Isang Kaso Ng ADULTERY


Namamasukan bilang waitress si Aida Macaraeg (Vilma Santos) sa isang chinese restaurant. Mag-isa niyang itinataguyod ang kanyang pamilya. Matagal nang nais takasan ni Aida ang lahat ng kanyang responsibilidad at ang pagsama niya kay Carding (Phillip Salvador) ang naging daan upang talikuran ang sariling pamilya. Nanirahan ang dalawa sa isang maliit na apartment at bahagya nilang mapagkasya ang kanilang kinikita. Nadakip ng mga may-kapangyarihan si Carding dahil sa sa pagpaslang sa isang pulis. Nasintensiyahan ito ng labing apat na taong pagkabilanggo dahil sa kinasangkutang krimen. Nang malaman ni Aida ang kanyang pagdadalantao, sumagi sa isipan niyang sumailalim sa isang aborsiyon dahil hindi niya mapapangatawanan ang pagpapalaki sa bata ng nag-iisa. Sa restaurant ay nakilala ni Aida si Tito Pangilinan (Mario Montenegro), isang  nakatatandang lalaking may sariling pamilya. Makailang ulit na sumulat si Carding kay Aida pero wala siyang sinagot kahit isa. Makaraan ang pitong taon ay lumaya si Carding at hinanap ang asawa. Ikinagulat ni Aida ang muli nilang pagkikita. Napansin ni Carding ang batang si Alvin (Alvin Enriquez) at nalaman din niya ang pakikipag-relasyon ni Aida kay Tito. Idinemanda ni Carding ng adultery si Aida at dala ng kasong kinasasangkutan ay inilayo ni Tito ang kanilang anak. Sa hukuman ay ipinagtapat ni Aida na ipinalaglag niya ang kanilang anak ni Carding dahil sa labis na kahirapan. Bago ihain ang desisyon ng korte ay iniatras ni Carding ang demanda laban kay Aida. Natanggap na nito ang situwasyon kaya't maninirahan na ito sa Cebu. Sa huli ay pinasalamatan ito ni Aida.

Masinop ang mga elemento ng pelikula sa Adultery (Regal Films, Inc.). Madulas ang daloy ng iskrip ni Jose Javier Reyes, konsistent ang disenyong biswal at sinematograpiya, malinis ang editing, akmang-akma ang tunog at musika. Ang paglikha ni Vilma Santos sa masalimuot karanasan ni Aida ay isinasapakete ng kanyang namumukod-tanging pagganap. Binalangkas ng matingkad na paglalahad ni Phillip Salvador ang mithiin sa lahat ng dramatikong tensiyong nagbibigay ng naiibang sigla sa tradisyon ng pagganap sa pelikula. Sa halip na unidimensiyonal ang pagsasalarawan sa karanasan ng isang babae ay binigyan ito ng maramihang posibilidad sa pamamagitan ng sinematikong pagsasadula ni Lino Brocka, ang istereotipong ito ay isinalaysay sa paglalakbay ng kababaihan tungo sa sariling pagkilala at katuparan.

Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Jose Javier Reyes
Hango Sa Salaysay Ni: Aida Sevilla Mendoza
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: Lutgardo Labad
Editing: Rogelio Salvador
Disenyo: Joey Luna
Produksiyon: Regal Films, Inc.
Release Date: June 1, 1984

0 Response to "Isang Kaso Ng ADULTERY"