa lumikha ng ingay ang dalawang obra ni Ishmael Bernal. Kalagitnaaan ng taon nang ipalabas ang pelikulang Relasyon (Regal Films, Inc.) na pinangungunahan nina Vilma Santos at Christopher de Leon. Itinampok sa Relasyon ang buhay ni Marilou (Santos), ang kabit ni Emil (De Leon). Kadalasa'y kontrabida ang labas ng mga kerida sa pelikula na ginagampanan noon nina Milagros Naval, Carol Varga, Bella Flores at Zeny Zabala. Kakaiba ito sa imaheng  ipinakita sa Relasyon. Hindi maiiwasang magkaroon ng simpatiya ang manonood sa mga pangyayari sa buhay ni Marilou. Galing sa mabuting pamilya, may mayos at matinong hanapbuhay ngunit nadarang ng labis na pagmamahal kay Emil. Ang mabusising paglalahad nito ang buod ng iskrip nina Ricardo Lee, Raquel Villavicencio at Ishmael Bernal na binigyang buhay ni Vilma Santos. Ikinagulat ng marami ang eksperimentong ito ni Bernal. Hindi bago ang materyal na kanyang tinalakay. Kung susuriin, naipakita na ni Bernal ang larawang ito sa Dalawang Pugad, Isang Ibon (LEA Productions, 1977), pero sa Relasyon lamang nabigyang diin ang mga suliraning pahapyaw na tinukoy sa naunang pelikula. Si Vilma Santos din ang gumanap sa pangunahing papel ng dalawang pelikula. Limang taon ang pagitan sa paggawa ng mga nabanggit na pelikula at higit na kinakitaaan ng malaking pagbabago ang estilo ng pagganap ni Vilma sa Dalawang Pugad, Isang Ibon. Mapapansing inalalayan ng husto ni Bernal ang aktres sa pelikula na di natin nasaksihan sa kanilang muling pagsasama sa Relasyon. Tila pinakawalan lamang ng direktor si Vilma sa mga dramatikong tagpo sa pelikula. Nakakabinging pagsigaw at  nakakapagod na pandidilat ng mga mata ang ating nasaksihan, malayo sa talinong ipinamalas niya sa Dalawang Pugad, Isang Ibon.

Samantala, sa taunang Pista ng Pelikulang Pilipino tuwing kapaskuhan, naging saksi tayo sa pagyanig ng pelikulang Himala ni Ishmael Bernal. Nang manalo ang iskrip ni Ricardo Lee sa isang patimpalak ng bagong tatag na Experimental Cinema Of The Philippines, nagpasiya ang direktor at manunulat na walang ibang maaring gumanap sa papel ni Elsa kundi si Nora Aunor. Kakaiba sa karaniwang klase ng pelikulang ginagawa ni Bernal ang Himala. Maari itong ihalintulad sa enigmatikong Nunal Sa Tubig (Crown Seven Films, 1976). Tinalakay sa pelikula ang isyu ng relihiyon at ang epekto nito sa isang maillit na baryo. Nasaksihan natin sa malaking telon ang pagyabong ng Baryo Cupang, isang maliit at tahimik na lugar dahil sa pagkalat ng balita ukol sa panggagamot ni Elsa. Napanood natin ang ginawang pangangalakal ng mga negosyante at pagnanais na pagkakitaan ang milagro. Iba't-ibang aktor mula sa entablado at radyo ang kasama ni Nora sa pelikula. Kung tutuusin, siya lamang ang malaking bituin sa Himala. Ngunit habang pinapanood natin ang pelikula, hindi si Nora ang nakita natin sa iskrin, kundi si Elsa. Higit na lumutang ang lalim ng karakter na kanyang ginampanan. Pinagtibay ito sa pinagtagni-tagning tagpo kung saan nagpamalas ng pambihirang galing sa pagganap ang aktres. Sa simula pa lamang  ng pelikula nang masaksihan ni Elsa ang aparisyon ng Mahal Na Birhen hanggang sa kanyang pagpapahayag na Walang Himala! tinutukan natin ang mga pangyayari sa buhay ni Elsa at ng mga mamamayan sa Baryo Cupang sa loob ng dalawang oras na inilagi natin sa loob ng madilim na sinehan.

1986, ilang buwan matapos ang Rebolusyon sa EDSA, sa ilalim ng administrasyong Aquino nagkaroon ng pagkakataon ang Writer's Studio, isang pangkat ng mga baguhang manunulat sa pamumuno ni Ricky Lee na maitanghal sa kauna-unahang pagkakataon ang buong bersiyon ng Manila By Night na ginanap sa Tanghalang Aurelio V. Tolentino ng Cultural Center Of The Philippines. Panauhin namin ng gabing iyon si direktor Ishmael Bernal. Matapos ang pagtatanghal tumuloy ang grupo sa Music Box para magpalipas oras at doon ay kinorner ko si Direk Ishma at nangahas akong hingin ang kanyang opinyon kung sino kina Nora at Vilma ang karapat-dapat magwagi ng parangal sa larangan ng pagganap noong 1982. Mabilis niyang sagot na si Nora ang mas mahusay dahil mahirap ang role ni Elsa. Kailangan nito ng malalim at matalinong pag-unawa sa katauhan ng karakter na gagampanan. Sinabi din niyang hindi pa handa ang manonood ng pelikulang Pilipino sa isang sineng tulad ng Himala at sa paglipas ng maraming taon lamang ito mabibigyan ng kaukulang pansin. Ngayon ko naisip na tama nga si Direk. Hindi siya nagkamali, sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang mga papuri at pag-aaral sa husay na ipinamalas ni Nora Aunor sa papel ni Elsa sa Himala. Nariyan ang disertasyon ni Nefertiri X.M. Tadiar sa kanyang The Noranian Imaginary. Gayundin si Joel David sa Performances For The Ages na nagbigay pugay sa galing ng pagganap ni Nora. Marami ang nagsasabing hindi na malalampasan pa ni Nora ang husay na ipinamalas niya sa pelikula, maaring may katotohanan ito. Patunay lamang na makaraan ang dalawampu't apat na taon, pinag-uusapan at sinusuri pa rin ang klase ng pag-arteng ipinamalas ni Nora Aunor sa Himala. At iyan ang nag-iisang katotohanan.

Si HILDA KORONEL... Aktres

Maituturing na isa sa pinakamahuhusay na aktres ng Dekada '70 at '80 si Hilda Koronel. Sa mga mapanghamong papel na kanyang ginampanan, sinalamin niya ang buhay ng halos lahat ng kababaihan sa lipunang Pilipino. Sumailalim si Hilda sa mga kamay ng ilan sa pinagpipitaganang direktor ng Pelikulang Pilipno, at sa kanilang masusing paggabay ay kinakitaan natin siya ng ibayong husay sa pagganap. Isang tunay na alagad ng sining si Hilda Koronel na nararapat lamang papurihan dahilan kanyang malaking ambag sa industriya ng pelikula.

Sa mga sumusunod na obra natin nasilayan ang iba't-ibang larawan ng buhay Pilipino.

Babangon Ako't Dudurugin Kita (Viva Films, 1989) Direksiyon: Lino Brocka

Working Girls (Viva Films, 1984) Direksiyon: Ishmael Bernal

Sakada (Sagisag Films, 1975) Direksiyon: Behn Cervantes

Sana, Bukas Pa Ang Kahapon (Viva Films, 1983) Direksiyon: Romy V. Suzara

PX (Trigon Cinema Arts, 1982) Direksiyon: Lino Brocka

Kung Mahawi Man Ang Ulap (Viva Films, 1984) Direksiyon: Laurice Guillen

Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanang (Cinema Artists Philippines, 1975) Direksiyon: Lino Brocka

Angela Markado (Four Seasons Films, International, 1980) Direksiyon: Lino Brocka

Kung Mangarap Ka't Magising (LVN Pictures, Inc., 1977) Direksiyon: Mike de Leon

At Insiang (Cinemanila Inc., 1976) Direksiyon: Lino Brocka

PAHIRAM NG ISANG UMAGA At Ang Simbulo Ng Pag-Asa


Bihira ang pagkakataong makapanood tayo ng isang madamdaming pelikulang susubok sa ating pagnanasang matunghayan ang isang intelektuwal na panooring tulad ng pinatunayan ni direktor Ishmael Bernal sa Pahiram Ng Isang Umaga (Regal Films, 1989). Kanyang natagpuan ang isang materyal na hitik sa sustansiyang taliwas sa nakasanayang melodramatikong paglalahad ng karaniwang pelikulang ipinapakain sa atin ng mga prodyuser. Epektibo ang Pahiram Ng Isang Umaga bilang isang tuwirang dramatikong pelikula naglalahad ng suliranin ng mga taong pumapasailaim sa isang krisis. Sa paggamit ng tradisyonal na pamamaraaan ukol sa tema ng kamatayan, si Bernal at ang manunulat nitong si Jose Javier Reyes ay sumilip sa buhay ng isang babaeng nalalapit na sa kanyang huling hantungan. Napag-alaman ni Juliet (Vilma Santos) mula sa kanyang doktor na mayroon siyang pito hanggang walong buwang palugit sa kanyang buhay at ninais nitong isaayos ang mga suliraning bumabalot sa kanyang buong pagkatao sa loob ng maikling panahong ilalagi niya sa mundo. Lahat ng emosyonal at sikolohikal na kundisyon ng isang taong nabubuhay na lamang sa hiram na panahon ay tahasang ipinakita ni Bernal sa mga manonood. 


Mababanaag dito ang iba't-ibang simbulo ng pumapaimbulog sa konsepto ng kamatayan. Kadalasa'y naangkop ito sa mga situwasyong dinaranas ng karakter ni Juliet at taliwas din kung minsan. Mula sa pagtatanim ng mga magbubukid hanggang sa pag-ani nito bilang simbulo ng pagkabuhay ay mahirap maitanggi. May mga tagpong ipnapakita ang paglubog ng araw, at ang walang patumanggang pag-ulan ay pagpapahiwatig ng pagbuhos ng bagong hinaharap. Ngunit isang mariing simbulong ginamit sa pelikula ay ang proseso ng paglikha ng sining sa katauhan ng pintor na si Ariel (Eric Quizon) na kinaibigan ni Juliet. Maraming maihahalintulad dito. Sinasalamin ng pintor ang buhay sa pamamgitan ng paglikha ng mga larawang kadalasan ay naglalahad ng gulo at pagkalitong umabot sa pagnanasa nitong kitlin ang sariling buhay, dahilan sa hindi niya makayanan ang pakikipagsapalaran sa buhay. Napapalibutan ng imahinasyon ang kanyang mundo ngunit nais pa rin niya itong talikuran. ito naman ang pagkakaiba ni Ariel kay Juliet na gagawin ang lahat upang madugtungan ang nauudlot na buhay.Maaring maikli ang buhay ng tao, ang pakikipagsapalaran ng tao sa mundong kanyang kinalalagyan ay walang katapusan. Sa pagpanaw ni Juliet, gaano man kasakit ay hindi naman ito ang katapusan. Patuloy siyang mabubuhay sa larawang iginuhit ni Ariel, kay Chad (Billy Joe Crawford) ang kanyang anak at ang mga kabutihang kanyang naidulot sa pamilya at mga kaibigan. Di malilimutan ang eksena kung saan pinapanood ni Juliet ang pag-embalsamo sa namatay na ama (Gil de Leon) at nakatuon ang pansin sa ginagawang paghahanda sa bangkay nito taliwas sa pagdadalamhati ng kanyang buong pamilya. Animo'y nakikita ni Juliet ang sarili sa walang buhay na katawan ng ama. Ito ang lakas na nagtibay sa kabuuan ng Pahiram Ng Isang Umaga. Sa ganitong mga tagpo humugot ng lakas ang pelikula. Kung susuriin, ang isang obrang tinutukoy ang tema ng kamatayan ay siyang nagbigay buhay sa mga manonood na maibsan ang pagnanasang makahiram ng kahit kaaunting pag-asa.


Direksiyon: Ishmael Bernal
Dulang Pampelikula: Jose Javier Reyes
Sinematograpiya: Manolo Abaya, Eduardo Jacinto At Nonong Rasca
Musika: Willy Cruz
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Elmer Manapul
Produksiyon: Regal Films

Mga Natatanging Ikalawang Pagganap


Iba't-ibang anyo ng buhay ang ipinamalas sa mga manonood ng natatanging pagganap ng mga Pangalawang Aktres. Nararapat lamang na bigyang papuri ang kakaibang talinong kanilang ipinamalas sa mga pelikulang nagpatuloy itaas ang antas ng sining ng pag-arte.

Baby Delgado sa Cain At Abel (Cine Suerte, Inc., 1982) Direksiyon: Lino Brocka

Terri Legarda sa Soltero (Experimental Cinema Of The Philippines, 1984) Direksiyon: Pio de Castro III

Charito Solis sa Kisapmata (Bancom Audiovision Corporation, 1981) Direksiyon: Mike de Leon

Gigi Duenas sa Himala (Experimental Cinema Of The Philippines, 1982) Direksiyon: Ishmael Bernal

Amy Austria sa Hinugot Sa Langit (Regal Films, 1985) Direksiyon: Ishmael Bernal

Grace Amilbangsa sa Karnal (Cine Suerte, Inc., 1983) Direksiyon: Marilou Diaz-Abaya



Dexter Doria sa Pahiram Ng Isang Umaga (Regal Films, 1989) Direksiyon: Ishmael Bernal


Lolita Rodriguez sa Tubog Sa Ginto (LEA Productions, 1971) Direksiyon: Lino Brocka


Anita Linda sa Takaw Tukso (Ultravision Films, 1986) Direksiyon: William Pascual


Gina Alajar sa The Graduates (Regal Films, 1986) Direksiyon: Ishmael Bernal


Mona Lisa sa Insiang (Cinemanila, Inc., 1976) Direksiyon: Lino Brocka


Laura Centeno sa Himala (Experimental Cinema Of The Philippines, 1982) Direksiyon: Ishmael Bernal


At Charito Solis sa Karnal (Cine Suerte, Inc., 1983) Direksiyon: Marilou Diaz-Abaya

Sa Pagdiriwang Ng Ating Kalayaan



Paano natin malilimutan ang pelikulang Minsa'y Isang Gamu-Gamo ni Lupita A. Concio mula sa Premiere Productions, 1976?





At Ang Tatlong Taong Walang Diyos ni direktor Mario O'Hara mula sa NV Productions, 1976.

Meron Ka Bang Ka-RELASYON?


Sa Relasyon (Regal Films, Inc., 1982) ni direktor Ishmael Bernal nakapanood tayo ng isang uri ng pelikulang angkop sa sensibilidad ng makabagong panahon. Ang mga problemang sikolohikal ay mauunawaan lamang ng mga manonood na may husto at bukas na kaisipan. Karaniwang suliranin ang tahasang pagtanggap sa katayuan ng kalalakihan sa lipunang Pilipino nang walang pagtatanong. Nararapat lang na magkaroon ng kabit ang mga ito, na kinakailangang laging tapat ang mga kababaihan. Ang lalaki ang gumagawa ng mga desisyon tulad halimbawa nang kanilang magiging tirahan, anon'ng uring hanapbuhay ang dapat pasukan, o kung saang restaurant dapat kumain. Kadalasa'y tagasunod lamang ang mga babae. Isinasampal ng bansang Pilipinas na sa pulitika, ang mga kababaihan ay halintulad sa mga kalalakihan ngunit kung susuriin sa ibang sektor ng lipunan tulad ng kabahayan, lalaki ang amo at alipin ang babae. Diborsyo ang isang temang tinalakay sa Relasyon. Paulit-ulit pinag-usapan sa pelikula ang kawalan ng diborsyo sa Pilipinas. Maraming ipinakitang mga posibilidad, ngunit nananatili pa ring Katoliko ang bansa kung kaya't walang itong puwang para sa diborsyo. Malinaw na ipinahiwatig dito na hindi na maari pang maayos ang pagsasama ni Emil at ng kanyang asawa. Dahil si Emil ang representante ng lalaking Pilipino at ang binalewalang asawa ay tipikal ng mga kababaihan, ating naintidihan ang kawalan ng pag-asa sa kanilang pagsasama. Sa isang banda, nasaksihan naman natin ag pagmamahalan nina Marilou (Vilma Santos) at Emil (Christopher de Leon) na maari silang magsama bilang mag-asawan ngunit maliwanag na kinakailangan silang tanggapin ng lipunan. Maaring maging dahilan ito upang magkaroon ng diborsyo sa bansa.

Sa kabuuan, mahusay ang pagsasalarawan ni Vilma Santos ng kanyang papel bilang Marilou ngunit hindi ito maihahanay sa ibang pelikula kung saan kinakitaan ang aktres ng kaibahan sa kanyang pagganap tulad ng ating nasaksihan sa Dalawang Pugad, Isang Ibon (1977) at Broken Marriage (1983). Samantalang ibayong talino naman ang ipinamalas ni Christopher de Leon bilang Emil. Naipahiwating lang sana ng maayos ang motibo ni Emil sa pakikisama nito kay Marilou. Hindi maitutulad ang aspetong teknikal ng Relasyon sa ibang obra ni Bernal. Ang disenyong pamproduksiyon ni Benjie de Guzman ay hindi kapani-paniwala. Ipinakitang mababa ang estado ng kabuhayan ni Marilou ngunit madalian siyang nakakuha ng isang libong piso sa bangko. Ang mga tulad nito ay karaniwang walang natatagong ganoong kalaking halaga. Halos hindi marining ang musika ni Winston Raval habang ang sinematograpiya ni Sergio Lobo ay kadalasang nababalot ng dilim. Makikita din ang pagkakamali ng editing ni Augusto Salvador. Sa isang tagpo ay ipinakitang walong buwan nang nagsasama sina Marilou at Emil at nang sumunod na mga eksena, tinanong nito si Emil kung ilang taon na silang magkasama. Ngunit sa kabila ng mga pagkukulang na ito, naging matagumpay pa rin si direktor Ishmael Bernal sa kanyang paglalahad ng isang pelikulang sumubok sa ating mga kaalaman at paniniwala.

Direksiyon: Ishmael Bernal
Dulang Pampelikula: Ricardo Lee, Raquel N. Villavicencio at Ishmael Bernal
Sinematograpiya: Sergio Lobo
Musika: Winston Raval
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Benjie de Guzman
Produksiyon: Regal Films, Inc.

Naaalala Mo Pa Ba Ang Mga Pelikulang Ito?



Layout ng pelikulang HIMALA mula sa Experimental Cinema Of The Philippines sa direksiyon ni Ishmael Bernal, 1982.




Mula sa pelikulang CONDEMNED ni direktor Mario O'Hara handog ng NV Productions at Golden Dragon Films, 1984.

Ano'ng Uring Babae Si INSIANG?


Isang labing pitong taong gulang na dalaga si Insiang (Cinemanila, Inc, 1976) na nakatira sa Tondo kasama ng kanyang inang si Tonya (Mona Lisa) na nagtitinda ng isda sa palengke. Kalaguyo nito si Dado (Ruel Vernal) isang mataderong higit na nakababata sa kanya. May natatagong pagnanasa si Dado kay Insiang (Hilda Koronel) gayong may kasintahan na ito si Danny (Rez Cortez) na nagtatrabaho bilang mekaniko sa talyer. Minsang sumama si Insiang kay Danny sa isang motel upang pagbigyan ang kagustuhan na maangkin ang kanyang pagkababae. Matapos makuha ang ninanais ay biglang naglaho ang nobyo at iniwang nag-iisa si Insiang. Nang magbalik sa poder ng ina ay nakagalitan pa ito. Dahilan sa matinting paninibugho ni Dado kay Danny ay pinagbantaan siya nitong iwasan si Insiang. Sa labis na takot ay tuluyan nang tinalikuran ni Danny ang nobya. Lalong nag-igting ang pagnanasa ni Dado kay Insiang at isang gabing natutulog ang ina ay pinagsamantalahan siya nito. Ipinagtapat ni Insiang ang pangyayari kay Tonya ngunit binaligtad ni Dado ang mga pangyayari at higit na pinaniwalaan ang kalaguyo. Ginamit ni Insiang si Dado upang makipaghiganti sa kanyang ina. Nang madiskubre ni Tonya ang plano ng dalawang magtanan at manirahan sa Cebu ay nagdilim ang isipan ni Tonya hanggang sa masaksak at mapatay niya si Dado. Nang bisitahin ni Insiang ang ina sa bilangguan ay inamin niyang kahit kailan ay hindi nito minahal si Dado, na ginamit lamang niya ito upang makaganti sa lahat ng kalupitang dinanas sa kamay ng ina.

Napanood natin sa Insiang ang isang uri ng babaeng nagkaroon ng pagnanasang makaganti sa kahirapang sinapit sa poder ng ng kanyang mapang-aping ina. Nasaksihan natin ang unti-unting pagkamulat sa mga pangyayaring nagaganap sa kanyang kapaligiran. Buong husay itong ipinadama ng madamdaming pagganap ni Hilda Koronel sa papel ni Insiang. Nakita ang iba't-ibang uri ng emosyon, mula sa kalungkutan, pagkamuhi at desperasyon. Ang madaliang pagpapalit ng kanyang damdamin ay nakarehistro sa kanyang mga mata at buong mukha. Ngunit hindi rin matatawaran ang talinong ipinamalas ni Mona Lisa bilang Tonya. Hindi malilimot ang ekspresyon sa kanyang mukha nang makitang nahuhulog ang loob ni Insiang kay Dado. Samantalang kinakitaan ng kakaibang pagganap si Ruel Vernal. Bilang Dado, namalas natin ang pagpapalit ng kanyang katauhan. Kadalasan ay nagugulat tayo sa mga pagbabago-bago ng kanyang karakter. Lahat ng kahusayang ito ay nagmula sa pagmamaneobra ni direktor Lino Brocka. Mula sa mahusay na dulang pampelikula nina Mario O'Hara at Lamberto Antonio, ipinamukha ng direktor ang mga suliraning pumapaimbulog sa lipunan. Kung susuriin, ang buong kabahayan ni Tonya ay maihahalintulad sa pamahalaang Marcos, opresibo at mapagsamantala. Inilagay ni Brocka ang diktaturya ng administrasyon sa iskuwater ng Tondo. Tulad ng gobyerno, puno ng korapsiyon ang kapaligiran nito, marumi at mabaho. Naalala ko nang una kong mapanood ang Insiang sa sinehan. Halos ipaamoy sa atin ng pelikula ang baho ng kapaligirang pumapalibot dito, animo'y nasa Tondo tayo at nasasaksihan ang mga pangyayari sa buhay ni Insiang. Masasabing hindi nawala ang pakiramdam na ito nang muli kong balikan ang obra ni Brocka. Marahil ay ito ang naging epekto ng pelikula, isang tunay na likha ng mapagpalayang sining.

Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Mario O'Hara At Lamberto Antonio
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: Minda Azarcon
Edting: Augusto Salvador
Disenyo: Fiel Zabat
Produksiyon: Cinemanila, Inc.

Hubad Na Pelikula


Ang Hubad Na Pangarap (Golden Pearl Productions,1987) ay may gasgas na temang ilang ulit nang napanood sa pelikulang Pilipino. Ang nakakapagtaka, ito ay gawa ni Abbo de la Cruz ang direktor ng Misteryo Sa Tuwa (1984) at mula sa dulang pampelikula ni Armando Lao (Takaw Tukso, 1986). Sa pagkakataong ito, ang kanilang pagsasama ay hindi pinalad na makapagbigay ng kakaibang pagsasalararawan sa mga pelikulang may katulad na tema. Ginamapanan ni Michael de Mesa ang papel ni Miguel Narvaez kung saan nasa gitna sila ng imbestigasyon sa pagkamatay ng asawa nitong si Cindy (Lola). Ang pinaghihinalaang gumawa ng krimen ay si Ador (Julio Diaz) ang kanilang drayber. Gawa na rin ng mga testimonya at patunay ng mga saksi kasama ang katulong na si Nelia (Anna Marie Gutierrez), ang kasintahan ni Ador. Sa huling bahagi ng pelikula, ipinakita sa manonood ang ilang mga mga pangyayari nang gabing naganap ang krimen. Unti-unti nating nadiskubre kung sino ang pumatay kay Cindy, hanggang sa makita ni Miguel ang singsing ng asawa sa kagamitan ni Nelia. Sa pagkakataong ding ito tumakas si Ador at nagbalik sa pinangyarihan ng krimen. Sa natantong paghaharap natin nalaman ang buong katotohanan.



May temang seks ang pelikula na hindi nagtagumpay na maipahiwating ang isang naratibong paulit-ulit nang ginamit sa pelikula. Hindi nagtagumpay ang manggagawa nitong maipahatid ang motibo ng mga tauhan at kanilang mga saloobin. Tulad ni Nelia, ipinakita lang sa pelikula ang kakayahan nitong makagawa ng isang malagim na krimen sa pamamagitan ng pagkatay ng isang buhay na manok na kanyang iluluto o kaya'y ang paghawak nito sa isang malaking daga. Sapat na ba ang mga tagpong ito upang mapaniwala ang manonood na isa siyang mamamatay tao? Napatunayan lang na maari niyang gawin ang krimen dahilan sa labis na pagseselos nang makita niyang nagtatalik sina Ador at Cindy. Sa huling pagsasaliksik, ang pelikula ay isang uri ng panooring ang tanging motibo ay magpakita ng ng mga hubad na katawan at mga eksena ng seks. Nararapat sisihin ang direktor at ang kanyang manunulat sa tahasang paggamit ng seks bilang pang-akit sa mga manonood na walang ibang inihain kundi ang kababawan ng mga intensiyon nito. Tulad na lamang nang sabihin ni Ador kay Nelia nang mahuli sa akto ng pakikipagtalik, Libog lang 'yan. Tanging ang mahusay na pagganap ni Anna Marie Gutierrez bilang Nelia ang nagsalba sa tuluyang pagkalugmok ng pelikula. Di malilimutan ang tagpo kung saan tinatanong siya ni Miguel kung saan niya nakuha ang singsing ni Cindy. Samantaling pinilit naman ni Michael de Mesa na maibigay ang hinihingi ng kanyang papel sa kasammang palad hindi siya nagtagumpay sa paglalahad nito. Si Julio Diaz naman ay nais ipakita ang natatagong talino sa pagganap ngunit hindi ito kinakitaan ng kahusayan dahilan sa de kahon ang karakter na kanyang ginampanan. Ang Hubad na Pangarap ay isang huwad na pelikulang hubad sa nilalaman.


Direksiyon: Abbo de la Cruz
Dulang Pampelikula: Armando Lao
Sinematograpiya: Carlos Peralta
Musika: Lucien Letaba
Editing: Joe Solo
Disenyo: Arlene Abuid
Produksiyon: Golden Pearl Productions