Mahirap Ang Buhay Sa 'MERIKA


'Merika

Sa pelikulang 'Merika (Adrian Films) ipinakita ang kalagayan ng mga Pilipinong naninirahan at naghahanapbuhay sa Amerika ang bansa ng maraming oportunidad. Ipinakilala tayo ng dulang pampelikula nina Clodualdo del Mundo, Jr. at Gil Jose Quito kay Milagros Cruz (Nora Aunor) isang nars na nagtatarabaho sa isang ospital sa araw at sa nursing home naman sa gabi. Sa kanyang mga mata ating nakita at nakilala ang iba't-ibang mga karakter sa pelikula. Nariyan si Violet (Marilyn Concepcion) ang roommate ni Mila, si Danny (Marshall Factora) ang laboratory technician na kasama ni Mila sa ospital, si Lolo Caloy (Cesar Aliparo) ang matandang Pilipinong inaalagaan niya sa nursing home at si Mon (Bembol Roco) isang Pilipinong T-N-T (tago ng tago). Tulad ng karamihan matapos magtrabaho ay nasa bahay lamang si Mila, nanood ng TV, tumatawag sa kaibigang si Cora, isang nars sa Maynila. Sa isang surprise birthday party unang nakilala ni Mila si Mon at nag-umpisang mabuo ang isang matamis na pagtitinginan. Nalaman ng mga kaibigan ni Mila na isang T-N-T si Mon at binigyan siya ng babala ng mga ito. Hindi ugali ni Mila ang maniwala sa mga sabi-sabi kung kaya't tinanong niya mismo si Mon tungkol dito. Inamin niya ang tunay na estado ng kanyang katayuan dito sa Amerika. Matagal nang iniisip ni Mila ang magbalik sa Pilipinas dahil wala sa Amerika ang hinahanap niya, mahirap ang buhay... may dolyar, may kotse, may imported goods ngunit ang mga bagay na ito lamang ba ang makakapagpaligaya sa tao? Mga tanong na paulit-ulit umuukilkil sa isaipan ng bawat Pilipinong nasa ibang bansa. Hindi din naman maaring ituring na isa sa kanila, laging tagapanood, tagamasid ngunit kailanman ay hindi magiging kaisa. Tinanong ni Mila si Mon kung umuwi siya sa Pilipinas ay sasama ito sa kanya na agad namang sinagot na mas madali niyang maibibigay ang lahat ng magustuhan sa Amerika di tulad ng kung sila ay sa Pilipinas maninirahan. Sa dayalogong binitiwan ni Mila sa pelikula, Hindi talaga ako ang mahal mo Mon! Amerika, Mon, Amerika talaga ang hinahabol mo! Sa mga katagang ito mararamdaman ang tunay na intensiyon ni Mon kay Mila. Maliwanag ang kanyang mithiin. Masakit tanggapin ngunit kinakailangan. Buong tapang na hinarap ni Mila ang desisyong magbalik sa lupang sinilangan. Tinalikuran niya ang lahat ng kinasanayan sa Amerika. Maraming mga Pilipinong nasa Amerika ang hindi kailanman makakayang iwan ang mas maayos na kalagayan.

Ang pagsasalarawan ng katauhan ni Milagros Cruz ay buong husay na ginampanan ni Nora Aunor. Sa munting galaw ng kanyang mga mata, sa isang simpleng ekspresyon ng kanyang mukha, mababanaag ang kalungkutan, ang kawalan ng saysay at pagnanasang makabalik sa sariling bayan. Mahusay din ang direksiyon ni Gil M. Portes. Kaiba ang ipinakita niyang estilo ng pagdidirehe sa 'Merika taliwas sa ibang mga pelikula niyang kinunan din sa ibang bansa tuad ng Miss X (1980) at Carnival Queen (1981). Malaking tulong din ang isang buo at maayos sa iskrip. Sa pelikulang 'Merika nakamit ni Nora Aunor ang Best Actress Award sa kauna-unahang PMPC Star Awards for Movies noong 1984. Nakatanggap din siya ng nominasyon mula sa URIAN sa kanyang kakaibang pagganap sa 'Merika. Muling nagningning ang bituin ng Superstar sa taong ito dahil napansin ng mga kritiko ang kanyang pagganap sa tatlong mahahalagang pelikulang kanyang ginawa, ang Condemned, Bulaklak Sa City Jail at 'Merika.

Direksiyon: Gil M. Portes
Dulang Pampelikua: Clodualdo del Mundo, Jr At Gil Jose Quito
Sinematograpiya: Ely Cruz
Musika: Willy Cruz
Editing: Edgardo Vinarao
Produksiyon: Adrian Films

Release Date: September 21, 1984

Hindi Mapigil Ang TAGOS NG DUGO

Tagos Ng Dugo

Bihirang talakayin sa pelikulang Pilipino ang mga problemang sikolohikal. Matapang itong sinuong noong 1987 nina direktor Maryo J. de los Reyes at ng manunulat na si Jake Tordesillas sa Tagos ng Dugo (V.H. Films). Itinatampok si Vilma Santos bilang Pina isang babaeng may madilim na nakaraan. Nang magkaroon ng buwanang bisita si Pina sa unang pagkakataon pinaliguan ito ng kanyang ina (Alicia Alonzo) taliwas sa pamahiin nating mga Pilipino na bawal maligo ang isang babae kung ito ay may regla. Dahilan ito upang magkaroon siya ng dismenorrhea. Bahagi ng kanyang nakaraan ang malagim na pagpatay sa kanyang pamilya ng kapatid (Archie Adamos) ng kalaguyo ng kanyang ama (Ross Rival). Nagdalaga si Pina sa loob ng mental hospital at nang nasa tamang edad na ito at sapat na pag-iisip, nakitira na ito sa kanyang tiyahin (Caridad Sanchez) at ang asawa nitong hepe ng pulis (Tony Santos, Sr.). May mga eksenang halaw sa banyagang pelikula. Ang eksenang nakabihis tsina si Pina nang nakipagtagpo siya sa isang telephone lineman (Joey Marquez) ay galing sa karakter na China Blue ni Kathleen Turner sa Crimes Of Passion ni Direktor Ken Russell. Maraming bahagi ng kuwento ang kuha sa nobelang The Seven Deadly Sins, ngunit kung iisipin, ano'ng pelikula nga ba hindi kumuha ng inspirayson sa mga obrang gawa ng ibang kinikilalang direktor? Nagmamasukan si Pina sa isang karinderya sa tapat ng presinto at dito niya unang nakita si Andy (Francis Arnaiz) isang pulis na kasama sa trabaho ng kanyang tiyuhin. Dito unang nabuo ang natatagong obsesyon ni Pina kay Andy. Sa pagtakbo ng istorya maraming naka-enkuwentrong iba't-ibang lalaki si Pina. Sa tuwing dumarating ang kanyang buwanang bisita ay tumatakas siya sa bahay at nagpupunta sa isang lumang mansyong malapit sa kanyang tinitirhan. Nag-aayos, nagbibihis, sumasama sa unang lalaking nakapansin sa kanya at habang nakikipagtalik, bumabalik ang mga alaala ng karahasang naranasan sa kamay ng mapang-aping mga lalaking nagsamantala sa kanya at ito at kanyang pinapatay. 

Sa anggulong ito halos umikot ang kabuuan ng pelikula. Masasabing naging matapang ang mga bumuo ng pelikulang Tagos Ng Dugo dahil sa tahasan nitong tinalakay ang sekswalidad ng mga pangunahing tauhan. Mapapansing pinagtuunan ng pansin ang kabuuan ng karakter ni Pina na buong husay ginampanan ni Vilma Santos. Ang aktres ay halos nasa lahat ng eksena sa pelikula. Maituturing na hysterical ang pag-arte ni Bb. Santos ngunit sa pelikulang ito ay malaki ang naitulong nito upang maipahatid niya ang nararapat na emosyon sa epektibong paraan. Malaki ang naitulong ni Direktor Maryo J. de los Reyes sa pagsasalarawan ng kuwento ni Pina. Nailahad niya ng maayos ang mga problemang sikolohikal hindi lamang ni Pina kundi ng buong lipunan. Makikitang binigyang diin ang posibleng solusyon sa mga suliraning ipinamalas sa pelikula. Maaring may ilang pagkukulang ang pelikula sa naging takbo ng istorya ngunit naisalba ito ng mahusay na pagdidirehe ni de los Reyes. Sa anggulong ito naging malaking bahagi sa tagumpay ng Tagos Ng Dugo ang direktor dahil sa tuwiran niyang naipahayag ang patotoo sa mga isyung tinalakay sa buong pelikula. Dito rin natamo ni Vilma ang kanyang ikaapat na FAMAS Best Actress Award bago siya tuluyang naluklok sa Hall Of Fame nang sumunod na taon.

Direksiyon: Maryo J. de los Reyes
Dulang Pampelikula: Jake Tordesillas
Sinematograpiya: Ely Cruz
Musika: Jaime Fabregas
Editing: Jess Navarro
Disenyo: Cesar Hernando At Lea Locsin
Produksiyon: V.H. Films, Inc.

Release Date: January 15, 1987

Ano Ba Ang Makabagong MORAL?

Moral
Metro Manila Film Festival 1982. Dalawang mahalagang pelikula ang itinanghal sa taunang pagdiriwang ng Pelikulang Pilipino tuwing kapaskuhan, ang Himala ni Ishmael Bernal at Moral ni Marilou Diaz-Abaya. Kapwa sinulat ni Ricardo Lee, malaki ang pagkakaiba ng tema ng dalawang nabanggit na pelikula. Ang Moral (Seven Stars Productions) ay kuwento ng apat na magkakaibigan at  ang kanilang pakikipagsapalaran bilang mga estudyante, ang kani-kanilang mga ambisyon at pangarap sa buhay. Si Joey (Lorna Tolentino) ay isang magandang dalagang hindi makawala sa anino ng inang si Maggie (Laurice Guillen). Mahilig magpapansin, walang pakialam at kung kani-kaninong lalaki sumisiping. Ngunit may isang lalaking nagmamay-ari ng kanyang puso, si Jerry (Michael Sandico). Gagawin ni Joey ang lahat upang mapasakanya ang pag-ibig nito. Si Sylvia (Sandy Andolong) ay isang babaeng hiwalay sa asawang si Robert (Juan Rodrigo), may isang anak ngunit patuloy na umaasang magkakabalikan pa rin ng asawa kahit iniwan siya nito upang makisama sa nobyong si Celso (Lito Pimentel), isang macho dancer. Samantalang si Cathy (Gina Alajar) ay may matayog na ambisyong maging isang sikat ng mang-aawit, ang problema hindi kagandahan ang kanyang boses. Ginagawa niya ang lahat upang magkaroon ng break. Nariyang sumama siya sa isang manager na tomboy si J.M. (Odette Khan), kahit hindi niya ito masikmura, patuloy pa rin ang pagsiping niya sa mga taong makakatulong sa kanyang abutin ang  pangarap na maging sikat na mang-aawit. Si Maritess (Anna Marin), ang pinakamasinop sa apat na magkakaibigan. Matalino, mahusay magsulat at mapagmahal na asawa kay Dodo (Ronald Bregendahl). Taliwas sa kanyang inaasahan, malaki ang pamilya ng asawa at tulad ng mga kaanak nais din nitong magkaroon ng maraming supling. Walang ginawa ang lalaki kundi buntisin ang babae. Hindi matanggap ni Maritess ang kinahinatnan ng kanyang buhay hanggang maisipan niyang lumayas at pansamantalang iwan si Dodo.

Sa panahon ngayon, masasabing hindi na iba ang temang tinalakay sa pelikula. Totoo, mabilis ang paglipas ng mga taon, ngunit kung ating bibigyang pansin, ang mga isyu at problemang inihain sa pelikulang Moral ay nangyayari pa rin sa kasalukuyan. Hindi ba't marami pa rin ang nag-aambisyong maging isang sikat na singer na gagawin ang lahat upang marating ang inaasam na tagumpay? Kung ganon, marami pa ring tulad ni Cathy. Ang bawat problema ay may solusyon. Ipinakita sa Moral ang nangyari sa bawat karakter at kung ano ang naghihintay na kinabukasan. Ilang taon ang nakaraan at muling binalikan nina Lee at Abaya ang kanilang mga tauhan sa  Noon At Ngayon. Maganda ang mensahe ng pelikula ang hindi ko lamang nagustuhan ay ang pagkuha ng ibang mga artistang gumanap na mga pangunahing tauhan. Mas naging maganda siguro kung ang orihinal na mga aktor ang nagsiganap sa mga pangunahing papel. Ano nga ba ang makabagong Moral? May ipinagkaiba ba ito sa mga bagay na pinaniniwalaan natin ngayon? Hindi na nga siguro malaking isyu ang aborsyon, ang pakikipagtalik sa iba't-ibang lalaki ang paggamit ng kapwa upang maabot ang pangarap, ang pagmamaltrato at pagsasamantala sa asawa at pagtanggap sa tunay na seksuwalidad ng tao. Ilan pa rin ito sa mga problemang kinakaharap ng mga Pilipino hanggang ngayon. Lumipas lamang ang mga taon ngunit kung tutuusin, walang ipinagbago ang "Moral" ng Pilipino.

Direksiyon: Marilou Diaz-Abaya
Dulang Pampelikula: Ricardo Lee
Sinematograpiya: Manolo Abaya
Musika: George Canseco
Editing: Marc Tarnate At Manolo Abaya
Disenyo: Fiel Zabat
Produksiyon: Seven Stars Productions

Release Date: December 25, 1982

Bakit Tinalikuran Ng DIYOS Ang Tao?

Tatlong Taong Walang Diyos

Tinaguriang Ikalawang Gintong Ani Ng Pelikulang Pilipino ang taong 1976. Dito umusbong ang mga pelikulang Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon ni Eddie Romero, Nunal Sa Tubig ni Ishmael Bernal, Minsa'y Isang Gamu-Gamo ni Lupita Concio, Insiang ni Lino Brocka at ang di malilimutang obra ni Mario O'Hara, Tatlong Taong Walang Diyos (NV Productions) . Ang mga pelikulang ito ay nakatala sa kasysayan ng Pelikulang Pilipino. Huli kong napanood ang Tatlong Taong Walang Diyos ilang taon na ang nakakaraan sa Cinema One ngunit kahapon ay nagkaroon akong muli ng pagkakataong mapanood ang kabuuan ng pelikulang ito. Naalala ko nang una kong mapanood ang Tatlong Taong Walang Diyos, tatlumpung taon na ang nakalipas. Sa murang edad na labing-isang taon pinilit kong mapanood ang pelikula sa isang lumang sinehan sa Antipolo. Hindi ko napanood nang ipalabas ito sa mga sinehan sa kalakhang Maynila dahil hindi ako pinayagang makapasok sa isang pelikulang For Adults Only. Sariwa sa aking murang isipan ang mga imahe sa pelikula. Hindi ko malilimutan si Rosario (Nora Aunor) nang tangkain niyang patayin ang sariling anak sa dahilang kinamumuhian niya ang kanyang sarili dahil bunga ng karahasan ang batang kanyang isinilang. Tandang-tanda ko ang mukha ni Rosario, unti-unting lumapit ang kamera sa kanyang mukha, doon ay makikita ang takot, galit, pangamba at pagdududa. Sa kanyang mga mata... mga matang naging saksi sa karahasan ng digmaan, sa karahasan ng kanyang kapwa tao. Magkahalong emosyon, muli kong naramdaman ang kurot sa aking dibdib, halos tulad ng pakiramdam ko nang una kong mapanood ang nasabing eksena. Sa aking murang isipan, hindi ko matiyak ang dahilan ng gagawin ni Rosario, ngayon labis ko na siyang nauunawaan. Naantig pa rin ako. Tama nga siguro ang mga kritiko, ang eksenang ito ay maitatala sa isa sa mga pinakamahusay sa pelikulang Pilipino.


Hindi dito nagtatapos ang paghanga ko sa obra ni Mario O'Hara. Sa kanyang ikalawang pelikula ay pinili ni O'Hara na ilarawan ang naging buhay ng mga Pilipino no'ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Mahusay niyang naipakita ang pakikipagsapalaran ng mga Pilipino sa kamay ng mapang-aping Hapones. Sa hindi inaasahang pagkakataon, ang Tatlong Taong Walang Diyos lamang ang nakapag-salarawan ng isang may simpatiyang Opisyal na Hapon sa katauhan ni Masugi (Christopher de Leon). Sa umpisa ay mapusok at marahas. Pinagsamantalahan si Rosario dala ng labis na pagkalasing at pagkawala sa sarili. Di nagtagal ay nahulog ang kanyang loob sa dalaga at ginawa ang lahat upang mapamahal siya kay Rosario at sa kanyang pamilya. Usapan noong ginagawa ang pelikula ang hindi pagkagusto ng aktor sa kanyang karakter. Binigyang linaw niya ito sa isang interbyu at sinabing hindi niya nabigyan ng kaukulang pansin ang pagganap sa pelikula sapagkat ang Tatlong Taong Walang Diyos ay nakasentro sa karakter ng dating asawang si Nora Aunor. Sa ganang akin, maihahanay ang pagganap ni Christopher de Leon sa pelikulang ito bilang isa sa kanyang pinakamahusay. Maaring naging mapang-hamon ang paggawa ng Tatlong Taong Walang Diyos ngunit umani ito ng papuri mula sa mga pinagpipitaganang kritiko. Dahil dito, isa ang pelikulang ito sa mga binigyang pansin ng kauna-unahang Gawad Urian ng Manunuri Ng Pelikulang Pilipino. Nakatanggap ang pelikula ng mga nominasyon sa iba't-ibang kategorya at naiuwi nito ang Pinakamahusay Na Pangunahing Aktres para kay Nora Aunor. Masasabing ang pelikulang Tatlong Taong Walang Diyos ang nagsimulang magluklok sa kanya sa kinalalgyan ngayon bilang Pinakamahusay na Aktres ng kanyang henerasyon. Sa Tatlong Taong Walang Diyos nagsimula ang pagsasama nina O'Hara at Aunor. Sa mga sumunod na taon ay kinakitaan natin sila ng mga di malilimutang obra. Sino ang makalilimot kay Babette sa Bakit Bughaw Ang Langit? (1981), si Yolly ng Condemned (1984) at kay Angela Aguilar ang Bulaklak Sa City Jail (1984)? Ilan sa mga pelikula at karakter na bunga ng isang masidhing pagsasama. Mga imaheng nakaukit na sa kaisipan ng manonood ng pelikulang Pilipino. Ang lahat ng ito ay nagsimula sa simpleng panonood ng sine. Ang pagbabalik tanaw sa mga klasikong pelikula ay isang pagpapahiwatig na maraming mga mahilig manood ng sine na may katuturan , may kabuluhan. Umpisa pa lamang ito.


Dulang Pampelikula At Direksiyon: Mario O'Hara
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: Minda D. Azarcon
Editing: Ike Jarlego, Jr. At Efren Jarlego
Disenyo: Vicente Bonus
Produksiyon: NV Productions
Release Date: November 19, 1976