
Muling pinatunayan ng Salome (Bancom Audiovision Corporation, 1981) na maaring lumikha ng isang kapuri-puring obrang Pilipino si Laurice Guillen. Lahat ng aspeto ng pelikula ay kahanga-hanga. Mula sa mahusay na dulang pampelikula ni Ricardo Lee na umiikot sa pagtuklas ng katotohanan. Kung susuriin, simple lamang ang nais itanong ng pelikula. Ipinagtanggol lamang ba ni Salome (Gina Alajar) ang kanyang sarili sa pagsasamantal ni Jimmy (Dennis Roldan)? Nahahati sa tatlong magkakaibang istruktura ang sagot sa katanungan. Ang una ay ang pagtatapat ni Salome sa imbestigador, samantalang ang pangalawa ay ang pagsasalaysay nito sa kanyang abogado (Carpi Asturias) at ang ikatlo ay nagmula kay Karyo (Johnny Delgado) na siyang nagkuwento ng tunay na kaganapan kay Lolo Ute (Bruno Punzalan). Sa unang bersiyon ng salaysay, ipinakita ng pelikula si Salome bilang isang inosenteng taga-nayon na naging biktima ng isang pagsasamantala. Sa ikalawa ay nasaksihan ang pagkahulog ng loob ni Salome kay Jimmy. Sa huli ay isinalarawan ang pagpilit ni Karyo sa asawang patayin si Jimmy bilang kabayaran sa ginawa nitong pagtataksil. Walang dudang katangi-tangi ang dulang pampelikula ngunit hindi maisasantabi ang husay ng direksiyon. Mapapansing sinunod ni Guillen ang iskrip ni Lee ngunit hindi lamang ang mataimtim na pagsunod dito ang kanyang ginawa. Hindi lamang naging pagsusuri ang pelikula ukol sa iba't-ibang mukha ng katotohanan, ito ay pagsasalarawan ng isang indibidwal na tinuligsa ng kanyang kapaligiran. Kadalasa'y ipinapakita si Salome sa gitna ng mga kaguluhang naging tulay sa tuluyan nitong pagbaksak.
Tuwing napapansin ang mga pagganap sa isang pelikula ito ay dahilan ng mahusay na direksiyon. Sa tatlong pangunahing bituin tanging si Dennis Roldan lamang ang hindi nakapantay sa galing na ipinamalas ng mga kasama. Mahirap ang papel na ginampanan ni Johnny Delgado. Si Karyo ay isang lalaking labis ang kahinaang pang-emosyonal, hindi magawang humarap at lumaban sa kalaguyo ng kanyang asawa at kinakailangan pa niyang iutos na patayin ito upang maitaguyod ang pagkakalaki. Ngunit higit na masidhi ang pagnanasang panoorin ang kabiyak habang nakikipagtalik sa kalaguyo nito, isang lalaking matapang na kaladkarin ang harot na maybahay sa bawat baryong kanilang kinasadlakan. Isang lalaking marubdob ang desisyong kitlin ang sarili nilang buhay bilang pagtatapos sa mga suliraning pumapalibot sa kanila. Ngunit hindi matatawaran ang talinong ipinamalas ni Gina Alajar bilang Salome. Wala nang dapat pang patunayan si Alajar sa husay nito bilang aktres, subalit muli niyang itinaas ang antas sa sining ng pagganap. Hinihingi ng papel ang tatlong magkakaibang interpretasyon ng kanyang karakter at mababanaag ang pagkakaiba ng bawat isa sa kabuuan ng pelikula sa pamamagitan ng mumunting paggalaw ng kanyang katawan at pag-iba sa tono ng kanyang boses. Mahihirapang malampasan ng ibang aktres ang pagganap na ipinamalas ni Gina Alajar sa pelikula. Nararapat bigyang puri ang teknikal na aspeto ng Salome. Mahalaga ang pagpili ng lugar kung saan iikot ang kuwento at dito ay nagtagumpay ang disenyo ni Santiago Bose. Ang huling tagpo kung saan unti-unting nilulunod ng malakas na alon sina Salome at Karyo ay mabibigyang buhay lamang ng masining na sinematograpiya ni Romeo Vitug. Ating bigyang pugay ang mga manggagawa sa likod ng Salome, isang tunay na likha ng sining Pilipino.
Direksiyon: Laurice Guillen
Dulang Pampelikula: Ricardo Lee
Sinematograpiya: Romeo V. Vitug
Musika: Ernani Cuenco
Editing: Efren Jarlego
Disenyo: Santiago Bose
Produksiyon: Bancom Audiovision Corporation


3:48 AM
Laurice Guillen's best, Gina Alajar is brilliant! Crimes of passion told in a woman's point of view. Nice location also.
3:32 PM
i think it is Guillen's best film and Gina was as amazing. in as much as she was excellent in Orapronobis Gina would always be Salome. by the way how do you like the new look?
3:53 AM
Dude your blog is cool! Nice pics also. Jo keep on blogging Pinoy films you have the talent, man.
5:46 PM
masyado lang kasing matrabaho. i have to write my posts on the weekend. since medyo busy ako wala rin ako halos time manood ng mga movies ko.