TATAY Na... NANAY Pa


Isang baklang may-ari ng parlor si Dioscoro "Coring" Derecho (Dolphy) sa Ang Tatay Kong Nanay (Lotus Films, Inc., 1978). Limang taon silang nagsasama ni Dennis (Phillip Salvador), nang walang pasabing iwan siya nito upang makisama sa kinalolokohang hostess na si Mariana Jimenez (Marissa Delgado). Makalipas ang ilang taon ay muling nagbalik si Dennis kay Coring dala ang isang batang lalaki at iniwan ito sa kanyang pangangalaga upang pumasok bilang isang US Navy. Itinuring ni Coring na higit pa sa sariling anak si Nonoy (Nino Muhlach). Sa paglaki ni Nonoy ay si Coring tumayong ama at ina ng bata. Pilit nitong itinatago ang tunay na pagkatao dahil sa ayaw nitong tuksuhin si Nonoy, ultimong sariling mga kaibigan ay pinilit ni Coring na magpanggap bilang mga tunay na lalaki sa harap ng anak-anakan. Isang araw ay nagbalik si Dennis mula sa Amerika at nang malaman nitong nakakaangat na sa buhay si Mariana ay ipinagtapat nitong mayroon silang anak. Nais kunin ni Mariana si Nonoy kay Coring dahil sa ito ang tunay na ina ng bata at higit nitong mabibigyan ng mas magandang kinabukasan ang anak. Sa sandaling panahong tumira si Nonoy sa poder ng kanyang ina ay madalas itong mapagalitan ni Mariana. Labis na dinamdam ni Nonoy ang pagmamalupit ng ina ang kaya't nagbalik ito kay Coring.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nabigyan ng simpatiya ang karakter ng isang bakla. Kakaiba ang pag-arte na ipinamalas ni Dolphy sa pelikula. Taliwas ito sa mga halintulad na papel kadalasa'y ginagampanan ng komedyante. Dito ay isinalarawan si Coring bilang isang tao at hindi karikatura. Ipinahayag ni direktor Lino Brocka ang tunay na saloobin ni Coring sa ilang piling eksena sa pelikula. Di malilimutan ang salaysay ni Coring nang magwagi ito sa patimpalak at ihayag sa harap ng maraming manonood ang hirap at pangungutyang dinaranas ng mga nilalang na tulad niya. Higit itong nabigyan ng bigat sa tulong ng madamdaming pagganap ni Dolphy. Hindi man maihahanay ang pelikula sa mga obra ni Brocka ay masasabing naipamalas ng Ang Tatay Kong Nanany ang saloobin ng mga baklang tulad ng lahat ay mamayan din at bahagi ng lipunang Pilipino.

Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Orlando R. Nadres
Sinematograpiya: Jose Batac, Jr.
Musika: Lutgardo Labad
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Fiel Zabat
Produksiyon: Lotus Films, Inc.

0 Response to "TATAY Na... NANAY Pa"