Si BONA... Dakilang Alalay


Metro Manila Film Festival, taong 1980. Dalawa sa mga kalahok na pelikula ay pinangungunahan ng Superstar na si Nora Aunor. Kung Ako'y Iiwan Mo ka-bituin si Christopher de Leon sa direksiyon ni Laurice Guillen mula sa LEA Productions at ang Bona handog ng kanyang sariling NV Productions kasama si Phillip Salvador na idinerehe ni Lino Brocka. Sa dalawang magkasunod na taon isang dramatiko at isang komedya ang uri ng pelikulang inilalahok ng Superstar sa taunang pista ng Pelikulang Pilipino. Noong 1978, nariyan ang Atsay kung saan siya ay hinirang na Best Performer - ang nag-iisang taon kung saan pinagsama-sama ang lahat ng kategorya sa pagganap at Jack & Jill Of The Third Kind ang ikalawang pelikula nila ng Comedy King na si Dolphy sa direksiyon ni Frank Gray, Jr. na siyang naging top grosser ng festival. 1979 naman nang ilahok ang Ina Ka Ng Anak Mo isang obra ni direktor Lino Brocka kung saan nakipagtagisan siya ng husay sa pag-arte kay Lolita Rodriguez. Itinanghal siyang Best Actress katuwang si Lolita. Kasabay nitong nagwagi ang pelikulang Kasal-Kasalan, Bahay-Bahayan bilang Best Picture. kasama dito sina Christopher de Leon, Alma Moreno at Rudy Fernandez sa direksiyon ni Pablo Santiago. Marami ang nagsabing mali ang naging desisyon ng aktres na pagsabayin ang dalawang dramatikong behikulo para sa sa taunang festival. Ang Bona ay kuwento ng isang estudyante at ang kanyang obsesyon kay Gardo Villa (Phillip Salvador), isang bit player sa pelikulang maikukumpara sa isang artistang hindi pa sikat ay laos na. Madalas nagbababad si Bona (Nora Aunor) sa shooting ng paboritong aktor. Sinusundan niya ito kahit saan magpunta. Dahilan na rin sa di karaniwang pagkahibang nito, napabayaan niya ang kanyang pag-aaral, tinalikuran ang sariling pamilya upang mapagsilbihan ng husto ang kanyang idolo. Nagsumiksik si Bona sa barung-barong na tinitirahan ni Gardo at tumayong alalay nito. Makikitang hindi ordinaryong obsesyon lamang ang naging basehan ng pagpayag ni Bona na alilain siya ni Gardo. Minsan ginamit pa nitong aliping pangsekswal si Bona. Babaero si Gardo. Harapan niyang ipinamumukha ito kay Bona. Nariyang mabuntis niya ang isang batang estudyante kung saan kay Bona pa hiningi ang perang gagastusin sa pagpapalaglag ng bata. Ipinakilala din ni Gardo si Katrina (Marissa Delgado), isang mayamang biyudang mag-aahon sa kanya sa kahirapan. Dahil na rin sa sama ng loob na idinulot ni Bona sa kanyang pamilya, tuluyan na siyang itinakwil ng mga ito. Sinisisi siya sa biglaang pagkamatay ng kanilang ama. Ano ngayon ang gagawin ni Bona? Lumapit sa idolo upang isangguni ang kanayang suliranin, ngunit ang naging kasagutan ni Gardo? Binalewala niya si Bona, iiwan na niya ito at sasama na kay Katrina sa Amerika. Ang kasagutan ni Bona kay Gardo? Paghihiganti. Ang pakawalan ang nagpupuyos na damadamin. Naging malamig si Gardo sa kanya. Ano ang panlaban sa lamig? Isang kaldero ng kumukulong tubig. Ibinuhos ni Bona kay Gardo ang mainit na tubig, isang simbulong paulit-ulit ipinakita sa kabuuan ng pelikula. 

Bakit tubig ang ginawang simbolo nina direktor Lino Brocka at ng manunulat na si Cenen Ramones sa pelikulang Bona? Kung iisipin, pagtitinda ng tubig sa riles ng tren ang hanapbuhay ni Nora Aunor bago ito sumali at naging kampeon sa Tawag Ng Tanghalan. Sa pelikula, maraming eksenang ipinakitang umiigib ng tubig si Bona o di kaya'y nagpapakulo siya nito upang ipampaligo ni Gardo. Naglakad din si Bona sa tubigang daan. Maaring naisip ito ni Brocka upang maipahatid ang mensahe ng relasyong namuo sa dalawang pangunahing tauhan ng kuwento. Sa tubig nagsimula at sa tubig din magwawakas. Matatandaang malakas ang ulan nang unang magkita sina Bona at Gardo. Kung tutuusin, simple ang naratibo ng pelikula ngunit kakaiba ang estilong ginamit ni Brocka upang ipahayag ang mga pangyayari sa likod ng kuwento ni Bona. Di tulad sa Insiang na tuwiran niyang ipinakita ang problemang namumuo sa mag-inang Tonya at Insiang. Sa pelikulang Bona, kinakailangan ang masususing pag-intindi sa di pangkaraniwang pagtitinginan nina Gardo at Bona. Hindi man nakamit ni Nora Aunor ang minimithing Best Actress Award sa festival, dahilan sa napanalunan ito ni Amy Austria para sa Brutal, itinanghal naman siyang isa sa Pinakamahusay Na Aktres ng Manunuri Ng Pelikulang Pilipino para sa kanyang madamdaming pagganap sa Bona katuwang si Gina Alajar para sa Brutal. Nakakapanghinayang at hindi man lamang nagantimpalaan ang kahusayang ipinamalas ni Phillip Salvador bilang Gardo. Naanyayahan ang Bona na itanghal sa Director's Fortnight ng prestihiyosong Cannes Film Festival nang sumunod na taon. Umani ang pelikula ng papuri mula sa mga kritiko sa ibang bansa. Muling nagdala ng karangalan ang Bona sa Pilipinas. Patotoo lamang na ang Bona ay isa sa ipinagkakapuring pelikula ni direktor Lino Brocka. Tulad ng kadalasang tema sa mga obra ni Brocka tuwiran niyang ipinadama sa pelikulang Bona ang kahirapang nanunuot sa ating lipunan. Ang bulag na paniniwala ng mga Pilipino at ang ating hindi maipaliwanag na pagkahumaling sa mga artista. Iniidilo ng karamihan si Nora ngunit sa Bona ay naging isa siyang tagahanga, tulad nating mahilig manood ng sineng Pinoy. Ito siguro ang nag-iisang dahilan kung bakit pinagpipitagang aktres si Nora Aunor, sa kanyang mga pelikula ay nakita natin ang ating sarili sa ginintuang telon, isa siya sa atin, hindi pangkaraniwan ngunit may katotohan.

Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Cenen Ramones
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: Max Jocson
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Joey Luna
Produksiyon: NV Productions

3 Response to "Si BONA... Dakilang Alalay"

  1. Nestor says:
    7:20 PM

    Hi, kapatid.

    Mabanggit ko lang na sa MMFF noong 1980, dalawang artista lang ang nominado sa best actress award: si Nora para sa 2 pelikula (Bona at Kung Ako'y Iiwan Mo) at si Amy Austria para sa Brutal. May pelikula si Vilma sa festival (Langis at Tubig) pero ang pagganap niya ay di nakakuha ng nominasyon.

  2. Jojo Devera says:
    7:11 AM

    Totoo yan kapatid. Napanood ko ang awards night at nagulat ako sa double nomination ni Ate Guy... nahati ang boto sa kanya kaya nanalo si Amy Austria. Hindi na-nominate si Vilma sa Langis At Tubig the following year siya nanalo for Karma.

  3. Melanie says:
    11:29 PM

    Isa sa pinakapaborito kong pelikula ni La Aunor (the other one is Bakit Bughaw). Talagang ramdam mo ang obsession niya sa karakter ni Ipe. Kesehodang mag-bote garapa okay lang basta para sa minamahal. Of course, walang makakapantay sa ending ng pelikula.

    Napansin ko, parang wala pa kayong review sa Bakit Bughaw Ang Langit? o baka 'di ko lang nakita.