![]() |
| Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag / Manila By Night |
Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag, ang pelikula ni Lino Brocka mula sa nobela ni Edgardo M. Reyes ay isang kuwento ng pag-ibig. Ang paghahanap ni Julio (Rafael Roco, Jr.) sa nobyang nagpunta sa siyudad ay siyang nagsilbing naratibo ng pelikula. Ang pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhan sa lungsod ay tunay na makabuluhan. Maaring basahin ang pelikula bilang isang alegorya. Mapapansin ito sa mga pangalan ng mahahalagang karakter sa pelikula. Ang hinahanap na nobya ay nagngangalang Ligaya Paraiso, (Hilda Koronel) na siyang tanging kaligayahan at paraiso ni Julio na ang apelyido ay Madiaga na halos katunog ng salitang matiyaga. Maari namang ikumpara si Ah Tek (Tommy Yap) sa pera kung ang pagbabasehan ay ang salitang kalyeng atik. Samantalang si Mrs. Cruz (Juling Bagabaldo), ang recruiter ay siyang pinagmulan ng lahat paghihirap na naging pasang krus nina Julio at Ligaya. Sa Miserecordia kung saan nakakulong ang mga tulad ni Ligaya na walang humpay sa paghingi ng awa. Ngunit ang ganitong uri ng pagbasa ay mababaw at halos walang saysay. May isang mahalagang bagay kung saan higit na kakailanganin ang masusing pagbasa sa pelikula.
Ang Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag ay kuwento ng pagsasamantala bilang pamamaraan upang mabuhay sa siyudad. Ang lungsod ay napapalibutan ng mga mapagsamantala. Si Mrs. Cruz ay patuloy na nangongolekta ng buwanang bayad kay Ah Tek bilang kabayaran kay Ligaya. Binili ni Ah Tek si Ligaya upang iligtas ito sa isang masalimuot na buhay ng prostitusyon. Nariyan din ang mga pinagsamantalahan. Ang mga manggagawa sa konstruksiyon na bukas palad ang pagtanggap sa pagsasamantala dahilan sa hindi nila hawak ang sistema. Kasama din ang mga putang nagkalat sa mga madidilim na lugar na hantarang nagpapasamantala upang mabuhay. Kapwa naranasan ni Julio ang pagsasamantalang dulot ng dalawang karanasan. Sa gitna ng lahat ng ito ay nariyan pa rin ang mga taong may mabubuting kalooban tulad ni Pol (Tommy Abuel) na kuntento sa paghahanapbuhay kasama ang kanyang kumpadre sa konstruksiyon. Si Imo (Pio de Castro III), na ang tanging pangarap ay makapagtapos sa kolehiyo upang magkaroon ng isang matatag na hanapbuhay. At si Bobby (Jojo Abella), na siyang nagkandili kay Julio ay lantarang nagbebenta ng katawan upang kumita. Naipit sa lahat ng pagsasamantalang ito si Julio. Nasaksihan niya ang kakulangan ng hustisya at dinanas ang lupit ng siyudad. Nang madaan si Julio sa harap ng mga naghihimagsik laban sa pasismo at imperyalismo ay isa ito sa mga hindi nakatawid tungo sa kundisyong pampulitikal ng lipunang kanyang ginagalawan. Hindi niya nakita ang ugat ng pagsasamantala, na ang sarili niyang suliranin ay ang lipunang bingi sa hinaing ng bayan.
Ang Maynila Ayon Kay Bernal
Kung ang Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag ay tumalakay sa proletaryadong bahagi ng siyudad, ang Manila By Night ni Ishmael Bernal ay tungkol sa kulturang nakapaloob sa mundo ng prostitusyon, homosekswalidad, droga at mga tauhang sa paningin ng nakaaangat ay salot ng lipunan. Ang Maynila sa pelikula ni Bernal ay isang pinagtagni-tagning kuwento ng iba't-ibang tauhan. Si Alex (William Martinez) ay isang estudyanteng matapos ang klase ay nagbababad sa motel kasama ang nobyang si Vanessa (Gina Alajar). Nang malulong sa ipinagbabawal na gamot si Alex ay nakisama ito kay Manay Sharon (Bernardo Bernardo), isang baklang couturier na umiwas nang malulong sa masamang bisyo ng binata. Nariyan din si Kano (Cherie Gil) ang nagtutulak ng droga, na nahuhumaling kay Bea (Rio Locsin), isang bulag na masahista. Kadalasa'y ito rin ang tumatayong bugaw ni Bea nang minsang ialok ni Kano ang serbisyo nito kay Alex. Naghahanapbuhay si Bea sa Sauna Turko kung saan higit pa sa masahe ang ginagawa nito. Nakikisama si Bea kay Greg Williams (Jojo Santiago), na tumulak patungong Saudi Arabia ngunit naging biktima ng illegal recruiter. Sa paghahanap ng ibang pagkakakitaan, sinubukang isama si Bea upang lumabas sa isang live sex show na hindi natuloy dahil sa pagtanggi ni Bea. Si Manay Sharon ay nakikipag-seks kung kani-kaninong lalaki sa bawat oportunidad na dumarating sa kanya. Kabilang dito sina Pebrero, isang taxi driver at nang lumaon, si Alex. Sawa na sa panandaliang ligaya si Manay Sharon pero hindi naman siya handa sa isang seryosong pakikipag-relasyon. Si Pebrero (Orestes Ojeda) ay may dalawang anak sa una ngunit nakikisama kay Adelina (Alma Moreno), nagkukunwaring nars pero nagtatrabaho bilang puta. Waitress si Baby (Lorna Tolentino), labis na nagmahal at nagtiwala kay Pebrero, ngunit nang magbuntis ay pinagtaguan at binalewala lang siya nito. Ang ina ni Alex na si Virgie (Charito Solis) ay dating puta sa Miserecordia. Nagmamalinis, laging pinupunasan ng alcohol ang mga kamay na tila patuloy na hinuhugasan ang kanyang maruming nakaraan. Bukod sa mga nabanggit, ang siyudad ay pinalilibutan din ng mga may kapansanan (emosyonal at pisikal), at mga magnanakaw.
Maaring hindi lantaran ang pagsasamantala sa pelikula ni Bernal ngunit hindi rin ito maaring ipagwalalang-bahala. Naging biktima ng illegal recruitment si Greg Williams at nais nitong pagsamantalahan si Bea sa pamamagitan ng paglabas sa isang live sex show. Ipinahiwatig ng pelikula ang lupit ng buhay sa siyudad. Nakakamit ng mga tauhan ni Bernal ang lubos na kaligayahan sa pamamagitan ng seks at ipinagbabawal na gamot. Ito ba ay hudyat ng patuloy na paglubog ng moralidad? Sa siyudad ni Bernal, walang tama o mali, mabuti o masama. Ang mahalaga ay ang pagpapatuloy ng buhay at ipagdiwang ito. Ngunit hanggang saan ang pagdiriwang na ito? Nang mapatay si Adelina sa kalye ng isang di kilalang tao? Ang pagtalikod ni Pebrero kay Baby? Ang paghingi ng kapatawaran at pagbabalik loob ni Manay Sharon sa Diyos, ang pagkakadakip kay Kano, ang pakikipaghiwalay ni Vanessa kay Alex, ang patuloy na pagtatrabaho ni Bea sa Sauna Turko at si Alex, matapos makatakas sa paghahabol ng mga may kapangyarihan ay inilatag ang katawan sa damuhan at isinara ang mga mata upang hindi masilaw ng sumisikat na araw. Anuman ang mapagdesisyunang gawin ni Alex ay mananatili ito sa siyudad, walang ibang siyudad para kay Alex dahil malaking bahagi ito ng kanyang buhay at buong pagkatao.
Kapwa isinalarawan nina Brocka at Bernal ang Maynila sa mga manonood. Dalawang magkaibang pananaw na pumukaw sa ating isipan sa panahon ng rehimeng Marcos, ngunit mahalaga pa rin magpahanggang ngayon. Ang siyudad ay patuloy na nagsilbing pugad sa mga suliraning panlipunan. Ipinakita ni Bernal ang isang Maynila kung saan ipinagdiriwang ang buhay ng mga naninirahan dito, kay Brocka ay namulat tayo as isang siyudad na napapalibutan ng paghihikahos at pakikibaka sa kundisyon ng pagsasamantala.



6:35 AM
While there's really no point in comparing because both are masterpieces, in my humble opinion, however, Bernal's Manila is superior to that of Brocka's.
I think most people are right in saying that By Night is Bernal's best while Kuko is probably just Brocka's third or fourth best work (I think Tinimbang and Insiang would be his finest works.)
Thanks for another fantastic article, Mr. De Vera.
8:56 AM
Two of my favorite films of all time. Two of the best Manila movies.
9:04 AM
there's no argument... both are great films. they offered different perspectives of Manila through the eyes of these two brilliant filmmakers. each has its own unique style that makes it stand out. it's hard to choose which one is better. this much i can say, they vary in content, Brocka is more political while Bernal's is more social.
9:06 AM
hi Ronald!
yes these are two of the best Manila themed movies but don't forget there's also Mario O'Hara's Manila trilogy and his pseudo tribute to the Bernal classic Uhaw Sa Pag-Ibig...
4:52 AM
I can't think of any filmmaker that can remake those two films. Both are outstanding output during the early 80's. Hey, Jojo I like the heading of your blog. Its like im entering Blockbuster Video House but Pinoy style. Keep up the good work!
Galing!
5:45 PM
there isn't any filmmaker alive who can equal the excellent work these two directors created with these masterpieces.
i'm glad you liked the new look of this blog. maraming salamat!
1:01 AM
The closest I think are Mike de Leon and Jeffrey Jeturian. I need your comment about this.
3:46 AM
Mike de Leon maybe a great filmmaker but he doesn't have Brocka's foresight or Bernal's candor. Jeturian showed great promise in Pila Balde and Sana Pag-Ibig Na but he still needs to explore deep into the Filipino conciousness to get a better grasp of life in the Philippines.
3:52 AM
when i saw MANILA BY NIGHT in one of sm megamall's special screening i was dumbfounded! never seen a filipino film like this before.my favorite scene was when charito solis was visited by a former friend who is still a whore,like her before.and i loved the songs played in the movie-medyo bakya na siguro sa pandinig ngayon. and the fashion! loved alma's skintight,shiny blue pants! ano ba tawag dun? but it was the story that made it a classic,not to mention the direction. and the actors were quite good,esp. william,he shoud've done more drama after this movie kesa comedy. i hope to get a copy of manila soon,pero wala ako makita sa pinas,ang mahal naman sa internet.
3:56 AM
jojo,who was the actor who played BOBBY in manila sa mga kuko...and bembol rocco's gay customer in the casa? will we see the film in dvd soon? sana may commentaries ng mga actors.
6:08 PM
i think Manila By Night is also available on vcd format. the actor who played Bobby was Jojo Abella and the gay customew was Rikki Jimenez. i don't think Maynila will be available on video anytime soon. Mike de Leon is holding onto it.
10:54 PM
wow. nice review, Jojo :)
I've seen both films (Brocka's film, I saw way back in college in my film class; Bernal's, I saw when the film came out on dvd), and man, they were great. I've yet to see Maynila sa Kuko... again, or whenever that comes out on dvd.
wedge (from pinoydvd)