
Taong 1978. Sa isang pambihirang pagkakataon muling pinagsama ang dalawa sa pinakamalaking bituin ng Pelikulang Pilipino, sina Nora Aunor at Vilma Santos, kasama si Christopher de Leon sa Ikaw Ay Akin (Tagalog Ilang-Ilang Productions) mula sa dulang pampelikula ni Jose Carreon at pinamahalaan ni Ishmael Bernal. Kaiba ang Ikaw Ay Akin sa nakasanayan nang uri ng pelikula tungkol sa dalawang babaeng nag-aagawan sa atensyon at pagmamahal ng isang lalaki. Limang taon nang magkasintahan sina Teresita Valdez (Nora Aunor) at Rex Aguilar (Christopher de Leon). Kuntento sa kanilang relasyon ang dalawang magsing-irog. Isang gabi, habang kapwa naghihintay na magsimula ang miting na kanilang dinulugan, ay nakilala ni Rex si Sandra Aragon (Vilma Santos), at dito nagsimula ang kakaibang atraksyon na namagitan sa kanilang dalawa. Magkaiba ng personalidad ang dalawang babae. Si Tere ang tipong nagbibigay, nagmamahal, nag-aaruga at nag-aasikaso sa kasintahan, samantalang kay Sandra, ay nagkaroon ng gamit si Rex dahil sa siya ang sinsandalan nito sa mga pangangailangang emosyonal. Di tulad ng naunang uri ng pelikulang may temang tatsulok na pag-ibig, kakaiba ang paraan na ginamit nina Bernal at Carreon upang maipahiwatig ang mensaheng nais nilang iparating. Maayos nilang naipakita sa pelikula na hindi kailangan ng mga eksena ng komprontasyon sa pagitan ng dalawang babae, kundi sa tahimik at kaswal na pamamaraan ay maiintidinhan na ng mga manonood ang damdamin ng mga pangunahing karakter sa pelikula. Naging matagumpay si Bernal sa puntong ito dahilan sa binigo niya ang inaasahan ng mga libu-libong tagahanga ng dalawang bituin. Iilan lamang ang eksenang magkasama sina Nora at Vilma, at sa bawat pagkakataong nangyari ito sa buong pelikula ay halos walang imikan ang dalawang batikang aktres.
Makikita sa Ikaw Ay Akin ang dalawang magkaibang estilo ng pagganap na ipinamalas nina Nora at Vilma at kapwa akmang-akma ito sa buong katauhan ng mga karakter na kanilang ginampanan. Sino ang mas mahusay sa kanilang dalawa? Kani-kaniyang opinyon, depende sa mga nakapanood ng pelikula. Maraming nagsabing mas pinaboran daw ni Bernal si Vilma sa dahilang mas maramin itong mabibigat na eksena kaysa kay Nora, ngunit paano makakalimutan ang huling tagpo sa Ikaw Ay Akin kung saan mahabang katahimikan ang naging daan upang higit na magkaintindihan sina Tere at Sandra tungkol sa kanilang pag-ibig kay Rex. Kung totoong mas pinaboran ng direktor si Vilma ay nakabawi naman ito ng husto kay Nora pagdating sa nabanggit na eksena. Kakaiba din ang husay na ipinamalas ni Christopher de Leon, maaring alam niyang ang Ikaw Ay Akin ay pelikula ng dalawang malalaking aktres kung kaya tama lamang ang bigat ng pagganap na ipinamalas ng aktor sa papel ni Rex. Napagwagihan ni Christopher ang Pinakamahusay Na Pangunahing aktor mula sa Manunuri Ng Pelikulang Pilipino nang sumunod na taon samantalang kapwa nakatanggap ng nominasyon bilang Pinakamahusay Na Pangunahing Aktres sina Nora at Vilma sa Ikaw Ay Akin ngunit kapawa sila natalo ni Beth Bautista para sa kanyang mahusay na pagganap sa Hindi Sa Iyo Ang Mundo, Baby Porcuna. Hindi matatawaran ang tagumpay ng mga manlilikhang bumuo sa Ikaw Ay Akin na nagtaas ng kalidad ng dramatikong pelikulang Pilipino, nagturong umintindi ng husto sa damadamin ng mga taong tunay na nagmamahalan.
Direksiyon: Ishmael Bernal
Dulang Pampelikula: Jose N. Carreon
Sinematograpiya: Sergio Lobo
Musika: The Vanishing Tribe
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Mel Chionglo
Produksiyon: Tagalog Ilang-Ilang Productions


9:51 PM
salamat sa mga sinusulat mo na nagbibigay ng panibagong balik-tanaw sa mga pelikulang pilipino. ang tanong ko saan mo nakukuha ang mga larawan? may mga kopya ka ba ng pelikula na sinusulat mo? sa dvd?
3:29 PM
nakakatuwa naman at kahit paano ay nakakapagpaligaya naman ako sa mga tulad mong mahilig manood ng pelikulang Pilipino. meron akong mga original vhs tapes na inililipat ko sa dvd para makapag-post ako ng mga eksena mula sa mga pelikulang muli kong binabalikan.
6:36 AM
ang galing galing ng site na ito...isang linggo na akong pabalik-balik at hindi ako nagsasawa...tuloy lang...
you are such a genious..
GOd Bless
1:32 PM
thanks a lot Jeremiah! huwag ka sanang magsasawa. keep on reading!
7:06 PM
galing nyo naman........salamat
4:16 PM
maraming salamat sa pagbisita!