
Mahirap mang tanggapin ngunit hindi lamang mga pelikulang de-kalidad ang naging bahagi ng dekada '70 at 80. Nariyan din ang mga uri ng sineng ginawa lamang upang mabigyan ng pansamantalang aliw ang mga manonood. Taong 1980 nang ipalabas ang Tambay Sa Disco (Associated Entertainment Corporation) na idinerehe ng pamosong si Cloyd Robinson mula sa panulat ni Toto Belano. Pinangungunahan nina Alma Moreno, Al Tantay, Beth Bautista at Tet Antiquiera. Umiikot ang kuwento sa mga tauhang nagnanais makaahon sa kahirapan at gagawin ang lahat upang makamtan ang minimithing panagarap sa anumang paraan. Nariyang ibenta ang sariling katawan sa mga taong maaring makatulong sa ikatutupad ng ninanais. Isa si direktor Cloyd Robinson sa maituturing na exploitative filmmakers ng dekada '80. Binansagang baklang-bakla ang klase ng mga pelikulang idinidirek niya. Manipis ang istorya ng kanyang mga pelikula tulad ng Tambay Sa Disco. Walang aral o mensaheng mapupulot ang mga manonood dito. Nakalantad ang mga halos hubad nang katawan ng mga bida. Sa umpisa pa lamang ng pelikula may mga eksenang animo'y nagpi-pictorial sina Alma, Al at Tet, samantalang si Alma lamang ang naging modelo sa istorya. Wala naman itong kinalaman sa kabuuan ng pelikula. Ang nakakapagtaka, naging maluwag ang sensura sa ganitong mga uri ng pelikula. Mapapansing mas higit silang pinaboran kaysa sa mga ipinagmamalaking obra ng mga batikang direktor ng pelikulang Pilipino. Lantarang ipinakita sa pelikula ang kahubdan ng lahat ng artistang nagsiganap dito, samatalang pinuputol ang mga maseselang eksena sa mga pelikulang tulad halimbawa ng ginawa sa Manila By Night. Halos naging isang malaking katanungan ito hindi lamang sa mga manonood kundi pati na rin sa industriya ng Pelikulang Pilipino. Dahilan na rin sa kaluwagang ito naging malakas ang pelikula sa takilya at dinumog nga mga manonood. Naging madalas ang pagpapalabas ng ganitong sine sa kalakhang Maynila.
Hindi rin maikukumpara ang klase ng mga pelikulang ginawa ni direktor Cloyd Robinson sa mga nagawa nina Elwood Perez, Joey Gosiengfiao at Danilo Cabreira. Magkakaiba ang kanilang estilo sa paggawa ng pelikula. Masasabing "high camp" ang uri ng mga pelikulang ginagawa nina Perez, Gosiengfiao at Cabreira, hindi seryoso kaya hindi dapat seryosohin, samantalang ang kay Robinson ay nagpapaka-artistiko ngunit wala naman itong merito. Naisalba ni Perez ang kanyang reputasyon at naipakita ang angking kahusayan sa paggawa ng mga pelikulang tulad ng Bilangin Ang Bituin Sa Langit at Ang Totoong Buhay Ni Pacita M., samantalang ang Temptation Island at Underage ni Gosiengfiao ay bahagi na ng makabagong Pelikulang Pilipino at ang Araw-Araw Gabi-Gabi ay patunay na kayang gumawa ni Cabreira ng isang seryosong dramatikong pelikula. Ano na ang nagyari kay Cloyd Robinson? Napag-iwanan na siya ng mga nabanggit na direktor, ngunit hindi pa rin maisasantabi ang kanyang kontribusyon sa "Pinoy Pop Cuture" sa pamamagitan ng kanyang mga pelikulang tinagkilik din natin... ng mga manonood ng Pelikulang Pilipino.
Direksiyon: Cloyd Robinson
Dulang Pampelikula: Toto Belano
Sinematograpiya: Rudy Dino
Musika: Lutgardo Labad
Editing: Augusto Salvador
Disenyo: Lando Perez-Jacob
Produksiyon: Associated Entertainment Corporation


0 Response to "Bakit Kailangan UmisTAMBAY SA DISCO?"
Post a Comment