Hindi maitatangging pinakamalaking bahagi sa patuloy na pag-usbong ng Pelikulang Pilipino noong dekada '70 at '80 si Nora Aunor. Ang mga karakter na isinalarawan sa kanyang mga pelikula ay nakaukit na sa kaisipan ng mga manonood ng sineng Pinoy. Pakanta-kanta sa kanyang mga pelikulang ginawa sa bakuran ng Sampaguita Pictures at Tower Productions ngunit kinakitaan ng kakaibang kahusayan sa pagganap si Nora sa Fe, Espereanza, Caridad (Premiere Productions, 1974). Dito ay nagkaroon siya ng pagkakataong mahawakan ng dalawa sa pinakamahusay na direktor ng kanilang henerasyon, sina Lamberto Avellana at Gerry de Leon. Ngunit ito pa lang ang umpisa, sa pagnanasang makagawa ng matino at maipagmamalaking mga obra, pinagsikapan ni Nora na iprodyus ang mga pelikulang kailanma'y hindi pangangahasang gawin ng kompanyang mainstream. Itinatag niya ang sariling NV Productions noong 1973 ngunit taong 1975 nang mahikayat ni Nora si Manong Gerry na gawin ang Banaue tungkol sa tribong Ifugao at ang kanilang pakikibaka upang makamtan ang pangakong lupa. Di naglaon, nagkaroon ng kakaibang interes ang aktres at nagnais suungin ang pagpoprodyus ng pelikula upang tuluyang mahasa ang angking talino sa pagganap. Nang sumunod na taon ginawa ng NV Productions ang Alkitrang Dugo (1976) na ididirehe ni Lupita Concio. Bago sinimulan ang siyuting ay kinailangang sumailalim sa isang acting workshop na inilaan ng direktor at ng dramatic coach na si Maryo J. de los Reyes para sa mga kabataang artistang magsisiganap dito. Sumali si Nora dito upang ihanda ang sarili sa pagganap sa kanyang gagawing pelikula para kay Mario O'Hara, ang Tatlong Taong Walang Diyos (1976), kung saan ginampanan niya ang papel ni Rosario isang guro sa baryo na nakaranas ng kalupitang dala ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahilan sa kahusayang ipinamalas sa pagganap ay napagwagihan ni Nora ang kauna-unahang URIAN bilang Pinakamahusay Na Pangunahing Aktres gayundin ang FAMAS. Bago matapos ang taon ay muling kinakitaan ng angking talino sa pag-arte si Nora nang ilahok sa taunang Pista Ng Pelikulang Pilipino ang Minsa'y Isang Gamu-Gamo (Premiere Productions, 1976) ni Lupita Concio. Napanood natin si Corazon de la Cruz isang nars na nag-aambisyong makapagtrabaho sa Amerika upang magkaroon ng magandang kinabukasan. Naranasan natin ang kalupitan ng mga sundalong Amerikano nang walang patumanggang barilin ang kapatid at sa burol nito ay paulit-ulit nating narining ang mga katagang My brother is not a pig! linyang nakatanim na sa isipan ng tagasubabay ng pelikulang Pilipino. Hindi binigo ni Nora ang mga manonood nang mapagdesiyunan niyang gawin ang Ikaw Ay Akin (Tagalog Ilang-Ilang Productions, 1978) para kay direktor Ishmael Bernal. Kasama sa pelikula ang itinuturing na karibal, si Vilma Santos at Christopher de Leon. Dito siya ay si Teresita Valdez, isang horticulturist na limang taon nang nakikipag-relasyon sa nobyong si Rex Aguilar. Modernong kuwento ng tatsulok na pag-ibig ang ipinamalas ni Bernal dito. Hindi malilimutan ang huling tagpo sa pelikula kung saan sa wakas ay nagharap sina Tere at Sandra Aragon ngunit walang dayalogong narinig sa kabuuan ng eksena. Naging higit na matagumpay si Nora sa pagpapadama ng emosyong mababanaag sa kanyang mga mata. Ipinagpatuloy ni Nora ang tuluyang pagtaas ng antas sa sining ng pagganap nang gawin nito ang pelikulang Atsay (IAN Film Productions, 1978) sa direksiyon ng batikang aktor na si Eddie Garcia. Sino ang makakalimot kay Nelia de la Cruz? Isang probinsiyanang nagnais na makaahon sa kahirapan kaya't sinuong ang mabangis na lungsod upang makipagsapalaran bilang isang katulong. Tulad ni Nelia, tayong mga manonood ay karamay sa pagdanas ni Nelia sa pang-aabuso at pagpapahirap ng kanyang mga pinagsisilbihan. Nang walang humpay na tadyakan ni Mrs. Tulio si Nelia dahil nadiskubreng nabuntis ito ng kanyang asawa, kasama nitong nalaglag ang ating mga damdamin. Patuloy tayong dinarang ng iba't-ibang karakter na kanyang ginampanan ngunit higit na tayong inuhaw ni Nora sa kanyang kahusayan. Sa huling taon ng dekada '70 ay naibsan ang uhaw na iniwan niya sa ating mga manonood. Sa unang pagkakataon ay pinagsama sila sa isang pelikula ng batikang aktres na si Lolita Rodriguez sa Ina Ka Ng Anak Mo (Movie Masters, 1979) ni Lino Brocka. Dito, si Nora ay si Esther, isang babaeng naging saksi sa kataksilan ng inang si Renata at asawang si Luis. Sa eksenang kung saan nadiskubre ni Esther ang ginawang pagtataksil ng ina at asawa, tahimik nating pinanood at tuluyan tayong naanod nang paulit-ulit niyang binigkas ang Hayup! hayup! Natangay tayo sa agos ng kahusayang ipinamalas ni Nora sa nasabing tagpo.
Sa pagpasok ng dekada '80, nagpatuloy pa rin si Nora sa paglikha ng mga di malilimutang pagganap. Sa muli nilang pagsasama ni Lino Brocka sa pelikulang Nakaw Na Pag-Ibig (Associated Entertainment Corporation, 1980) nakiayon tayo sa pakikipaglaban ni Azun upang mapasakanya si Robert ang lalaking kanyang pinakamamahal. Samantalang matapos ang ilang taong di paggawa ng pelikula kay direktor Mario O'Hara ay muli silang nagsama sa Kastilyong Buhangin (Lotus Films, 1980) humatak ito ng libu-libong manonood na naging saksi sa pag-iibigan nina Laura at Oscar. Sa huling bahagi ng taon, inilahok sa Pista Ng Pelikulang Pilipino ang kanyang dalawang pelikula. Ang Bona (NV Productions, 1980) ay kuwento ng isang panatikong movie fan at ang pagtalikod nito sa sariling pamilya upang pagsilbihan bilang alalay ang idolong si Gardo. Sa tulong ni Brocka ay ipinamalas ng pelikula ang lumalalang sitwasyon ng kahirapang nanunuot sa bansa at ng bulag at panatikong paniniwala nating mga Pilipino. Sinalamin ni Nora bilang Bona ang bawat isa sa atin, sino ba ang hindi umidolo sa mga artista?, ang hindi nananampalataya sa relihiyon? Ang lahat ng kaugaliang ito ay masidhing isinalarawan ni Nora sa pelikulang Bona. Samantalang sa Kung Ako'y Iiwan Mo (LEA Productions, 1980) sa direksiyon ni Laurice Guillen ay nakilala natin si Beatrice Alcala isang Singing Superstar at ang pagbangon nito sa mga suliraning pumapalibot sa kanya. Sa tulong ni Guillen ay naipadama nang husto ni Nora ang saloobin ni Bette sa pamamagitan ng pag-awit. Pinakamahusay si Nora sa tagpong inaawit niya ang klasikong Saan Ako Nagkamali? ni George Canseco. May pagka-jazz ang areglo ng awitin at buong husay itong inawit ni Nora. Patunay lamang na tulad sa pag-arte, sa pag-awit ay mababanaag din ang emosyong nais ipadama ng karakter. 1981, sinimulan ni Nora ang taon nang kanya tayong ipakilala kay Babette. Isang babaeng nakadama ng tunay na pagmamahal sa katauhan ni Bobby, isang retarded sa klasikong Bakit Bughaw Ang Langit? (Four Seasons Films International) ni Mario O'Hara. Nang sumbatan ni Babette ang kanyang ina at sabihing Tama na ang pag-aartista! Matagal na kayong laos! Ipinahiwatig ng eksenang ito sa atin ang kinimkim na hinanakit sa buong pamilyang kahit minsan ay hindi nagturing sa kanya bilang bahagi nito kundi isang kasambahay lamang. Habang naghihintay ng isang proyektong muling hahamon sa kakayahan bilang aktres ay gumawa si Nora ng pelikulang komersyal para sa mga kompanyang mainstream, ngunit hindi nagangahulugang walang kinakitaang husay sa kanyang pagganap sa mga pelikulang ito. Sa Mga Uod At Rosas (IAN Film Productions, 1982) mula kay Romy Suzara ginampanan niya ang papel ni Socorro, isang librarian na nakisama kay Ding, isang naghihikahos na pintor. Pinagsamang muli sina Nora at Vilma sa T-Bird At Ako (Film Ventures, 1982) sa direksiyon ni Danny Zialcita. Papel ng isang abogada ang ginampanan ni Nora dito, si Atty. Sylvia Salazar na may lihim na pagtingin sa kliyenteng si Rubia. Mapanghamon ang papel ni Nora sa pelikula, maraming eksenang nagpapaligsahan sa pag-arte ang dalawang bituin, ngunit tulad sa Ikaw Ay Akin (1978) ay higit na matagumpay si Nora sa paglalahad ng kanyang papel, dala ng masusing pag-intindi sa karakterisasyon nito. Natatangi din ang pagganap ni Nora sa mga pelikulang Minsan, May Isang Ina (Regal Films, 1983) sa direksiyon ni Maryo J. de los Reyes, Beloved (Viva Films, 1985) ni Leroy Salvador ang kanyang kauna-unahang pelikulang ginawa para sa prestihiyosong kompanya, ang pagababalik tambalan nila ni Tirso Cruz III sa matagumpay na Till We Meet Again (Regal Films, 1985) na idinirehe ni Elwood Perez at sa Tatlong Ina, Isang Anak (NCV Films, 1987) ni Mario O'Hara kung saan kasama niya ang anak na si Matet.
Nang magwagi sa isang patimpalak ang iskrip ng premyadong manunulat na si Ricardo Lee, ipinrodyus ng bagong tatag na Experimental Cinema Of The Philippines ang Himala (1982). Si direktor Ishmael Bernal ang naatasang magdirehe ng pelikula at si Nora Aunor ang ninais nilang gumanap bilang Elsa, isang dalagang nakakita sa imahe ng Mahal Na Birhen at nagsimulang manggamot sa mga may kapansanan. Umikot ang kuwento ng Himala kay Elsa at sa pamamagitan niya ay isa-isa nating nakilala ang mga mamamayan ng Baryo Cupang at ang mga dayuhang bumista dito. Unti-unti nating nasaksihan ang pag-usbong ng maliit na nayon dahil kay Elsa. At nang aminin sa harap ng libu-libong naniniwala ang katotohanan at isigaw ang mga katagang Walang himala! Ang himala ay nasa puso ng tao, nasa puso nating lahat! Tayo ang gumagawa ng himala! Tayo ang gumagawa ng mga sumpa at ng mga Diyos!, nagmistulang sampal ito sa ating sariling paniniwala. Kinuwestiyon natin bilang mga manonood ang sariling pananampalataya sa Diyos. Sa pamamagitan ni Nora bilang Elsa, naipahatid nina Bernal at Lee ang mensaheng nais nilang ibahagi sa mga manonood. Ginamit nilang instrumento si Elsa upang ipamukha ang nabubulok na sistema ng pamahalaan at sa pamamagitan ng pagtuon ng iskrip sa relihiyon ay tuluyan nating naintindihan bilang mga manonood ang katotohanang nagbabalatkayo sa likod ng ating sariling pananampalataya. Ang pagganap ni Nora sa papel ni Elsa ang nagluluklok sa kanya bilang isang Tunay Na Artista ng Sining Ng Pelikulang Pilipino. Marahil ay may katotohanan ito, ngunit hindi ba ang ibig sabihin nito ay hindi na muli pang makakagawa si Nora ng isang obrang mahihigitan ang kakayahang ipinamalas sa pelikulang Himala? Ipagsasawalang bahala na lamang ba natin ang malaking kontribusyong naibigay nang gawin ni Nora ang tatlong mahahalagang pelikulang ipinalabas noong 1984? Sa Condemned (NV Productions), nakisalamuha tayo sa pakikipagsapalaran ni Yolly at ng kapatid nitong si Efren sa magulong siyudad ng Ermita. Napapalibutan ng mga kriminal at puta ang lugar na kanilang kinabibilangan. Naging epektibo ang paggamit ni Mario O'Hara sa Ermita bilang siyudad na kinasadlakan ni Yolly kung saan ito nagtitinda ng rosas sa palibot. O di kaya'y ang pakikipaglaban ni Angela Aguilar bilang isang babeng bilanggo sa Bulaklak Sa City Jail (Cherubim Films). Animo'y pinagdugtong ni O'Hara ang dalawang pelikulang ito. Tulad sa Condemend na nagpakita sa atin sa kabangisan ng lungsod dito sa Bulaklak Sa City Jail ay inilagay niya si Angela sa loob ng Manila Zoo, sa gitna ng mga mababangis na hayop kung saan isinilang ang kanyang anak, habang hinahabol ng mga awtoridad. Sa paggamit kay Nora bilang sentro ng dalawang pelikula ay napagtibay nito ang bigkis na nagdurugtong sa mga pelikulang ito. Marubdob at madamdamin ang pagganap na kanyang ipinamalas sa dalawang obra. Ang naudlot na pangarap sa Minsa'y Isang-Gamo (1976) ay binigyang katuparan sa 'Merika (Adrian Films) ni Gil Portes kung saan si Nora bilang Milagros Cruz ay isang nars na nagtatrabaho sa New Jersey ngunit nanunuot pa rin ang pagnanasang makabalik sa lupang sinilangan.Sa pamamagitan ni Mila ay ating nasaksihan na hindi lahat ng minimithi ay matatagpuan sa ibang bansa. Hindi misteryo ang nais ipasuri ng mga karakter na isinalarawan ni Nora Aunor sa kanyang mga pelikula. Tinuruan tayo na ang mga dayalogong kanyang binigkas ay laging naglilinaw o nagpapaintindi sa puntong nais palabasin ng iskrip. Ang kanyang mga pelikula ay tiyak na isang anyo lamang sa konteksto ng kasaysayan ng pelikulang Pilipino. Kailangan ng ating industriya ang mga artistang magmumulat na may tungkulin din itong pag-isipan ang mga kumbensiyong humuhubog dito. At kailangan natin ang isang Nora Aunor na yumayanig sa kinagawiang pasibong pagharap sa mga larawang nagkukuwento sa puting tabing. Mapapalitaw lamang ang kahalagahan ng mga pelikula ni Nora kung sa halip na panood lamang ang ating gagawin ay pag-uukulan di natin ito ng masusing pagbasa.