METRO MANILA FILM FESTIVAL: Isang Pagbabalik Tanaw


Taong 1975, araw ng pasko nang ilunsad ang kauna-unahang Filipino Film Festival. Sampung araw na tanging mga sineng pinoy ang itinatanghal ng mga sinehan sa kalakhang Maynila. Kalahok ang mga pelikulang Araw-Araw Gabi-Gabi (Lyra Ventures, Inc.), Batu-Bato Sa Langit (NV Productions) at pinarangalan bilang Pinakamahusay Na Pelikula ang Diligin Mo Ng Hamog Ang Uhaw Na Lupa (JE Productions). Ngunit namumukod tangi ang mga obrang itinampok nang sumunod na taon. Kabilang dito ang Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon? (Hemisphere Pictures), Insiang (Cinemanila Corporation) at Minsa'y Isang Gamu-Gamo (Premiere Productions). Naging kontrobersyal ang taong 1977 nang mapagwagihan ng Burlesk Queen (IAN Film Productions) ang halos lahat ng kategorya sa Gabi Ng Parangal. Ipinagtaka ng nakararami ang mga kaganapan nang gabing iyon dahilan sa hindi rin maitatanggi ang kahusayan ng mga pelikulang Kung Mangarap Ka't Magising (LVN Pictures) at Inay (Lotus Films, Inc.), sa taong ito unang tinawag ang pagdiriwang bilang Metro Manila Film Festival Hindi malilimutan ang taong 1978 nang sabay na ilahok ang mga pelikula ng dalawa sa pinakamalaking bituin ng Pelikulang Pilipino, sina Nora Aunor sa Atsay (IAN Film Productions) at Vilma Santos para sa Rubia Servios (Sampaguita Pictures, Inc.). Naging laman sa mga usaping pantelebisyon ang ipinakitang husay ng dalawang aktres sa kani-kanilang mga pelikula. Karamihan sa mga mamamahayag at mga kritiko ang nagsabing mapagwawagihan ni Vilma Santos ang karangalan bilang Pinakamahusay Na Aktres. Nang dumating ang Gabi Ng Parangal ay iisang kategorya lamang ang inilaan sa pagganap at ito ay ang Best Performer Award. Nakatuon ang atensiyon ng lahat nang tawagin ang pangalan ni Nora Aunor ay ikinagulat ito ng aktres dahilan sa hindi nito inaasahang mapapasakanya ang pinagpipitaganang karangalan. Nang umakyat sa entablado upang tanggapin ang tropeo ay tanging ang mga katagang Mamay... mali ang hula nila! lamang ang mga katagang namutawi sa kanyang mga labi. Dito nagsimula ang sunud-sunod na pagwawagi ni Nora Aunor sa taunang Metro Manila Film Festival. Kadalasa'y mga kuwento ukol sa pamilyang Pilipino ang pinapaboran ng mga hurado bawat taon. Hindi nakakapagtaka ang naging desiyon ng mga ito na ibigay ang parangal bilang Pinakamahusay Na Pelikula sa Kasal-Kasalan, Bahay-Bahayan (HPS Productions, 1979) at hindi bigyan ng kaukulang pansin ang mga obrang tulad ng Ina Ka Ng Anak Mo (Movie Masters, 1979) at Ang Alamat Ni Julian Makabayan (IAN Film Productions, 1979).

May mga pagkakataong halos inomina ng mga hurado ang lahat ng mga pangunahing bituin sa bawat pelikulang kalahok ngunit may okasyong iilan lamang ang kanilang isasama sa talaan ng mga nominado. 1980, tanging sina Nora Aunor para sa Bona (NV Productions) at Kung Ako'y Iiwan Mo (LEA Productions) at Amy Austria sa Brutal (Bancom Audiovision Corporation) lamang ang naglaban sa kategorya ng Pinakamahusay Na Aktres na siyang napagwagihan ng huli. Samantalang sa sumunod na taon ay nasaksihan ng mga manonood ang angking husay ni Mike de Leon at ng pelikulang Kisapmata (Bancom Audiovision Corporation). Natamo nito ang lahat ng karangalan maliban sa Pangunahing Aktres na napagwagihan ni Vilma Santos para sa Karma (Sining Silangan, Inc.). Sino ang makalilimot sa matatag na pagganap ni Vic Silayan bilang Diosdado Carandang? Ang nakaaantig na suportang ipinamalas nina Charito Solis at Jay Ilagan sa pelikula ay natatangi. 1982, inilunsad ang Experimental Cinema Of The Philippines at dalawa sa mga dulang pampelikulang nagwagi sa kanilang isinagawang patimpalak ay isinapelikula at inilahok sa taunang Metro Manila Film Festival. Ang Himala (Experimental Cinema Of The Philippines), Haplos (Mirick Films, International) at Moral (Seven Stars Productions) ay ilan lamang sa mga pinagpipitaganang mga likhang nagtaas ng antas sa kalidad ng pelikulang Pilipino. Tulad ng inaasahan, nang sumunod na taon ay hindi nakakawala ang mga bumubuo ng taunang Pista sa higit na malaking kontrobersiya nang bigyang pansin ng mga hurado ang Bago Kumalat Ang Kamandag (LEA Productions) at bigyang parangal ang pagganap nina Anthony Alonzo at Coney Reyes sa nasabing pelikula at balewalain ang mga obrang Karnal (Cine Suerte, Inc.) at Hot Property (Golden Dragon Films, International). Paano maipapaliwanag ang nakakapagtakang paghirang kay Herbert Bautista bilang Pinakamahusay Na Aktor para sa Shake, Rattle & Roll (Athena Productions, Inc., 1984)? Kahit pinapurihan ang mga likhang tulad ng Bulaklak Sa City Jail (Cherubim Films, 1984) at Bukas, May Pangarap (TRI Films). Isinantabi ng mga hurado ang maalam na pagganap ni Tommy Abuel bilang biktima ng illegal recruitment sa naturang pelikula. 1985 nang mailahok ang mga obrang Ano Ang Kulay Ng Mukha Ng Diyos (LEA Productions) at Bomba Arienda (Brown Fox Organization), samantalang 1987 nang huling masilayan ng mga manonood ang angking husay ni Jaclyn Jose sa Itanong Mo Sa Buwan (Double M Films International). Masasabing tuluyan nang binalewala ng mga namumuno sa Metro Manila Film Festival ang paghahandog ng natatanging mga obrang maipagmamalaki hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Tunay na nakakapanghinayang.

4 Response to "METRO MANILA FILM FESTIVAL: Isang Pagbabalik Tanaw"

  1. paolomanalo says:
    3:30 PM

    Happy holidays! :)

    I really appreciate your work here. It brings back a lot of movie memories.

  2. Jojo Devera says:
    3:49 AM

    thanks a lot paolo! happy holidays to you as well!

  3. Ronald says:
    9:14 PM

    This year is perhaps the worst in the history of MMFF when quality films are concerned. Commercialism rules! They already lost their credibility to me, but I am beholden to them for recognizing Nora Aunor's greatest performance in Bernal's HIMALA.

  4. Jojo Devera says:
    5:34 AM

    i believe that one of the reasons why the MMFF is more commercialized is due to the lack of box office appeal. blending commerce and art is the hardest thing for a filmmaker to create. in most times the MMFF jurors recognized films with positive Filipino values that's why they awarded the Best Picture to the likes of Kasal-Kasalan, Bahay-Bahayan in 1979 and Taga Sa Panahon in 1980. they were also criticized in 1977 when Burlesk Queen ran away with most of the major awards, although i must say, the movie deserved it. thanks to the film critics who sat as jurors in 1982 for it's recognition of Nora Aunor's excellent performance as Elsa in Bernal's Himala.